Share

Chapter 5

YARELI'S POV

Nandito kami ngayon sa bayan kasama sila Mayet, Jestin at Ronnie. Dahil malaki ang kinita ni Mayet sa pag-oonline selling ng mga damit at bags na binebenta niya sa F******k ay nagyaya siyang manlibre sa amin na hindi na namin tinanggihan pa.

Nasa mall kami ngayon ng bayan ng San Felicidad. Hindi ito gaanong kalakihang mall at hanggang 2nd floor lang ang palapag nito. Medyo marami ang mga tao ngayon sa mall at kakatapos lang ng pagdiriwang ng fiesta ng San Felicidad.

"Sa ganda mo girl, center of attention ka na naman. Ikaw na talaga!" nakangising sabi sa akin ni Mayet nang mapansin rin niya ang mangilan-ngilang tao na nandito sa mall na napapatingin sa akin.

Hindi ko alam kung bakit ako tinitignan ng mga tao e, isang simpleng printed white t-shirt at jeans lang naman ang suot ko na pinaresan ko ng mumurahing sandals. Hindi rin naman ako nakamake-up bukod sa pinahid kong liptint sa labi ko para hindi magdry ito. Walang espesyal sa itsura ko ngayon pero kagaya nga ng sinasabi ni Mayet ay mukhang center of attention na naman ako na palagi ko nalang nararanasan simula noong bata palang ako.

"Feeling ko talaga sikat na rin ako kapag kasama natin si Yareli. Masyado kasing maganda 'tong kaibigan natin. Tsk!" sabi naman ni Jestin na sinang-ayunan ni Mayet.

Napailing nalang ako. "Kayo talaga. Saan na pala tayo nito, Mayet?" tanong ko kay Mayet.

"Gusto niyo bang mag foodtrip nalang tayo sa food court? Mas mura ang mga pagkain dun at mas marami rin tayong mabibiling pagkain." suhestiyon niya.

Lahat naman kami ay sumang-ayon sa sinabi ni Mayet at kaagad na kaming nagtungo sa may food court at umupo sa may bakanteng upuan doon.

Sila Mayet at Jestin na ang umorder ng mga pagkain namin at iniwan muna nila kami saglit ni Ronnie sa table namin.

"Kumusta ka na pala, Yareli? Hindi ko alam na kasundo mo pala ang mga pinsan ni Juancho," pag-imik bigla ni Ronnie na may seryosong tingin.

"Ah, nasiraan kasi sila ng kotse sa may daan at saktong nakita namin sila ni Kuya Yasewah nun. Tinulungan ni kuya na maayos ang kotse ng magkakapatid na Steffano. Mabait naman sila sa amin kaya wala akong problema sa kanila." sagot ko.

"Pero hindi ka ba natatakot man lang sa kanila? Pinsan sila ni Juancho at baka ikapahamak mo pa kung magiging mas malapit ka sa magkakapatid na 'yon." nag-aalala namang sabi ni Ronnie.

Ni minsan ay hindi ko naisip na pwede kong ikapahamak ang pakikipaglapit ko sa magkakapatid na Steffano. Mabait sila sa akin at hindi nila ako pinapakitaan ng masama. Isa pa ay wala namang masama na maging kaibigan ko sila dahil hanggang doon lang naman talaga kami hahantong. Mayaman sila samantalang mahirap lang ako at napakalayo ng estado ng buhay nila sa estado ng buhay ko.

"Mabait naman sila sa akin saka hindi naman nila alam ang nakaraan namin ni Juancho. Kung anuman ang mayroon sa amin ni Juancho noon ay labas na sila doon." sabi ko at bumuntong-hininga pagkatapos.

Tumango lang si Ronnie sa sinabi ko. "Kung sa bagay pero mag-iingat ka pa rin sa kanila, Yareli dahil hindi mo pa lubos na kilala ang magkakapatid na 'yon." sabi niya.

"Salamat sa pagpapaalala sa akin, Ronnie." nakangiting sabi ko na ikinangiti rin niya.

Ilang minuto lang ay dumating na rin sila Mayet at Jestin dala ang mga inorder nilang pagkain namin. Isang order ng pancit palabok na may lumpia, leche flan, siomai halo-halo at coke ang order naming lahat.

Nag-umpisa na kaming kumain at hindi namin maiwasang matawa ni Ronnie habang nagkukwento sina Mayet at Jestin ng mga nakakatawang pangyayari sa buhay nila noong mga bata palang kami.

