Share

Stranger's Promises:A Contract
Stranger's Promises:A Contract
Author: Tazze Katha

Chapter 1

Celina's Point of View

Ang pagmamahal niya sa akin ay handa na n'yang bawiin at muling ialay sa iba. Iyon ang tanging bagay na naisip ko nang mga oras na humarap siya para tapusin na ang namamagitan sa amin. Sa ilang taon namin na magkasama, wala akong mahanap na butas para maging dahilan upang iwan niya ako. Kampante ako kasi alam ko, 'mahal' niya ako.

Lalamya-lamya akong naupo sa lilim ng isang puno habang pinapanood ang kumikinang na tubig sa dagat. Ramdam ko ang panlalambot ng aking mga tuhod kahit na hindi naman gano'n kalayo ang aking nalalakad. Kitang-kita ang pagmamadali ng iba sa paglalakad dahil sa tindi ng init na dumadaampi sa balat ngunit hindi ko iyon maramdaman. Agad akong nagbaling ng tingin sa ibang direksiyon dahil nagbabadya na namang tumulo ang aking mga luha dahil sa alaalang patuloy umiikot sa aking isipan. Tila ba, wala itong planong lubayan ako.

"Alam kong wala kang balak na paniwalaan ang mga sinasabi ko, ngunit may mahal na akong iba. Masaya na ako sa kan'ya ngayon. Celina, isa sa mga maling desisyon na aking ginawa ay ang nahulog ako sa iyo." Hindi panghihinayang o pagsisisi ang aking nakikita sa mga titig niya kun'di pagkaawa. Pakiramdam ko'y kinaawaan niya lang ako kaya nangyari ang lahat ngunit tiningnan ko iyon na para bang tunay na pag-ibig na malabong makita kung kanino lang. Naninikip ang aking d****b sa tuwing lalabas ang imahe niya sa aking utak, o sa tuwing may mga alaalang bumabalik na lang bigla. Masakit isipin na hindi iyon tunay na pagmamahal.

Para maibsan ang sakit na aking nadarama ay agad kong inilabas ang aking cell phone at tinawagan si Ara, kaibigan ko. Ilang ring pa ang nakalipas bago niya tuluyang sagutin. Tahimik ang paligid kaya hinintay ko na lang siyang magsalita. Alam kong hindi pa nila break sa trabaho ngunit gusto kong marinig ang boses niya, kahit saglit lang.

"Sorry Cel, busy ngayon dito sa hospital. Pwede mamaya ka na lang tumawag?" pambungad niyang saad na mapait kong ikinangiti. Tumungo na lang ako at saka tinapos ang tawag. Huminga ako ng malalim bago i-dial ang number ni Mia. Ilang segundo pa ang lumipas at sinagot niya ang tawag. Katulad ng kanina ay hinintay ko rin siyang magsalita ngunit hindi katulad ng kay Ara ay namayani ang ingay sa kabilang linya. Mga yapak, kaluskos ng mga printer na naglalabas ng mga papel at mga kableng naaapakan. Halata ang pagmamadali ng mga tao. 

"Hello, Celina? Bakit ka napatawag, may nangyari ba?" tugon niya. Halatang maraming papeles ang inaasikaso niya ng mga oras na 'yon. Gusto kong sabihing may nangayari, na malungkot ako ngayon. Na kailangan ko ng kaibigan na mapagkwekwentuhan. Ngunit may nagtutulak sa 'kin na huwag na lang umimik dahil alam kong magiging sagabal lang ako sa tahimik nilang buhay sa trabaho.

"Wala naman..." tugon ko na sinundan ng nag-aalangang tawa. "Tumawag ako para sana tanungin kung kumain ka na ba ng lunch. Ayain sana kita," dagdag ko. Mahigpit akong napahawak sa laylayan ng aking shirt at pinipilit na 'wag pumiyok o gumawa ng nakakahiyang ingay habang hinihintay ang kan'yang magiging sagot.

"Sorry Cel, nakakain na kasi ako. Pero if you insist... I'll be there within an hour," masaya niyang pagkakasabi. Magsasalita na sana ako para magpasalamat nang biglang may sumigaw ng pangalan niya kaya agad siyang nagdali-dali at saka muling nagsalita. "Hintayin mo 'ko, tapusin ko lang 'to!" tugon niya bago tuluyang ibinaba ang phone.

