Share

Chapter 2

     “Po?” Tiningnan ni Sam ang bisita nila mula ulo hanggang paa. Nakasuot ito ng mamahaling suit at may apat na lalaking may malalaking katawan sa likod nito na halatang mga bodyguards nito. Pero ang nakatawag ng pansin sa kaniya ay ang alon-alon at mamula-mulang kulay ng buhok nito kagaya ng sa kaniya.

     “Sam, sino ba iyan?” tanong ng tatay niya na sumilip na rin sa pinto. “Sino po sila?”

     “Ako po si Peterson Viray. Ako po ang biological father ng anak niyo.” Kinuha ng lalaking nagngangalang Peterson ang papel mula sa lalaking nasa gawing kanan nito at ipinakita iyon sa kanilang mag-ama. “Nandito po ang paternity test na ipinagawa ko para masigurong nahanap ko na ang anak ko na si Marion, I mean, Samantha.”

     Mabilis na kinuha ni Sam ang papel na ibinigay nito at binasa ang resulta. Tama ito. Positive nga ang resulta ng paternity test at pangalan niya ang nakalagay roon. “Seryoso po ba kayo? Saka wala naman akong alam tungkol dito. Siguradong hindi legal ito.” Iyon ang sinasabi niya pero naguguluhan na talaga siya.

     “Hoy, Mister! Hindi ko alam kung anong gamot ang iniinom niyong mayayaman pero anak ko itong si Samantha! Akala nga namin, hindi na kami magkakaroon pa ng anak dahil tumaba ako at naranasan ko nang makunan bago siya nabuo. Pero sa awa ng Diyos, ibinigay siya sa amin. Sino ka para pumunta rito sa bahay namin at basta na lang mang-agaw ng anak?” matapang na sambit ni Nora sa mga bisita nila.

     “Alam kong naguguluhan kayo pero intindihin niyo rin sana na matagal ko nang hinahanap ang anak ko. At ngayon na nakita ko na siya, hindi ako papayag na hindi ko siya makakasama!” pagmamatigas din ni Peterson.

     Nagpalipat-lipat ang tingin ni Samantha mula sa mga magulang niya at sa estranghero na nasa harapan niya. “Teka… Pwede, teka muna? Naguguluhan po ako. Mister, kung totoo ngang ako ang anak niyo, nasaan na ang batang isinilang ng nanay ko? Alangan naman nag-evaporate na lang sa hangin ang baby? O kaya parang sa mga teleserye na nagkapalit ng mga nametags dahil sa pagkakamali ng isang nurse? Sobrang hindi naman po makatotohanan sa totoong buhay iyon,” may halong sarkasmo ang tinig niya.

     “Naiintindihan ko naman kung nahihirapan kayong paniwalaan ang mga sasabihin ko pero hindi ganoon ang nangyari…” Nagpakawala ng buntong-hininga si Peterson. “Kasalanan ko kung bakit napunta tayong lahat sa ganitong sitwasyon.”

     Dahil mukhang tumataas na ang presyon ni Nora, sinabi ni Danny na dapat muna silang umupo sa salas para mag-usap nang maayos. Nakapagitna sina Danny at Nora kay Sam, tahimik na nakahawak sa braso niya. “Boss, nakikita ko naman na mukhang hindi ka naman baliw kaya pinapasok ka namin dito sa pamamahay namin. Pero sana, maintindihan mo kung ayaw naming papasukin ang mga kasama mo,” paghingi ng paumanhin ni Danny.

     “Naiintindihan ko po.” Hindi na pumasok ang mga bodyguards ni Peterson at nanatili lang sa labas ng bahay. Tahimik namang umupo ang apat sa sofa na nakaharap sa telebisyon. Tila nakikiramdam din si Peterson at nag-iisip kung paano ba magsisimulang magkuwento. “Ako po si Peterson Viray. Ako ang CEO ng FD Bank.” Ibinigay ni Peterson ang calling card niya sa mag-asawa para mabasa nito ang mga nakasulat doon.

