Share

2 - The Mother

Author: Redink
last update Last Updated: 2025-04-15 08:07:13

Chapter 2

PAGKATAPOS mag-mop sa sala, binitbit ni Jovy ang mop at balde na may tubig at fabric conditioner. Dinala niya ang mga iyon sa laundry area sa likod na konektado lang sa kusina. Binanlawan niya ang mop at isinampay sa tubong sampayan sa labas. Isinunod niyang labhan ang mga pinagbihisan ni Kris at school uniform ni Kylle.

Nakababad na sa detergent powder ang mga iyon. Kinusot na lang niya. Ilang piraso lang naman. Araw-araw siyang naglalaba para hindi dumami ang maruruming damit. Pagsapit ng Sabado ay pillow cases, kumot at bed sheet naman ang nilalabhan niya katulong ang asawa.

Pagkatapos maglaba at maisampay ang mga damit, pinuntahan niya ang bunsong anak sa kuwarto. Napainom na niya ito ng gamot. Panay ang kislot nito at alumpihit sa higaan. Lumapit siya. Dinama ang noo nito at nagulantang nang halos mapaso ang palad niya sa sobrang init. Inaapoy na naman ito ng lagnat.

Tarantang dinampot niya ang cellphone at tinawagan si Kris. Pero hindi siya sinasagot ng asawa. Malamang ay nasa production ito at may inaayos na machine.

Dali-dali na siyang nagbihis. Pinalitan din niya ang damit ni Karylle. Isinalpak sa loob ng bag ang pitaka, cellphone, at ilang gamit ng bata.

"Mama..." mahina nitong sambit nang buhatin niya.

"Pupunta tayo sa doctor para mawala na ang fever mo, okay?"

"Masakit po ang tiyan ko," daing nito at umiyak na.

Gusto na rin niyang umiyak. Masakit ang tiyan? Kaya siguro hindi ito mapakali. Dapat naging mas mapagmatyag siya. Hindi mareklamong bata si Karylle. Matiisin ito.

Umuuga na sa takot ang dibdib niya. Ni-lock niya ang main door, hinulog ang susi sa kaniyang bulsa at tinunton ang labasan ng gate. Isinara rin niya iyon pero hindi na ikinabit ang lock. Loan ni Kris sa Pag-ibig ang bahay nila. Nasa subdivision iyon. Halos takbuhin na niya ang private road palabas ng village. Hingal na hingal pero hindi niya iniinda. Panay ang salat niya sa noo ng anak na umiiyak.

"Kunting tiis muna, baby, ha? Sasakay na tayo ng taxi."

Saktong may taxi na nakatambay pagdating niya ng main road. Kinawayan niya iyon. Agad namang umusad papalapit sa kinatatayuan niya.

"Sa hospital po tayo!" sabi niya sa driver pagkasampa sa loob.

"Ano po ang nangyari sa bata, Mam?" tanong nito.

"Nilalagnat at masakit daw ang tiyan niya." Pinahid niya sa palad ang mga luha ng bata. Malamig ang pawis nito at maputla ang labi. "Pakibilisan po!" apura niya sa driver.

"Baka dengue po," sabi nitong binilisan ang takbo ng taxi.

Iyon din ang suspetsa niya. Umalsa nang husto ang panic sa sistema niya.

"Mama!?" matinis na iyak ni Karylle na namilipit sa sakit.

Naiyak na siya at hindi malaman kung aling parte ng tiyan nito ang hahaplusin.

***

BREAKTIME sa umaga nang mabasa ni Kris ang text ng asawa niya. Nag-miss call din ito pero hindi niya nasagot dahil busy siya sa pagkumpuni sa production machine ng optic section at iniwan niya ang cellphone sa kaniyang locker kanina. Aprobado na ang three days leave niya simula bukas. Sa ngayon tatlong araw lang ang maximum number of days na naibibigay ng kompanya dahil sa quota ng orders na kailangang maabot ng bawat production.

