Share

Of Roses, Thorns, and Everything Nice
Of Roses, Thorns, and Everything Nice
Author: Keira Circe

Kabanata 1

“JACOB!”

Napatigil siya sa paglilinis ng kotse nang marinig ang tinig ng isa sa mga kasamahan, nang lingunin niya ang direksiyong pinagmulan ng tinig ay nakita niya si Samuel na naglalakad palapit sa kanya. Hawak nito ang cellphone niyang kaagad nitong iniabot.

“Kanina pang tunog nang tunog itong cellphone mo, pare. Naiinis na si Bossing at nakakakulili na raw ng tenga,” anito.

Ikinuskos niya ang mga basang kamay sa laylayan ng kanyang pang-itaas at kinuha iyon mula kay Samuel.

“Salamat, pare. Pakisabi na rin kay Bossing na pasensiya na.”

Tumutunog pa rin ang cellphone niya, pero hindi niya iyon sinagot kaagad. Galing sa hindi kilalang numero ang tawag kaya nag-aalangan siyang sagutin iyon. Uso pa naman ang mga spam call at text message ngayon kaya nagdesisyon siyang patayin na lang iyon. Ngunit hindi pa man nagtatagal ay nakatanggap ng text message si Jacob mula sa hindi kilalang numero.

Si Lily ito.

Kaagad niyang tinawagan ang numero nang makilala kung sino ang tumatawag.

“Lily, kumusta? May problema ba?” tanong ni Jacob nang sagutin nito ang tawag.

“Nangako ako kay Nanay na hindi ko sasabihin sa `yo kasi ayaw niyang dumagdag sa pasanin mo, pero hindi ko na talaga alam kung ano ang gagawin,” garalgal ang tinig na tugon ni Lily.

“Lily… Alam kong hindi tayo magkakadugo, pero pamilya tayo. Walang ibang magtutulungan kundi tayo-tayo rin,” aniya.

“M-may lung cancer si Nanay. Kailangan niyang maoperahan sabi ng doktor. Pagkatapos noon kailangan naman niyang sumailalim sa chemotherapy,” umiiyak na saad ng dalaga.

“Nasaan kayo?”

“Nandito kami ngayon sa ospital. Masama ang lagay niya kagabi pa dahil nahihirapan siyang huminga. Ayaw nga niyang magpadala, pero aalalang-alala na talaga ako.”

“Lily, makinig ka sa akin…” Humugot ng malalim na hininga si Jacob. “Kailangan mong tatagan ang loob mo dahil ikaw lang ang nandiyan para kay Nanay. `Wag kang mag-alala, gagawa ako ng paraan. Okay?”

“Hm.”

“Good.”

Napatingala na lang siya at napapikit nang mariin. Oo at sinabi niyang gagawa siya ng paraan. Pero ang totoo, hindi niya alam kung saang kamay niya kukuhanin ang pera…

Mayamaya pa ay tumunog na naman ang cellphone niya, sa pagkakataong iyon ang kanyang asawang si Adelyn naman ang tumatawag.

“Jacob… nasaan ka na ba?” ani Adelyn sa kabilang linya. “Alam mo ba kung anong oras na?”

“H-ha?” Napagawi ang tingin niya ang orasang nakasabit sa dingding ng shop. “Bakit?”

Narinig niya ang pagbuntong-hininga nito, indikasyon na dismayado ang asawa nang sandaling iyon.

“Birthday ngayon ni Lola. May party sa mansiyon mamaya. Hindi ba’t sinabi ko na sa `yo ilang araw pa ang nakakaraan na kailangan nating bumili ng damit na isusuot mo sa party?”

“A-ah… sorry, nawala sa isip ko.” Pero ang totoo wala na sana siyang balak pang dumalo sa birthday party ng matanda.

“Hihintayin kita rito sa boutique. I’ll send you the location,” wika ni Adelyn bago maputol ang tawag.

“Mukhang mapapasabak ka na naman, pare,” biro ni Samuel. “Sige na, punatahan mo na si Adelyn. Ako na ang magtutuloy nitong ginagawa mo.”

“Salamat, pare.” Tinapik niya sa braso si Samuel at naghanda na sa pag-alis.

PAPASOK na si Jacob sa boutique nang bigla siyang harangin ng guard.

“He’s with me,” ani Adelyn habang naglalakad palapit sa kanya.

Kaagad namang humingi ng pasensiya ang guard. Pero hindi nawala ang panghuhusga sa tinging ibinigay nito sa kanya. Pinili na lang ni Jacob ang manahimik. Hindi na bago sa kanya ang mga ganoong uri ng panghuhusga. Sa pamilya pa lang ng asawa ay quota na siya.

Humawak si Adelyn sa braso niya at iginiya siya sa loob ng boutique.

