Share

Chapter 2

"Natagalan ka ata sa pagbili kanina, Jillian," ani Carmela sa anak habang kumakain ang mga ito.

"Nagkwentuhan lang kami saglit ni Barbie, ma."

"Si Barbie?" tanong ulit nito na siyang tinanguan lang niya.

"Alam kong mabait na bata si Barbie pero huwag na huwag mong tutularan ang trabahong meron siya. Gipit man tayo sa buhay pero hindi iyon sapat upang ipagbili mo ang dignidad mo," pangaral nito sa kanya.

"Nagkakaintindihan ba tayo, Jillian?" untag pa nito nang hindi agad siya sumagot.

"Opo, ma," sagot na lang niya. Ilang beses na niyang iniisip na subukan din niya ang magtrabaho sa club dahil gaya nga ng sinabi ni Barbie ay malaki ang kikitain doon. Gabi rin ang trabaho. Hindi maaapektuhan ang pagtulong niya sa palengke kapag nagkataon.

"Mabuti kung ganun, anak. Kahit kailan ay hinding-hindi mababayaran ng salapi ang dignidad ng isang tao. Lagi mo sanang tatandaan iyan."

Tahimik na ipinagpatuloy ni Jillian ang pagkain. Ito ang laging pumipigil sa kanya na pumasok sa club. Sisingilin lang siya ng konsensya niya kapag sinuway niya ang mga pangaral ng kanyang ina.

Kinabukasan ay maagang umalis ang kuya Ruben niya dahil tinawagan ito kagabi sa trabaho. Nagising na silang lahat pero masarap pa ang tulog ni Mara sa kwarto ng mga ito.

"Itira mo ang dalawang hotdog para sa ate Mara mo," anang mama niya habang inaayos niya ang kanilang dadalhin na baon.

Hindi umimik si Jillian ngunit nang nakitang lumabas si Carmela sa kusina ay dali-dali niyang pinalitan ng dalawang tuyo ang hotdog. Hindi niya tuloy mapigilan ang hindi matawa sa sarili. Naiinis talaga siya sa Mara na iyon. Hapon na nga gumising, hindi pa alam tumulong sa mga gawain sa bahay. Ang pinagkainan nito ay iniiwan lang sa lababo. Hindi man lang alam ang magluto at magwalis. Pati mga damit at panty nito ay ipinapalaba pa sa uto-u***g kuya Ruben niya.

Kain at tulog lang ang ginagawa nito. Kung wala sa bahay na nakahilata ay nakatambay ito at nakikipagtsismisan habang naglalaro ng tong-its.

M*****a rin si Mara kaya masarop din na inisin ito paminsan-minsan.

"Jillian! Tayo na! Nandito na ang tricycle!" sigaw ng mama niya sa labas.

"Opo, ma!"

Hinaplos muna niya ang pusa nila bago linisan ang kusina.

"Wala ata si mareng Tising ngayon ah."

Liningon ni Jillian ang katabi nilang pwesto. Bakante nga ito. Dati-rati, kapag dumarating sila sa palengke ay nakaayos na ang mga paninda nito. Ngunit kataka-taka na wala ngayon si Aling Tising, wala rin ang manugang nito na siyang pumapalit kapag hindi ito makakapunta.

"Naku. Si mareng Tising ba? Balita ko ay itinakbo raw ito sa hospital kagabi."

"Bakit daw?"

"Ang sabi nila ay na-high blood daw. Ewan ko lang kung ano ang totoo. Masyado kasing masipag si kumare. Kung pupwede ay ayaw nitong magpahinga."

Dahil sa balitang iyon ay biglang tumamlay ang lahat. Ngunit kahit ganun ay tuloy pa rin ang laban sa buhay. Sa tulad nilang mahihirap na isang kayod isang tuka, bibihira na lang sa kanila ang magpahinga. Hindi sa ayaw nila, wala lang silang pagpipilian. Sayang ang oras. Kailangang kumayod para may makain.

Iyon ang paniniwala ng nakakarami pero hindi sang-ayon si Jillian doon. Kailangan din ng katawan at isip ng pahinga upang may lakas na lumaban. Lagi niya iyong sinasabi sa kanyang ina pero para itong bata na walang pinapakinggan.

