Share

Unang Kabanata - Nakaraan

Mag-aanim na buwan na ang nakalilipas bago nangyari ang lahat…

Nakatuon ang buong atensyon ko sa sinusulat ko. Itinatak ko sa isipan ko na kapag hindi ko natapos ang manuscript na kasalukuyan kong isinusulat ay siguradong ako ang tatapusin ng may saltik kong tagapatnugot (Editor)

Binilisan ko ang pagtipa sa keyboard ko habang maganda pa ang daloy nang mga salita at pangyayari sa kalawangin kong utak. Iba rin kasi ang pakiramdam kapag alam ko iyong isinusulat ko at hindi ko pinipilit pigain ang utak ko para lang makabuo nang maayos na dialogo para sa mga karakters ko.

Minsan kasi kapag pinipilit ko, lalo lang nagiging basura at pilit ang tunog ng mga dialogo ng mga tauhan ko sa kwento. Ayokong bigyan ang tagapatnugot ko ng gawa na ibabasura lang niya. Kaya hanggat maganda pa ang daloy ng kwento sa utak ko, kailangan kong magsulat at hindi bigyan pansin ang lahat ng hindi konektado sa pagsusulat ko. Kailangan kong isarado ang utak ko sa mga nangyayari sa paligid ko.

“Talulla!” malakas na sigaw sa akin ng kung sinong mabuting nilalang sa labas ng kwarto ko. Kanina pa siya kumakatok at tinatawag ako. “Alam kong nandiyan ka! Talulla!”

Napagtuloy ako sa pagtipa. Ipinagsawalang-bahala ko ang malakas na katok sa pintuan ko at pagtawag sa akin. Lintik! Kelangan ko ng pera! Huwag mo akong istorbohin! Bahala ka riyan! Pinilit ko ulit na huwag pansinin ang tumatawag sa akin. Kelangan ko ng pera! Pera! Pera!

Ngunit mariin na mariin akong napapikit at napakuyom ng kamao nang muli kong marining ang malakas na pagtawag sa pangalan ko kasabay ng nakakabinging hampas sa pinto ng kwarto ko. Huminga ako nang malalim at muli kong sinubukan na ibalik ang atensyon ko sa isinusulat kong manuscript.

"Talulla!"

Tiis lang Talulla. Tiis lang. Magsulat ka! Kapag wala kang natapos na manuscript ikaw ang gigilitan at tatapusin ng tagapatnugot mo. Sa kangkungan ka pupulutin kapag nagkataon. Umayos ka! Pangungumbinsi ko sa sarili ko bago ko muling sinubukan ko magsulat pero bago pa muling dumapo ang daliri ko sa keyboard ko ay may tumawag ulit sa akin. Mas malakas at mas nakakainis!

"Talulla! Open the goddamn door!"

Anak naman ng titing, oh! Ayoko na! Ubos ang pansensya kong naitapon ko sa lamesa ko ang hawak kong lapis at hindi ko sinasadyang malakas na naisara ang laptop ko. Ay lintik na magaling! Napakagaling!

“Anak naman ng magaling na lintik oh!” sigaw ko bago ko hindi napigilang mapahilamos ng mukha at mabilis at matalim kong tiningnan ang nakasaradong pintuan ko. "Kung sino ka man na nang-iistorbo sa akin. Humanda ka!" Nanggagalaiti kong bulong. “Makakatikim ka sa akin!”

Asar na kuyom ang kamao akong tumayo at mabigat ang hakbang na nagmartsa papunta sa pintuan ko. Mabilis kong inabot ang siradura ng pinto ko at malakas ko itong buksan. Handang-handa na akong gyerahin kung sino man ang walang modong nang-istorbo sa akin. Titirisin ko siya ng buhay! Matitikman niya ang galit ng babaeng walang pera!

