Share

CHAPTER 10

“B-bitiwan mo ako,” pagkontra ko sa pagitan ng pagsinghot.

“Stay still! You’re heavy!” saway naman niya na siyang nagpatameme sa akin.

May mga napapalingon sa gawi namin kaya upang takasan ang kahihiyan ay nanamihik na lamang ako at itinago ang aking mukha sa dibdib niya. Sa puntong ito ay sinubukan kong tumahan na at hayaan na lamang siyang itakas ako palayo. May kung ano sa presence niya na siyang nagtanggal ng takot na nararamdam ko.

Ibinaba ako ni Thunder sa parking area ng university; sa harap ng itim na kotseng gamit niya noong ikatlong araw ng pasukan. Pinagbuksan niya ako ng pinto sa passenger seat at mahinang itinulak papasok. Kung tutuusin, dapat nagpapanic na ako sa mga oras na ito—remembering that night sa bar—pero sa mga sandaling ito ay wala man lamang akong maramdaman na takot.

I found myself sitting on the passenger seat with him on the driver’s seat.

“Iyan. Dito ka umiyak. Dito ka magwala. Dito mo ibuhos lahat ng kadramahan mo sa buhay. Huwag doon! Nagmumukha kang magandang pulubi.”

Natawa ako sa mahaba niyang sermon sa akin.

“Bakit?” magkatagpo ang mga kilay niyang tanong. “Walang nakakatawa sa sinabi ko. Baliw ka na ba?”

His presence somewhat comforted me. Nanatili kami sa loob ng kotse nang ilang minuto pa. Tahimik lang siya habang ako naman at paminsan-minsang sumisinghot. Wala akong dalang panyo o tissue man lang kaya kotang-kota na ang likod ng palad ko sa pinaghalong luha at sipon.

“Oh!” may iniaabot siya sa aking panyo. Walang pagdadalawang-isip ko naman iyong tinanggap. “Do you wanna go somewhere?”

Napatitig ako sa kaniya na nakatitig rin sa akin. Maliban sa bahay namin, wala naman na akong gustong puntahan pa. Umiwas ako ng tingin at bumaling sa bintana upang mag-isip ng lugar na maaaring puntahan. Baka kasi umiyak lang din ako nang umiyak sa bahay kaya mas mabuti ng magliwaliw muna upang pansamantalang makalimot.

“Gusto mong kunin sa bahay ‘yung sandals mo?”

Tanging music lang mula sa speaker ng kotse na naka-connect via bluetooth sa cellphone ni Thunder ang bumabasag sa katahimikang bumabalot sa aming dalawa. Kanina pa namin binabaybay—sakay ng kotse niya—ang kahabaan ng daan papunta sa bahay nila kung saan namin kukunin ang stilettos ko.

Sumama ako sa kaniya. Hindi ko nga alam kung saan na napunta ang takot at hiya ko.

Ayon sa oras na naka-flash sa humihingalo ko ng cellphone; mag-iisang oras na kaming bumabyahe. May nadaanan na nga kaming welcome arc kanina papasok sa ibang bayan. Mula sa konkretong mga bahay at buildings ay napalitan ito ng matataas na puno at luntiang kapaligiran.

I guess, we’re heading to the countryside.

“Ang layo pala ng bahay niyo,” pagbubukas ko ng topiko. Pakiramdam ko nanunuyo na ang nalalamunan ko sa uhaw.

“Medyo, pero malapit na tayo.”

Bumaling ako sa unahan kung saan ay may natanaw akong bahay. Walang gaanong kabahayan sa tabi nito at ang pinakamalapit ay halos ilang metro rin ang layo—base sa tansya ko. Ipinasok ni Thunder ang kinasasakyan naming kotse sa bukas na gate ng bahay na siyang natanaw ko kanina, hanggang maigarahe ito nang maayos. Kusa akong bumaba nang patayin na niya ang makina.

The exterior of the house was painted with only two colors: black and white. Monochrome vibe habang ang concrete fench naman na nakapaikot sa bahay ay kulay dark green. Hindi pa yata natapos ang pagpipintura roon dahil iyong nasa harapan pa lamang ang may kulay.