Bigla ay napahinto sa pagkukwento si Mayet at gulat itong napatingin sa kabilang table namin. Napatingin naman ako doon at nagulat rin ako nang makita sila River at Irvin kasama sina Juancho at ang bagong girlfriend nito.

"Yareli?" biglang lumapit sa akin si Irvin nang makita niya ako kaya napatingin rin sa gawi namin sila River, Juancho at ang girlfriend niya.

Bakas sa mukha ni Juancho ang pagkagulat nang makita niya ako habang ang nasa tabi naman niyang si River ay lumapit na rin sa akin.

"N-Nandito pala kayo," nautal ko pang sabi at hindi na muling tinignan pa si Juancho at bumaling nalang kina Irvin at River.

Wala na akong karapatang masaktan. Hiwalay na kami at may bago na siyang girlfriend na mayaman rin katulad niya.

"Yeah, nabored lang kami sa mansyon at naisipan naming sumama ni River kila Juancho at sa girlfriend niya dito sa mall ng San Felicidad. Hindi na sumama sa amin sila Efraim, Grant at Amir dahil tinatamad daw silang lumabas." sabi naman ni Irvin.

Tumango ako sa sinabi niya at ipinakilala nalang sila Mayet at Jestin sa kanila. Nang ipakilala ko ulit si Ronnie sa kanila ay bigla namang sumeryoso ang mukha nila Irvin at River at hindi na muling nagsalita pa.

Bigla namang lumapit sa amin sina Juancho kasama ang girlfriend niya. Nakahapit pa sa bewang ni Juancho ang babae at hindi ko kayang makita iyon kaya iniwas ko ang tingin ko sa kanila.

Nakita ko pa ang simpleng pag-irap ni Mayet kay Juancho na nakita naman ng girlfriend nito.

"May problema ka ba sa boyfriend ko?" maarteng tanong ng girlfriend ni Juancho kay Mayet.

"Wala, bakit naman ako magkakaroon ng problema sa boyfriend mo?" mataray namang sagot pabalik ni Mayet na sinita na ni Jestin.

Sasagot pa sana ang girlfriend ni Juancho nang napigilan ito ni Juancho. "Don't mind her, babe."

Umirap nalang ang girlfriend ni Juancho sa kanya at padabog itong bumalik sa kabilang table.

Humarap si Juancho kina Irvin at River. "Let's go?"

"Dito na muna kami sa table nila Yareli. Kayo nalang muna ni Amanda dyan sa kabilang table." sabi ni River.

Hindi na sumagot si Juancho doon at nakita kong sumulyap pa ito sa akin bago siya pumunta sa kabilang table kung saan nandoon ang girlfriend niya.

Umupo naman sina Irvin at River sa bakanteng upuan na nasa tabi ko lang.

"Okay lang ba na nandito kami?" tanong ni River kay Mayet na natulala pa habang tinitignan siya.

"O-Okay lang." sagot ni Mayet at natauhan lang ito sa pagkakatitig kay River nang mahina siyang siniko ni Jestin sa tabi niya.

Maging pati si Mayet ay nastarstruck rin sa kagwapuhan ni River. Talaga naman kasing gwapo ito at pansinin nang kahit sinumang makakakita sa kanya. Ganon na rin kay Irvin.

"Hindi ba kayo oorder ng pagkain? Nakakahiya naman na nandito kayo habang kumakain kami?" mahina kong tanong kina Irvin at River.

"It's okay. Kakatapos lang rin naming kumain kanina sa mansyon." nakangiting sabi ni Irvin at napagitla pa ako nang ipinatong niya ang isang kamay niya sa balikat ko.

Ang katabi ko namang nasa kaliwa na si Ronnie ay tahimik lang na kumakain at hindi na rin nito pinapansin ang magkapatid. Marahil ay nararamdaman rin niya na hindi siya gusto ng mga ito.

Pero bakit naman? May nagawa bang kasalanan si Ronnie sa magkakapatid? Ngayon lang naman sila nagkakilala, ah?

"Ganon ba." tangi kong nasabi at ipinagpatuloy ko nalang ang pagkain ko.

Hinayaan ko nalang si Mayet na kausapin sina Irvin at River habang kumakain kami. Si Jestin naman ay tila nayayamot na dahil nawala na ang atensyon ni Mayet sa kanya. Napailing nalang ako.

"Ngayon ko lang talaga kayo nakita dito at pamangkin pala kayo ni Governor Vicente. Okay lang naman ba kayo dito sa San Felicidad? Ayos lang rin bang kaibigan 'tong si Yareli?" tanong ni Mayet kina Irvin at River saka ito ngumisi sa akin.