Halos paliparin niya ang motorbike pagkalabas ng gate 7 ng planta. Sa private hospital sa kabilang lungsod isinugod si Karylle. Thirty minutes din ang biyahe papunta roon, buti na lang at maluwag ang daloy ng trapiko.

Ipinarada niya sa bakanteng parking area ang motorbike. Lakad-takbo ang ginawa niya sa lobby ng hospital at dumeretso sa front desk.

"Excuse me, Ma'am, ama po ako ni Karylle Pama Concepcion," pakilala niya sa babaeng receptionist.

"Wait lang po, Sir, i-check po natin. Ilang taong gulang po ang anak ninyo?"

"Five."

"Nasa emergency room pa ang bata, Sir."

"Salamat!" Tinakbo niya ang pasilyo papuntang emergency room. Kalat ang mga tao sa labas pero nahanap agad ng mga mata niya si Jovy. Nakaupo ito sa bench at kabadong nag-aabang sa saradong pintuan.

Dinaluhong niya ang asawa at umuklo. Niyakap ito.

"Kris!" Sumubsob ito sa dibdib niya at umiyak.

"I'm sorry, kaninang breaktime ko lang nabasa ang text mo. Natali ako roon sa production, maraming trouble," paliwanag niya.

"Okay lang, kaya hindi na kita inabala pa kasi alam kong busy ka kanina. Si Karylle, dumadaing sa sakit ng tiyan. Duda ko baka may dengue siya."

Ikinulong niya sa mga kamay ang nanlalamig nitong palad at dinampian ng halik. Bakas sa mugto nitong mga mata ang takot.

Bumukas ang pinto ng emergency room at lumabas ang doctor.

"Sino ang mga magulang ni Karylle?" tanong nito.

"Kami, Doc!" agap niyang sagot. Sumikdo ang dibdib niya sa kaba. Seryoso ba ang kondisyon ng bata? Hindi maganda ang nakikita niyang expression sa mukha ng doctor.

"Kakausapin ko kayo sa opisina ko." Ikinumpas nito ang kamay para sumunod sila.

Hinapit niya si Jovy at inakay. Bumuntot sila sa doctor. Bumibigat ang paghinga niya habang papalapit sila sa opisina nito. Pero kailangan niyang lakasan ang loob. Hindi pwedeng panghinaan. Siya ang padre de pamilya, sa kaniya humuhugot ng lakas at tapang ang asawa. Papasanin niya mag-isa ang takot at pag-aalala mapagaan lang ang nararamdaman nito.

"You may sit down." Itinuro ng doctor ang sofa sa may dingding. "By the way, I'm Dr. Alvin Serrano, the attending physician of Karylle."

"Kumusta po ang anak namin, Doc?" tanong ni Jovy.

Matagal muna silang tinitigan ng doctor saka ito bumuntong-hininga. "She's not in good shape. Isasalang natin siya sa laboratories pero sa ngayon may initial diagnosis ng tumor sa atay niya."

Mabilis niyang nasalo ang asawa na nawalan ng lakas ang mga tuhod at muntik nang mapaluhod sa sahig. Bumagsak sa kaniya ang bigat nito.

"I will refer her to a surgeon for more accurate diagnosis. Sa ngayon kailangan ninyong maghanda ng malaking halaga sakaling i-rekomenda ang surgery at liver transplant sa kaniya. Kailangang matanggal ang bahaging tinubuan ng tumor para hindi madamay ang buong atay."

"How much do we need to prepare, Doc, for the surgery?"

"Naglalaro sa seven to nine million ang kabuuang gastos. Tutulungan ko kayong maghanap ng liver donor, may programa ang hospital, magbibigay rin kami ng kunting financial assistance."

Humagulgol na si Jovy. Mahigpit niyang niyakap ang asawa at hinalikan sa ulo.

"Hindi tayo susuko. Gagawa ako ng paraan," sabi niya at bumaling sa doctor. "Doc, iligtas n'yo po ang anak namin, ako na ang bahala sa pera."

"We will do that, Mr. Concepcion. But I advice you to expedite the budget para magawa natin ang surgery in two weeks time. You don't want to see your daughter suffering any longer than two weeks," pahayag ng doctor.