Mababa lang ang nasabing bakod—siguro ay mga nasa three feet. Sobrang baba kumpara sa mga nakasanayan kong bakod. Tingin ko nga ay ipinasadya ‘yon upang maging decoration na rin. Kasi kung hindi iyon for design, anong sense ng paglalagay ng bakod kung wala namang gate?

“Tara sa loob?” rinig kong alok niya. Ngumiti naman ako at saka sumunod sa kaniya papunta sa main door.

Tahol ng mga aso ang sumalubong sa amin ni Thunder pagbukas niya ng pinto. Pareho pa nga nila akong sinungitan kaya todo kapit ako sa sleeve ng jacket niya. Dalawang maliliit na aso ang naroon na ipinakilala naman ni Thun sa akin.

Si Gum iyong puti ang balahibo samantalang si Toki naman ang isa na kulay brown. Both of them were maltese breed at base sa laki ng mga ito ay mukhang dalawang buwan pa lamang sila.

“I adopted them the day before I met you at the bar.” Tumango-tango ako habang nanatiling nakakapit sa kaniya. Mukha hindi ako nagugustuhan ng mga alaga niya at panay ang tahol sa akin ng mga ito.

“Maupo ka muna. Kukuha lang ako ng maiinom sa kusina.”

“S-sasama ako!” Baka lapain ako rito ng mga aso.

“Iyang si Toki, ireregalo ko sana siya sa kapatid ko kaso iyon nga. I already told you the details sa bar kung naaalala mo.”

Nang marating namin ni Thunder ang kusina ay tumigil na rin sa pagtahol ang mga aso. Bumitaw na ako sa pagkakakapit ko sa kaniya at nagpaiwan sa dining. Siya naman ay tumungo sa harap ng ref at kumuha ng dalawang bottled water. Lumapit siya sa akin at inabot sa akin ang isa na nakangiti ko namang tinanggap saka nagpasalamat.

Inalala ko ang tungkol sa napag-usapan namin sa bar noong gabing iyon habang umiinom ng tubig. I did remember that we met on that bar. He introduce himself and I gave him Aquinah’s name instead of my real name. Pero hindi ko na ma-recall ang mga eksaktong napag-usapan namin.

Sa halip na lunukin, naibuga ko ang tubig na iinumin ko sana nang maalalang hinalikan niya ako noong gabing iyon.

“Bakit?” tanong niya. “Jehan? Okay ka lang? Natulala ka na riyan.”

Siya nga! This guy harassed me last week! Anong pumasok sa isipan ko at sumama ako rito sa kaniya? Parang ako rin mismo ang tumulak sa sarili ko upang mahulog sa patibong niya.

Napatitig ako kay Thunder na ngayon ay pinupunasan ang nabasang mesa. Sinusubukan kong humanap ng sign na may masama siyang balak sa akin pero wala naman akong mapansin.

Bumalik sa wisyo ang pag-iisip ko nang maramdamang may humihila sa sapatos ko. Nang silipin ko sa ilalim ng mesa ay nakita ko si Toki na kagat-kagat ang natanggal na sintas ng aking sneakers. Sinaway ito ni Thunder at saka kinarga pabalik sa salas kung nasaan at tahimik na natutulog si Gum.

“Kukunin ko lang ‘yong sandals sa taas,” paalam ni Thunder. Nakangiti akong tumango bago naupo sa itim na sofa.

Iginala ko ng tingin ang paligid habang hinihintay siyang bumalik. Maraming nakasabit na paintings sa wall na nasa harap ko. Iba’t iba ang sukat ng mga canvas at ang pinakamalaki roon ay siyang nasa gitna. Isang babae ang naroon sa painting.

Natatakpan ng maitim at magulo niyang buhok ang kaniyang mga mata. What made that painting eye-catching was the lady’s red kissable lips down to her naked chest that was hidden behind her crossed arms. Actually, hindi lang iyon ang painting na may ganoong tema.

Most of the paintings were like that—bold nude and seductive.

Yumuko ako nang maramdamang humiga si Toki sa sneakers na suot ko. Tila ba umamo na ito. Sinubukan ko siyang haplusin and luckily, hindi naman niya ako kinagat o tinahulan man lamang. Pagkaangat ko ng tingin ay muling naagaw ng mga painting ang atensyon ko.

