Share

Lover 2

Pakiramdam ko ay hapong-hapo ako habang naglalakad papunta sa sizzlingan ni tita. Galing akong eskwelahan at halos kakatapos lamang ng klase ko. Dapat nga ay hindi na ako papasok ngayong araw dahil sinabihan na ako ni tita na tumao muna sa tindahan pero nagpumilit pa din ako. Kahapon pa kasi nilalagnat si tita mula ng makauwi kami. Siguro ay nasobrahan ng pagod dahil sa dami ng customer kagabi. Biyernes din kasi kahapon, at kapag ganoong araw ay laging dagsa ang tao. Payday kasi ng mga empleyado. 

Halos lakad-takbo na ako makarating lang sa bus station. Kay ate Carin ko lang kasi ibinilin ang tindahan. Siya ang pinakamatagal na tauhan ni tita at isa sa mga tagaluto duon at siya rin ang mas pinagkakatiwalaan ni tita sa tindahan sa mga ganitong pagkakataon. Mas matanda siya ng ilang taon sa akin. Nang dumating ako sa munting kainan na iyon noon ay isa na siyang tindera duon. Maliit lang ang sizzlingan na iyon dati. Kung tutuusin nga ay parang karinderya lang iyon na maliit at tanging si ate Carin at tita lamang ang tumatao.

Naaalala ko, siya pa nga ang laging umaalo sa akin sa tuwing kinakagalitan ni tita noon. Kahit kasi siya ay pinagdaanan din iyon sa kamay ng tita kong saksakan ng toyoin. Parang siya na nga rin ang nagpalaki sa akin dahil sa tuwing may problema ako ay laging sa kanya ang takbo ko. Kapag kasi kay tita ko sasabihin ay bubungangaan lang ako nito. Mabait kasi si ate Carin, maputi, pala-ngiti at higit sa lahat maganda, kung bakit tumandang dalaga. Siguro ay pihikan din ito sa lalaki. 

Pero kahit na ganoon ay hanga pa rin ako sa tiyaga ni ate Carin. Kung pwede ko nga lang siyang bigyan ng medal at awards ay bibigyan ko na siya dahil hindi niya iniwan si tita hanggang sa lumago ang negosyo. Baka nga kung sakali mang ipamana ni tita itong sizzlingan ay baka kay ate Carin na niya ibigay. Wala namang problema sa akin iyon dahil wala naman akong balak na pamahalaan ang munti niyang palasyo. Well, deserve naman na. Isa pa ay hindi rin naman ako maghahabol kung sakali man. Wala naman din kasi sa pagbi-business ang interes ko.

Kung tutuusing nga ay napakalaki ng iniunlad ng munting karinderyang iyon. Nasaksihan ko kung paanong nag-boom ang business ni tita at naging sizzling house. Hindi naman ito ganun kalaki pero sapat na ang laki nito para masabing may kaya na ang may-ari. Na totoo naman. Ang dating maliit na bahay ni tita ay unti-unting napagawa hanggang sa magkaroon ng iyon ng second floor, nga lang ay ako lang ang natutulog sa taas. Ewan ko ba naman kay tita kung bakit nagpagawa pa ng itaas samantalang wala naman siyang balak matulog doon. Gusto lang siguro niya akong di makita. 

Malapit na ako sa bus station nang makita kong may humintong bus kaya mabilis ako nagtatakbo bago pa man din iyon magsara ng pinto. Sinwerte naman ako at naabutan ko iyon. Ilang sandali lang ang lumipas at nakarating na rin ako sa sizzlingan. Wala pang gaanong tao dahil maaga pa. Gabi kasi kadalasan ang dagsa ng tao roon. 

"Aba! Nandito na pala ang prinsesa," bungad ni Deborah ng makita akong padating. Sa dinami-rami naman ng bubungad sa akin, kung bakit siya pa. Tulad ng nakagawian ay namumutakti na naman sa koloreta ang mukha niya. Muntik pa nga akong matawa make up nya ngayon. Para kasing nasobrahan ang lagay niya na nagmumukha na siyang matandang matrona. 

Pulidong-pulido ang pagkakaguhit ng kilay nya na para bang eksperto ito sa pagdo-drawimg. Naka-eyeliner na sa sobrang itim, to the point na para na siyang drug addict. Mukhang bagong bili siguro ang blush on niya dahil sa dami ng inilagay niya na tila ba nasampal siya at ang labi naman niya ay namumutok sa pagkapula. Pak na pak. 