“Jacob, sana man lang nagbihis ka nang maayos-ayos,” pabulong na saad nito.

“Pasensiya na. Galing akong trabaho. Nagmadali ako dahil ayaw kong paghintayin ka nang matagal.”

Isang buntong-hininga lang ang naging tugon ng asawa sa sinabi. Alam niyang hindi lang ito umiimik, pero ang totoo ay nadismaya na naman niya ito.

“Nakapili na ako ng design ng suit mo,” wika nang asawa niya nang sapitin nila ang private fitting room.

Nanlaki ang mga mata ni Jacob nang makita ang suit na sinasabi nito. Unang tingin pa lang masasabi na kaagad na gawa iyon sa mamahaling materyales at nasisiguro niyang hindi biro ang presyo ng damit.

“A-Adelyn… hindi naman na kailangan pang bumili, eh. M-may mga damit pa naman ako sa bahay na isang beses ko pa lang nasusuot—” Hindi niya naituloy ang sinasabi nang dumampi ang daliri ng asawa sa kanyang mga labi.

“Napag-usapan na natin ito, `di ba? Pagdating sa mga ganitong bagay… ako ang masusunod.” Itinuro ni Adelyn ang damit. “Isukat mo na para malaman natin kung babagay ba.”

Wala nang nagawa pa si Jacob kundi ang sundin ang asawa. Bibit ang suit na napili nito ay pumasok siya sa loob ng cubicle upang isukat iyon.

Hindi niya maiwasang mapangiti sa harap ng salamin nang sa wakas ay maisuot iyon. Tila ba isa siyang nilalang na nagbagong anyo nang mabihisin. Palagi ngang sinasabi sa kanya ni Adelyn na magbihis lang siya kagaya noon ay magiging mukhang kahilera rin siya ng pamilya nito, bagay na hindi niya sinunod kahit kailan. Dahil kahit ano pa man ang maging hitsura at bihis ni Jacob sa harap ng mga kapamilya ng asawa ay hindi na magbabago pa ang pakikitungo ng mga ito sa kanya.

He was a nobody. Bata pa lang siya nang maulila at mapadpad sa bahay ampunan. Nang magbinata doon niya nakilala ang mabait na lolo ni Adelyn. Nagsusumula pa lang ito noon at namasukan si Jacob sa matanda bilang tagalinis. Unti-unting naging maganda ang lagay ng negosyo nito hanggang sa alukin siya ng matanda ng scholarship at kalaunan ay inampon siya nito. Doon niya nakilala si Adelyn. Naging magkaibigan sila at hindi nagtagal ay nagkaibigan. Maayos naman ang lahat noon una, ngunit nang pumanaw na ang lolo ni Adelyn nagsimula na ring magbago ang lahat. Gusto na siyang mawala ng mga Wilson sa pamilya ng mga ito.  Nagsimula na ang mga itong mata-matahin siya. Ngunit sa kabila ng lahat ng iyon, nanatili si Adelyn sa tabi niya.

Napakislot si Jacob nang marinig ang magkakasunod na katok sa pinto. Nasundan iyon ng tining ng kanyang asawa.

“Ano… okay ka lang ba riyan? May problema ba?”

Binuksan niya ang pinto para makita siya ni Adelyn. Kaagad naman itong ngumiti at sinapo ang kanyang mga pisngi.

“You look perfect,” anito saka siya mabilis na hinalikan sa mga labi.

“Kukunin n’yo na po ba, Ma’am?” tanong ng babaeng lumapit sa kanila mayamaya.

“Yes,” tugon ng asawa niya.

NAUNANG magtungo si Adelyn sa mansiyon ng mga Wilson, habang siya ay umuwi muna sa bahay para maligo. Nag-aabot ng regalo ang mga miyembro ng pamilya Wilson kay Donya Maria nang dumating siya.

“Jacob!” Kaagad siyang nilapitan ni Adelyn nang makita siya nitong paparating.

Napatigil ang lahat at napatingin sa kanyang direksiyon. Ah… hindi niya nagustuhan ang tinging ipinupukol ng mga ito sa kanya. Wala mang salitang lumalabas sa bibig ng mga ito batid niyang lihim siyang tinutuya ng pamilyang iyon.

“Look at you!” Napabaling siya sa nagsalita. Si Neil, pinsan ng kanyang asawa. “I wonder how you can afford such expensive suit.” Tumaas ang sulok ng labi nito, bagay na hindi niya nagustuhan. “Did you rob a bank or something?”

Pumitik ang sentido ni Jacob sa sinabi nito.

“Neil, stop!” naiinis na saad ni Adelyn na kaagad na humawak sa kanyang braso. Marahil ay naramdaman nitong hindi na maganda ang pakiramdam niya.