"Naintindihan ko, Doc."

"Saan tayo kukuha ng 9 million, Kris?" desperate na tanong ni Jovy pagkalabas nila ng opisina.

"Mag-i-inquire ako kung ilan ang coverage ng philhealth na pwede kong makuha. Pwede rin ako humiram sa kompanya pero hindi siguro ganoon kalaki. Basta, gagawa ako ng paraan, wag ka nang mag-alala. Ang importante mabubuhay ang anak natin."

"Doon sa Medical Access Program ng PCSO, subukan natin."

Tumango siya. His mind is running on circle trying to find the solution they badly needed for that moment. Pwede naman silang lumapit sa mga ahensiya ng gobyerno na nag-aalok ng medical financial assistance pero percentage lang ang pwede nilang ma-avail.

Pinuntahan nila sa recovery room si Karylle at pinalilipat sa pribadong silid. Tinawagan din niya ang kapatid na si Karlo para sunduin muna sa school si Kylle at samahan sa bahay nila.

***

TWO days lumabas ang resulta ng laboratory tests kay Karylle. Tama ang unang diagnosis ng doctor, may tumor sa atay ang bata, dala na nito mula pagkasilang. Mabagal ang pagkalat ng tumor cells sa ibang bahagi pero kailangan nang tanggalin agad ang apektadong parte.

Halos araw-araw na umaalis si Kris para likumin ang pera na kailangan para sa surgery. Nagbigay na ng quotation ang doctor at mahigit siyam na milyon ang magagastos. Awang-awa na si Jovy sa asawa niya. Kitang-kita niya ang pagod sa mga mata nito pero hindi niya ito narinig na nagreklamo. Ito pa ang laging nagpapalakas ng loob niya.

"Anak, naisangla ng tatay mo ang lupain natin ng isang milyon. Luluwas siya diyan bukas para ihatid ang pera," balita ng nanay niya na kausap niya sa cellphone.

"Maraming salamat po, Nay, hayaan n'yo po tutubusin ko ang lupa kapag nakaluwag kami ni Kris," naiiyak niyang sabi.

"Ang dalawang kapatid mo ay mag-aambag din daw pero hindi ganoon kalaki dahil kapos din sila ngayon."

"Okay lang po, pakisabi po kina Ate at Manong, maraming salamat."

"Sige, Anak, tatawag na lang ako ulit. Pupunta muna ako ng tindahan, tanghali na."

"Sige po, ingat po kayo."

Ibinaba niya ang cellphone at nagpahid ng mga luha. Maswerte siya sa pagkakaroon ng supportive na pamilya. Malaking bagay ang moral support na binibigay ng mga ito bukod sa financial na tulong.

Nilapitan niya ang bunsong anak na panay lang ang tulog at hinaplos ang noo nito. Hindi ito tinantanan ng sinat at dahil iyon sa tumor cells na nagsimulang maging agresibo matapos turukan ng gamot ang bata.

"Magpahinga ka muna, buong gabi kang nagpuyat sa pagbabantay, ako na ang titingin dito sa apo ko," sabi ng biyenan niyang babae pagbalik nito galing bumili ng pagkain nila para sa tanghalian.

"Okay lang po, Ma, hihintayin ko si Kris."

"Pumunta ba siya ng planta?"

"Opo, kakausapin daw niya ang general manager."

"Bakit hindi mo subukang humingi ng tulong sa opisina ng congressman? May programa rin yata silang pang-medical. May kumare akong nabigyan ng ayuda nitong nakaraang buwan lang."

"Oo nga pala, sige po try ko po pumunta roon ngayon. Ano po ba ang requirements?"

"Endorsement mula sa barangay at DSWD."

Hindi siya nagsayang ng oras. Umalis siya ng hospital at umuwi muna sa bahay. Walang tao, baka nasa school pa si Karlo. Nagbihis siya lang siya saka nagtungo ng barangay. May session ang barangay officials pagdating niya pero patapos na ang mga ito. Ilang minuto lang siyang naghintay. Binigyan siya agad ng secretary ng endorsement pirmado ng punong barangay. Galing doon ay sa CSWD naman siya sa lungsod nagtungo. Nakuha rin niya agad ang certification.