Hindi na ako nag-abalang sagutin pa siya, isang hagod lang sa kabuuan niya ang ginawa ko. Iyong tipong magiiwan ng inis sa mukha niya. Hindi ko na pinigilan ang pagsilay ng ngisi sa labi ko nang magtagumpay ako, saka ako mabilis na naglakad patungo sa kahera bago pa makabawi ang bruha. Hindi ko agad nakita si ate Carin kaya agad akong nagpunta sa kusina. Nadatnan ko naman siya agad, iyon nga lang ay kausap si kuya Elric kaya mabilis akong umurong at hindi muna nagpakita. Nakinig muna ako ng usapan nila. Mukha kasi silang seryoso sa kung anong pinag-uusapan nila. 

Isa pa bukod sa ayoko silang istorbohin ay dahil gusto ko rin silang mapagsolo. Alam ko kasi na matagal ng may gusto si kuya Elric kay ate Carin. Ewan ko nga lang kung aware si ate duon. Magkaedad lang halos silang dalawa, matanda lang siguro ng isa o dalawang taon si kuya. Noon ko pa talaga napapansin yun, at alam din ni kuya Elric na buking ko na sya, kung bakit itong si ate Carin ay hindi man lang makahalata. Well, kung titignan naman si kuya, hindi naman na lugi si ate. Matangkad naman si kuya, gwapo, may kaputian, mabait din, responsable, at higit sa lahat, hindi naman sila nagkakahuli sa edad. Di ko tuloy malaman dito kay ate kung manhid nga ba o ano.

"At anong sinisilip-silip mo dyan, bruha?"

Kulang nalang ay mapatalon ako pagkarinig ko sa pangit na boses ng impaktang nasa likod ko. Sa mga ganitong oras mas nakakakulo ng dugo ang Deborah na ito. Tumuwid ako ng tayo mula sa pagkakasilip sa pinto saka ito iningusan. 

"None of your business," matalas kong sagot saka inirapan at naglakad pabalik sa kaha.

Maaga akong nagsara nang sumapit ang gabi. Alam kong mapapagalitan ako ni tita pag-uwi ko pero pinabayaan ko nalang. Marami rin kasi akong activities na gagawin at isa pa ay pagod na rin ako. Hindi naman biyernes pero napakaraming tao kanina kaya napilitan na din akong tumulong. Para nga akong trumpo kanina na paikot-ikot. Tatakbo, kukuha ng orders, maya-maya tatakbo magsusukli. Mainam nalang din at puro mapagkakatiwalaan ang mga tauhan ni tita, dahil kung hindi, siguradong noon palang ay nanakawan na kami. Maging itong impaktang Deborah na ito, kahit na bruha ay mapapagkatiwalaan sa pera. Kaya rin siguro hindi magawang mapaalis ni tita kahit medyo pasaway. 

"Ino, hatid na kita," untag ni Andrei na nasa tabi ko na pala. Kasalukuyan akong nasa labas at hinihintay na makalabas ang mga tauhan sa loob para mai-lock na ang roll up. Kanina pa ako nagsarado pero nandito pa pala ang mahangin na ito. 

"Andrei, kanina ko pa sinabi sa iyo na ayoko di ba?" Sadyang hinaluan ko ng talim ang boses ko para iparating na naiinis na talaga ako pero mukhang hindi naman ito natinag. "Umuwi ka na. Kaya kong umuwi ng mag-isa."

"Hindi ka ba natatakot? Mamaya niyang makasalubong mo yung multong sinasabi nila. Dadaan ka pa naman duon."

Gusto ko sanang taasan ng kilay si Andrei pero pinigilan ko pa rin ang sarili ko. "Chismis lang yun, Andrei. Hindi totoo iyun. Saka kung may katatakutan ka man, mas maganda siguro kung sa akin ka na matatakot. Kase baka kung anong abutin mo sakin pag hindi ka pa tumigil," banta ko pa na tila naman nakuha nito dahil bahagya pa itong napa-urong.

"Hmf! Sungit!" Ingos nito saka nagkakamot ng ulong tumalikod na at naglakad. 

Nakahinga naman ako ng maluwag ng makita kong umangkas na ito sa motor ng katrabahong naghihintay pala dito sa di kalayuan. 

"Una na kami, ate Ino," paalam ni Shaira nang tuluyang maisara ang roll up.

"Ingat. Ingat kayong lahat." 

"Ikaw din, duon pa naman ang daan mo sa may Balite street," biro ni kuya Elric. Sinimangutan ko lang ito kunwari saka nagsimula ng maglakad. Agad din naman itong siniko ni ate Carin na nasa tabi nito sabay ingos dito na tila ba nainis. Binelatan ko naman si kuya Elric. Tagapagtanggol ko kaya si ate Carin. 

Sa totoo lang ay gusto kong magpasama muna sa kanila hanggang kahit sa bus station man lang kaso nga lang ay hindi pwede. Ako lang kasi ang may ruta duon kaya wala akong kasabay. Isa pa ay baka makahalata pa si Deborah na natatakot ako. Hindi pwede yun. Hindi pwedeng makitaan niya ako ng kahinaan. Kung hindi ay malamang sa pagtawanan nalang ako ng babaita na iyon. Walang puknat pa naman ang tingin nito magmula pa kaninang isinasara ang roll up. Para bang may gusto siyang sabihin at mukhang alam ko na kung ano iyon ng makita ko siyang ngumisi nang sabihin sa akin iyon ni kuya Elric.

