Share

CHAPTER 3:

     “Aquinah pala, ha?”

     Natigilan ako sandali pero agad ding nakabawi at bumalik sa ginagawa. Binalot kaming dalawa ng nakabibinging katahimikan. Mabuti na lang at dumating si Cham at binasag ang katahimikang iyon.

     “Thunder, saan mo banda iginarahe ‘yung kotse ni Xaw?” Nakangiting itinuro ni please-censor-his-name si Cham na para bang alam niya ang tumatakbo sa isipan nito. Hinuli ni Cham ang kamay niyang iyon tsaka hinawakan nang mahigpit. Tila ba nagmamakaawa na siya.

     “Sus. Iyang mga tingin na iyan, alam ko na ‘yan.”

     “E? Sige na kasi. Sabihin mo na.” Umiling si please-censor-his-name na siyang ikinainis ni Cham. Binitiwan niya ang kamay nito at nagawa pa ngang pumadyak sa sahig.

     “Bubutasin mo lang naman ang gulong n’on. Cham, maawa ka naman sa akin na magpapaayos kung saka-sakali.”

     Ilang oras pa lamang kaming nandito sa school pero mistulang sasabog na ang utak ko sa dami ng bagay na hindi ako maka-relate. Bakit nandito ang lalaking ito? Sinusundan ba niya ako? Stalker ko ba siya? Paano niya nakilala si Vhan? Si Xaw? Si Cham? May pinagsabihan ba siya ng tungkol sa nangyari sa bar last month?

     Siya ba ‘yung lalaking sinasabi ni Vhan na sumagot sa cellphone ko nang tumawag siya?

     “’Di ba? ‘Di ba, Aquinah?” Napalingon ako sa likuran nang tawagin niya si Aquinah. Nang wala akong makitang Aquinah ay bumaling ako kay Cham na nagtataka rin. Mariin akong napapikit nang maalala ang pangalan na ipinakilala ko sa kaniya noong gabing iyon.

     “Aquinah? Jehan ang pangalan niya. Jehan Xaimylle Monhador. Monhador!” Napatalon ang pang-upo ko sa gulat nang biglang tumaas ang boses ni Cham. Itinuro niya si Thunder. “Monhador ka rin ‘di ba? Thunder Khaos Monhador. Magkamag-anak ba kayo?”

     Nakangiting umiling ang lalaking gustuhin ko mang i-censor ang pangalan ay nadulas na ako.

     “Hindi talaga Monhador ang apelyido ko. Nagpapalit ako ng pangalan nang lumipat kami sa States noong seven years old ako.”

     Tumango ang kumbinsidong si Cham sa sinabi niya. Nagpatuloy ang kwentuhan nila habang naghihintay kami sa susunod na subject instructor. Hindi ko maiwasang marinig ang mga pinag-uusapan nila at doon ko nalamang mutual friend ni Thunder at Vhan si Xaw. Nakilala ni Vhan si Thunder nang sumama siya kay Xaw noong nakaraang araw sa motocross camp kung saan ay isa sa mga riders si Thunder.

     Xaw and Vhan were a part of a squad called Bells. Anim sila sa squad na ‘yun kasama si Corbi na kababata ko, si Hanz, at ang dalawa niyang kuya na sina Craig at Jin. Sa kanilang lima, si Xaw ang madalas kong nakikita. Madalas nga kasi itong bumuntot kay Vhan lalo na kung kasama ko si Cham. Mukhang madadagdagan ang squad nila ng isa pa sa katauhan ni Thunder.

     “Cham, tawagan mo na lang ako kapag dumating na ‘yung instructor natin,” paalam ko sa kaniya. Naboboryong na ako sa pakikinig sa mga pinag-uusapan nila. Nang tumango si Cham sa akin ay tumayo na ako para umalis.

     Bakit kaya lumipat ng section si Aquinah? Saan naman kaya siya lumipat?

     Ito ang mga katanungan sa isipan ko habang binabaybay ko ang kahabaan ng pasilyo. Kalalabas ko lang sa powder room para mag-ayos ng sarili. Sinipat ko ang oras sa cellphone ko kung saan ay sampung minuto na ang lumipas mula nang umalis ako sa room.

     Kung wala pa ring instructor sa room ibig sabihin, late na siya ng 20 minutes. Wala akong natatanggap na tawag mula kay Cham kaya nag-assume akong wala pa kaming instructor. Nagpasya akong maupo muna sa hagdanan na paakyat sa second floor.

