Share

One Hundred Billion Pesos Baby
One Hundred Billion Pesos Baby
Author: Winter_sorrow

Chapter 1

     “Happy birthday, anak! Kailan ka mag-aasawa?” bungad ng nanay niya kahit kakagising niya lang. “Tumayo ka na riyan. Nagluto ako ng spaghetti para sa ‘yo.”

     Iminulat ni Samantha ang mga mata niya habang nagmumura nang sunod-sunod na ipinababawal na mga salita sa kaniyang isipan. Dalawampu’t siyam na taon na siya ngayong araw. Walang asawa, walang boyfriend, walang manliligaw, at wala man lang siyang kalandian sa chat pero tinatanong siya ng nanay niya kung kailan siya mag-aasawa. Mas gusto niyang manood ng cat videos kaysa gumawa ng account sa dating apps, masama ba iyon?

     “Talaga ba, ‘Nay? Iyan kaagad ang bungad niyo sa ‘kin?” Kinamot niya ang buhok niya sa likod at tamad na tamad na bumangon.

     “Bakit kasi hindi ka pa mag-asawa? Ang tanda mo na kaya! Kita mo nga ‘yong kaklase mo noon na si Anne, buntis na sa pangatlong anak nila. Ikaw, hindi ka man lang maka-isa. Anong balak mo? Gusto mong bulukin ‘yang bahay-bata mo hanggang sa matuyot ka na lang? Mahirap tumanda nang mag-isa. Ikaw rin ang kawawa. Walang mag-aalaga sa iyo,” halos taon-taon, pare-parehas ang speech ng nanay niya kaya alam na ni Samantha kung ano ang sunod nitong sasabihin. “Ikaw na ang bahalang bumili ng ulam natin mamayang tanghali at hapunan. Malaki ka na kaya dapat ikaw na ang gumagastos sa handa mo.”

     “Nanay naman, wala naman po kasi akong sinasabi na gusto kong maghanda --”

“Bibili ka ng paborito kong wamport na lechon sa Harry’s o papaluin kita nitong hawak kong tambo?” Ipinakita pa ng nanay niya ang s*****a nito kaya nawalan na siya ng lakas para magreklamo.

     “Opo… Aalis na ko. Maliligo lang ako sandali.” Tumayo na si Samantha mula sa higaan niya at sinimulang ayusin ang pinaghigaan niya kung ayaw niyang mapalo ng tsinelas sa mukha kahit birthday niya.

     “Bumili ka na rin ng cake saka ice cream para naman may makakain akong matamis mamaya,” request ng tatay niya na abalang naglalagay ng keso sa ibabaw ng spaghetti nito.

     “Sus! Matamis? Paano kung tumaas na naman ang sugar niyo? Gusto niyo bang maturukan ng insulin sa tiyan araw-araw?” depensa ni Samantha. Umaandar na naman kasi ang pagiging kuripot niya.

     “Minsan lang naman. Isang beses sa isang taon ka lang magbi-birthday at manlilibre. Dapat lang na may request kami ng nanay mo,” pamimilit ng tatay niya.

     Lumabas na si Samantha ng kwarto niya para kunin ang tuwalya niya na nakasabit sa sampayan sa kusina. Pero nang ibigay sa kaniya ng tatay niya ang spaghetti na maraming keso sa ibabaw, napilitan siyang umupo sa lamesa para kumain. Bumili ng tinapay ang mga magulang niya na nilagyan ng margarine bilang palaman. Umupo rin ang mga magulang niya para samahan siyang kumain. Alam niyang kanina pa nag-almusal ang mga ito dahil alas-nueve na ng umaga sa orasan sa dingding pero hindi siya hinahayaan ng mga ito na kumain nang mag-isa.

     Bunso si Samantha at mayroon siyang nakatatandang kapatid na lalaki na nagtatrabaho sa Maynila bilang foreman ng kakilala nilang engineer. Trenta anyos na ito nang mag-asawa at may tatlong taon na anak na babae na ngayon. Dahil maraming pangangailangan ang bata, maliit lang ang naipapadala nitong pera sa kanila. Ang mga magulang niya na sila Danny at Nora ay parehas nang senior citizen kaya naman may nakukuha na silang pension buwan-buwan. Si Samantha naman ay kumikita bilang manunulat sa isang publishing house. Kakapirma lang niya ng bagong kontrata para mailimbag ang libro niya sa South Korea at mailalathala iyon sa Hangul o alpabetiko ng South Korea.

