Share

Misis Tala

 

Bakasyon nang malaman ni Tala ang totong sakit ng ina. Nabalot ng matinding takot ang batang puso ni Tala. Anong mangyayari kapag hindi gumaling ang ina? Sa paunti unting paliwanag ay sinabi ni Mahalia kay Tala ang totoong dahilan kung bakit siya pinakasal kay Limuel.

 

“Si kuya Limuel mo, malaki ang utang na loob natin sa kanya. Siya ang mag-aalaga sa iyo kapag wala na ako. Mahal ka naman ni papa mo pero baka hindi ka niya masyadong maprotektahan lalo at palagi siyang nasa malayo…at meron din siyang mga bisyo na hindi niya kayang iwanan,” inaayos ni Mahalia ang magulong buhok ng anak habang kinakausap ito.

 

Iyak ng iyak si Tala hindi dahil nalaman niya ang totoo sa kasal nila ni Limuel. Hindi na importante sa kanya ‘yon. Ang importante sa kanya ay ang gumaling ang kanyang ina. Pero hindi gumaling si Mahalia. Sa huling sandali ay palagi na lamang itong nakahiga sa kama at doon ay palaging nakabantay si Tala.

 

“Mama magpagaling ka na po please,” hihiga si Tala sa tabi ng ina at yayakap dito. Ilang gabi na rin itong pilit natutulog sa silid ni Mahalia.

 

“You have to be strong. I will watch over you from heaven. ‘Wag kang magagalit sa Diyos dahil kinuha niya ako ng maaga. Lagi mong tandaan, masama o mabuti man ang nangyayari sa iyo, kahit hindi mo maintindihan, for as long as you believe in God, all things are happening for your best. Para sa kabutihan mo ang lahat. Promise, promise me you will be strong.”

 

Tumango lang si Tala kahit nalilito pa rin siya, paanong magiging mabuti sa kanya kung mawawala agad sa piling niya ang ina. Noong graduation niya sa grade 6, ang tita Dalisay niya at si Limuel ang sumama sa kanya dahil hindi na kaya ni Mahalia ang samahan pa siya.

 

Ibang Tala ang pumasok ng grade 7. Mas mature siyasa pananaw sa buhay lalo at siya ang nagdedesisyon sa bahay habang bedridden ang ina. May dalawang kasambahay sina Tala na nakakasama niya sa pag-aalaga sa ina. Kahit may sakit hindi pa rin agad makaalis si Mahalia sa bahay nila sa Almaraia sa takot na baka pati ang lupaing ito ay mawala na rin sa kanila kapag naisipang ibenta ni Bayani. Mabuti na lamang at sinabi ni Azon, na hipag niya, na babantayan nito ang property nila alang-alang kay Tala, nang kalaunan ay lumipat na muna sina Tala sa ancestral house ng pamilya nila sa Beunasuerte kasama ang pamilya ng tita Yasmin niya. Hindi na nagpakita ang ama ni Tala simula nang umalis sila sa Almaraia - Tila hindi rin nito alam ang gravity ng sakit ni Mahalia.

 

Sa loob ng ilang buwan ay tila naghahabol ng oras ang mag-ina. Bahay, iskwela, simbahan, at ospital, ito ang naging buhay ni Tala ng mga sumunod na buwan. Ang ibang ka- edaran niya ay masayang gumagala sa maraming magagandang pasyalan sa kanilang lugar, pero mas pinili ni Tala na manatili sa bahay kasama ang ina hanggang sa huling oras nitong natitira.

Summer nang pumanaw si Mahalia, sa tabi ni Tala ito nalagutan ng huling hininga. Mula sa Manila kung saan nag-aaral ng kolehiyo ay umuwi si Limuel para samahan si Tala sa pagdadalamhati nito.

 

“Gusto mo bang bumalik sa Almaraia?” tanong ni Bayani sa anak. Nagpunta ito sa libing ng asawa at kinausap si Tala. Sa unang pagkakataon ay hindi ito lasing. Pero sa mga mata ni Tala ay hindi na niya ito kilala. Sa isiping wala na siyang mama na palaging gagabay at mag-aalaga sa kanya, sa sakit na nadarama sa pagkawala nito, at ‘yong pakiramdam na kailangan niyang matutong alagaan at magdesisyon para sa sarili, sa edad na labing tatlo ay maagang naging mature ang kanyang isipan.