"Hindi mo ba nakikita ang nakasulat sa pintuan?! Bulag ka ba?! Ang laki ng pagkakasulat! DO NOT DISTURB!” bungad ko sa kanya habang nakasuper-saiyan kong itinuturo ang nakapaskil na karatula sa pinto ko. "Hindi ka ba marunong magbasa o hindi ka talaga nakakaintindi ng simpleng Ingles? Gusto mo bang itagalog ko pa?!"

Tatlong linggo na akong nakatengga at walang maisulat at ngayon lang ulit ako nagkaroon ng inspirasyon. Oo! Inspirasyon! Tapos bigla pa talagang may mang-iistorbo akin. Ang kapal ng mukha! Kapag nga ayaw sumagot o walang sumasagot. Isa lang ang ibig sabihin nun. Ayaw magpa-istorbo ng taong nasa loob o wala talagang tao! Wala bang utak ang taong ito?

"Alam mo ba kung ilang linggo na akong walang maisulat?! Tatlong buwan!” Galit na galit at dire-diresto kong lintaya sa kung sino man ang nasa harapan ko habang tinuturo ko sa kanya ang tatlong daliri ko. “At sinira mo iyon! Wala na akong pera! Alam mo ba i-" Napahinto ako sa pagtatalak nang mapagtanto ko kung sino ang tao na nakatayo sa harapan ko.

“M-ma?!”

Nanlalaki ang mata ko at gulat na gulat na bulalas ko nang maayos kong makita ang kunot na kunot at madilim na mukha ni Mama habang nakapaywang sa harapan ko. Para akong binuhusan ng nagyeyelong tubig at sa isang iglap ay humupa ang asar at galit ko at napalitan ng kaba at takot. Kinakabahan akong natakpan ko ang bibig ko.

“M-m-ma! A-anong ginagawa niyo po rito? Anong kailangan niyo?” Nagkandautal-utal kong tanong sa kanya habang hindi ko alam kung yuyuko ba ako o titingnan siya sa mukha. Lagot!

Nanliliit ang mata ni Mama na nakatingin sa akin kaya napayuko na lang ako. Kung kutsilyo pa ang tingin niya kanina na ako tadtad ng saksak at tiyak patay na ako. Wala sa oras akong napausal ng panalangin na sana kaawaan ako ng diyos este ni Mama.

“M-mama, k-kamusta po kayo?” Gusto kong sapukin ang sarili ko dahil hindi ko alam kung yayakapin ko siya o magmamano.

Nanatiling nakatingin sa akin si Mama habang sinasaksak niya ako ng tingin niyang hindi ko maipaliwanag. Naloko na! Diyos ko! Tulungan niyo po ako! Taimtim kong panalangin habang magkasalikop ang kamay ko. Dahil nagpadala ako sa emosyon hindi ko napansin na si Mama ang nasa harapan ko. Diyos ko hindi ko na po talaga, uulitin!

Naloko na! Naloko na talaga! Wala sa loob akong napalunok. Nanatiling madilim ang mukha ni Mama at ramdam na ramdam ko ang kanyang galit mula sa pinakadulo ng hindi ko nasusuklay na buhok hanggang sa kaila-ilalim ng buto at kalamnan ko. Nanuyo bigla ang lalamunan ko at muli napalunok ng malalim.

“Mag-impake ka. Sasama ka sa akin pauwi ng Hacienda.”

Nakatingin siya sa mata ko at malamig na malamig niyang utos sa akin. Tinapunan niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa bago niya ibinalik ang tingin niya sa mata ko. Kitang-kita ko kung paano nagbago ang galit na ekspresyon ng mukha niya at dahan-dahan itong napalitan ng pandidiri bago niya ako tahimik na tinalikuran.

Napangiti na lang ako at hindi na nagreklamo pa. Sanay na ako. Mabilis akong bumalik sa loob ng kwarto ko at nagsimula akong mag-impake. Alam ko kung bakit nandito si Mama, pero ang hindi ko inaasahan na si Mama ang susundo sa akin. Karaniwan kasi ang katiwala lang namin ang pinapapunta niya para sunduin ako. Hindi ko alam kung bakit siya ang sumundo sa akin pero sana walang mangyaring masama dahil hindi ko pa tapos ang nobela ko.