Tagaktak ang pawis sa buong katawan ni Jillian. Kinuha niya ang pamaypay at pinaypayan ang sarili. Sobrang init ng panahon ngayon.

"J-Jillian.."

Binalingan niya ang ina niya na nakaupo sa bangko. May hawak itong tubig at sapo-sapo ang dibdib. Kinabahan siya at mabilis niya itong dinaluhan.

"Ma, okay lang kayo? May masakit po ba?" nag-aalala niyang tanong. Inilagay niya sa number two ang maliit na electric fan na nakatutok dito.

"N-Nahihirapan akong huminga.."

"A-Ano?" Bigla siyang namutla. Nataranta na siya at hindi na alam kung ano ang gagawin!

Itinodo na niya sa maximum level ang electric fan at hinilot ang dibdib ng ina. "M-Ma, naririrnig niyo ba ako?"

Nang wala siyang nakuha na sagot ay sumigaw na siya upang humingi ng tulong.

"Bakit? Anong nangyayari sa mama mo?"

"H-Hindi raw po siya makahinga," lumuluha ang mga mata na sagot niya.

"Dali! Bilisan niyo! Tumawag kayo ng tricycle!"

Nagkagulo na ang lahat dahil sa nangyari. Ang iba ay iniwan na rin ang kanilang mga pwesto upang tumulong na kargahin si Carmela papunta sa nag-aabang na sasakyan.

Umiiyak naman si Jillian sa matinding takot. Hindi niya kakayanin kapag may mangyaring masama sa mama niya!

Sa sobrang bilis ng mga pangyayari ay natagpuan ni Jillian ang kanyang sarili sa hospital. Aligaga ang mga staff at nurses dahil nagkataon din na may nangyaring banggaan ng dalawang bus at madami ang mga sugatan na kailangang asikasuhin.

Tumutulo ang mga luha niya habang naghihintay sa labas ng emergency room. Ganun ba kalala ang lagay ng kanyang ina upang dalhin ito sa kwartong iyon? Kanina pa niya natawagan ang kuya Ruben niya ngunit wala pa rin ito. Natatakot siya ng sobra at kailangan niya ng makakaramay ngayon.

"Kuya Ruben!"

Sinalubong niya ang kapatid nang makita itong humahangos papalapit.

"Anong nangyari kay mama? Kamusta siya?" sunod-sunod nitong tanong. Rinig pa niya ang malalalim na paghinga nito.

"H-Hindi ko pa alam kung ano ang lagay ni mama. Wala pang lumalabas na doctor simula kanina."

Umupo ang kuya Ruben niya sa waiting chair at sinapo ang ulo. "Tangina. Bakit ngayon pa ito nangyari?" kausap nito sa sarili.

"Kuya—"

"Ano ba kasi ang ginagawa mo, Jillian? Kasama ka ni mama! Dapat ay binabantayan mo siya!"

Umawang ang labi niya dahil sa narinig. "Bakit mo ako sinisisi, kuya? Binabantayan ko naman si mama ah! Hindi ko naman alam na mangyayari ito! Hindi ko ito ginusto!"

Mura ang narinig niyang sagot pagkatapos nun ay hindi na sila nagkibuan pang magkapatid. Nanghihina si Jillian na napasandal sa pader. Nagbabadya na namang tumulo ang mga luha niya. Umurong nga lang iyon nang bumukas ang pintuan ng emergency room.

"Kaano-ano niyo ang pasyente sa loob?" umpisa nito. Seryoso ang mukha at boses nito habang nakatingin sa kanila.

"Mga anak niya po kami, Doc. Kamusta po si mama?"

"Dediretsuhin ko na kayo." Huminga ito ng malalim. "Kritikal ang kalagayan ng inyong ina. Sa ngayon, ang nakikita lang namin na solusyon ay heart transplant."

"H-Heart transplant?"

Tumango ito. "Sobrang hina ng puso niya. Base sa kalkulasyon ko ay matagal na niya itong iniinda. At kung hindi ito maaagapan, I'm sorry to say but prepare for the worst. I'll give you the full details in my office. Sumunod na lang kayo doon kapag kumalma na kayo. For now ay ililipat na muna si Mrs. Gonzales sa monitoring room. Excuse me."