     “Course? Section?” Dali-dali akong tumayo at pinagpag ang pang-upo na bahagi ng jeans ko. Napayuko ako nang mapansing tinititigan ako ng lalaking nasa harapan ko. He’s Corbi Valiente. Ang kababata kong kaibigan na ngayon ni Vhan at siyang President ng Student Council.

     “B-business Management. Freshman.” Sinipat niya ang relos na nasa bisig niya.

     “You’re loitering. Alam mo bang may parusa ang tumatambay sa hagdanan sa oras ng klase?” Napalunok ako ng sariling laway nang marinig ang sinabi niya. Mapaparusahan ba ako? Detention room ba ang bagsak ko?

     “May klase si Vhan.”

     “Ha?” usal ko nang hindi makuha ang ibig niyang sabihin. Mula pa man noon, matipid na talaga siyang magsalita.

     “Sinong hinihintay mo?”

     “Ah!” Tumango-tango ako nang sa wakas ay makuha ang ibig niyang iparating. Tinatanong niya kung sino ang hinihintay ko rito samantalang may klase pa si Vhan.

     “Wala. Wala pa kasi ‘yung instructor namin kaya tumambay muna ako rito.”

     “Pero hindi tambayan ang hagdanan.”

     “Sabi ko nga. Sorry.”

     “Ako ‘yung sumagot.” Heto na naman ang mga tipid niyang pananalita. Nanahimik ako at hinayaan siyang kusang tapusin ang sinasabi niya. “Ako ‘yung sumagot ng cellphone mo sa bar nang tumawag s—”

     “Jehan!” Lumingon ako sa likuran nang marinig ang nakakairitang boses na iyon. Si Thunder iyon na tumatakbo papunta sa direksyon namin ni Corbi. Pinanliitan ko siya ng mga mata. Kung bawal tumambay sa hagdanan, ibig sabihin bawal din tumakbo sa lobby.

     “Ah, ano nga pala ‘yung sinasabi mo?” pagbabalik ko ng atensyon kay Corbi.

     “Ako ‘yung sumagot ng tawag ni Vhan sa cellphone mo noong nasa bar ka.” Tumango-tango ako nang maalala ko ang tungkol doon. Napangiti ang kalooban ko nang mapagtantong si Corbi ang pinagseselosan ni Vhan nang gabing iyon.

     Isa ang pamilya ni Corbi sa mga imbitado noong gabi ng birthday party ko. Sa kasamaang palad ay hindi sila nakapunta dahil may business meeting na pinuntahan sa labas ng bansa ang mga magulang nila. Maliban sa pagiging business partners, Ninong sa kasal ng mga magulang niya si Lolo Martin.

     “Jehan—”

     “Nang-aasar ka ba talaga? Anong ginagawa mo rito?” singhal ko kay Thunder na sumingit sa pag-uusap namin ni Corbi.

     “I think, I’ll go ahead,” paalam ni Corbi. Hindi na niya ako hinintay na magsalita pa at agad na tumalikod. Nang magsimula ng humakbang si Corbi paalis ay nilingon ko si Thunder.

     “Akala ko ba sinabi mong tawagan ka kapag dumating na ‘yung instructor natin?” Nanlaki ang mga mata ko tsaka siya hinawi sa daraanan ko. Nagmadali akong naglakad pabalik sa room habang nararamdaman ang pagsunod niya sa akin sa likuran.

     “Hoy, Jehan!”

     “Bakit hindi niyo ako tinawagan?”

     “Wala raw pantawag si Cham.”

     “Ikaw? May pantawag ka naman siguro?” Patuloy kami sa paglalakad pabalik sa room. Naalala ko bigla ‘yung terror instructor na sinasabi ni Vhan. Paano kung iyon ang instructor namin sa subject na ito? Ayokong maging irregular student.

     Kumunot ang noo ko nang marinig siyang tumawa. “Anong trip mo, ha?”

     “Ang totoo niyan may pantawag naman talaga ako kaso kapag tinawagan kita, magkakaroon ka ng contact sa akin. Alam kong ayaw mo n’on.”

