Share

Kabanata 2

“SIR, ang gusto lang naman ng lolo ninyo ay ang bumalik kayo sa mansiyon kaya—”

“Pinaglololoko mo ba ako?” Jacob scoffed. “Gusto niya akong bumalik sa mansiyon pagkatapos ng lahat?”

Oo at bata pa siya noong mangyari ang lahat ng bangungot sa kanyang buhay, pero hinding-hindi niya makakalimutan kung sino ang dahilan ng lahat ng iyon—walang iba kundi ang sarili niyang lolo. Ipinangako niya sa sariling kamumuhian ito habang-buhay.

“Totoo ang lahat ng sinasabi ko, Sir. Kung gusto ninyo, maaari ko kayong isama sa mansiyon ngayon din para makausap si Don Juan.”

“Right. Ito ang paraan niya para maakit akong pumunta sa kanya. Pagkatapos ano?” naiiling na saad niya.

Napahugot ng malalim na hininga ang assistant ng lolo niya.

“Ang totoo niyan… may taning na ang buhay ni Don Juan, Sir. Kaya gusto niyang bumalik ka sa mansiyon dahil ikaw lang ang nag-iisang tagapagmana ng lahat ng maiiwang niyang ari-arian.”

“Ah, talaga ba?” walang-interes na tugon niya.

Oo, kailangan niya ng pera. Subalit parang mahirap sikmurain na magmumula iyon sa taong pinakamumuhian niya. Mas gugustuhing niyang lunukin ang pride at humalik sa paa ni Donya Maria.

“Sir…” Itinuro ni Anton ang direksiyon ng exit.

Tinitigan niya ang lalaki ng ilan pang sandali bago tuluyang nagdesisyon.

“Fine.” Nauna na siyang lumabas.

Napagdesisyunan niyang makipagkita kay Don Juan. Sige, pagbibigyan niya ang matanda na makita at makausap siya. Pagkatapos noon saka niya pag-iisipan kung ano ang dapat gawin sa nais nitong mangyari.

Iginiya siya ni Anton sa sasakyan nito at dinala sa mansiyon ng kanyang lolo.

Walang reaksiyon si Jacob nang makarating sila roon. Ni walang masyadong nagbago sa lugar maliban sa nadagdagan pa ang mga puno at halaman sa paligid.

“We are here, Sir,” anunsiyo ni Anton nang ihimpil ang sasakyan sa harap mismo ng mansiyon ng kanyang lolo.

Hindi na siya naghintay pang pagbuksan ng pinto at kusa na siyang bumaba. Isang butler ang kaagad na sumalubong sa kanya pagtungtong pa lang nga kanyang mga paa sa foyer.

“William,” bati ni Anton sa butler na kaagad na yumukod sa kanya. “Nasaan si Don Juan.”

“Nasa library si Don Juan, nagbabasa ng libro habang nagapalipas ng oras,” nakangiting saad ng butler pagkatapos ay muling nagbaling sa kanya. “Ito na ba si Señorito Jacob?”

“Oo, siya nga.” Anton gestured to follow him.

Kaagad naman siyang sumunod sa lalaki.

Kaagad silang pumanhik sa grand staircase at kumanan. Sa dulo noon ay ang library kung saan inabutan nila ang kanyang lolo na nakaupo sa rocking chair habang nagbabasa.

“Don Juan, narito na po ang apo ninyo,” anunsiyo ni Anton bago ito lumabas.

Isinara ng lolo niya ang binabasang libro at nag-angat ng tingin. Bahagya itong ngumiti, ni hindi man lang iyon umabot sa mga mata nito.

 “Ikaw na ba iyan, Jacob?” Halatang hindi na maganda ang lagay ng kalusugan dahil makailang ulit itong Napaupo bago tuluyang makatayo. “Sa wakas, natagpuan na rin kita.”

Inabot ni Don Juan ang tungkod nito at iika-ikang naglakad palapit sa kanya. Akmang hahawakan nito ang kanyang pisngi ngunit nangurong siya.

“Don’t touch me…” halos pabulong na saad ni Jacob. Nagpupuyos and kanyang dibdib nang sandaling iyon dala nang pagbangon ng labis na galit para sa matanda.

“Right…” Bumuntong-hininga ang lolo niya. “You must be—”

“Wala kayong karapatan na kuwestiyunin ako kung bakit ako nakakaramdam ng galit. Kayo ang dahilan kung bakit namatay ang mga magulang ko. Ni hindi ninyo alam kung ano ang hirap na pinagdaanan ko sa mga nakalipas na taon—”

“Kung bumalik ka rito tatanggapin kita—”

“Talaga ba?” Jacob shook his head.

“Listen to me, Jacob.” Mataman siyang tinitigan ni Don Juan. “I know I did you wrong… lalong-lalo na ang iyong ina. Pero magulang ako, at nagawa ko lang iyon dahil akala ko iyon ang mas makakabuti para kay Dorothea—”

“Kailan pa naging mas mabuti ang pilitin ang sino man na layuan ang taong mahal niya? Walang kahit anong halaga ng pera ang makakatumbas sa pag-ibig. Sa malamang hindi ninyo iyon alam dahil ang laman lang naman ng isip ninyo ay pera!” mariing saad niya.