     “FD Bank? ‘Yong pinakamalaking bangko dito sa Pilipinas?” Halos malaglag sa sahig ang panga ni Samantha at ng mga magulang niya.

     “Yes… Alam ko namang hindi lingid sa kaalaman ng mga tao na arrange marriage lang ang nangyari sa amin ng asawa kong si Diana para maging pinakamalaking bangko sa Pilipinas ang FD Bank pagkatapos ng merger. Masasabing magkaibigan naman kami ni Diana kaya hindi kami nagkaroon ng problema sa desisyon ng mga magulang namin. Pero habang nagsasama kami, nalaman namin na may sakit pala siya sa obaryo at hindi niya ko mabibigyan ng anak…”

     Napapakapit sina Danny at Nora kay Samantha habang nagkukwento si Peterson. Pakiramdam ni Sam, nahihilo siya bigla, na para bang hindi pa rin siya nagigising at nananaginip pa rin hanggang sa mga oras na iyon. Bukod sa pagkakaiba ng mga facial features nila, hindi naman naramdaman ni Samantha na may kulang sa kaniya o ampon lang siya. Saka isa siyang manunulat… Malay ba niyang may ganitong talento na rin pala ang mga scammer sa panahon ngayon? Mahirap nang magtiwala…

     “Dahil sa kagustuhan kong magkaroon ng sariling anak, bumuo ng pamilyang matagal ko nang inaasam, gumawa ako ng bagay na hindi ko talaga ipinagmamalaki sa buhay ko. Pumatol ako sa isang kasambahay at pinangakuan siya ng magandang buhay.” Bahagyang pinisil ni Peterson ang kamay niyang nakalapat sa isa’t isa. “Itinago ko ang pagbubuntis niya sa asawa ko. Pero hindi ko alam kung paano nalaman ni Diana ang lahat… Nalaman ko na lang na pinuntahan ni Diana ang kasambahay sa ospital kung saan nanganak ang babae. Sa takot ng babae na may gagawin si Diana sa kaniya at sa bata, pumunta siya sa nursery room at ipinagpalit ang mga anak natin…”

     Hindi kumikibo sina Danny at Nora, tila hindi pa tapos ang mga ito sa pag-proseso sa mga sinabi ni Peterson. Tiningnan naman ni Samantha si Peterson nang diretso sa mga mata nito. “Kung ganoon, nasaan na po ang totoong anak ng mga magulang ko?”

     “Mahina ang baga ng baby na iyon kaya namatay din siya pagkatapos ng isang oras,” pagtatapat ni Peterson.

     Mabilis naman na napaiyak si Nora sa narinig. Dahil sa sinabi ng mga doktor sa kanila noong mga panahon na iyon na isang mirakulo ang pagiging malusog ng baby nila, hindi na naisip ng mag-asawa ang posibilidad na hindi sa kanila ang bata. “Hindi totoo iyan… Hindi totoo iyan…” paulit -ulit na sambit ni Nora habang umiiling.

     Niyakap ni Danny ang asawa at inalo naman ni Samantha ang kaniyang ina. “Sabihin na po natin na naniniwala kami sa mga sinasabi niyo… Nasaan na po ang kasambahay na nagluwal sa akin?” lakas-loob na tanong ni Sam.

     “Wala na siya… Nasagasaan siya ng kotse nang magtangka siyang tumakas mula kay Diana.”

     Napalunok si Danny, halatang tuliro at hindi makapag-isip nang maayos. “Boss, pwede bang bumalik na lang kayo sa ibang araw? Kailangan pa po naming alamin kung tama ba ang mga sinasabi niyo o hindi. Gusto naming magkaroon ulit ng paternity test sa pagitan niyo ni Sam. Pero sa pagkakataong ito, kami ang mamimili kung saan isasagawa ang test. Hindi kayo dapat makialam,” magalang ngunit may diin ang tono ng pananalita ng haligi ng tahanan.