     Pagkatapos niyang kumain, inilagay na ni Samantha ang plato sa lababo. Kailangan na talaga niyang umalis dahil kapag naubusan siya ng tindang lechon, baka tsinelasin siya ng nanay niya sa mukha pagdating niya. Mawi-withdraw na niya ang kita niya mula sa bago niyang kontrata kaya maganda ang gising niya. Mabuti na rin na mabili niya ang pinapabili ng mga ito para hindi na muling buksan bilang topic ang lovelife niya.

     Nang pumasok siya sa banyo, halos sumigaw siya ng masasamang mga salita dahil sa sobrang lamig ng tubig. Pero dahil wala siyang choice, kailangan niyang bilisan ang pagbubuhos nang matapos na kaagad ang paghihirap niya. Nagtapis siya ng tuwalya bago nag-sepilyo sa harap ng lababo sa loob pa rin ng banyo. May salamin doon kaya kitang-kita niya na nangingitim na naman ang bandang ilalim ng mga mata niya. Hindi ganoon kalaki ang kinikita niya bilang manunulat sa isang traditional publishing house kaya kailangan niyang magtrabaho bilang ghostwriter ng kung sino-sinong foreign client. Malaki ang bayad sa ganoon kaya wala siyang reklamo kahit hindi niya pangalan ang nakalagay sa mga iyon. Ang importante, bayad ang serbisyo niya.

     Nang lumabas siya sa banyo, dumiretso na siya sa kwarto niya para magbihis. Dahil siguro matanda na siya kaya hindi na niya maramdaman ang excitement kapag birthday niya. Nagsuot si Samantha ng maong na short na ilang pulgada ang iksi mula sa tuhod, itim na tshirt na kasya ang isa pang tao dahil sa sobrang luwag, at pares ng tsinelas na medyo mamahalin naman ang tatak para naman hindi siya magmukhang basahan kapag lumabas siya. Cellphone, pera, at ATM card lang ang kailangan niya kaya wallet na kasya ang mga iyon ang gamit niya.

     “Tatay, ‘Nay, alis na po ako,” paalam niya sa mga magulang kahit hindi pa siya tapos magsuklay ng kaniyang buhok.

     “Bumili ka na rin ng grocery. Paubos na ang kape at mga sabon rito,” pahabol ng nanay niya.

     Napabuntong-hininga na lang si Samantha. Siya ang nagwi-withdraw ng pera ng mga magulang kaya nasa kaniya ang ATM card ng mga ito. Iyon din ang rason kaya siya ang dapat bumili ng grocery, maintenance medicine, at pagkain nila para sa ilang araw. Minsan, may mga naglalako ng isda sa lugar nila kaya karne lang ang binibili niya palagi. Maraming ipinagbabawal na pagkain sa mga magulang niya pero matigas ang ulo ng mga ito. Mabuti na raw ang ma-stroke dahil sa lechon, hindi dahil sa gutom.

     Umalis na siya ng bahay nila dahil lalo pa siyang tatanghaliin kapag hindi pa siya lumarga. Sumakay na siya ng jeep at sinadya niyang umupo sa tabi ng driver para hindi makipagsiksikan sa mga nasa loob. Payat na babae lang din naman ang katabi niya kaya hindi siya masyadong nasisikipan. Umandar na ang sasakyan at binagtas ang diretsong daan papunta sa bayan. Samantala, napunta naman sa side view mirror ang atensiyon ni Samantha. Kapansin-pansin na hindi niya masyadong kamukha ang mga magulang niya, kahit ang kuya niya. Alon-alon ang buhok niya na hanggang siko pero unat na unat ang buhok ng mga magulang nila. Katamtaman ang laki ng mga mata niya na may maiksing pilikmata na natural ang kurba pataas, kumpara sa kuya niya na mahaba at diretso ang pilikmata. Maliit at hindi masyadong katangusan ang ilong niya na palagi niyang pinipisil sa dulo noon para magaya sa tatay niya. Kahit ang mga labi niya na bahagyang manipis sa ibabaw, ginusto niyang maging makapal iyon kagaya sa nanay niya. Hindi lang niya sinasabi sa pamilya niya pero matagal na niyang insecurity iyon… Gusto niyang itanong kung ampon lang ba siya. Pero dahil malabong mangyari iyon dahil hindi naman siya isang bida sa pelikula o nobela, pilit niyang kinalimutan ang iniisip niya… Na baka ampon siya.

     Dalawampung minutong byahe sa jeep ang kinailangan para makapunta siya sa palengke. Pagdating roon, mabilis siyang bumili ng lechon na nire-request ng nanay niya. Pagkatapos, karne ng baka, baboy, at manok naman ang sinunod niya. Bumili na rin siya ng mga sibuyas at kung ano-anong sahog sa mga binili niya. Grocery, bakeshop at ice cream shop -- iyon ang mga pinuntahan ni Samantha kaya naman nang tingnan niya ang oras at makitang alas-diyes y’ medya na ng umaga, hindi na siya nagtaka kung bakit pagod na pagod na siya kakaikot.