"Yeah. Yareli is nice and kind. Pinakain pa nila kami ni Yasewah nang meryenda sa bahay nila." sagot ni Irvin at nginitian niya ako pagkatapos.

"Nako! Talagang mabait 'yan si Yareli at 'yung gwapo niyang kuya kaya dapat hindi siya sinasaktan ng kung sinu-sino lang." medyo napalakas pa ang pagkakasabi nun ni Mayet na mukhang narinig pa ni Juancho sa kabilang table.

Nang mapatingin ako kay Juancho ay laking gulat ko nang nakatingin pala ito sa akin habang nakasandal sa balikat niya ang girlfriend niya at busy ito sa paggamit ng cellphone. Hindi yata nito narinig ang sinabi ni Mayet.

Nakatingin lang si Juancho ng seryoso sa akin at dahil hindi ko kayang matagalan ang pagtitig niya ay kaagad na akong umiwas ng tingin sa kanya.

"You're right. Yareli should be treasured because she is precious and very adorable woman." sabi naman ni River na ikinapula bigla ng buong mukha ko.

Tinignan lang ako ni Mayet ng nakakaloko at hindi ko nalang ito pinansin. Alam ko naman kasing aasarin niya lang ako kapag pinatulan ko pa siya.

Nang matapos na kaming kumain na magkakaibigan ay nagpaalam na sa amin si Mayet na mauuna na siyang umuwi dahil nagtext raw ang Mama niya at walang magbabantay ngayon ng sari-sari store nila. Si Jestin naman ay gusto na ring umuwi at nagpresinta nalang itong ihatid si Mayet sa bahay nila. Tumango nalang kami at nagpaalam na hanggang sa tuluyan na silang makaalis.

"Ihahatid nalang rin kita pauwi mamaya, Yareli." pag-imik bigla ni Ronnie at nginitian niya ako.

"Baka nakakalimutan mong magkapitbahay lang tayo?" natatawa ko namang sabi.

Tumawa rin siya sa sinabi ko at napakamot pa ito sa ulo niya. "Sabi ko nga."

"Ehem!"

Nawala lang ang atensyon namin ni Ronnie sa isa't-isa nang biglang tumikhim si Irvin na kasama pa rin pala namin sa table katabi si River na kanina pa tahimik.

"Ihahatid ka na rin namin pauwi, Yareli." nakangiting sabi ni Irvin.

"Ha? Eh paano naman sina Juancho at ang girlfriend niya?" tanong ko.

"They can handle their selves." sagot ni Irvin.

"Teka lang, kapitbahay ko naman si Yareli kaya ako nalang ang maghahatid sa kanya pauwi. Pwede na kayong makisabay pauwi sa mga kasama niyo para hindi na namin kayo maabala pa." pagsabat ni Ronnie.

Bigla ay sumama ang tingin sa kanya ni Irvin na ikinabigla ko.

"Ano bang pakialam mo kung ihatid namin si Yareli sa bahay nila? Kaibigan na namin siya kaya walang masama kung ihatid namin siya sa kanila." galit nang sabi ni Irvin.

"Irvin, calm down." rinig kong suway ni River kay Irvin.

Hindi pinansin ni Ronnie ang sinabi ni Irvin at walang imik ako nitong hinila papatayo. Akmang aalis na sana kami nang biglang humarang si Irvin sa harapan namin. Nakita naman kami nila Juancho at nang girlfriend niya na parang nagkakagulo na kaya lumapit na rin sila sa pwesto namin.

"Sino ka ba sa akala mo? Bakit mukhang pinagdadamot mo si Yareli sa amin? Kaibigan ka lang naman niya, ah? Kung makaasta ka para ka niyang boyfriend, e!" sigaw ni Irvin kay Ronnie dahilan para mapatingin sa kanya ang ibang taong nandito rin sa food court.

Nagulat ako sa sinabi niya maging pati na rin si Juancho at ang girlfriend niya.

"Irvin, tumigil ka na. Gumagawa ka na ng eksena dito!" pagkausap naman ni River sa kapatid niya.

"Hindi ako titigil hangga't hindi ko nasasabi ang gusto kong sabihin sa lalakeng 'yan!" maangas pang sabi ni Irvin habang tinitignan nito ng masama si Ronnie na nakatiim-bagang na at wala pa ring imik.

