Share

Chapter 1: The Preparation

Tagaktak na ang pawis ngunit hindi pa rin tumitigil si Veron Stacey sa pagsuntok at pagsipa sa mga nakahilerang kahoy at bakal sa kaniyang harapan. Isa ito sa mga trainings na dapat niyang ipasa upang mapabilang sa secret agency na nais niyang pasukan. Hindi biro ang lahat ng pagod at hirap niya upang makapasok lamang sa sikat na secret agency na iyon.

Halos dumugo na rin ang buo niyang kamao at magkasugat-sugat ang kaniyang mga paa ngunit handa siyang tiisin ang sakit at hapdi maging magaling lamang. Lahat ng paraan ay pinag-aralan at pinaghandaan niya. Maging ang paggamit ng sibat, baril, katana, itak, espada at iba’t ibang armas ay nagawa na rin niya ngunit para sa kaniya ay hindi pa rin iyon sapat.

Ngayon ay nakapiring na ng itim na panyo ang kaniyang mga mata.

“Ito na ang huli mong pagsasanay. Sa loob ng labinlimang minuto ay kailangan mong mabaril ang mga dagang ikinalat namin sa buong paligid. Kapag may natirang isa ay siguradong babagsak ka!” mahigpit na paalala mula sa radio voice transmitter na pumapailanlang sa buong paligid ng training grounds.

Binundol ng kaba ang kaniyang dibdib. Paano siya makapapasa kung nakapiring siya at walang makita sa buong paligid?

Ramdam niya ang mesa na nasa kaniyang harapan. Nang kapkapin niya iyon ay puro baril at bala ang nakalatag doon. Wala siyang makita kahit isa ngunit nararamdaman niya ang kaniyang buong paligid. Kailangan niyang pumasa kahit ano pa man ang mangyari.

Kinuha ni Veron ang isa sa mga nakapa niyang armas. Huminga siya ng malalim at tumayo ng tuwid. Nang marinig niya ang hudyat ng pagsisimula ay tsaka rin niya narinig ang mumunting tunog ng mga daga sa buong paligid. Alam niyang limitado lang ang mga bala ng armas na iyon at malabong magkarga pa sa loob lamang ng labinlimang minuto. Huminga siya ng malalim at sinimulan na ang pagpapaulan ng bala sa direksyon ng mga naririnig niyang huni at kaluskos. Wala siyang tigil sa pagpapaulan ng bala hanggang sa humina na ang mga huning naririnig niya sa buong paligid. Pinigilan niya ang sariling paghinga dahil hindi siya makarinig ng maayos dulot ng kaniyang paghingal. Unti-unti ay inisa-isa niya ang pagbaril sa mga daga na ramdam niyang naroroon pa rin sa paligid.

“Time is up!” narinig niyang ani ng tinig sa radio voice transmitter, “I can’t believe this. You’re such a monster!”

Nang alisin niya ang suot na piring ay bumulaga ang nagkalat na dugo at katawan ng mga daga sa buong paligid. Walang natirang buhay kahit isa. Napangisi si Veron Stacey.

“Paano ba ‘yan? Pasado na ako,” taas-noo niyang bigkas kahit na hindi rin naman kaharap ang kausap.

“You should control your feelings, Veron or else, you'll lose out.”

“I don’t care,” bigkas niya at binaril ang speaker na pinagmumulan ng tinig na iyon.

Siguro naman ay handa na siyang harapin ang halimaw na iyon. She can be a monster, afterall.

ONE MONTH LATER…

Ngayon ay abala si Veron sa pagprepara para mamayang gabi. May nasagap kasi siyang balita na magkakaroon ng pagtitipon sa pagbubukas ng bagong negosyo ni Mr. Chua. Isa itong multi-billionaire business tycoon at kahit sino ay handang dumalo sa importanteng pagtitipong iyon. Oras na para mamingwit ng malalaking isda at mapabilang sa malaking korporasyong iyon. Ngunit hindi lang iyon ang nagustuhan niyang balita. Napag-alaman niyang dadalo rin sa pagtitipong iyon ang taong hinahanap niya. Ang taong pumatay sa kaniyang mga magulang.

After all this years na paghahanap ay sa wakas natunton na rin niya ang taong iyon. Bakit pa kasi nilihim sa kaniya ng kaniyang organisasyon ang patungkol sa taong iyon at pagkatapos ay malalaman din niya? Nakatatawa, hindi ba? Sa pamamagitan ng isinagawa niyang lihim na pag-iimbistiga sa pamamagitan ng pagkokonekta sa mga taong may posibilidad na sangkot sa pagkamatay ng kaniyang mga magulang dalawampung taon na ang nakararaan, ngayon ay tila matutuldukan na ito. Halos isang buwan din niyang isinagawa ang plano dahil simula pa lang naman ay may hawak na siyang teorya. 