“Don’t you dare ruin my birthday party,” ani Donya Maria sa malamig na tinig. Nagbaling ng tingin sa kanya ang matanda mayamaya at hinagod siya mula ulo hanggang paa. Blangko ang ekspresiyon ng mukha nito nang sandaling iyon kaya hindi niya alam kung ano ang nasa isip nito. “You came…”

“Y-yes.” Napalunok nang magkakasunod si Jacob. Kahit noon pa man hindi na niya gusto ang pakiramdam sa tuwing magkakaharap sila ng matanda.

She was the exact opposite of her husband.

“Empty-handed.”

Bubuka pa lang ang bibig niya para magpaliwanag, pero naunahan na siya ng asawa.

“Ah, Lola… I brought a gift. Magkasama kaming namili noon ni Jacob. And we’re husband and wife, so—”

“`Wag mo siyang ipagtanggol pa, Adelyn. Ang sabihin mo pobre lang talaga iyang asawa mo. Wala siyang pera para makabili ng mamahaling regalo para kay Lola,” putol ni Neil.

“Sinabi kong itigil n’yo na iyan,” mariing saad ni Donya Maria. “Magsibalik na kayo sa mga puwesto ninyo!”

Nagsipagsunuran ang lahat sa utos ng matanda maliban kay Jacob.

“At ano pa ang itinatayo-tayo mo riyan?” nakataas ang kilay na tanong ng matanda sa kanya.

Huminga siya nang malalim. Kanina habang nasa bahay makailang ulit niyang pinag-isipan kung dapat ba niyang gawin iyon. But he was left with no choice. Kailangan ng tulong ng taong kumupkop sa kanya at wala siyang ibang alam na pagkukunan ng pera.

Itinago niya sa likuran ang mga kamay at nagyuko ng ulo.

“Alam kong una pa lang hindi na kayo pabor sa naging desisyon ni Don Edward—”

“Jacob.” Tumayo si Donya Maria at lumapit sa kanya. “Ano na naman ba itong ginagawa mo? Balak mo na naman bang ungkatin ang—”

“Jacob? Lola? Anong… problema?” tanong ni Adelyn na kaagad na lumapit sa kanila.

“Aba, ewan ko riyan sa asawa mo!” Ikinumpas ni Donya Maria ang kamay sa ere.

“Halika ka na sa mesa, Jacob. Kumain na—”

“Kailangan ko ng pera, Donya Maria,” nagsusumamo ang tinig na saad niya.

“What?” Nagsalubong ang mga kilay ng matanda.

Nakuha na rin nila ang atensiyon ng iba pang mga bisita.

“Jacob…” Mahigpit na humawak ang asawa sa braso niya at pilit siyang hinihila palayo sa matanda.

“Kailangan ko ho ng pera pampagamot kay Nanay Larissa. Isang milyon. Kailangan ko ng isang milyon.”

Malakas ang naging halakhak ng matanda, ngunit alam ni Jacob na hindi tuwa ang dahilan noon.

“Nababaliw ka na ba?” sigaw ni Neil mula sa kinauupuan nito. “Ano ba ang akala mo sa pamilya namin, charity institution? Sinasabi ko na nga ba at hindi lang kahihiyan ang dadalhin mo sa pamilyang ito kundi peperahan mo rin kami! Ano man lang ba ang naiambag mo sa pamilyang ito simula noon? Isa ka lang sampid! Palamunin! Wala kang karapatan—”

“Ano ba?” asik ni Adelyn na ikinagulat ng lahat. “Bakit ba ganyan kayo kay Jacob? Hindi ba’t tinanggap siya ni Lolo sa pamilyang ito nang bukal sa loob? Isa pa, paano siya magiging sampid sa pamilyang ito kung asawa ko siya?”

“Na hindi mo dapat ginawa!” anang ama ni Adelyn.

Bumaling ang kanyang asawa sa lola nito at inabot ang isa nitong kamay.

“Lola, please… tulungan n’yo po si Jacob. Mahalaga sa kanya si Nanay Larissa dahil pangalawang magulang na niya—”

Nagbawi ng kamay si Donya Maria at bumaling sa direksiyon ni Jacob. Nanlamig kaagad siya sa paraan ng pagtitig ng matanda sa kanya.

“Isang milyon ang kailangan mo?” anang matanda sa mababang tinig.

“O-opo.” Marahan siyang tumango.

“Ibibigay ko ang kailangan mo, dodoblehin ko pa.”

Nabuhayan ng pag-asa si Jacob. Pero kaagad din iyong nawala nang marinig ang sumunod na sinabi ng matanda.

“Sa isang kondisyon. Maghihiwalay kayo ng apo ko.”

Biglang napaurong si Adelyn.