Bumukas sara ang labi ni Jillian. Para siyang nabingi sa narinig. Klaro ang mga salitang binitawan ng Doctor pero ang iharap na iproseso iyon ng utak niya.

Napasalampak naman ang kuya Ruben niya sa sahig at doon humagulgol. "Bakit nangyayari ito?... Bakit?"

Nagbara ang lalamunan ni Jillian. Samut-saring katanungan ang naglipana sa isip niya. Heart transplant? Hindi ganun kadali ang makahanap ng donor! At kung meron man ay tiyak na milyon-milyon ang bayad nun! Sa dami ng mga nakapila, may tyansa ba kaya sila? Saan sila kukuha ng malaking halaga?

Tuluyan na siyang napaiyak sa laki ng problemang kinakaharap nila.

"Mama..." usal niya habang tahimik sila ng kuya Ruben niyang umiiyak.

Mula sa labas ay nakatitig si Jillian sa ina niya na nakaratay sa kama. Inilipat na ito sa kwarto. Madaming apparatus ang nakakabit sa katawan nito at hindi pa sila pwedeng pumasok sa ngayon.

Kusang naglandas ang mga luha niya sa kanyang pisngi. Parang tinutusok ng ilang libong karayom ang puso niya sa nakikitang kalagayan ng kanyang ina.

"Miss Gonzales?"

Pinunasan ni Jillian ang kanyang luha at hinarap ang Doctor na nakausap nila kanina.

"Bakit mag-isa ka lang? Nasaan ang kapatid mo?"

Matamlay siyang ngumiti. "Lumabas po, Doc."

Kanina pa lumabas ang kuya Ruben niya. Hindi na niya tinanong kung saan ito pupunta. Tiyak na maglalabas iyon ng hinanakit at sama ng loob.

"Come. I need to discuss some important things to you."

Sumunod si Jillian sa opisina ng Doctor. Pagkaupong pagkaupo niya ay agad itong nagsalita.

"First, we need to talk about the hospital bills. Sa mga gamot pa lang ay malaki na ang babayaran niyo. Anong trabaho mo, miss Gonzales?"

Nahihiyang nagbaba ng ulo si Jillian. "W-Wala po, doc. Hindi ko po natapos ang college kaya tinutulungan ko na lang si mama sa paglalako sa palengke."

"And your brother?"

"S-Sa construction po siya."

Marahan itong tumango at tinapik-tapik sa lamesa ang hawak nitong ballpen. "I see. Maybe I can help with the hospital bills."

Gulat na nag-angat ng tingin si Jillian sa kaharap na lalaki. "A-Ano po?"

"I will help you with the hospital bills," pag-uulit nito saka nananantiya na ngumiti.

Doon lang napansin ni Jillian kung gaano kagwapo ang doctor na kaharap. Hindi niya napagtuunan ng pansin kanina ang itsura nito dahil sa dami ng iniisip. Bata pa ito at kung hindi siya nagkakamali ay hindi nagkakalayo ang mga edad nila.

"Bakit.. Bakit niyo po kami tutulugan?" nalilito niyang tanong dito.

Nagtataka talaga siya! Sa panahon ngayon ay wala ng tao pang ganito! Unless kung...

"A-Ano pong kapalit?" Napalunok siya.

Umiling ito at muling nagseryoso. "I'm lending my hands without asking anything in return. I just want to help. That's all. But it's still up to you if you want to accept it."

Nagkatitigan silang dalawa. Sinusubukan ni Jillian na basahin kung ano ang tumatakbo sa isip nito ngunit sa huli ay nabigo siya.

"And like what I've said before, your mother's case is urgent. Kailangan natin na makahanap ng donor sa lalong madaling panahon."

Bumagsak ang balikat ni Jillian at muling nag-ulap ang mga mata. "Sa tingin ko ay impossible na makahanap tayo ng donor."

Nagpapasalamat siya na tutulong ito sa mga gastos sa hospital pero para saan pa iyon kung wala silang makitang donor?

"Don't worry. We will find a donor, eventually."

Parang nabuhayan ang loob ni Jillian dahil sa narinig. "Saan, doc?"

Nag-igting ang panga nito. "Sa Black Market."

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status