Share

#2

MATAAS ang sikat nang araw kinabukasan. Tapos na ang matinding bagyong humagupit sa baryo ng Sta. Barbara. Bumangon ako at pinagmasdan ang kwarto namin ni Lyka. May iilang tulo pa sa bubong dahil sa bagyo pero hindi tulad ng ibang bahay, heto't nakatayo pa din ang amin.

Tulog pa si Lyka nang balingan ko ito ng tingin. Mugto ang mga mata dahil sa takot na hindi na makakapag-aral. Bumuntong hininga ako at natulala na lamang sa pader.

Anong gagawin ko?

Nasira ang buong palayan dahil sa hagupit ng bagyo kahapon. Ang dapat na perang kikitain sa pag-aani ay nawala ng isang iglap. Ang pinuhunan namin ay nawala na rin. Iyon dapat ang gagamiting pang-enroll ni Lyka sa susunod na buwan.

May naipon ako pero hindi iyon sasapat. Kailangan kong makahanap ng pagkakakitaan para mabawi ang nawala sa aming pamilya.

Nang bumaba ako sa unang palapag ng bahay ay nakita ko ang walang ganang mga mukha nina nanay at tatay. Nakaupo sila sa hapag, hindi man lang ginagalaw ang tinimplang kape doon.

Nang makababa ng hagdan ay agad akong dumiretso sa may bintana kung saan kita ang malawak at nasira naming palayan.

"Mag-aani na sana sa susunod na linggo. Hindi na nakapaghintay ang bagyong iyon," mapait na sabi ni nanay.

Nilingon ko sa hapag ang mga magulang ko. Nararamdam ko ang pagkadismaya nila. Ako rin naman ay nalulungkot at nahihirapan sa nangyari. Natatakot din ako na baka hindi makapag-enroll si Lyka nang dahil dito.

"Hindi ko alam kung saan ako nagkamali, e..." dismayadong wika ni tatay. Bumuntong hininga ito at umiling, "Ilang beses akong nanalangin na palipasin ang tag-ani, na saka na bumagyo kapag tapos na at nai-angkat na ang lahat ng palay, pero wala..."

"Pagsubok lang ito, Faustus. Manumbalik ka sa pagsamba para madinig ang mga panalangin mo," si nanay.

Ako naman ngayon ang bumuntong hininga. Bumalik ang tingin ko sa tanawin galing sa bintana. Naaawa ako sa dinanas ng palayan namin. Ang tagal ng pag-aalaga nila tatay sa mga pananim pero nasira lang ang lahat ng iyon sa loob lamang ng isang araw.

Naririnig ko ang pagtatalo nina nanay at tatay patungkol sa pagiging aktibo sa pagsamba. Sabi ni nanay ay pinarusahan daw ang tatay dahil nanlalamig sa pagpunta ng sambahan. Marami pa silang naging pagtatalo na hindi ko na pinansin.

Ang gusto ko na lang na mangyari ay makahanap ng paraan para kumita ng malaking pera. Kaya naman nang pumasok ako sa flower shop nang araw din na iyon ay agad kong kinausap si aling Jen.

"Ang hirap niyan, Elle. Hindi lang kayo ang nawalan ng kabuhayan. Gustuhin man kitang hanapan pa ng isang trabaho ay kita mo naman kung anong sinapit ng baryo dahil sa bagyo. Lahat ng mga shops at mga tindahan ay nawalan din," lintanya ni aling Jen habang binabasura ang mga nasirang bulaklak sa labas ng shop.

Kinagat ko ang aking ibabang labi. Alam ko naman iyon. Nakikita ko ang paligid ng baryo Sta. Barbara...

Ang dating makulay na baryo ay pinuno ng putik at nagbagsakang mga puno't halaman. Ang dating mga matataas na shops at mga tindahan ay may mga sira sa bubong at nabagsakan ng mga malalaking sanga. Pati ang mga dating makukulay na bulaklak sa dangwa ay nabahidan ng putik habang nakakalat sa kalsada...

Halos sa agrikultura din nakasentro ang kabuhayan ng mga taong narito. Mga bukirin, kopras at mga manggahan. Lahat ay nasira sa isang iglap.

"Heto nga't namomroblema rin ako. Dahil sa bagyo ay wala tayong makukuhang mga bulaklak sa supplier natin," pagpapatuloy ni aling Jen.

"Kailangan ko po talagang magsikap aling Jen. Ayaw kong huminto sa pag-aaral si Lyka. Mas lalong mapapatagal ang pagbabalik ko sa kolehiyo kapag gano'n."

Nag-angat siya ng tingin sa akin. Bumuntong hininga ito at nagpameywang habang hawak ang walis tingting sa kanang kamay.

"Sabi ko naman sa iyo, mas maganda kung luluwas ka ng Maynila at doon magtatrabaho. Baka triple pa ng sahod mo rito ang makuha mo do'n. Masipag ka namang bata, Elle. Imposibleng walang tatanggap sa'yo. Isa pa, tingnan mo 'yong kaibigan mong si Fatima, maganda ang buhay do'n sa Maynila. Pati ang tiyahin mo ay mas napabuti do'n."