“L-Lola…”

“Una pa lang alam mong ayaw ko sa lalaking iyan pero hindi ka nakikinig. Pinairal mo ang katigasan ng ulo mo. Hiwalayan mo siya kapalit ng perang kailangan niya.”

“Lola, mahal ko si Jacob!”

“Kung gano’n… mareresolba ba ng pag-ibig ang mga problema ninyo? Hindi ba’t iyan din ang paulit-ulit mong katwiran noon! Pero ano ang nangyari? Sa akin ka pa rin tumakbo para magkaroon ka ng trabaho at mabuhay mo iyang walang kuwentang lalaking iyan! Neil! Adam! Palayasin ninyo ang lalaking iyan! Ayaw kong makita ang pagmumukha niyan sa pamamahay ko!”

Kaagad na sumunod ang mag-ama sa utos ni Donya Maria. Pinagtigisahan ng mga ito ang mga braso niya at sinimulang kaladkarin siya paalis sa lugar.

Marahas na umiling si Adelyn at tumakbo palapit sa kanya.

“Hindi n’yo na kailangang gawin iyan.” Itinulak ni Adelyn ang dalawa palayo sa kanya. “Kusa na kaming aalis—”

“Hindi ka aalis, Adelyn!” maawtoridad na wika ni Donya Maria. “We’re having a party here and you’re my granddaughter. Hindi siya parte ng pamilyang ito kaya pinalalayas ko siya sa pamamahay ko. Ngayon kung pipiliin mong umalis, ibig sabihin din noon ay hindi ka na bahagi pa ng pamilyang ito!”

Natigilan ang asawa niya. Nakita niya ang takot sa mga mata nito. Nauunawaan iyon ni Jacob. Hindi ganoon kadali ang pinagdaanan nila, lalo na ni Adelyn, nang piliin nitong pakasalan siya. Kung tuluyan itong itatakwil ng pamilya Wilson, lalo lang masisira ang buhay ng kanyang asawa.

Ginagap niya ang mukha nito. “Stay, Adelyn…”

“P-pero…”

“It’s your grandmother’s birthday. Gusto niyang i-celebrate ito kasama ang pamilya, so you should stay.”

Pinagdikit nito ang kanilang mga noo.

“I’m so sorry…” ani Adelyn sa malungkot na tinig.

“You don’t have to.” Kinintalan niya ng halik ang tungki ng ilong ng asawa. “I’ll see you at home, hmm?”

Tumalikod na si Jacob para umalis. Ngunit lilisanin na lang niya ang lugar na iyon at lahat may pahabol pa ang pinsan ng asawa.

“You know what, you should take off that suit earlier than twelve midnight, Jacob. Because tomorrow when you wake up, babalik ka rin sa mukhang basahan mong mga damit.”

Nagtawanan ang iba pang miyembro ng pamilya Wilson sa sinabi nito.

“Stop! He’s already leaving. Leave him alone, will you?” Narinig niyang saway ni Adelyn habang naglalakad siya palayo.

Nagtuloy sa ospital si Jacob pagkatapos niyang umalis sa mansiyon. Wala man siyang dalang pera, gusto niyang dalawin si Nanay Larissa upang kumustahin ang kalagayan nito.

“Excuse me,” aniya nang sapitin ang reception desk sa ospital. “Anong room number ni Miss Larissa Dizon?”

“Ah, sandali lang po, Sir, ha.” Tumipa ang mga daliri ng babae sa keyboard at mayamaya pa ay nag-angat ng tingin. “Wala na po siya rito.”

Kaagad na kumunot ang noo ni Jacob.

“Paano nangyari iyon?”

“Jacob Cortez?”

Mabilis siyang nagbaling ng tingin sa direksiyon nang tumawag sa kanyang pangalan. Isang lalaking sa tantiya niya ay nasa mid-thirties ang naglalakad ngayon palapit sa kanya. Hindi niya kilala ang lalaki, iyon ang unang pagkakataong nakita niya ito.

“Sino ka? Bakit mo ako kilala?”

Nakangiting inilahad nito ang kamay sa kanya.

“I’m Anton. Ako ang assistant ni Don Juan, ang lolo mo.”

Tinitigan lang niya ang nakalahad nitong kamay.

“Anong ginagawa mo rito?” tanong niya.

“Matagal ka nang hinahanap ni Don Juan—”

Nagtagis ang bagang ni Jacob.

“May kinalaman ba si Don Juan sa pagkawala ni Nanay Larissa?”

“Look. I think you got it wrong. Walang masamang intensiyon si Don Juan sa Nanay Larissa mo. Ang totoo niyan ipinag-utos niyang ilipat siya sa pinakamagaling na ospital at siya na rin ang bahala sa lahat-lahat—”

“At sino ang nagsabi sa kanyang p’wede niyang gawin ang lahat ng iyon?” asik niya sa lalaki.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status