“Hindi na po. Lilipat na ako sa bahay ni tita Dalisay, I mean ni mama Dalisay,”

 

Huminga ng malalim ang ama. Hinawakan lang siya nito sa balikat, at saka ito lulugo-lugo ng umalis.

 

“Anong sabi niya sa iyo?” hindi namalayan ni Tala na nasa likuran niya si Limuel. Umiling si Tala. Ngayon niya lang ulit nakita ang asawa, pumuti ito sa Maynila at lalong gumwapo sa paningin ni Tala. Pero nagdadalamhati ang bata para pag-ukulan niya ng pansin ang damdamin niya sa lalaking hinahangaan pa rin niya hanggang ngayon at tuluyan niyang sasandalan para sa pagtataguyod ng kanyang kinabukasan. Sinabi nito ang pinag-usapan nilang mag-ama.

“Ready ka na? Nasaan na ang mga gamit mo? Uwi na daw tayo sabi ni Mamang,” aya nito sa kanya. May payapang humaplos sa nalulungkot at natatakot na puso ni Tala.

“Dito ang sarili mong kwarto anak, malapit sa kwarto ko para kapag may kailangan ka sa akin eh madali mo akong mapuntahan,” isa-isang inaalis ni Dalisay ang mga damit ni Tala sa bag na dala nito.

Hinawakan ni Tala ang pink na kurtinang mukhang bagong-bago pa. Tanaw sa kanyang bintana ang malawak na bakuran sa likod bahay nila. Tama ang mama niya, kung hindi nito pinaghandaan ang sitwasyon nila, malamang na ang papa niya ang nagdedesisyon ng buhay niya. Malamang na ito ang susundo sa kanya para umuwi sa Almaria. Bagay na ayaw ni Tala na mangyari.

 

“Pwede pa rin naman si Tala sa ancestral home Dalisay, may parte pa rin si Tala sa bahay namin.” Alok ni Yasmin.

“Hindi na, lagi ka ring busy at madalas na katulong din ang naiiwan sa bahay mo. Lalo at panay din ang luwas ninyong mag-anak sa Maynila,” sabi ni Dalisay. Gustong-gusto niya ang anak na babae at mabuti na si Tala ang naging totoo na niyang anak sa ngayon.

 

Tutuparin ni Dalisay ang pangako sa matalik na kaibigan na aalagaan at poprotektahan nito si Tala sa abot ng makakaya nila ni Limuel.

 

“Halika Tala, mamasyal tayo sa mga iniwang pataniman ng mama mo.” Aya ni Dalisay sa kanya.

“Tala kain na daw tayo,” kakatokin siya ni Nuel sa kwarto

“Ano Tala okay ka lang? Bibili ako sa labas may gusto kang pabili?” Si Limuel Halatang nag-eeffort ang lahat para i-welcome si Tala ng buong pamilya ng mama Dalisay niya. Kaya sa buong bakasyon ay lalo siyang naging malapit sa mga ito. Kahit si Nimuel na walang kayang gawin kundi asarin at paiyakin siya ay bumait na rin sa kanya.

 

“Tala namitas ako ng indian mango. Tara, labas mo yung bagoong dali kainin natin to,” Si Nimuel na pinasok ang tsinelas sa loob ng bahay kahit kawawalis lang niya ng sahig. Dahil gusto niya ng pasalubong nito ay hindi na magawang mainis ni Tala.

“Mamang na ang itawag mo sa akin wag na mama Dalisay,” minsan ay sabi ni Dalisay kay Tala. “Hindi ko papalitan ang mama mo sa puso mo, pero tandaan mo na lagi tayong magkakampi, ha. At pag kailangan mo, nandito lang ako palagi.”

“Opo Mamang,” gusto ni Tala ang bagong tawag niya kay Dalisay.