Sa bahay ng congressman na siya dumeretso, madalas kasi roon nito ini-estima ang mga bisita. Hindi lang siya ang naroon at naghihintay para humingi ng tulong.

"Ma'am, pinapapasok po kayo roon sa loob," abiso sa kaniya ng lalaking staff.

"Salamat," aniyang tumayo pero hindi siya sa opisina dinala nito kundi sa loob mismo ng bahay.

Hiwalay ang office at konektado iyon sa garahe kung saan naka-parada ang iba't ibang mamahaling sasakyan.

"Dito po kayo maghintay, pababa na po si Congressman," sabi ng staff at iniwan siya roon sa sala.

Naglikot ang mga mata niya sa magarang kapaligiran at mga gamit na humihiyaw ang nakalululang halaga. Hanggang sa humantong ang mga mata niya sa naka-alpombrang hagdanan at sa lalaking bumababa na takaw pansin ang tikas.

Si Cong. Rodjak Guadarama. Fit na maong ang suot nito at button-up long-sleeves na bukas ang unang tatlong butones. Sumisilip ang mabalahibo nitong dibdib at kung ano pa ang kisig na iniingatan nito. Kasing-tangkad ito ni Kris at baka magkasing-laki ng katawan ang dalawa. Natural na wavy ang buhok nito at naka-undercut. Agresibo pagmasdan ang mga panga nito dahil sa manipis na latag ng balbas.

"Magandang tanghali po, Congressman," bati niya at tumayo mula sa inuupuang couch.

"Good noon, Ms?"

"Mrs. Concepcion po, Sir."

Tumango ito at sumenyas na sumunod siya rito. Tinunton nito ang isang corridor na naghatid sa kanila sa pinto pagdating sa dulo. Study room iyon.

"Have a seat," alok nito sa upuang nasa harap ng malinis na desk. Tanging laptop ang naroon at ilang libro na related yata sa batas ang laman.

Naupo siya. Huminga nga malalim.

"Let's hear it," pahayag nito pagkabagsak ng sarili sa high-backed swivel chair. Bayolenteng umuga iyon dahil sa bigat nito.

Lumunok siya ng hangin at nilapag sa desk ang dalang endorsement at certification.

"Hihingi po sana ako ng tulong para sa anak kong nasa hospital. Kailangan po niya ng liver transplant dahil sa tumor sa atay niya, 9 million po ang halagang hiningi ng hospital sa amin. May naipon na kami pero malayo pa sa siyam na milyon."

"How much do you have so far?"

"Nasa tatlong milyon pa lang po."

Tumango ito. "Walang ganoon kalaking allocation ang opisina ko sa ngayon dahil hindi pa naipasa ng lower house ang supplemental budget para sa medical assistance. Pero kaya kong sagutin ang gastos mula sa personal kong budget." Humagod pababa sa dibdib niya ang titig nito at napansin niya ang pagsilip ng dulo ng dila nitong mabilis na pumasada sa ibabang labi, kasunod ang marahas na pagtalbog ng adams apple sa lalamunan nang lumunok ito.

Nakadama siya ng pagkailang pero pilit niyang binalewala iyon. Hindi naman kilalang malikot sa babae itong si Congressman. Isa pa, may asawa na ito at modelo iyon. Imposibleng pagnasaan nito ang kagaya niyang ang ganda ay hanggang sa mutya ng classroom lang.

"Maraming salamat po sa-"

"Saang hospital ba naroon ang anak mo? Ipapahulog ko ang pera para masimulan ang surgery."

"Sa Mendero po."

"Pero may pabor akong hihilingin sa iyo, pwede ka bang maging escort ko mamayang gabi sa meeting ko?"

"Sir?" gulantang niyang bulalas.