“O diyos ko, tulungan niyo po ako,” mahina at taimtim kong panalangin.

Alam ko kung bakit nandito si Mama. Nandito siya dahil bukas na ang ika-dalawampu’t apat na taon kong kaarawan. Hilig ni Mama na ipagdiwang ang araw ng kaarawan ko hindi dahil kaarawan ko kundi dahil kay Leticia, ang Ate ko. Araw din ng kamatayan niya ang araw ng kaarawan ko. Ibig sabihin bukas din ang ika-walong anibersaryo ng pagkamatay ni Leticia. Wala sa loob kong napatingin ako sa larawan na nakasabit sa dingding ko at tipid akong napangiti.

Ano ba ang pagpipilian ko. Ano ang magagawa ko? Lahat ng gusto ni Mama nakukuha niya. Lahat kami gustong ibigay ang gusto niya. Lahat gusto siyang paluguran at isa na ako roon. Kahit anong mangyari, Mama ko pa rin siya. Ganun naman talaga iyon palagi. Pero kahit ganoon, hindi ko pa rin maiwasan gustuhin na sana hindi na lang siya ang pumunta rito.

Kung bakit kasi hindi na lang siya namalagi kay Allegria, ang bunso namin. Napabuntong-hininga na lang ako. Hindi ito ang tamang panahon para panghinaan ng loob at magsintimento. Sanay na ako. Tanggap ko na ang lahat. Ang kailangan ko lang gawin ay ngumiti at sundin ang gusto niya.

Mayroon akong tatlong kapatid. Si Kuya Celio, Ate Leticia at Allegria. Si Kuya Celio ang panganay sa aming magkakapatid at ang paborito ni Papa. Si Ate Leticia ang paboritong anak ni Mama at Papa, at si Allegria, ang bunso namin. Pagtapos mamatay ni Ate Letty, si Allegria ang naging bagong paborito ni Mama at Papa. At ako, si Talulla Calapati, ang binansagang itim na tupa ng pamilya namin, ang aninong pilit na itinatatwa ng pamilyang Calapati.

Katulad ng sabi ko, hindi ipinagdiriwang ni Mama ang araw ng kaarawan ko dahil sa kaarawan ko kundi dahil kay Ate Letty. Gusto lang niyang ipamukha at ipaalala sa akin na kasalanan ko kung bakit namatay si Ate Letty, ang kanyang perpektong anak.

Wala naman akong problema kung araw-araw niyang ipapamukha sa akin na kasalanan ko ang nangyari, sanay na ako. Pero hindi ibig sabihin na sanay na ako, hindi na ako nasasaktan. Nasasaktan pa rin ako. Kahit gusto kong iwasan ay hindi ko mapigilan na mapait na napangiti.

Pagkatapos kung mag-impake ay mabilis akong naglakad palabas ng kwarto ko. Mabilis kong tinahak ang daan papunta sa sala habang bitbit ko ang laptop ko. Kailangan kong magmadali kung gusto kong maging maayos ang biyahe namin ni Mama. Sa timpla niya ngayong araw, ang salangin siya ang pinakahuling bagay na gusto kong mangyari.

"What took you so long?" Nakapamaywang na bungad niya sa akin. "Pagkatapos mo akong sigaw-sigawan, may kapal ka pa ng mukha na paghintayin ako? Wala ka talagang silbi kahit kailan. Kung nandito lang sana si Leticia." Madilim ang mukha niyang tinalikuran ako. “Napakawalang-kwenta mo,” mamumula niyang sikmat ulit sa akin.

Sinasabi ko na nga ba, magsisimula na ang aking penetensya. Kaya ayaw ko siyang makita o makasama o umuwi sa amin dahil sa ganitong uri ng drama. Pero hindi naman talaga siya drama, nagsasabi naman ng totoo si Mama. Kasalanan ko naman talaga at mga mata ni Mama, isa akong mamatay tao. At walang sinumang nilalang ang kayang magpapabago ng paniniwala niyang iyon. Kahit masakit pinili ko na lang manahimik at huwag na lang magbigay ng komento kay Mama.

