Share

CHAPTER III (ALIAS)

“S G T .   P E R E Z . . .”, tawag ni Red sa atensyon ng isa niyang sundalo na nangangasiwa ng itinayo nila checkpoint sa iba’t ibang bahagi ng Maynila bilang pagtugon sa lumalaking problema ng bansa sa paglaganap ng bentahan ng illegal na droga.

“Sir!”, tugon naman nito at agad na umayos ng tayo saka sumaludo sa kanya.

“Kaka-radyo. lang ng kampo, kailangan kong bumalik muna do’n, okay lang ba kayo dito?”, aniya.

“Sir, yes Sir!”, sagot nito na tinanguan naman niya.

“Good. Kung may problema tawagan ninyo ako. Pinapunta ko na rin si Captain Gonzales in case kailanganin n’yo ng tulong habang wala ako. Paparating na siguro ‘yon”, dagdag pa niya.

“Sir, yes Sir!”, anito sa parehong tono.

“As you were”, aniya dito bilang tanda na tapos na siyang magsalita.

“Ingat ho kayo Colonel”, maya-maya ay sabi nito sa mas relax at mas normal na paraan habang nakangiti pa.

Tinanguan niya lang ito sabay tapik sa balikat bago siya tuluyang lumabas sa maliit na kabina. Doon  siya naka-estasyon para pamunuan ang checkpoint sa may boundary ng Taguig at Makati.

Tahimik siyang naglakad papunta sa sasakyan niyang ipinarada niya sa gitna mismo ng checkpoint area. Sigurado si Red na marami na namang galit sa kanila, dahil sa haba ng pila ng mga sasakyang nakahinto dahil sa ginagawa nilang masinsinang pagsusuri ng bawat sasakyan. May natanggap kasi silang tip na naglalabas-masok daw ang mga pusher at dealer ng illegal na droga sa buong Maynila para ikalat iyon sa mga karatig-bayan. Gustuhin man niyang paraanin na ang mga ito dahil alam niyang may kanya-kanya rin itong  dapat na paroonan, ay hindi naman niya pwedeng ipagsawalang bahala ang kaligtasan ng buong bansa.

Kita niya ang iritasyon sa mukha ng sakay ng bawat nakahintong sasakyang dinaraanan niya. Ngunit isa dun ang umagaw ng atensyon niya... ang babaeng nakasilip sa bintana ng kotseng kinasasakyan nito. Nagtama ang kanilang mga mata at pakiramdam niya ay para iyong mga magnet na pilit siyang hinihila. Mabuti na lang talaga at walang bato o kahit na anong bagay na pupwede niyang mapagtisuran dahil kung hindi ay tiyak mapapahiya siya kapag nadapa siya sa kakatingin dito.

Maganda ito maaaring mapagkamalang artista, mukha ring mayaman at sopistikada. Iyon nga lang ay walang mababasang eskpresyon sa mukha nito, malamang ay iniisip nitong isa siya sa mga dahilan kaya ito na-stuck sa trapiko at lihim na siyang pinagsasaksak sa isipan. 

Dahil sa isiping iyon ay pinili niyang magbawi ng tingin at ubod ang pagpipigil niyang ‘wag na itong lingunin. 

Agad siyang sumakay sa kotse niyang Honda CRV at mula sa driver’s seat ay tsaka siya naglakas loob na muli sana itong tingnan pero tanging puwit na lang ng sasakyan nitong BMW ang nakita niya. Bahagya pa siyang natawa sa sarili, paano’y bukod sa halatang bata pa ang babae, ay hindi naman talaga siya ang tipong madaling ma-attract sa ganda lang. Kahit noong nasa Defense Force Academy pa lang siya ay kilala na siya sa mala-bato niyang personalidad.

Colonel Enriquez...”, ang tunog na iyon mula sa kanyang Multibands Military Radio ang pumukaw sa kanyang pag-iisip. 

Agad niyang kinuha iyon mula sa gilid ng belt niya tsaka pinindot ang buton at itinapat iyon sa bibig niya para magsalita.

This is Red, Roger”, kaswal niyang sagot. Madalas kasi ay radyo lang iyon ng kabilang estasyon para humingi ng tulong o kung anong itatanong.

This is Falcon, roger”, sagot ng nasa kabilang linya.

Sir!”, animo’y de-baterya ay awtomatiko siyang napadiretso ng upo at sumaludo pa nang marinig ang call sign ng kausap niya. Ang Falcon ay siyang call sign ni General Rodriguez.

Pagdating mo sa campo, dumiretso ka muna sa kwarto mo. Hintayin mo ang taong inutusan ko para sunduin ka. Siya ang gigiya sa ‘yo kung saan kayo dadaan para makarating ka sa sikretong hide out, over”, autoritative nitong turan.

Copy that Sir, over”, 

Mag -iingat ka, Red”.