Hindi niya nagustuhan ang pagtago sa kaniya ng impormasyon patungkol sa taong iyon ng kaniyang tinaguriang mga kakampi. Tila pinoprotektahan pa nila ito mula sa kaniya. Kaya simula ng siya ay magrebelde sa organisasyon dahil sa pagtanggi ng mga ito sa kagustuhan niyang maghiganti ay nagsagawa siya ng sarili niyang misyon. Ngayon ay heto na nga. Matigas man ang ulo kung ituring ng lahat ay wala siyang pakialam. Ayaw niya ang kilos pagong para sa hustisya ng kaniyang mga yumaong mga magulang.

Mabilis siyang tumungo sa sariling silid at kaagad na tumungo sa sariling banyo para maligo. Sa kaalamang hindi lang dapat mga armas ang dapat niyang ihanda kundi maging ang sarili.

Inihanda niya ang jacuzzi at nilagyan na rin ng sariwang talulot ng bulaklak at scented oil. Gusto niyang makapag-relax man lang bago sumabak sa giyera. Ibinabad ni Veron ang sarili sa jacuzzi habang iniisip ang mga plano kung paano niya papaslangin ang taong iyon—sa madaling paraan ba o sa mahirap na paraan na lang? Wala siyang ibang hangad kundi ang makuha ang hustisya sa pagkamatay ng sariling mga magulang. Pero mas masaya kung unti-unti ang gagawin niyang pagpapahirap sa hayop na iyon kung saan magmamakaawa na itong patayin na lang niya. Hindi niya tuloy napigilan ang mapangisi dahil sa tumatakbo sa kaniyang isipan.

Matapos maligo ay sumunod na hinanda ni Veron ang kaniyang mga armas. Suot ang kulay cream na roba ay hinarap niya ang sariling kama. May pinindot siyang pushbutton sa gilid ng kama at kusang umangat ang kaniyang queen size bed. Tumambad sa kaniyang paningin ang iba’t ibang klase ng armas na pinakatatago niya mula pa sa inimbentong gamit ng kaniyang mga magulang. Alam na niya kung paano gagamitin ang mga iyon.

Tinungo niya ang sariling walk-in closet at kumuha ng isang black silk long gown na may mahabang slit sa gilid bagay na ikinalitaw ng kaniyang mahaba at maputing mga hita. She wear that kind of gown not to attract boys but to access weapons all over her body. 

Sa kaniyang mga hita ay nakakabit ang strap kung saan nakatago ang revolver gun na maliit lamang kung tingnan ngunit kayang barilin kahit gaano pa kalayo ang target. Marami rin iyong reserbang bala kaya kampante siyang sapat na ang k*****a niyon. Alam niyang hindi siya bibiguin ng mga armas ng sariling mga magulang. Sa dibdib niya ay nakatago ang singliit ng butones na recorder. Walang maghihinala na may nakatagong recorder sa parteng iyon ng kaniyang katawan. Baka kailanganin niya iyon habang naroroon sa pagtitipon. Magbabakasakali siyang baka may tumugon sa kaniyang imbitasyon para paslangin ang dapat paslangin.

Naka-pony tail ang kaniyang buhok na bahagyang nakababa ang iilang hibla ng buhok sa gilid ng mga tainga. Walang makakaisip na ang suot niyang hair clip ay gawa sa katana na kayang pumatay ng tao sa oras na masugatan nito. Maingat ang pagkakalagay niyon sa kaniyang buhok.

Hindi kumpleto ang kasuotan niya kung wala ang hearing device na tila hikaw na natatanging contact niya kay Agent Blue. Alam niyang kahit isa ito sa kanilang organisasyon na tutol sa mga padalos-dalos niyang desisyon ay narito pa rin ito at hindi makakatiis na tulungan siya. Kahit illegal ito sa kanilang organisasyon. Hindi niya dapat ito makakalimutan at baka maya-maya’y bigla siyang tawagan nito. Nakasuot rin siya ng contact lens na kayang makakita sa dilim. Kung sakali lang na magkaroon ng aberya sa pagtitipon at biglang mamatay ang lahat ng ilaw. Mainam na iyong handa ka lagi.

Syempre, hindi mawawala ang simpleng make-up at inosenteng awra ng isang Veron Stacey Santibañez. Napangiti siya nang sipatin ng tingin ang sarili sa salamin. 

“You’re beautiful,” bigkas ni Veron sarili at malawak na ngumisi.

HABANG ABALA sa pag-aayos ng sarili ay narinig na ni Ynzo Abraham ang tinig ng ina mula sa labas ng silid.

“Ano ka ba naman, Ynzo. Ang tagal-tagal mo naman. Mahuhuli na tayo sa party, e!” sigaw ng ina sa labas.

“’Andiyan na po, Mom!” ganting sigaw niya at nakangiting lumabas ng sariling silid, “Si Mommy talaga ang apurado.”

“Ano’ng apurado ang pinagsasabi mo d’yan? Anong oras na, o! Mahuhuli na tayo!”

Dahil sa kapuputak ng ina ay napilitan na rin siyang sumunod sa mga ito at sumakay sa isang black limousine. Nakasuot siya ng itim na amerikana na ipinares niya sa american style neck tie, itim na slacks at sapatos. Maging ang ama ay nakasuot ng amerikana na angkop sa dadaluhang pagtitipon. Habang ang ina naman ay nakasuot ng gold long gown na bagay na bagay sa kaniya.