"Kailan ka maghahanap nang matinong trabaho?"

Biglang tanong ni Mama sa akin bago siya naunang lumabas sa bahay ko. Para akong sinampal at tulalalang napatingin ako sa likuran niyang papalayo sa akin. Pero bago pa niya makita ang reaksyon ko ay inayos ko ang sarili ko.

Umayos ka Talulla. Sinusubukan ka lang ni Mama. Umayos ka! Sanay kana hindi ba?

"Matino naman ang trabaho ko, Mama," maingat kong sagot sa kanya nang maabutan ko siya sa tarangkahan ng akin tahanan.

Hindi gusto ni Mama ang karera ng buhay na napili ko. Kung karera man ang pagiging manunulat, ayaw niyang maging manununlat ako. Maliban sa hindi raw ako magaling ay wala rin akong pangalan na naipundar sa loob ng ilang taon na pagkukulong ko sa apat na sulok ng bahay ko.

"Your job is good? You can barely make a living with it. Why don't you imitate Celio? His company is expanding impressively, then you, still being stuck in your haunted house. Why are you keep on disappointing me?"

Huminga ako ng malalim bago ko isinara tarangkahan ng bahay ko at sumunod kay Mama. Sinubukan kong huwag pansinin ang sinabi ni Mama katulad ng iba pa niyang sinabi kanina, pero masakit pa rin. Tama naman siya. Magiging dalawampu’t apat na taong gulang na akong bukas pero wala pa rin akong maipagmamalaki. Kakarampot lang naman ang kinikita ko sa pagsusulat. Kumpara sa kinikita ng mga kapatid ko, barya lang ang suweldo ko.

"Kung buhay lang ang Leticia ko, hinding-hindi niya gagawin ang ginagawa mo. Talulla, sinasayang mo lang ang buhay mo sa walang kwentang bagay! Tatanda ka na naman bukas, pero tingnan mo naman ang sarili mo, wala ka pa ring silbi, you are barely moving. Ano bang plano mo sa buhay, ha? Tumunganga at maghintay ng himala?" Patuloy na sermon ni Mama sa akin. Daig pa niya ang albularyo na nagtataboy ng masamang ispirito.

Gusto ko sanang sabihin na kontento na ako sa kung anong meron ako. Na kahit hindi man ako kumikita ng malaki at minsan wala talaga akong kita, pero gusto ko ang ginagawa ko. Na kahit hindi ako katulad ng mga kapatid ko, pagsusulat ang hilig at ko. Hindi na naman ako humihingi ng pera sa kanya.

Gusto ko rin sanang sabihin kay Mama na maging malaking bagay para sa akin kapag bibigyan niya ako ng suporta. Kahit kakarampot lang. Isang simpleng ‘kaya mo iyan’ sulit na ako, pero alam kong hindi mangyayari iyon. Alam kong ilang beses niyang hinihiling na si Leticia ang nandito imbes na ako. Pero total hindi naman niya ako pakikinggan, hinayaan ko na lang siyang tumalak nang tumalak. Tahimik ko na lang siyang sinundan.

“Anong silbi ng pinag-aralan mo kung hindi mo naman gagamitin? Kaya hanggang ngayon wala ka pa ring matinong trabaho dahil sa mga walang silbi mong desisyon sa buhay. Kung hindi mo sana iniwan ang dati mong trabaho,” dagdag pa ni Mama ng makarating kami sa Parking Lot. “You are full of damn excuses. Grow up, Talulla. Nakakahiya kana. Hindi ka ba nahihiya sa sarili mo?”

Kaysa sa pakinggan si Mama ay tinanguan ko na lang si Kuya Danny at tipid siyang nginitian, ang drayber ni Mama at pinili ko na lang na magtaingang-kawali. Hindi na ako nag-abalang ipatanggol pa ang sarili ko. Bakit ako magpapaliwanag sa kanya kung sarili lang naman niya ang naririnig at pinapakinggan niya, hindi ba?