“Maganda ba?” Nilingon ko si Thunder na siyang nagsalita. Pababa na siya sa hagdanan bitbit ang isang paper bag.

Nakangiti akong tumango. “Hm. Mahilig ka pala sa paintings?”

“I painted that big one. Honestly, all of those.” Overacting man, pero literal na nanlaki ang mga mata ko nang marinig ang sinabi niya. Nang makalapit siya sa akin ay ininguso niya si Toki. Yumuko siya at hinaplos ito.

“Looks like someone found a new mom,” ani Thunder at saka nilingon si Gum na natutulog sa ilalim ng wooden center table.

“Ikaw lang ba ang mag-isang nakatira rito?” pag-iiba ko ng usapan. Ipinatong niya sa sofa, sa tabi ko ang paper bag saka niya kinuha si Toki at inilipat sa tabi ni Gum.

“I used to live here with my au—I mean, Mom. But she’s currently renting an apartment sa city malapit sa pinagtatrabahuhan niya. Paano ko ba ipapaliwanag ‘to? Ako na lang mag-isa rito pero hindi rin naman ako nagtatagal. Bumibisita lang ako rito every weekends o kung trip kong magpinta,” sagot niya. Tumango-tango naman ako at kinuha ang paper bag sa tabi ko.

“Dito rin ako pumupunta kapag magkagalit kami ni Mama,” dugtong pa nga niya.

“So, magkagalit kayo ngayon?” Nagkibit-balikat siya. “May tanong ako.” Mula sa dalawang aso ay bumaling sa akin ang atensyon ni Thunder.

“Bakit ganiyan ka?” Kahit ako ay hindi rin alam kung saan ko nakuha ang walang sense na tanong na iyon. Tumayo si Thunder at naupo sa couch sa bandang kaliwa.

“Like, what?” natatawa niyang tanong.

“Like that!” Itinuro ko siya. “Mayabang, feeling pogi, manyak, kunwari bad boy…”

“Manyak? Hindi ako manyak!” natatawa niyang depensa.

“Okay. Sabi mo, e.”

Kinapa ko sa bulsa ang aking cellphone para sana tingnan ang oras subalit tuluyan na itong namatay. Hindi ko rin kasi ugaling magdala ng charger kaya nanlulumo akong isinilid iyon pabalik sa bulsa. Nahinuha yata ni Thunder na gusto kong malaman ang oras kaya kinuha niya sa bulsa ng hoodie ang kaniyang cellphone.

“It’s already 3:10,” aniya kasabay ng pagharap sa akin ng cellphone. Doon ko lang napagtanto na ilang oras na rin kaming magkasama. “Let’s go? Check mo muna kung iyan ba talaga ‘yung sandals.”

Binuksan ko ang paper bag na hawak. Sinilip ko roon ang sandals. Kulay pula ito, tulad ng suot ko noong birthday ko. Base sa size at design ay walang dudang akin nga ang stilettos na iyon. Nakangiti akong tumango at saka tumayo. Nakadadalawang hakbang pa lamang ako palayo sa sofa nang maalala ko ang dalawang aso na natutulog sa ilalim ng mesa.

“Iiwan mo lang ‘yung mga aso rito? Kailan mo sila babalikan?”

“Mamaya o ‘di kaya bukas ng umaga.”

“What?!” I know, nag-oover react na naman ako. “Paano kung hindi ka makabalik mamaya? Ang haba ng byahe. Mamamatay sa gutom ang mga aso rito.”

“Allergic sa fur si Mama. Hindi naman pwedeng dalhin ko sila sa bahay ni Xaw.”

Nakaramdam ako bigla ng awa sa dalawang aso. Hindi na lang sana niya inampon ang mga iyon kung hindi naman niya maaasikaso nang tama.

“Isasama ko sa bahay si Toki—kung okay lang sa iyo.” Umaliwalas ang mukha ni Thunder na tila ba isang magandang balita ang narinig niya. “Isama mo na rin si Gum sa bahay nina Xaw.”