“Ikaw, Ynzo, ha. Siguradong maraming babae sa pagtitipong iyon. Bakit hindi ka maghanap ng maganda sa mga naroroon at asawahin mo na agad?” wala sa oras na suhestiyon ng ina.

“Mom, naman. Tingin n’yo po sa akin, atat na pong mag-asawa?” bigkas niya na ikinatigil ng ina.

“Aba’t loko kang bata, ah! Tingin mo ba’y bumabata ka pa? Mag-te-trenta ka na maya-maya pero wala ka pa ring ipinapakilala sa amin ng Daddy mo. Tingin mo ba’y makapapayag akong mawala sa mundo na hindi man lang nasisilayan ni anino ng magiging apo ko?” mahabang linyada ng kaniyang ina na ikinailing niya.

Ang totoo ay wala pa talaga siyang panahon sa gusto ng kaniyang ina. Marahil ay hindi pa niya natatagpuan ang babaeng tatali sa kaniyang leeg upang maisakal. Para sa kaniya, ang pag-aasawa ay hindi basta-basta. Kailangan ng mahabang panahon upang lubusang makilala ang babaeng makakasama mo habang-buhay.

“Aba’y kung ganiyang wala kang balak na mag-asawa mabuti pa sigurong huwag ka nang umasa pa sa iyong mamanahin. Mas mabuti pang ibigay iyon sa charity ng gobyerno para mapakinabangan naman.”

Nabigla si Ynzo sa sumunod na sinabi ng ina. Ano ba ang pinagsasabi nito? Hindi maaaring mapunta lamang sa charity ang kayamanang pinaghirapan ng pamilya. Nararapat lang iyon na mapunta sa kaniya.

Marahan niyang niyakap ang katabing ina. Nasa katapat na upuan lamang ang kaniyang ama at iiling-iling silang pinagmamasdan.

“Ano ka ba naman, Mommy. Sino ba ang may sabing hindi ako mag-aasawa?” paglalambing niya sa sariling ina.

“O, e bakit hanggang ngayon ay wala ka pa ring nobya na ipinapakilala?” nakangusong tanong ng ina.

“Because I want to surprise you, Mom,” aniya.

Bahagyang namilog ang mga mata ng ina. Kapagdaka’y pinaghahampas siya na ikinahiyaw niya.

“Walang hiya ka. Huwag mong sabihin na bakla kang lalaki ka!” sigaw ng kaniyang ina habang pinaghahampas siya.

Humihiyaw na iniwasan niya ang mga hampas ng ina at natatawang ikinulong ito sa sariling mga bisig upang matigil na sa paghampas.

“Syempre, lalaki po ako, Mom. Ano ka ba?” aniya na ikinatigil na nito. “I have a girlfriend at nasa States pa po kasi siya,” pagsisinungaling niya.

“Talaga? Hindi mo kami niloloko?” paniniguro nito.

“At bakit ko naman po kayo lolokohin?” pambobola niya.

“Pwes, gusto ko siyang makilala by next week. Pauwiin mo siya dito, Anak,” utos naman nito.

Bahagyang napakislot si Ynzo sa biglaang pag-uutos ng ina.

“But, Mom. She’s working abroad. Hindi ko siya puwedeng pauwiin na lang dito basta-basta,” pagdadahilan niya.

“Ah, walang basta-basta. Dapat mo siyang mapauwi rito para mapaniwala mo kami or else, hahanapin namin ang anak ng aming kumpare at kumare upang maipakasal sa iyo,” pananakot ng kaniyang ina.

Mula pa noon ay wala nang ibang bukambibig ang sariling ina kundi ang hanapin ang anak ng kumare at kumpare ng mga ito upang maipakasal sa kaniya. Siguro nga’y atat na ang mga ito na magkaapo lalo pa’t nag-iisang anak lang siya ng mga ito. Ayaw niya rin namang makilala ang anak ng kumare at kumpare ng mga magulang sa pag-aakalang mas pangit pa ito kaysa inaasahan. Wala siyang balak itali ang sarili sa taong hindi pa niya lubusang kilala. In fact, ang pag-ibig ay hindi kinakailangang madaliin. Kusa itong natututunan at nararamdaman.

“Sige na po. Sige na po. Pauuwiin ko na po siya rito at ipakikilala ko po sa inyo. Just give me time and more weeks para maihanda siya sa pagpapakilala sa inyo,” napipilitang usal niya na kaagad na ikinatuwa ng sariling ina.

“That’s my boy! A brave one!” hiyaw naman ng sariling ama. Sa wakas, nagsalita rin ito.

Bahagyang ginulo ng ama niya ang kaniyang buhok. Naging tabingi ang ngiting sumilay sa kaniyang mga labi habang nakatingin sa ina at ama na abot-tainga ang ngiti. Marahil ay excited na ang mga ito na makilala ang babaeng mapapangasawa niya.

Pero saan naman kaya siya makakakita ng babaeng ipapakilala sa mga magulang ngayon?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status