Napaisip ako sa sinabi ni aling Jen. Oo nga, tama siya. Maganda ang mga buhay nina Fatima at auntie Levi sa Maynila. Kapag nakikita ko sila sa F******k ay magaganda ang suot at elegante ang mga pustura.

Kaya lang ay isipin ko palang na aalis ako at iiwan ang pamilya ko ay nilalamig ako sa takot. Para akong ibong pakakawalan sa hawla. May naghihintay na mas malaking mundo na hindi ko pa nakita kahit kailan.

"Ayaw ko pong iwan sina tatay..."

Sinundan ko si aling Jen nang pumasok ito sa shop. Umupo ito sa counter at sinuot ang salamin sa mata. Pinagmasdan niya ako, halatang nakikisimpatya sa akin.

"Elle, minsan talaga ay kailangan nating magsakripisyo para sa pamilya. Alam ko namang natatakot ka dahil dito sa Sta. Barbara ka na nagkaisip. Ito na ang mundo mo. Kaya lang ay hindi pwedeng matapos ang buhay mo sa baryong ito. Pag-isipan mong mabuti, hija. Hindi ko talaga alam kung saan ka ipapasok na trabaho. Sa Maynila ang marami," aniya.

Tumango ako. "Salamat aling Jen. Pag-iisipan ko po nang maayos. Kakausapin ko din sina tatay," wika ko.

"Sana ay ayos lang sina Anna at Faustus."

Tipid akong ngumiti. Ang totoo ay hindi sila maayos. Narindi na lang ako sa patuloy na pagsisi ni Tatay sa dakilang Ama. Hindi raw nito tinanggap ang mga panalangin niya kaya nasira ang kabuhayan namin.

"Magiging maayos din po sila. Kakausapin ko po si auntie Levi gamit ang F******k mamaya. Baka sakaling makahingi kami ng tulong..." saad ko sa nanghihinang tono.

"Pag-isipan mong mabuti, Elle. Malaki ka na. Labanan mo ang takot at lungkot..." pangaral pa sa akin ni aling Jen.

"Salamat po ulit, aling Jen."

Buong araw kaming tumunganga sa shop. Hindi na nakapagtataka. Sa nangyari ba namang pagsalanta ng bagyo ay magiging abala ang lahat ng tao sa Sta. Barbara para ayusin ang lahat ng mga nasira nito.

Hindi rin maalis sa isip ko ang mga payo sa akin ni aling Jen.

Talaga bang ang pagtatrabaho sa Maynila ang kailangan kong gawin? Paano kung mas mahirap pala roon?

Naisip ko ang kaibigan kong si Fatima. Matagal na siyang nagtatrabaho sa Maynila. Ang sabi ng mga magulang niya ay mahirap daw sa umpisa pero nasanay na rin ang kaibigan ko roon. Dalawang taon na siyang hindi nakakabisita sa Sta. Barbara. Kung mahirap ang buhay doon ay dapat matagal na siyang umuwi sa baryo, hindi ba?

°°°°

ANG PAGLUWAS sa Maynila ang nasa isip ko hanggang sa makauwi ako nang bahay. Nakasandal ako sa hamba ng pinto habang pinagmamasdan ang nasira naming palayan at ang nagkukulay kahel na kalangitan. Papalubog na ito, nagpapahiwatig ng isa na namang pagtatapos ng araw.

"Ate, paano kaya kung magtrabaho na rin ako?" suhestiyon ni Lyka habang nagsasaing.

Dahil maliit lang ang bahay namin, nakikita ko agad ang galaw niya sa kusina kahit pa nandito ako sa may pinto. Nilingon niya ako at bahagyang ngumiti, umaasa.

"Menor de edad ka pa, Lyka. Pag-aaral dapat ang atupagin mo."

Sinalang niya sa kalan ang kaldero at pagkatapos ay naupo sa hapag. Nangalumbaba ito at sumimangot.

"E, baka nga hindi ako makapag-aral gaya mo, ate Elle. Narinig ko ang usapan nina tatay at nanay kanina. Wala na tayong pagkukuhaan ng pera pang tuition fee..."

Kinuyom ko ang palad ko. Hindi pwedeng huminto sa pag-aaral ang kapatid ko. Kapag huminto siya, madadagdagan lang ang taon na hihintayin ko para makabalik sa kolehiyo. Gustung gusto ko na din makapag-aral at makapagtapos...

"Sana naman tulungan tayo ni Lola Ferra," ani Lyka.

Bumaling ako sa kanya. Yumuko ito at ngumuso. Mapait akong ngumiti. Kahit kailan naman ay hindi tumulong sa pamilya namin si Lola Ferra.

Katwiran niya ay bakit naman tutulungan ang bastardang anak ng kanyang yumaong asawa. Sinubukan na ni nanay na kausapin ang asawa ni Lolo noon pero mas matigas pa ito sa bato.

"Lola ka diyan, e hindi naman natin kadugo iyon..." wika ko.

"E, tinatawag siyang mama ni nanay. Ibig sabihin, tanggap siya ni nanay na pangalawang ina, ate Elle." katwiran pa ni Lyka.