     Tinapunan ko siya ng masamang tingin tsaka nagpatuloy sa paglalakad. Nang makarating kami sa room ay isa-isa ng nagsisialisan ang mga kaklase namin. Wala akong naabutang instructor sa gitna.

     “Jehan, tara na sa cafeteria,” paanyaya ni Cham na ibinabalik sa loob ng bag ang kaniyang mga gamit. Umiwas ako ng tingin nang maramdaman ang vibration ng cellphone sa kamay ko. Message mula kay Vhan ang natanggap ko.

     Tulad ng sinabi ni Cham, niyaya niya rin akong pumunta sa cafeteria. Nasa last table raw sila kasama ang mga kaibigan niya. Lumingon ako sa likuran ko para hanapin si Thunder pero wala na siya roon. Kinuha ko na lang ang mga gamit ko at sumabay kay Cham papunta sa cafeteria.

     “Babe!” sumisigaw na naman siya.

     Kapapasok lang namin ni Cham sa pinto ng cafeteria at ang boses ni Vhan ang sumalubong sa amin. Tumayo siya mula sa kinauupuan niya at kumaway sa gawi namin. Yumuko ako para itago ang aking mukha sa mga schoolmates naming lumingon sa entrance ng cafeteria. Tulad ng sinabi niya sa message, nasa last table siya kasama ang mga kaibigan niya. Naroon din ang babaeng naging seatmate niya sa subject ni Miss Jang.

     “Oh, nandito na si Jehan,” bati ni Xaw na siyang ikinaangat ng ulo ng lalaking nakayuko sa tabi niya. It’s Thunder. Wala na siya sa room kanina kaya baka rito na siya pumunta.

     “Liane, lumipat ka rito!” pagtawag ni Hanz sa babae. Ngumuso ang babae. May kung ano sa sistema ko ang nairita sa naging reaksyon niya. Nakaupo kasi siya sa tabi ni Vhan.

     “Cham, I reserved a seat for you.” Mabuti pa itong si Xaw pinag-reserve ng mauupuan si Cham sa tabi niya. Samantalang itong boyfriend ko, ibang tao ang pinaupo.

     “Jey, may space pa rito,” alok ni Corbi. Nalipat sa kaniya ang atensyon ng lahat pero tila ba wala siyang paki-alam. Naglakad ako papunta sa espasyong sinasabi niya at naupo roon.

     “Cham, si Liane nga pala. Kapatid ni pareng Hanz.” Sumunod ang mga mata ko kay Xaw na siyang nagpakilala kay Liane. Ngumiti siya sa kay Cham bago bumaling sa akin.

     “Nandito na ang foods!” magiliw na anunsyo ni Jin. Katabi niya si Craig kaya hindi ko naiwasang bumaling sa kaniya. Nailang ako bigla.

     “Babe, okay ka lang diyan?” Sa wakas ay naalala rin niya ako.

     Nakangiti akong tumango kahit pa salungat sa naging sagot ko ang sinisigaw ng utak ko. Inuukopa namin ang isang mahabang mesa kung saan ay nasa tabi ko sa kaliwa at nasa gitna sa dulo ng mesa si Jin. Nasa kaliwa ni Jin si Craig at katabi naman nito sina Vhan, Liane at Cham. Kalapit ni Cham si Xaw na nasa gitna, kasalungat ni Jin. Nasa kaliwa naman ni Xaw si Thunder at kasunod nito si Hanz na siyang nasa kanan ni Corbi na katabi ko.

     Table namin ang siyang pinakamaingay habang kumakain.

     Lumingon ako sa gilid pagkatapos kong maiusog ang upuan sa ilalim ng mesa. May humawak kasi sa balikat ko. Napaismid na lang ako nang makitang si Vhan iyon. Kung hindi ako pinag-reserve ni Corbi nang mauupuan, baka sa sahig ako umupo habang siya ay masayang katabi ang Liane na iyon.

     Dahil bago sa squad, si Thunder ang bumayad ng lahat ng mga kinain namin. Sinubukan ko silang kumbinsihin na ako na lamang ang magbabayad ng kinain ko pero tumanggi sila. Minsan lang naman daw sa isang buwan at willing naman ito. Kinumpiska pa nga ni Jin ang perang iaambag ko sana. Idaragdag niya raw ito sa pambayad sa susunod na kakain kaming lahat nang magkakasama.