Wala na talaga sana akong balak na hanapin at bawiin pa ang stilettos na iyon. Wala namang sentimental value iyon at kung tutuusin, maraming gaanoong brand at design. Kayang-kaya ko bumili ng bago kung kailan ko naisin. But for the sake of having an acceptable alibi kay Nanay Dolor ay kinuha ko na lamang.

Prenteng natutulog sa backseat ang dalawang aso habang binabaybay namin ni Thunder ang kahabaan ng daan pauwi. Panibagong isang oras na naman ang uubusin namin bago maraming ang bahay. Nasabi ko na rin sa kaniya ang eksaktong address kung saan ito natatagpuan.

Mag-a-ala sais na ng takipsilim nang makarating kami. Naubusan kasi ng gas ang kotse nang nasa kalagitnaan na kami ng byahe kaya kinailangan naming tumawag ng tow truck service.

“You should’ve told me your real name that night,” rinig kong sabi ni Thunder habang tinatanggal ko ang nakakabit na seatbelt.

“Ayaw mo n’on? May thrill ‘yong pagkikita natin.”

Nilingon ko si Toki sa backseat na gising na. Ganoon din si Gum. Nang bumaling ako kay Thunder ay nailing na lamang siya. Sa unahan siya nakatingin habang nakahawak pa rin sa manibela ang kanan niyang kamay. Ang kaliwa naman ay nakalaylay sa labas ng bukas na bintana.

“Thrill? Thrilling para sa ‘yo ‘yon? It was not thrilling in any sense, Jehan. Naiwasan sana natin nang mas maaga ang mga pwedeng mangyari kung nalaman ko kaagad na ikaw si Jehan Monhador.”

“What’s with the sudden change of tone? Salamat sa paghatid—”

“That kiss.” Natigilan ako sa balak ko sanang pagbukas sa pinto ng kotse. “Kung nagpakilala ka lang sana nang maayos, hindi sana kita hinalikan noon.”

“Past is past na, okay? Let’s start anew. Friends?” Inilahad ko ang kamay ko sa kaniya na tiningnan lang niya nang masama.

“Lumayas ka na!” taboy niya sa akin. Hindi ko mapigilang ngumiti saka binuksan ang pinto at lumabas.

Nakasunod sa akin ang mga tingin ni Thunder nang buksan ko ang pinto sa backseat at kinuha roon si Toki. Nang maisara ko ang pinto ay bumalik sa tabi ng passenger seat at dumungaw sa nakabukas na bintana.

“Since your friends with Vhan, we can be friends too. Toki will be our signed aggreement.”

“We can’t be friends, Jehan.” Kumunot ang noo ko sa sinabi niya.

Umiwas siya ng tingin at naramdaman ko ang pag-angat ng windshield ng bintana. Tumayo ako nang maayos habang karga pa rin si Toki. Nang muling binuhay ni Thunder ang makina ng sasakyan ay tumalikod na rin ako at humakbang papunta sa gate ng bahay. Napaatras ako nang si Vhan ang bumukas ng gate para sa akin.

“Salamat naman at naalala mo pang umuwi.”

“H-hi?”

Oh, siomai rice! Nalimutan kong special day nga pala namin ngayon ni Vhan!

Nakasandal sa gilid ng gate si Vhan habang nakapamulsa ang magkabila niyang mga kamay. Pinakatitigan niya ako at napansin din niya ang aso na yakap-yakap ko. Tumuloy ako papasok sa bahay. Naramdaman ko namang sumunod siya sa akin.

“N-nandito ka na pala. K-kanina ka pa ba?” I tried to sound cool as possible pero nautal pa rin ako. Bakit ba nawala sa isip ko? Nasabi nga pala niya kanina na pupunta siya rito pagkatapos ng klase niya.

“Hindi. Kararating ko lang din,” himig sarkastiko niyang saad. He’s still wearing the same clothes na suot niya nang magkasalubong kami sa hagdanan, sa school kanina. Dito na yata siya tumuloy pagkatapos ng klase niya.

Sandali nga! Nakita ba niya kung sino ang humatid sa akin pauwi rito?

“Saan mo napulot ‘yang asong iyan?”

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status