“Tama ka. Binulag ako ng pera. Ngayon napagtanto kong hindi naman ako napasaya ng perang mayroon ako dahil nawala sa akin ang anak ko.” Nangilid ang luha sa mga mata ni Don Juan. Ibig sabihin ba noon ay nagsisisi na nga ito sa mga maling bagay na nagawa nito noon? “Pero ikaw… Jacob, magbabago ang buhay mo kapag tinanggap mo ang ibibigay ko sa iyo, apo. I have a trillion-dollar assets in total, and I’m giving them all to you.”

Nanlaki ang mga mata ni Jacob sa narinig. Mas mayaman pa ang lolo niya kaysa sa pamilya Wilson na kung mata-matahin siya akala mo ay ang mga ito na ang pinakamayamang pamilya sa buong mundo.

“I know… Alam ko ang lahat-lahat tungkol sa iyo, Jacob. And I think this is the right time.” Inabot ni Don Juan ang kamay niya. “Ayaw kong isipin mo na dahil lang may taning na ang buhay ko kaya ko ibinibigay sa iyo ang lahat ng ito. Whether I’m dying or not, I’m going to give you everything because what’s mine is yours.”

Hindi magawang makaimik ni Jacob. Nakakalula ang mga pangyayari. Kaninang umaga lang naghahanap siya ng isang milyon para matustusan ang hospital expenses ni Nanay Larissa, ngayon isa na siyang tagapagmana ng isang trilyong assets ng kanyang lolo. At hindi biro ang halaga noon.

“Anton ang my lawyer will be the one to assist you—”

“I-I’m not ready for this,” tugon niya nang makabawi.

“Then why don’t you learn first?” anang lolo niya. “I have this newly acquired company, El Nuevo Holdings. Nakapag-aral ka naman, hindi ba? The president’s position is still empty. Take it, and let this be your training ground.”

“I need… more time to think about this.”

Naroon pa rin ang galit sa dibdib ni Jacob, hindi ganoon kadali ang magpatawad. Pero paano niya tatanggihan ang pamanang iyon kung naroon din ang kagustuhan niyang magbago ang buhay niya?

NAKATITIG si Jacob sa hawak na passbook at card na iniabot sa kanya ni Don Juan bago siya umalis ng mansiyon nito kanina. Ang sabi ng matanda pocket money niya raw iyon nang sa ganoon ay maging maayos ang pamumuhay nilang mag-asawa habang pinag-iisipan niya ang offer nito. Tinanggap niya iyon sa pag-aakalang hindi ganoon kalaki ang halaga. Pero nagulat na lang siya nang makitang bilyon-bilyon ang laman noon. Hindi na niya maintindihan kung nasa katinuan pa ba talaga ang matanda. O baka naman ganoon lang ang naisip nitong paraan para makabawi sa kanya?

Nasa tapat na siya ng inuupuhan nilang townhouse ni Adelyn nang makarinig ng mga nagtatlong tinig sa labas ng bahay. Dali-dali niyang ibinulsa ang hawak.

“Ano bang ipinakain sa iyo ng lalaking iyon at hindi mo maiwan-iwanan, ha, Adelyn?” anang ina kay Adelyn. “Ang gusto ni Mama hiwalayan mo na siya at magpakasal ka kay sa anak ni Mr. Jones. Magkakaroon ka ng magandang social connections kapag naging asawa mo ang anak niya. Makakatulong ka na sa pamilya, giginhawa pa ang buhay mo. Tingnan mo nga, nagtitiis kang mangupahan sa pipitsuging townhouse na ito samantalang p’wede ka namang mamuhay nang mariwasa sa villa natin.”

“Tama ang mama mo, hija. Make up your mind habang hindi pa napipigtas ang pisi ng pasensiya ng lola mo sa asawa mong wala namang maiambag sa buhay mo. Ikaw lang ang bumubuhay sa kanya all these years na nagsasama kayo. Isipin mo na lang ang magiging buhay mo kung magkakaanak pa kayo pagkatapos ay—”

“Mama, Papa…” Itinulak ni Adelyn ang mga magulang patungo sa direksiyon ng kotse. “Ang mabuti pa umuwi na kayo sa bahay para makapagpahinga na tayo pare-pareho. I’ll see you tomorrow in the office, okay?”

Ginawaran nito ng halik sa pisngi ang ama’t ina. Nakasimagot na lumulan sa kotse ang mag-asawa.

Hinintay muna ni Jacob na tuluyang makalayo ang kotse ng kanyang biyenan. Nakatayo si Adelyn sa harap ng pinto nang makita siya nitong paparating.

“Jacob!” Kaagad siyang sinalubong nito ng yakap at halik sa mga labi.

Tinugon naman niya iyon at iginiya ito papasok sa loob ng maliit nilang tahanan.

“How’s the party?” tanong niya nang sapitin nila ang loob.