     “Naiintindihan ko po. Tawagan niyo lang ako kung kailan at saan niyo balak gawin ang paternity test. Handa akong makipag-cooperate sa inyo.” Tiningnan ni Peterson si Samantha pero mabilis na ibinaba ni Sam ang kaniyang tingin. “Mauuna na po ako. Pasensiya na po sa abala.”

     “S-salamat po sa pag-intindi,” bulong ni Samantha.

     Tumango naman si Peterson at bahagyang ngumiti. Lalo itong naging kamukha ni Samantha sa paningin nina Danny at Nora. Naglakad naman na paalis si Peterson at inutusan ang mga kasama nito na sumakay na sa kotse. Nanatili naman na nakatulala sa kawalan si Samantha kasama ang mga magulang niya. Para bang tumigil sa pag-andar ang mga utak nila at mas pinili nilang manatiling nakaupo habang nakahawak sa isa’t isa.

     “Kahit ano pang sabihin niya, anak ka namin, Samantha,” paalala sa kaniya ni Danny habang masuyong hinahaplos ang kaniyang buhok.

     “Alam mo naman kung gaano ka namin ka-mahal, ‘di ba? Ikaw kaya ang nag-iisa naming bunso.” Muli na namang nababasa ng luha ang mga mata ni Nora. “Kahit anong maging resulta ng gagawin niyong paternity test, ikaw pa rin ang anak ko na si Samantha. Tandaan mo iyan.”

     “Alam ko po, ‘Nay, ‘Tay, huwag po kayong mag-alala. Saka hindi pa naman po tayo sigurado. Malay niyo, maling Samantha Reyes pala ang hinahanap niya, ‘di ba?”

     “Oo nga… Tama ka, anak.” Bahagyang natawa si Nora habang nagpapahid ng mga luha. “Baka sa ibang baranggay iyon. Naligaw lang sila.”

     Seryoso naman ang ekspresyon ng mukha ni Danny. “Ang ipinagtataka ko lang, anak. Paano siya nakakuha ng sample ng DNA mo? Hindi ba illegal ang ginawa niya? Sabihin na nating mayaman siya pero dapat ba namin siyang pagkatiwalaan? Malay ba natin kung illegal recruiter iyan o boss ng isang human trafficking organization kagaya no’ng sa mga pelikula, ‘di ba?”

     Lumapad ang ngiti ni Samantha. “Tama po kayo, ‘Tay. Kaya dapat, huwag na lang po natin siyang intindihin. Ang mabuti pa, kumain na lang po tayo ng tanghalian. Birthday ko po ngayon kaya dapat lang na magsaya tayo ngayon. ‘Di ba?”

     Tumango-tango si Nora bilang pagsang-ayon. “Tama… Tara, kumain na tayo. Nakapagluto na ko kanina ng pritong manok. Paborito mo iyon, Sam, ‘di ba? Nilagyan ko pa iyan ng breading mix para maging crispy at medyo maanghang ang balat kagaya ng gusto mo.”

     Tumayo na si Danny at inilalayan ang mag-ina niya na pumunta sa kusina. “Huwag nating hayaan na masira ang araw natin dahil sa taong iyon. Ang mabuti pa, kumanta na lang tayo ng ‘Happy Birthday’ kay Sam habang nagbo-blow siya ng kandila sa cake niya.”

     Bahagyang tumawa si Samantha para ipakita sa mga magulang niya na ayos lang siya. Pero ang totoo, ramdam niya ang panlalambot mula sa mga ito. Tila nagkaroon ng hindi nakikitang barrier sa pagitan nila. At ngayon na dumating ang isang tao na may dalang ebidensya ng kinatatakutan niya, paano siya kikilos na para bang balewala lang ang lahat?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status