Continue to read this book for free
Scan code to download App
Comments (2)
goodnovel comment avatar
Sanaan A. Tanog
kawawang ckris
goodnovel comment avatar
Dhei A. Tomines
simula na ng kalbaryo mo jovy
VIEW ALL COMMENTS

Latest chapter

  • THE CONGRESSMAN'S MISTRESS   33 - happy hours

    "PATAWARIN MO ako, Rose! Ayaw kong makulong, pakiusap!" atungal ni Roxanne habang nakaposas na iginiya ng dalawang police patungo sa nakahintong patrol car sa may bakuran. Malamig na tinitigan lamang ni Rosela ang pinsan. Sa dami nang kasinungalingang sinabi nito sa kaniya, hirap na siyang maniwala pa sa salita at pagsisisi nito kahit may kaakibat pang mga luha. Hindi nito obligasyong kilalanin siya at ituring na pamilya kung ayaw nito sa kaniya, pero hindi rin nito kailangang saktan siya at ipahamak. Sobrang kababuyan ang naranasan niya dahil sa kagagawan nito at hanggang ngayon ay hindi pa siya lubusang nakabawi. Kung wala si Celso sa tabi niya at kung sinukuan siya ng lalaki baka tuluyan na lang niyang itatapon ang sarili. Ang hirap ibigay sa ngayon ang kapatawarang hiningi ni Roxanne at kahit pa mapatawad niya ito, kailangan pa rin nitong pagbayaran ang kasalanan. Gusto rin niyang matuto ito kagaya kung paano siya natuto sa kamangmangan niya. Binawi niya ang paningin at ibinali

  • THE CONGRESSMAN'S MISTRESS   32 - healing

    YUKO ANG ulo at kabadong nakaupo si Rosela sa couch sa loob ng private room kung saan inilipat si Celso. Tulog ang lalaki nang dumating siya. Nag-alangan pa siyang umakyat dito sa ikaapat na palapag kanina pero nakita siya ni Harry doon sa ground floor at isinabay na siya nito sa elevator. Ang bigat ng mga mata niya dahil sa pagpipigil ng mga luha. Hindi siya makatingin sa nanay at mga kapatid ni Celso na nasa kabilang couch. Tuwing napapako naman ang paningin niya sa lalaking natutulog, para siyang nauupos na kandela. Oras na idilat nito ang mga mata, baka gustuhin na lang niyang tumakbo paalis. Takot, matinding hiya, pandidiri ang nagsisisiksikan sa puso niya."Okay ka lang ba?" tanong ni Harry sa kaniya. Wala sa sariling sumulyap siya sa lalaki. Hindi malaman kung tatango o iiling. "Ligtas na siya, huwag ka nang mag-alala. Gumising siya kanina at hinanap ka."Napahikbi siya nang tuluyang sumabog ang sikip sa kaniyang dibdib. Mabilis niyang pinalis ang mga luha at kinagat ang nak

  • THE CONGRESSMAN'S MISTRESS   31 - fear

    HOW TO MOVE ON?written by PulangTintaGIMBAL NA bumalikwas nang bangon si Rosela matapos idilat ang mga mata at nasumpungan ang hindi pamilyar na kuwarto. Nasaan siya? Piniga niya ang ulo nang humataw ang pumipintig na sakit. Ano'ng nangyari sa kaniya? Wala siyang maalala! Sinipat niya ang sarili. Bathrobe lang ang suot niya! Nasa suite ba siya ng hotel? Lalo siyang natilihan nang isa-isang nagbalik sa utak niya ang nangyari kagabi. Pumunta siya ng bar. Uminom siya at malamang napasobra na naman. Tapos...may lalaki...hindi niya matandaan ang mukha pero sigurado siyang may lalaking umakay sa kaniya paalis ng bar at sa loob ng sasakyan..."M-may nangyari sa amin!" tigagal niyang bulalas at natulala na lang habang bumubukal ang mga luha. Ginawa na naman niya. Nagkasala na naman siya kay Celso. Hindi na niya pwedeng gawing excuse na galit siya at masama ang loob. May choice siya. May pagkakataon siyang umiwas. Pero hinayaan na naman niya ang sarili na talunin ng kahinaan. Paano ba ka