Huminga ako ng malalim. Wala si Ferra Carreon sa mga naisip kong solusyon dahil hindi naman siya makakatulong.

"Tagal naman nina tatay. Tingin mo nakahingi kaya sila ng tulong kay Mayor?" dagdag pa nito.

"Hindi ko alam, Lyka. Sana..."

Ang sabi ng kapatid ko ay nagpunta raw sa munisipyo ang mga magulang namin para humingi ng tulong pang-kapital sa pag-papaayos ng palayan namin. Maraming nagsasabi na mabuti ang Mayor at matulungin sa mga tao sa baryo. Kung tama nga ang mga sabi-sabi, sana'y makatulong nga siya kina tatay.

Pinanghawakan ko iyon. Ilang beses akong nagpakapositibo. Baka nga naman makatulong si Mayor... Kung makakakuha ng kapital ay pwede kaming magsimula ulit. Magdo-doble trabaho na lang ako sa flower shop at gagamitin ang ipon ko para sa pang-enroll ni Lyka.

Nga lang, taliwas sa mga iniisip ko ang nangyari. Umuwing luhaan ang mga magulang ko nang gabing iyon. Wala silang napala ni singko.

"Sabi ng Mayor ay tutulong naman siya. Kaya lang ay hindi pa sa ngayon dahil marami ring nasira sa ibang baryo na kailangang ayusin. May lingap naman daw tayong matatanggap..." ani nanay.

Dismayado lang na umiling si tatay. Mula sa pagkakaupo sa hapag ay tumayo ako, dahilan para mag-angat sila ng tingin sa akin.

"Hihingi po ako ng tulong kay auntie Levi. Kung papayag kayo, luluwas po ako ng Maynila para makapagtrabaho. Mag-iipon po ako ng perang pang-asikaso ng palayan..." lakas loob kong sabi pagkatapos ng isang daang beses na pag-iisip kung tama nga ang payo ni aling Jen.

Ito na lang siguro ang tanging paraan para makaahon kami sa nangyari. Kailangan kong magtrabaho ng doble... triple... at kung kailangang lumuwas ako ng Maynila, gagawin ko.

Naluha si nanay sa naging pahayag ko. Ang tatay naman ay yumuko lamang. Huminga ako nang malalim at pinilit na ngumiti kay nanay.

"Gusto kong tumulong. Hayaan niyo po ako sa pagluwas. Ako'ng bahala sa kabuhayan natin at sa pag-aaral ni Lyka," sabi ko sa nagsusumamong boses.

Hindi ko alam kung anong mayroon sa Maynila pero handa naman akong makipagsapalaran. Kung para sa pamilya ay kaya kong labanan ang takot pati ang pangungulila.

Sa huli ay pumayag ang mga magulang ko. Nang gabing iyon ay kinausap ko si auntie Levi sa cellphone. Habang natutulog ang kapatid ko ay humingi na ako ng tulong sa aming malayong tiyahin.

"Ofcourse, Elle! I can definitely help! Matagal ko na ngang sinasabi kay Anna na paluwasin ka dito sa Maynila pero ayaw naman ng nanay mo! Sayang ang opportunity! Mas gaganda ang buhay ninyo kapag nag-work ka rito!" ani auntie Levi sa kabilang linya.

Humakbang ako palapit sa bintana. Tanaw ang maliwanag at bilog na buwan. Isang sulyap ang ginawa ko sa aking kapatid bago magsalita.

"Auntie, makakapasok po ba ako agad ng trabaho kung luluwas ako sa linggo? Kailangan po kasi talaga namin ng pera ngayon..."

Tumawa si auntie, tila ba sobrang positibo at may alam na agad na paraan.

"Elle dear, I can help with your family's finances. Kung gusto mo, ako muna ang sasagot sa pang kapital ng tatay mo. Ipapasok kita sa trabaho ko. Kakaltasan na lang kita ng kaunti tuwing sahod para hindi mabigat iyong pagbabayad mo. Sounds like a plan?"

Lumaki ang mga mata ko sa magandang suhestiyon ni auntie. Kahit hindi niya ako nakikita ay napatango ako.

"Auntie! Salamat po!" Hindi ko maitago ang saya. "Ayos lang po sa akin ang gano'ng set up. Maraming salamat po talaga, auntie!"

"Wala iyon, Elle! Sa akin ka na lang din tumira. Kahit anong trabaho naman ay kaya mo, hindi ba?"

"Opo, auntie! Kahit ano po!"

Tumawa ito. "Then, good! I'll see you on Sunday. Kakausapin ko ang nanay mo. Magpapadala ako ng pera kapag nakapag-usap na kami kung magkano ang kailangan ninyo."

Nang matapos ang pag-uusap namin ni auntie ay para bang nakahinga ako nang maluwag. Pakiramdam ko ay nasagot ang lahat ng panalangin ko...

Makakapag-aral na si Lyka at magpapahiram si auntie ng perang kakailanganin para sa palayan...

Tama, Elle.

Tama ang desisyon mo...

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status