Nagpatuloy sa pagsasalita at pagkukwento si Mama habang nasa biyahe kami. Nakakarindi pero katulad ng nakasanayan ko, pinili kong huwag na lang siyang pansinin. Tahimik ko na lang na pinagmamasdan ang lugar na dinadaanan namin. Tumagal ng dalawang oras ang biyahe namin, ibig sabihin, dalawang oras din akong nakikinig sa lahat ng sasabihin ni Mama. Opo lang palagi ang sagot ko.

Karamihan ay tungkol kay Ate Leticia, kung gaano siya kagaling kung nabubuhay pa siya. Nabanggit din ni Mama ang kanyang bakasyon kasama si Allegria sa Los Angeles, ang kanyang bakasyon sa New York kasama si Kuya Celio. Si Kuya Celio at Allegria ay parehong nakatira sa ibang bansa, kaya laging nasa ibang bansa si Mama. Wala naman problema kung doon siya mamalagi dahil parehong may bahay at lupain siya doon. Kung yaman lamang ang pag-uusapan, walang maitulak-kabig ang yaman ni Bill Gates sa angkan namin.

Parehong matagumpay sa pinili niyang karera sa buhay ang mga kapatid ko. Si Allegria ay isa sa mga nangungunang abogada sa Los Angeles, habang si Celio ay isa sa Forbes na nangungunang sampung batang matagumpay na negosyante sa buong mundo. At ako, huwag na nating pag-usapan. Ako ay isang mababang uri ng nilalang na nawala sa dagat ng mga tanyag at malalaking tao. Hindi ako nakikita at napapansin ng lahat. Isa akong pulubi kung ikukumpara ako sa mga tao sa angkan namin. Maaaring kaawa-awa sa ilan ang estado ko sa pamilya namin, ngunit sa totoo lang mas komportable ako sa aking estado. Maliban sa kung paano ako tratuhin ni Mama.

Nakakatawa nga kasi nag-aabala pa si Mama na lumipad pabalik ng Pinas kada taon para lang ipamukha sa akin ang kasalanan ko ang lahat at para isampal sa akin kung gaano ako kawalang-kwenta. Nakakatawa sa sobrang sakit at pait. Pero sabi nga ni Freddie Aguilar, “tawanan mo ang iyong problema, tumawa ka. Hahaha”

"Your Aunt Sylvie and their family will be coming. I also invited some of Leticia's friends. Celio and Allegria said they are also coming." Nakangiti niyang pahayag hanggang sa bigla itong naglaho ng magawi ang tingin niya sa akin. Oh, ‘di ba? Ang galing! “They will surely ask about you and your unproductive and unhealthy disgusting lifestyle. Talulla, grow up." Umasim agad ang mukha niya pagkabanggit niya sa pangalan ko. Ano bang aasahan ko?

“Salamat po, Ma,” tanging naibulong ko lang.

“Dapat lang naman!” sikmat niya sa akin.

Hanggang ngayon hindi pa humuhupa ang galit niya sa akin. Hindi man niya ako pinagtataasan ng boses pero iba pa rin ang hatid ng laman ng mga sinasabi niya sa akin. Minsan naiinis na ako sa sarili ko dahil nagiging napakasensitibo kong tao kapag si Mama ang kaharap ko. Itim na tupa nila ako kung tawagin dahil hindi ko sinusunod ang gusto ni Mama at dahil sa nangyari pitong taon na ang nakalilipas, subalit hindi lang nila alam… hindi lang nila alam. Wala silang alam.

Lumunok ako upang tanggalin ang bikig na nabubuo sa natutuyo kong lalamunan. Nakakatuwa lang kasi hindi man lang siya nag-abalang tanungin ako kung kamusta ako. Sa halip, panunumbat at pagkukumpara lang ang naririnig ko. Hindi ko alam kung ano ang nag-udyok sa akin na sumama pa kahit alam ko na ang dadatnan ko.