  • THE CONGRESSMAN'S MISTRESS   30 - conspiracy

    KINSE MINUTOS na lang para mag-ala una ng hapon. Nagmamadaling pumasok ng mansion si Rosela at dumeretso sa study room. Nadatnan niyang abala sa pagpirma sa mga nakabinbin na dokumento si RJ."It's good that you're here, Rose. Pasensya ka na kung pinag-report kita despite your day-off. May urgent lang akong lakad at darating dito ang ilang kasapi ng farmer's association sa lungsod para sa assistance na ipinangako ko sa kanila." Kinuha ng lalaki mula sa safety chest ng desk ang sobre na naglalaman ng pera. "Here's the money, ikaw na muna ang bahala." At ibinigay iyon sa kaniya. "Saan po kayo pupunta, Cong?" tanong niya. "Susunduin ko si Chilson, may seminar ngayon si Jovy. Wala rin si Kris dahil nasa training para sa promotion." Hinubad nito ang suot na eyeglasses at nilapag sa desk. "Mamaya ko na tatapusin ang pagpirma sa mga natitirang papeles.""Sige po, ingat kayo." "Thank you." Hinablot ni RJ ang jacket na nakasampay sa sandalan ng swivel chair at isinuot habang tinutungo ang p

  • THE CONGRESSMAN'S MISTRESS   29 - communication

    HINDI hinayaan ni Rosela na talunin siya ng pagdududa. Nasa tamang edad na siya para lamunin ng negatibong dikta ng kaniyang utak. Kahit pa may posibilidad na gumaganti lang si Celso, tatanggapin niya ang lahat dahil may kasalanan siya na dapat pagbayaran. Dumaan siya ng palengke at bumili ng mga lulutuin niya para sa hapunan. Pagkauwi ng apartment ay inabala niya agad ang sarili sa paghahanda ng makakain. Pasado alas-sais nang dumating si Celso, sakto lang na tapos na siyang magluto. Masigla niyang sinalubong sa may pintuan ang lalaki. "Nag-grocery ka?" Natuon ang paningin niya sa grocery bags na bitbit nito. "Dumaan na ako." Hinagkan siya nito sa noo. "Namalengke rin ako. May hinatid kasi ako roon sa city hall." Bumuntot siya rito patungong kusina. "Gutom ka na? Maghahain na ako." "Sige, babalik pa ako ng mansion. May inutos si RJ." Nilapag nito sa counter ang grocery bags. Gumana naman agad ang utak niya. Sa mansion kaya ito pupunta o kay Roxanne? Agad niyang inalis sa utak

  • THE CONGRESSMAN'S MISTRESS   28 - love and chance

    "NANDIDIRI AKO sa iyo, mag-break na tayo!" Iyon ang huling sinabi niya noon kay Celso. Pagkatapos niyang magkasala at makipagtalik sa ibang lalaki sa mismong apartment nila, siya pa ang may lakas ng loob na sabihin sa binatang nandidiri siya. Siya pa ang matapang na nakipaghiwalay at hindi hinayaan si Celso na sumbatan siya sa ginawa niya. Pero nang makita niya noon ang video scandal, doon niya na-realize kung sino sa kanilang dalawa ni Celso ang totoong nakadidiri. Siya iyon. Hindi ang lalaki.Pinahid ni Rosela ang nanlandas na mga luha. Kung pwede lang niyang ibalik ang oras. Liliwanagin niya ang lahat kay Celso. Magtatanong siya para magkaroon ng linaw ang mga pagdududa niyang wala naman talagang katotohanan at gagawin niya ang lahat para isalba ang pagsasama nila. Pero huli na ang lahat. Dahil sa pride niya naubusan siya ng oras. Dahil pinaiiral niya ang paniniwalang siya ang tama at si Celso ang mali, nawalan siya ng pagkakataong iwasto ang lahat. Araw-araw, unti-unti siyang

More Chapters
Explore and read good novels for free
Free access to a vast number of good novels on GoodNovel app. Download the books you like and read anywhere & anytime.
Read books for free on the app
SCAN CODE TO READ ON APP
DMCA.com Protection Status