Yes sir”.

Nang mawala ito sa linya ay hindi na siya nagsayang pa ng oras, binuhay niya ang makina ng sasakyan tsaka tinahak ang daan pabalik sa kampo.

Ang dapat ay kulang isang oras na biyahe ay inabot ng halos dalawang oras dahil sa bigat ng daloy ng trapiko sa EDSA. Kaya naman nang marating niya ang kampo  ay mabilis ngunit maingat ang mga naging kilos niya.

“Col. Enriquez?”, napahinto siya at agad na nilingon ang tumawag sa kanya.

Agad siyang tumayo ng tuwid at sumaludo nang mapagsino iyon.

“General Torres, Sir!”, aniya na sinagot naman nito ng simpleng saludo.

“Bakit ka nandito? Di ba’t naka-estasyon ka dapat sa checkpoint?”, tanong nito agad habang papalapit sa kanya.

Si General Torres ay kilalang katunggali ni General Rodriguez sa lahat ng bagay. Palagi nitong hinahanapan ng butas ang huli ngunit palagi din namang natatalo. Kaya naman alam niyang talo pa nito ang lawin sa pagmamasid sa bawat kilos ng heneral at ng mga kaalyado nito.

“Yes Sir, nagparelyebo muna ako kay Captain Gonzales”, sagot niya na nananatiling nakatayo ng tuwid at lampas ang tingin dito.

“Bakit?”,

“Masama ho ang pakiramdam ko Sir, in-advice ako ng clinic na magpahinga muna”,

Pumalatak ito.

“Ganyan ba kayong mga sundalo ni Gen. Rodriguez? Konting sakit, umaaray agad?”, anito na may bahid ng pang-iinsulto.

Hindi nagpakita ng reaksyon si Red ngunit nakita niya ang pagtaas ng gilid ng labi nito mula sa sulok ng kanyang mga mata.

“Sige na, bumalik ka agad sa pwesto mo kapag maayos ka na”, tila nawalan ito ng gana sa hindi niya pagpapakita ng reaksyon sa lantaran nitong pang-iinsulto.

“Sir, yes Sir!”, sagot niya at muling sumaludo bago ito tinalikuran.

Nang makapasok si Red sa kwarto niya ay agad siyang nagpadala ng text sa personal na numero ni General Rodriguez.

Si General Wisconcio Rodriguez ang bestfriend ng tatay niya at siyang umampon sa kanya noong maulila siya sa edad na pitong taon. Namatay ang parehong magulang niya na sina dating General Emilio Enriquez at Atty. Milagros Enriquez sa isang ambush habang papauwi na sana ang mga ito matapos pangunahan ng kanyang ama ang peace talk ng gobyerno sa mga rebelde ng South Cotabato. Magmula noon ay si General Rodriguez na ang tumayong ama niya.

Napabaling siya  sa pinto nang may kumatok ng mahina doon. 

Nang pagbuksan niya iyon ay tumambad sa kanya ang isang kadete na agad sumaludo sa kanya. Isang tango lang ang isinagot niya dito sabay pasimpleng luminga-linga para siguruhing walang nakamasid sa kanila.

Nagpatiunang maglakad ang kadete habang siya naman ay tahimik na sumunod dito. Nakailang liko sila sa mga pasilyong maging siya ay hindi pa niya nadaraanan, bago siya nito iginiya sa isang kwarto. Ngunit maliban sa isang lamesa at isang monoblock chair ay walang ibang laman iyon kaya’t napakunot ang noo niya. 

“Hinihintay na po kayo ng Falcon”, pormal nitong turan sabay imwenestrang pumasok siya sa abohing pinto na kung hindi mo lalapitan ay halos hindi mo mapapasin dahil kakulay nito ang dingding.

Hindi naman siya sumagot, bagkus ay binuksan niya ang pinto ay dahan-dahang pumasok doon. Dala siguro ng nakasanayan niya simula no’ng training kaya lagi siyang alerto at nakahandang bumunot ng baril ano mang oras. Ngunit lalong napakunot ang noo niya nang ang tumambad sa kanya ay isa pang pinto. 

Nagtuloy-tuloy si Red hanggang makapasok siyang muli doon. Sabay-sabay na nabaling sa kanya ang apat na pares ng mga mata. Bahagya pa siyang nagulat dahil akala niya ay si Gen. Rodriguez lang ang maaabutan niya.

“Ah, there he is!”, nakangiting bulalas ni heneral.

“Everyone, ang aking anak-anakan. Ang pinakamagaling na kadete ng kanyang panahon sa academy, Col. Juan Miguel Enriquez, mas kilala niyo sa kanyang call sign,  Red”, may pagmamalaking pagpapakilala pa nito sa kanya.

Halos panabay na tumayo ang tatlo pang sundalo at diretsong sumaludo sa kanya. Magiliw naman niyang tinanggap ang pagbibigay-galang ng mga ito.