Kumaway pa ako sa kanila bago magsimulang maglakad. Hindi naman sa walang dumadaang sasakyan kaya ako naglalakad. Sa katunayan nga ay napakaraming dumadaang tricycle dito kaya lang ay mas gusto kong magtipid. Mahal kasi ang pamasahe na akala mo ay pinupulot lang ang pera. Isa pa iyon sa mga namana ko kay tita Hilde. Ang pagiging kuripot niya. Well, hindi naman sa kuripot ako, sadyang matipid lang. 

Abala sa kung saan-saan ang isip ko habang naglalakad kaya hindi ko napansin na nasa Balite street na pala ako. Dire-diretcho lamang ako ng lakad habang binabaybay ko ang medyo may kadilimang kalsada. Iniiwasang mag-isip ng kung ano-ano. Ayokong takutin ang sarili ko sa mga bagay na hindi ko naman talaga nakikita pero hindi ko pa rin maiwasan. Lalo na’t ilang beses ko iyong naririnig sa mga kumakain sa sizzlingan.

Nakakapagtaka lang kasi kung bakit nagkaroon ng katatakutan dito sa lugar na ito samantalang hindi naman ito tulad ng ibang daan na mukha talagang hunted. Maraming buildings na nagtataasan sa paligid. Unless nalang siguro kung pati mga buildings na iyon ay haunted, hindi talaga malabo na magkaroon ng pagala-gala dito.

Halos nasa kalagitnaan na ako ng kahabaan ng Balite street nang bigla akong nakaramdam ng malamig na hangin na animo ay may kasamang yelo. Pinilit kong huwag panindigan at isiping normal na hangin lang iyon pero hindi ko magawa. Kusang nanindig ang balahibo ko na umabot hanggang sa batok. Kumabog ng malakas ang dibdib ko at unang rumehistro sa utak ko ang takot. 

Totoo ba talaga ang chismis? Ibig ba talagang sabihin no'n meron nga talaga dito?

Binilisan ko ang paglalakad habang hindi lumilingon sa paligid. Ayokong igala ang mga mata ko dahil baka may mahagip akong hindi dapat nakikita ng mata. Wala akong balak na maka-encounter ngayon kaya wag nila akong anuhin. Hinihimas-himas ko pa ang mga braso ko para pakalmahin ang mga balahibo na para bang ayaw ng magsibaba. Ano ba naman ito, bakit ngayon pa? Hindi ako ready. At kahit kailan ay hindi ako magiging ready. Gusto ko ng tumakbo ngunit kung bakit para bang napakabigat ihakbang ang mga paa ko. Ramdam na ramdam ko ang bigat ng tensyon sa paligid at tila ba may nakatingin sa akin. Pero kahit ganoon ay pinilit ko pang mas bilisan ang lakad. 

Abot-abot ang panalangin ko habang binabaybay ko ang kahabaan ng Balite street. Nakahinga na lamang ako ng maluwag ng malapit na akong makaraan sa Balite street na iyon. Inihanda ko na ang sarili ko sa pagtakbo pero nang ihahakbang ko na ang mga paa ko ay nakuha ng isang bagay ang atensyon ko. Nakatayo paharap sa akin nang may ilang dipang layo.

Wala sa loob na hinagod ko pa iyon ng tingin. Nakasuot iyon ng kulay puting t-shirt at itim na pang-ibaba. Nang mapagtanto ko kung ano iyon ay noon lang ako natulala at hindi na makakilos pa. Duon ko na naramdaman ang totoong pangingilabot na higit pa sa nararamdaman ko kanina. Na parang ang naramdaman ko kanina ay walang sinabi sa matinding takot na nasa dibdib ko ngayon. Bigla ay gustong maiyak. Mas tumindi pa iyon lalo nang masalubong ko ang tingin nito. Parang may kung anong malamig na gumapang sa balat ko. Pakiramdam ko nga ay literal na nakatayo na ang mga buhok ko tulad noong mga napapanood ko sa tv. Naalarma ako nang makita kong humakbang ito palapit sa akin. Doon ko na pinilit na ikilos ang mga paa at kumaripas ng takbo sa kabila ng panginginig ng tuhod. 

"Ahhhhh!?" Hindi ko na napigilan ang sarili ko na sumigaw at punitin ang katahimikan ng gabi. Wala na akong pakialam kung makagising man ako dahil iyon naman talaga ang purpose ng pagsigaw ko. Para magkaroon ng kasama na pwedeng matakbuhan.

"Multo!?"

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status