      “Grabe… Pagod na nga ako, ang laki pa ng ginastos ko.” Sa sobrang mahal ng mga bilihin, nalagas kaagad ang mahigit tatlong libo mula sa sinahod niya samantalang wala pa siyang nabibili para sa sarili niya. Tatlong malalaking plastic bag at kahon ng cake ang bitbit niya kaya halos hindi na siya makahagulapay.

     Pumunta na siya sa terminal ng jeep upang makasakay. Halos kalahati pa lang ang mga pasahero na naroon. Pero dahil sa sobrang dami ng dala niya, siningil siya ng dobleng pamasahe. Dahil sa pagod at pagkainip, pumayag na lang siya para tapos na. Makalipas ang limang minuto, napuno na ang sasakyan at umalis na. Karamihan sa mga kasabayan niya ay galing din mula sa pamamalengke kaya sanay na siya sa ganoong eksena. Halos wala kang mapaglagyan ng mga paa at binti mo dahil puro sako at kahon ang nasa gitna.

     “Manong, para po!” Bahagyang tinuktok ni Samantha ang kahoy na kisame ng jeep. Biglaan ang naging pagtapak ng drayber sa preno kaya halos magpalitan sila ng pwesto sa loob. Nasa bandang gitna ang upuan niya kaya halos madapa siya habang naglalakad sa gilid.

     Sinalubong naman siya ng tatay niya na naghihintay pala sa kanto. Nakalimutan niyang mag-text para magpasundo pero awtomatiko pa rin siyang sinundo ng ama. “Akin na itong kahon ng cake, baka matapon mo pa.” Iyon talaga ang unang kinuha ng tatay niya.

     “Salamat po. Kanina pa po ba kayo rito?” Alam naman niya na cake at ice cream talaga ang sinundo ng tatay niya pero nagpatay-malisya na lang siya.

     “Hindi. Kakarating ko lang, anak. Bilisan na natin, alas-onse na. Tanghali na. Dapat kasi gumising ka nang maaga para mamalengke,” hindi pa sila nakakauwi sa bahay nila pero pinapagalitan na si Samantha ng tatay niya.

     “Sorry na po… Ilalagay ko na kaagad sa freezer itong binili kong ice cream. Binili ko pa naman ang paborito niyong flavor, ube ice cream.”

     Tila nagliwanag ang mga mata ng matanda. “Talaga ba, anak? Salamat, ha.” Lalong ginanahan si Danny kaya pinagbuksan pa niya ng gate ang anak.

     “Nay, nandito na po ako,” anunsiyo niya.

     Kinuha ni Samantha ang ice cream sa plastic at inilagay sa freezer. Mabilis naman na kinalkal ng Nanay Nora niya ang mga pinamili niya para ihiwalay ang mga karne. Nakahain na ang tanghalian nila, pritong manok, kaya inilagay na ni Danny ang cake sa ibabaw ng lamesa. Umupo naman si Samantha sa harap ng lamesa. Nagsalin siya ng tubig sa baso at uminom muna nang biglang may kumatok sa pintuan nila.

     “Sino iyon? May bisita ba tayo?” tanong ni Samantha sa mga magulang niya. “Uuwi raw ba ngayon si kuya?”

     “Wala naman siyang sinabi. Tingnan mo na lang Sam, baka mamaya magbibigay lang ng electric bill. Hindi pa kasi nadating,” utos ng nanay niya.

     Namimintig na ang mga hita at binti ni Samantha pero wala siyang magagawa. Abala sa pagtatanggal ng kahon ng cake ang tatay niya kaya siya na lang ang tumayo. Hindi tumitigil ang bisita nila sa pagkatok kaya naiirita na siya. Nang buksan niya ang pinto, tatarayan niya sana ‘yong taong dumating pero nang mapansin niyang hindi niya kilala ang lalaki sa harapan niya at may kasama pa itong apat na lalaki; nawala ang lahat ng katarayan niya.

     “Sino po sila?” tanong niya, baka kasi naliligaw lang ang mga ito sa lugar nila.

     “Ikaw ba si Samantha Reyes?” tanong din ang isinagot sa kaniya ng lalaki. “My name is Peterson Viray, your biological father.”

Comments (2)
goodnovel comment avatar
Rhobe Catenza
wla pa update
goodnovel comment avatar
Docky
hallaaaaaaa bakitttt
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status