“Ma, magpahinga na po muna kayo. Mahaba pa ang biyahe natin. Alam ko pong pagod kayo. Huwag po kayong mag-alala, magiging maayos ang lahat bukas. Halos apat na buwan mo nang pinaplano ang okasyong ito. Magiging maayos po ang lahat,” pangungumbinsi ko sa kanya.

"Of course. I want to let Leticia know that I remember and love her so much. My poor baby."

"Opo, Ma." Nginitian ko na lang siya para matapos na. Baka kasi tuluyan akong maiyak kapag hindi pa siya huminto.

Gusto kong itanong kay Mama kung mahal din ba niya ako, pero hindi na ako nag-abala pa. Ayoko nang lokohin at paasahin pa ang sarili ko sa isang katotohanang pinipilit kong pinapasinungalingan. Alam kong hindi ako minahal ni Mama simula’t sapol pa lamang.

Maingat kong binuksan ang bintana ng sasakyan namin nang masigurado kong mahimbing na ang tulog ni Mama. Sinulyapan ko muna siya bago ko itinuon ang atensyon ko sa labas at sa mga tanawin na nadadaanan namin. Nakangiti ako pumikit habang binabagtas namin ang hangganan ng Lungsod. Ang aming bayan na namin ang susunod. Ang Bayan ng Syer (Sa-i-r).

Huminga ako ng malalim at pinakinggan ang kaluskos ng mga puno na nadaraanan namin. Hinayaan ko ang malambing na simoy ng hangin na humaplos sa aking maputlang balat habang ang sinag ng araw ng hapon ng Agosto ay masuyong humahalik sa aking mukha.

Subalit hindi ko maiwasan na muling sulyapan si Mama. Hindi ko alam kong kailan niya ako patatawarin. Nangungulila rin ako kay Ate Letty dahil hindi ko lang siya kapatid kundi matalik ko rin siyang kaibigan. Subalit, tulad ng mga dahon ng mga puno tuwing panahon nang tag-lagas, lahat ng bagay sa aking mundo ay nalagas sa araw na iyon. Maraming taon na ang lumipas mula nang mawala siya, ngunit sariwa pa rin ang sugat ng kanyang pagkawala.

Ngayon, muli na namang papatak ang takipsilim, at halos wala ng init ang araw sa dakong kanluran. Isang araw na naman ang lilipas at isang araw ng kalungkutan. Pero hindi ibig sabihin nun ay naghilom na rin ang bawat sugat ng nakaraan na pilit kong tinatalikuran. Hindi matatapos at mawawala ang pagdadalamhati ni Mama, at ang kalungkutan niya ang aking kaparusahan. Ang tanikalang hinding-hindi ko matatakasan.

May mga sugat na hindi naghihilom at gumagaling kahit lumipas pa ang maraming taon at mahabang panahon. Hindi lahat kayang hilumin ng panahon.

“Maligayang pagbabalik, señorita Talulla,” nakangiting bati sa akin ni Kuya Danny nang matanaw namin ang karatula ng bayan namin.

Bahagya kong nginitian si Kuya Danny bilang tugon. Maligayang pagbabalik ha?

"Kamusta po kayo, Señorita Talulla?" Napaangat ako ng tingin sa tanong ni Kuya Danny. Pakiramdam ko may biglang kamay ang dumaklot sa dibdib ko at biglang nagkaroon nang bara ang lalamunan ko.

Maingat akong tumikhim bago ko siya tinapunan ng tingin. "Maayos naman po ako, Kuya Danny," nakangiti kong sagot sa kanya.

Nakita ko ang tipid na ngiti sa labi ni Kuya Danny bago niya iginiwang pakanan ang sasakyan. "Magiging maayos din ang lahat, hija."

"Opo," tipid kong sagot. Hindi ko rin kasi alam kung ano ang sasabihin pa sa kanya.

"Maligayang kaarawan, hija. Hangad ko ang iyong ligaya."

"Maraming salamat po.”

Dapat ko ba talagang ipagpasalamat ang araw na ito?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status