     “Bitiwan mo ako!” iritado kong saad at humakbang palayo kay Vhan. Tinanggal niya ang pagkakahawak sa braso ko. Sumunod siya sa akin sa paglabas sa cafeteria at nang tuluyan nang makalabas ay muli niyang pinatong sa balikat ko ang kanan niyang braso.

     “Galit-galitan ka na naman?” Napalingon sa gawi namin sina Liane at Cham na nasa unahan habang naglalakad kami pabalik sa building namin. May ibinulong si Liane kay Cham na ikinatango naman ng huli.

     “Jey, mauna na kami sa inyo. Daraan pa kami sa ladies room.” Nilingon ko si Vhan na humarap naman sa akin. Tumango siya bilang pagsang-ayon habang ako naman ay ngumiti lang. Nang lingunin ko sina Liane at Cham ay nagmamadali na ang mga itong naglalakad palayo.

     “Babe—”

     “Huwag mo akong kakausapin. Naiinis ako sa ‘yo!” Nagpatiuna na akong naglakad pabalik sa business department. Nararamdaman ko ang pagsunod niya sa akin sa likuran pero wala akong balak na lumingon.

     “Babe!” pagpapa-cute pa nga niya. Mula sa likuran ko ay naramdaman ko ang paghabol niya ng hawak sa kamay ko. “Nagseselos ka na naman. Ano, ipaparetoke ko na lang ba itong mukha ko?”

     “Napakayabang mo.” Sapilitan kong binawi mula sa pagkakahawak niya ang kamay ko tsaka nagpatuloy sa paglalakad. Nang mapadaan ako sa hagdanan na paakyat sa second floor kung saan naroon ang room ni Vhan ay tsaka lang ako lumingon sa kaniya.

     “Tawagan mo ako kapag dismissal niyo na.” Ngumiti siya. Itinaas ko ang kanan kong kamay para ipakita sa kaniya ang ‘okay’ hand sign.

     Humakbang si Vhan paakyat sa hagdanan at ako naman ay nagpatuloy na rin sa paglalakad pabalik sa room. Eksaktong pagpasok ko sa room ay siya ring pagpasok ng susunod na instructor. Nagmadali akong pumunta sa upuan ko. Mabuti na lamang at pinatayo ni Sir ang lahat kaya hindi halatang kapapasok ko lang din sa room.

     “Kayo pa rin pala?” Mula sa instructor ay lumipat kay Thunder na siyang nagsalita ang atensyon ko. Narinig kong nagtatawag si sir at ang bawat tinatawag niya ay uupo sa pwestong nakasaad sa seating arrangement na iniwan ni Miss Jang kanina.

     “Bakit?” Tinaasan ko siya ng kaliwang kilay.

     “Wala! Wala. Akala ko nakipaghiwalay ka na pagkatapos ng nakita mo.”

     Ang kaninang nakataas kong kilay ay nagtagpo. Humarap ako sa kaniya pero walang emosyon siyang nakatingin sa unahan. Kahit mas mahaba sa ordinaryong haba ang buhok niya ay bumagay naman ito sa kaniya. Sa hindi ko mawaring rason ay bumilis ang tibok ng puso ko at halos mataranta nang magkasunod na tawagin ni Sir ang mga pangalan namin. Napansin yata niyang nakatingin ako sa kaniya kaya siya lumingon sa akin.

     “Bakit?” pagbabalik niya ng tanong.

     Umiling ako tsaka naupo. Naupo na rin siya sa upuan niya. “Mag-iisang buwan na ang lumipas pero parang may hang-over ka pa yata.”

     “Siguro? Naaalala ko pa nga kung paano mo ako halikan doon sa—”

     Mabilis kong tinakpan ang bibig niya gamit ang kamay ko. Naagaw tuloy namin ang atensyon ng karamihan, maging ni Sir sa unahan. Nasermunan tuloy kaming dalawa.

     Hindi katulad ng mga naunang instructor, si Sir ay nagsimula na kaagad magturo. Nasa kalagitnaan kami ng lesson nang inilapit sa akin ni Thunder ang mukha niya at bumulong, “Don’t tell me, hindi mo sinabi kay Vhan ang nangyari sa bar n’ong birthday ng kaibigan mo?”

     Mariin akong pumikit tsaka siya hinarap. “Alam mo ikaw, nakakairita ka.”

     “Ha? Namiss kita? Miss mo ‘ko?”

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status