Sumilay ang kaunting ngiti sa aking labi at saka agad na nagtungo sa pinakamalapit na resto sa park na tinambayan ko at mabilis siyang it-in-ext upang ibinigay ang  address. Nakaramdam ako ng kaunting lakas sa aking mga tuhod, na para bang kahit papaano ay naibsan ang aking sama ng loob. Madalas akong napapatingin sa wall clock dahil parang napakabagal lumipas ng isang oras. Um-order na rin ako ng pagkain para ihahain na lang pagkadating ni Mia.

Pero, hindi siya dumating. Walang Mia na nagpakita sa harap ko para sabihing 'pasensiya na na-late ako'. Naghintay ako ng halos tatlong oras, nakatulala ngunit tanging hangin lang ang sumalubong sa akin. Tinadtad ko siya ng message ngunit wala man lang respond o explanation, nakakapanglumo.

Agad akong bumalik sa tabing dagat at doon naglakad- lakad. Mula sa kinatatayuan ko ay kitang-kita ang nagtataasang building na nakakasilaw. Napatingin ako sa building na malapit sa isang lake at naiiba ang design sa lahat dahil triangle ang shape nito at may bridge sa gitna. Nakakamangha man 'yon sa iba ngunit hindi na sa akin. Halos nakaimprinta na iyon sa aking utak maging ang bawat kwarto o disenyo sa loob. Iyon ang DAVS building, pagmamay-ari ng angkan ng mga Davantes, ang dugong dumadaloy sa akin at ako ang naatasan bilang susunod nitong tagapagmana.

Napaupo ako sa isang malaking puno malayo sa mga dumadaan at saktong lugar para tumambay at para makita ang tuluyang paglubog ng araw. Iyon muli ang unang beses na gagawain ko mag-isa ang paghihintay sa paglubog ng araw dahil wala na si Renz. Iwinaksi ko ang lahat ng aking iniisip at saka ipinaubaya ang sarili sa nais nitong gawin ng kusa. Gusto ko na lang muna magpahinga. 

Hindi ko namalayang nakatulog pala ako at nagising sa kaunting gilawgaw sa aking pisngi. Napapahid ako ng mukha at nakitang takipsilim na. Wala akong nagawa kun'di magpakawala ng buntong hininga at tumayo para makauwi. Ano mang pagmumukmok ko sa lugar na 'to, hindi pa rin natatanggal ang sakit pagkagising ko. Napatigil ako nang mapagtanto kong may hawak akong isang bagay na hindi ko naman pagmamay-ari, isang jacket. Humahalo ang  matapang na amoy nito sa hangin, hindi maitatanging ang may-ari nito ay isang lalaki. Hindi ko alam kung kanino o saang lupalop iyon nanggaling ngunit kailangan ko iyong maibalik. 

Napatingin ako sa paligid at hinintay na may umangkin sa gray na jacket sa kamay ko. Umupo ako sa isang bench 'di kalayuan sa aking tinulugan at napalinga-linga sa pag-aasam na isa sa mga tao rito ang may-ari. Malapit rin ako sa lamppost upang madali kong malaman kung sino iyon. Pinagmasdan ko ang mga ilaw na unti-unting dumadami na nagbibigay liwanag sa buong paligid. Napakagandang pagmasdan ng tanawing ito tuwing gabi. Inilabas ko ang cellphone ko at nakitang nag-text sa akin si Mia na humihingi ng sorry kung hindi siya nakarating dahil may pina-rush sa kanilang presentation. Agad naman akong nag-reply para sabihing ayos lang.

Ilang minuto pa ang ginugol ko para pagmasdan at hintayin na rin ang may-ari ng jacket at unti-unti na akong nawawalan ng pag-asa dahil baka kanina pa siya nakaalis. Hindi ko alam kung bakit ko rin iyon ginagawa ngunit sadyang may pakiramdam lang ako na baka kilala ko siya. Akma na akong tatayo nang biglang may lumapit na lalaking nakablack at saka ako biglang inabutan ng kape. Hindi ko alam ngunit tinanggap ko ang alok niya at saka naupong muli. Wala siyang sinasabi o pakilala at maging pakiusap. Tahimik lang akong naghintay habang hawak ang mainit na kape.