 

Umupo sa tabi ni Tala si Limuel, nasa likurang bahay ang dalagita. Ilang metro mula sa bahay ay may malawak na taniman ng gulay si Dalisay, meron ding malalaking puno ng Acacia na nakapaligid dito. Doon madalas tumambay si Tala kapag gusto niyang mapag-isa. Noong maliliit pa sila nila Nuel madalas siyang tumambay dito habang nag-uusap ang mga magulang nila.

 

“Kumain ka na?” tanong ni Limuel sa kanya. Tumango lang siya dito.

“Niligawan ng papang ko ang mama mo, alam mo ba 'yon?” maya maya ay sabi ni Limuel. Tiningnan ni Tala si Limuel.

“H-hindi nga. Totoo?” napukaw ang interes in Tala sa sinabi ni Limuel

“Oo, kwento ni mamang, tanong mo rin sa kanya,” pumulot si Limuel ng bato at ibinato ito sa malayo.

“Anong nangyari?” Ginaya ni Tala si Limuel, pero sa malapit lang bumagsak ang bato.

“Dumating ang papa mo, gwapo eh,” natawa si Limuel.

“Pero lasenggo,” sabi ni Tala.

 

Natawa na sila pareho.

 

“Dito rin ako tumatambay nung namatay si Papang,” sumeryoso na ulit si Limuel.

 

Tahimik.

 

“P-paano, paano mo nakayanan ang lungkot?” tanong ni Tala.

 

Huminga ng malalim si Limuel, “Pini-feel ko lang.”

 

“Huh? Bakit? Eh ayaw ko ngang malungkot. Gusto kong mawala ang sakit. Ayaw ko nang maalala na wala na ang...” naiyak na si Tala.

“Hindi aalis ang lungkot. Lagi akong nalulungkot kapag naaalala ko si Papang. Hindi na ‘yon mawawala, pero hindi ibig sabihin, hindi na ako pwedeng maging masaya. Malulungkot naman si Papang sa lugar kung nasaan siya ngayon.”

“M-miss na miss ko na ang mama ko,” ‘yon lang at tuluyan ng humagulgol si Tala. Nawala na ang hiya niya kay Limuel, nakita na rin naman siya nitong umiiyak noon lalo kapag nag-aaway sila sa laruan ni Nuel at kapag inaasar siya ni Nimuel.

 

Naramdaman ni Tala na inakbayan siya ni Limuel.

 

“Sige iiyak mo lang, ilabas mo lang lahat. Maganda ‘yan para sa iyo, pero pagkatapos pahiran mo ang luha mo dahil kailangan mong mabuhay para sa sarili mo. Lalo dahil nakatingin si mama mo from heaven at pinapanood ka,” Nakaka-relate si Limuel sa lungkot ni Tala, halos ka-edad rin niya ito nang mamatay ang ama niya.

 

Hinayaan ni Limuel na sumubsob ang humagulgol na bata sa dibdib niya. Sa malayo ay nakatanaw si Dalisay, her heart goes out to both of them. Huminga ito ng malalim at saka bumalik sa inaayos nitong gawaing bahay.

 

Simple mamuhay si Dalisay. Hindi gaya sa bahay nila Tala, walang yaya na nag-aayos ng mga gamit niya at mag-i-spoil sa kanya. Sa bahay, magkatulong sila ng mamang niyang maglinis, maglaba, at magluto. Walang silbi ang mga lalaking kasama nila pagdating sa gawaing bahay, pero maaasahan naman sa mabibigat na trabaho gaya ng pagsisibak ng kahoy at pag-iigib ng tubig para sa mga gulayan ni Dalisay.

 

“Tala, darating na ang asawa mo, maghain ka na,” noong una ay naiilang siya sa tuwing sinasabi ito ni Dalisay. Sa huli ay nasanay na siya.

“Ate ba itatawag ko sa iyo Tala? Mas matanda pa ako sa iyo tapos ang liit-liit mo pa,” sabay kakatukin ni Nimuel ang ulo niya. Magagalit si Tala sabay hahabulin niya ito para paluin ng sandok. Sa katatakbo ay bumangga siya sa bagong dating na si Limuel.

Tawa ng tawa si Nuel.