Laking gulat ko nalang nang bigla akong hinila ni Juancho hanggang sa makalayo na kami sa kanila. Tinawag pa siya ng ilang beses ng girlfriend niya pero hindi niya ito pinansin. Hinabol pa kami nila Ronnie, River at Irvin kaya mas binilisan pa ni Juancho ang paglalakad namin.

"Ano ba! Bitawan mo nga ako!" Reklamo ko habang pilit na inaalis ang kamay niya sa braso ko.

Hindi niya pinansin ang sinabi ko hanggang sa makalabas na kami sa loob ng mall. Bigla siyang nagpara ng tricycle sa may daan at nang huminto ang tricycle sa tapat namin ay kaagad niya akong ipinasok sa loob. Sumunod naman siya sa akin at pumasok rin sa loob.

Nang pinaandar na ng tricycle driver ang tricycle na sinasakyan namin ay nakita ko pa sila Ronnie, Irvin, River at ang girlfriend ni Juancho na nasa labas na ng mall at nagpalinga-linga ang mga ito sa paligid para hanapin kami. Ang hindi nila alam ay nasa loob na kami ng tricycle ni Juancho at papaalis na.

"Manong, sa may Tayuman po." sabi ni Juancho sa tricycle driver na tinanguan lang siya.

"Ano bang problema mo at bigla mo nalang akong hinila at isinakay dito sa tricycle?" galit kong singhal na pilit nilalabanan ang emosyon ko.

"Can't you see? Nag-aaway na sila nang dahil sa'yo kaya kailangan kitang ilayo doon." masungit naman niyang sagot.

"Ano ba talagang problema mo? Iniwan mo pa 'yung girlfriend mo doon sa mall. Ano nalang ang iisipin niya sa ating dalawa?" tanong ko at napapikit nalang sa inis.

Hindi siya sumagot sa sinabi ko at humalukipkip nalang ito.

"Hindi ka ba talaga-"

"Bakit ka pa kasi nakipagkilala sa mga pinsan ko, ha?" sabi niya na ikinahinto ko.

"Anong ibig mong sabihin?" tanong ko.

Umigting ang panga niya at tinitigan niya ako ng masama. "Hindi ka naman siguro manhid at nakikita mong interesado sila sa'yo? Bakit ba hindi mo sila magawang layuan at hindi kausapin? Dahil sa'yo ay pwedeng magulo at masira ang lahat!" madiin niyang sabi dahilan para umurong ang dila ko.

"Tandaan mo, Yareli. Mahirap ka lang at hindi ka nababagay sa aming mga Steffano. Huwag kang maghangad na mabibihag mo ang isa sa mga Steffano. Hinding-hindi ko hahayaang mangyari 'yon." banta niya at doon ay tuluyan nang bumuhos ang mga luha ko.

"Ganyan mo na ba talaga ako kamuhian? Ano bang kasalanang nagawa ko sa'yo, Juancho?" umiiyak kong tanong.

Biglang lumamlam ang pares ng mga magaganda niyang mata at lumunok ito.

"Hindi. Hindi ko hahayaang tuluyan mong masisira ang mga pinaniniwalaan ko at hinahangad ko noon palang. Hindi ikaw ang magiging dahilan." mariin niyang sabi.

"Hindi kita maintindihan," umiling ako dahil naguguluhan na talaga ako.

"Talagang hindi mo ako maiintindihan kaya sinasabi ko na sa'yo to, layuan mo ang mga pinsan ko dahil kung hindi ay pagsisisihan mo 'yon balang araw." huling sabi niya hanggang sa makarating na kami sa daan ng Tayuman pauwi ng bahay.

Siya na ang nagbayad ng pamasahe ko at nang makaalis na siya kasama ang tricycle driver sa loob ay naiwan na akong mag-isa sa daan.

Napansin ko naman ang isang picture sa sahig na nalaglag pa yata sa wallet ni Juancho nang kumuha siya ng pera para ipambayad sa tricycle driver. Nang pinulot ko ito ay halos manlamig ang mga kamay ko habang tinitignan ang picture.

Picture namin itong dalawa na magkasama sa parke noong nagdate kami. Kuha ito mula sa cellphone niya noong unang araw na naging magkasintahan kami. Pareho kaming nakapeace sign sa picture at nakalabas pareho ang mga dila. Nang binasa ko ang nakasulat sa likod ng picture ay napatakip nalang ako ng bibig ko para pigilan ang paghikbi ko.

First photo with my lovely girlfriend. I love you so much, Reli! - J.A

-Ajai_Kim

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status