"Ibalik mo sakin yang ano," saad niya habang nakayuko kaya hindi ko alam kung ano ba ang tinutukoy niya. Napatingin ako sa kape na hawak ko. Akala ko pa naman binigay niya talaga, 'yon pala pinahawak lang. Mahinahon kong iniabot ang kapeng hawak ko at saka hindi na nagsalita pa. Wala na akong lakas para sayangin pa ang natitirang laway ko.

 Nakasumbrero siya at natatabunan din ng kan'yang kulot at makapal na buhok ang kan'yang mata kaya hindi ko makita ang buo niyang mukha.

Ipinagpag niya ang kan'yang braso at agad na napatingin sa direksiyon ko. Hindi man niya sabihin ngunit alam kong  gusto niyang iparating na 'ang tanga ko'. Napairap na lang ako at hinintay na kunin ang kape sa kamay ko ngunit nanatili lang siyang nakatayo at para bang naputa sa ibang mundo.

Dahil sa inis ko ay inilapag ko na 'yon sa bench at saka tumayo. Ang weird ng taong 'to, grabe.

"Where are you going?" Hinablot niya ang damit ko na siyang mabilis kong ikinatigil. Inalis ko ang pagkakahawak niya sa akin at saka umirap.

"Aalis, malamang." Naglakad ako paalis at hindi na siya inatupag. Mabilis na naman niya akong hinawakan na unti-unting umuubos sa aking pasensiya. Bigla ko siyang nasampal, maging ako ay nagulat sa aking nagawa.

"Aray, ba't mo naman ako sinampal?" Hinaplos niya ang kan'yang pisngi na siguro'y namamanhid na dahil sa lakas ng sampal ko. Nag-iwas na lang ako ng tingin sa kan'ya ngunit nagsalubong ang titig namin sa isa't-isa. Para akong napako sa aking kinatatayuan at hindi magawang makapagsalita.

"I-Ikaw,  ba't mo ba 'ko hinahabol?" inis kong tanong sa kan'ya na nagpa-angat sa labi niya. Na parang wala naman siyang naaalala na 'yon ang balak niya.

"Ano, ikaw hinahabol ko? Ganito na pala mag-abot ng pasasalamat ang tao ngayon. Tsk!" Nagtataka ko siyang tinitigan nang bigla niyang kunin ang jacket sa akin. "Akin kasi 'to. At saka, hindi kita hinahabol 'no, 'yung jacket, kasi mahal pagkakabili ko niyan!" sunod-sunod niyang protesta na mas lalong nagpatigil sa akin.

Hindi ko siya magawang tingnan dahil sa hiya na nararamdaman ko.

"Baka kasi lamukin ka, wala ka bang bahay? Mukha ka namang may kaya ta's dito ka sa tabing dagat natutulog? Dun sa condo ko, may kaunting space pa, gusto mo do'n ka muna pansamantala?" Rinig sa kan'yang boses ang pagka-seryoso sa mga sinasabi niya ngunit natahimik na lang ako sa pag-aakalang masama siyang tao.

"'Yung kape, akin na ba 'yon?" Tumango naman siya kaya agad ko iyong kinuha at ininom. Mabuti na lang at hindi na masyadong nakakapaso sa dila kaya agad ko ring naubos. Pagkatapos kong lagukin lahat at agad akong yumuko na ikina-atras niya.

"I'M SORRY!" saad ko at saka bumalik sa pagkakatayo. "And, thank you." Nginitian ko siya at saka akmang aalis. Umupo siya sa bench at nagpakawala ng malalim na hininga.

Ilang hakbang pa lang ang layo ko mula sa kan'ya nang bigla na naman siyang nagsalita.

"I can help you, mukha ka kasing problemado," mahina man ngunit umulit-ulit iyon sa aking utak at pilit na ipinapasok kung anong sinasabi ng lalaking 'to. Tumatawa-tawa man siya ng mahina pero sigurado siya sa mga sinasabi niya na para bang isa siyang manghuhula.  Paano niya ako matutulungan kung ngayon ko lang siya nakilala at ano bang alam niya?