“Uy, ang sweet niya sa asawa niya,” tukso nito.

 

Tumingin si Tala kay Limuel na parang humihingi ng tulong. Itinayo ni Limuel ang dalagita.

 

“Tigilan niyo na ang harutan, ha. Tulungan ninyong maghain si mamang dali!” seryosong utos ni Limuel.

 

Takot si Nuel kay Limuel, pero si Nimuel ay susunod na may kasama pa ring pangungulit.

 

“Uy kinampihan niya ang asawa niya.”

“Tsk! Tama na! Tatamaan ka sa akin!”

 

Naabot ni Limuel si Nimuel saka binatukan ito.

 

“Loko! Buti nga sa iyo!” saka nagbelat si Tala kay Nimuel.

“Ah gano’n ha,” akmang hahablutin ni Nimuel si Tala pero agad itong nagtago sa likod ni Limuel.

“Sige! Sige! Sige! Subukan mo,” sabay bato ng sandok kay Nimuel.

“Tama na! Sige na, kumain na tayo,” saway ni Dalisay.

 

Nakatayo pa rin si Tala sa likod ni Limuel. Natamaan niya si Nimuel ng sandok kaya malamang na gaganti ito. Hinawakan ni Limuel si Tala saka inilabas sa likuran niya at pinaupo sa lamesa.

 

“Tigilan ninyo si Tala, ha, lagot kayo sa akin. Lalo ka na Nimuel.”

“Kailan ba ang balik mo ng Manila, kuya?” tanong ni Nimuel maya-maya.

Alam na ni Tala ibig sabihin noon, lagot siya rito pag-alis ni Limuel para bumalik sa Maynila kung saan ito nag-aaral ng Engineering. Napakapit si Tala sa braso ni Limuel. Ngumiti si Nimuel ng makahulugan kay Tala. Tinapik-tapik naman ni Limuel ang kamay ni Tala.

 

“Sige na, kumain ka na. Nimuel, tama na. Bayot ka ba, bakit ka pumapatol sa babae?” tumungo lang si Nimuel saka kumain ng tahimik, pero ngingiti ngiti pa rin.

“Nimuel, alam ko ang totoo, ayaw mo talagang awayin si Tala,” sumeryoso ang boses ni Limuel. Napatingin si Nimuel. Nagkatinginan silang magkapatid, makahulugan.

“Oo na, oo na! Hindi ko na aasarin si Tala,” sabi nito na seryoso rin.

 

Napangiti naman si Tala. Tuwang tuwa sa pagtatanggol sa kanya ni Limuel.

 

Grade 8 na ay maliit pa rin si Tala. Napagkamalan pa rin siyang Grade 6 habang biglang tangkad naman ni Nuel sa kanya. Kaklase niya pa rin ito at kasabay umuwi at pumasok ng school. Hindi na sila naglalaro gaya ng dati, lalo at mas madalas na kasama ni Tala si Dalisay. Ang mga lalaki naman ay may sarili nilang barkada at buhay, samantalang taong bahay lang si Tala.

 

“Late bloomer ka kasi…maganda nga 'yon eh para lagi kang fresh at batang tingnan,” aambit ni Dalisay nang minsang nagreklamo si Tala dito dahil hanggang ngayon ay hindi pa bagay sa kanya ang mag-bra.

“Wag mong madaliin ang tumanda. Enjoy-in mo ang pagiging bata mo ha.” Sabi pa nito.

 

Bumuntong hininga si Tala, ang tagal naman niyang maging sexy haist! Ang iba niyang mga kaklase ang gaganda at ang hubog ng katawan parang sa dalaga, samantalang siya, straight. Sabi nga ni Nimuel para daw siyang hanger. Ayun, na bato niya ito ng hanger. Hindi rin nito kinaya ang promise kay Limuel na hindi siya asarin. Nang makaalis si Limuel papuntang Maynila ay bumalik sa dating kulit ang lalaki.

“Buti na lang pagka-graduate mo ay sa Maynila ka na rin mag-aaral. ‘Wag ka nang babalik dito, ha!” Inis na inis na sabi ni Tala kay Nimuel.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status