Ipinaikot ni Adelyn ang mga braso sa kanyang leeg habang siya naman ay yumakap sa baywang ng asawa. Mahirap ang buhay sitwasyon nila sa buhay, araw-araw nilang hinaharap ang pangmamata sa kanya ng pamilya nito, pero masaya sila sa piling ng isa’t isa. Hindi tuloy maiwasan ni Jacob na maalala ang naging sitwasyon ng kanyang ama’t ina noong nabubuhay pa ang mga ito. Kaya kahit na mahirap, pinipilit niyang magsumikap sa buhay. Nakapagtapos naman siya ng pag-aaral, pero hindi siya makakuha ng magandang trabaho sa mga kompanya. Huli na noong malaman niyang palihim palang hinaharang ng lola ni Adelyn ang pagkakaroon niya nang maayos na trabaho. Marahil sinisikil siya nito para lalo silang hindi makaahon at nang sa ganoon ay magkaroon ang kanyang asawa ng dahilan para iwan siya.

But Adelyn was one strong woman. Hindi ito nagpapadala sa sulsol at pangalalait sa kanya ng mga Wilson. Sa halip, naroon ito palagi sa kanyang tabi at ipinagtatanggol siya. Bagay na lagi niyang ipinagpapasalamat.

“Paano naman ako mag-e-enjoy sa party na iyon pagkatapos ng lahat ng nangyari? Ni hindi nga ako nakakain nang maayos—” Naputol ang sinasabi ni Adelyn nang malakas na kumalam ang sikmura nito.

Kapwa sila natawa roon.

“May natira pa yata tayong pansit guisado sa fridge kagabi. Halika sa kusina. Initin lang natin iyon at mabubusog ka na,” aniya.

“Paano na nga pala si Nanay Larissa, Jacob?” tanong nito habang naglalakad sila patungo sa kusina.

Binuksan niya ang refrigerator at inilabas ang natirang pansit guisado.

“Okay na ang lahat,” aniya at tinungo ang kalan.

“Anong okay na? Anong ibig mong sabihin? Nakakuha ka na ng pera?” magkakasunod na tanong ni Adelyn habang nakasunod sa kanya.

Jacob turned to face his wife. Hinawakan niya ito sa magkabilang braso.

“P’wede bang huminga ka naman?” biro niya.

“Jacob…”

“May isang mayamang sponsor ang orphanage na may kakilalang member ng isang charitable institution. Tinulungan niya si Nanay Larissa na makakuha ng tulong doon. She got a sponsor for her medical and surgical expenses. Kaya tapos na ang problema. Well, hindi pa tapos na tapos dahil may sakit pa siya. Pero at least, hindi na problema ang pera.”

Nagliwanag ang mukha ni Adelyn.

“I’m glad to hear that. Mabuti na lang at may natitira pang mga taong may mabuting puso. Pero nalulungkot ako na kinailangan mo pang danasin iyon kanina sa party—”

“Wala na iyon. `Wag mo nang isipin. Ang mahalaga… pagkatapos ng lahat tayo pa rin ang magkasama.”

“Tama ka riyan.”

“At dahil diyan, iinitin ko na ang pansit.”

“Sige,” nakangiting tugon nito.

Sumandal si Adelyn sa counter habang siya naman ay nagsimula nang mag-init ng pansit sa kalan.

“Siguro dapat bumili na ako ng microwave—” Biglang nag-ring ang cellphone nito. Kaagad naman nitong sinagot iyon. “Hello. Yes…”

Nilingon niya si Adelyn habang matamang nakikinig sa kung anong sinasabi ng nasa kabilang linya.

“I’m sorry, Sharlene…” anang asawa niya mayamaya. “Pero hindi ko kasi alam iyan dahil si Neil ang alam kong inutusan ni Lola na gumawa ng proposal ng cooperation na iyan sa El Nuevo Holdings.”

Napatigil si Jacob sa narinig. Iyon din ang pangalan ng kompanyang sinabi sa kanya kanina ng lolo niya.

“Yeah, right…” ani Adelyn na nasundan ng isang malalim na buntong-hininga. “I wish it was me…”

Sinulyapan niya ang asawa. Nang makita ang labis na lungkot at panghihinayang na rumehistro sa mukha nito isang desisyon ang biglang nabuo. Kailangan niyang tanggapin ang pamamahala sa El Nuevo Holdings para kay Adelyn. Perhaps it was about time for him to do something for her. Masyado nang maraming isinakripisyo ang asawa para sa kanya…

Pinatay na niya ang kalan at nagsimulang maghain. Mayamaya pa ay natapos na rin ang pakikipag-usap nito sa cellphone.

“May… problema ba sa office?” tanong niya nang maupo ito sa harap ng mesa.

“Wala naman…” Nahihimigan pa rin ang lungkot sa tinig nito. “Ang dami lang problema recently. Hindi inaayos ni Neil ang mga trabaho niya, pagkatapos ako ang umaayos.”

“And yet… your grandmother doesn’t see your potential.”

“Hayaan mo na. Ang mahalaga may trabaho ako.” Ngumiti ito, pero alam niyang pilit iyon. “Kain na tayo?”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status