"Baka nagkakamali ka lang. Hindi ko kailangan ng tulong mo," diretsahan kong tugon sa kan'ya. Hindi siya umimik at sumeryoso lang ang mukha saka bumaling ang tingin sa akin.

May parte sa aking puso na nagsasabing kausapin ko siya at pagkatiwalaan. Hindi rin ako nakakaramdam ng kahit anong kaba sa mga sinasabi niya. Ngunit pinipilit kong 'wag siyang pansinin at umalis na lang. 

"Sabi nga nila, mas magandang magkwento sa estranghero dahil hindi mo sila kilala. Malay mo may solusyon akong maibigay," dagdag pa nito. Nagkita na naman ang aming mga mata na nagpataas ng aking mga balahibo. Sino ang taong 'to, parang ang dami niyang alam tungkol sa akin?

Humarap ako sa kan'ya at saka siya tinitigan. Ayoko na muna sanang magtiwala kaso sasabog na talaga e, hindi na kaya ng puso kong dalhin lahat ng bigat. 

Nagbabadya na namang tumulo ang aking mga luha.

Nakapagdesisyon na ako.

At nakita ko na lang ang sarili kong lumalapit sa kinauupuan niya. 

One last try.

Napahinga ako ng malalim at saka humanda sa mga mangyayari. 

"Maaari mo akong pagtawanan sa lahat ng ka-artihan at ka-dramahan ko..." Nanatili siyang nakasandal sa bench at nakatingin sa malayo habang tahimik na nakikinig. " Naghiwalay kami ng boyfriend ko for almost 6 years, at ang dahilan niya lang ay napilitan siyang mahalin ako." 

Hinintay kong tumawa siya ng malakas at sabihing ako ang pinakama-drama sa balat ng lupa ngunit hindi niya ginawa. Nagpatuloy siyang nakinig sa akin at hindi nagreklamo. Nakita ko ang sarili kong umiiyak sa harap ng lalaking hindi ko naman kilala. Ipinapakita kung gaano ako kahina.

"Hinahangaan kita Celina," mahina niyang sambit. Napatingin ako sa kan'ya na ngayon ay nakatingin sa langit. Ngumiti ako ng mapait sa mga sinabi niya at napasinghot dahil hindi na ako makahinga ng maayos.

"Gusto mong subukang muli? Tulungan kita," may ngiti sa kan'yang labi na nagpanganga sa akin.

"Para saan pa?" Napatingala rin ako tulad niya. Ang sarap sa pakiramdam. Sumilay ang munting ngiti sa labi ko. Muli ko siyang tiningnan habang hinihintay ang sunod niyang sasabihin. 

"Para sumaya ka," basa ko sa mga labi niya.

Napakaweirdong stranghero. 

Paano niya nasasabi ang mga bagay na 'yon. Sabagay, bukas hindi ko naman na siya makikita o makakausap. Napatawa naman ako at saka inumpisahang i-imagine ang mga mangyayari.

"Magpanggap ka bilang boyfriend ko, kaya mo?" Natahimik siya at saka napangisi ng bahagya na para bang iniisip niya na minamaliit ko siya sa mga kayang niyang gawin.

"Kaya!" Napanganga ako sa mga sinabi niya.

Napatigil kami sa pagkwekwentuhan ng biglang tumunog ang cellphone niya. Agad niya iyong dinukot sa kan'yang bulsa at sinagot dahil mukhang importante. Marami kaming napagkwentuhan o sabihin na nating marami akong naikwento sa kan'ya. Napangiti na lang ako sa hangin dahil sa mga pinagsasasabi ko.

"I'm sorry I have to go," seryoso niyang sabi na ikinatango ko naman. "Good night," marahan niyang sambit. Ngumiti siyang muli bago tuluyang umalis.

"Good night!" mahina kong saad at pinanood ang kan'yang likod habang papalayo.

"I'm  Celina Davantes, by the way!" dagdag ko bago siya tuluyang naglaho sa dilim. "Ikaw? Anong pangalan mo..."

He's strange... Very strange.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status