Nang maibaba niya ang kamay ay agad siyang nilapitan ng isa sa tatlong sundalo. Base sa suot nitong uniporme ay sarhento ito at mukhang bata pa. 

“Colonel... Red... I mean, sir, sorry pero, pwede ko ho ba kayong makamayan?”, halos nakababa na ito sa sa sahig sa sobrang pagkakayuko nito habang nakalahad ang dalawang kamay sa kanya.

Kahit na medyo nag-aalangan ay tinanggap naman niya ang pakikipagkamay nito.

“Idol na idol ko po kasi talaga kayo Colonel. Pangarap ko ho talagang makita kayo sa personal at makamayan”, dagdag pa nito tsaka binitawan ang kamay niya at humakbang patalikod, pabalik sa pwesto nito kanina.

Kumunot naman ang noo niya habang pilit na inaalala kung kilala ba niya ito.

“Nagkakilala na ba tayo?”, tanong niya dito na sinagot nito ng sunod-sunod na iling.

“Siguradong hindi niyo ako kilala sir, pero ako ho, kilalang-kilala ko kayo. Sa katunayan, kilalang-kilala kayo sa batch namin sa Defense Force Academy noon sir. Pinakamagaling, pinakamatinik at pinakamisteryosong sundalo ng Special Force, na ni minsan ay hindi pa nagkaroon ng failed mission, sharp shooter, ni minsan hindi nagmintis sa mga shooting drill,”, tila ba nananaginip pa nitong turan.

“Actually sir, pwedeng payakap na din ako---“, dagdag pa nito at umaktong yayakapin siya ngunit agad itong hinila sa kwelyo ng katabi nito kaya’t napaatras ito.

“Uno!”, saway ng humawak sa kwelyo nito.

“S-Sorry Captain... na-carried away”, natatawa namang sagot ng kausap niya kanina.

Tumikhim ng bahagya si Gen. Rodriguez kaya naman pumormal ang lahat.

“Well, Red, ipapakilala ko sa’yo ang mga makakasama mo sa misyong ito”, wika ng heneral.

“To your very left there is Lt. II. Sixto Caceres, alias Uno ng Signal Corps.  Siya ang bahala sa technical aspects ng misyon. Wire tapping, communications at escape routes ang magiging main concern ni Uno”, dagdag pa nito.

Bumaling naman siya sa lalaking nakipagkamay sa kanya kanina na hanggang ngayon ay hindi mawala-wala ang ngiti.

“Next to Uno is  Captain Daniel Esguerra of Delta Force, alias Speedy. Bomb expert. Siya naman ang makakasama mo sa field. Siya rin ang magpapakilala sa’yo sa koneksyon natin sa loob ng grupo ni Dysangco. Kung sakaling magkaroon ng aberya at kailanganin nating i-abort ang misyon, si Speedy ang magiging getaway partner mo. ‘Wag kang mag-alala dahil hindi ka mag-isa”, mahabang paliwanag ng heneral.

Kumpara sa naunang ipinakilala sa kanya, mukhang mas seryoso itong si alias Speedy. Bahagya niya itong tinanguan bilang pagkilala samantalang yumuko naman ito.

“And last but definitely not the least, si Major Joaquin Andrada of Intelligence Department, alias Hunter. Siya naman magdedevice  ng main strategy ng misyon. Magaling ‘yan, lahat ng ini-strategize niyang operations, successful”, pagmamalaki ng heneral sa pangatlong sundalong miyembro ng undercover mission.

Kung seryoso si Speedy ay mukhang mas seryoso itong si Hunter. Simula nang pumasok siya sa silid na iyon ay hindi niya ito nakakitaan ng emosyon at nanatiling tahimik. Sa tantya niya ay mas matanda ito sa kanya ng ilang taon.

Simpleng pagyukod lang ang natanggap niyang pagbati mula dito.

“And of course, everyone, as I have mentioned earlier,  Red ikaw ang magsisilbing mata, tenga at bibig natin sa loob ng grupo ni Dysangco”, pahabol pa ng heneral.

“Ngayong kilala niyo na ang isa’t isa, let’s begin with the strategical planning of this operation. Maupo na kayo”,

Tahimik naman siyang humila ng isa sa mga upuan at pumwesto kung saan siya nakaharap sa white board na siyang nagsisilbing screen ng projector. 

Nagulat siya nang pasimpleng lumapit muli sa kanya si Uno kaya bahagya siyang napaatras.

“Sir? Pwede ho ba akong magpapicture sa inyo mamaya pagkatapos?”, pabulong pa nitong request kaya napakunot lalo siya ng noo.

Bago pa siya nakasagot ay hinila ulit ni Speedy sa tainga habang sa harapan nakatuon ang pansin. Napangiwi naman si Uno at pilit na binabawi ang napingot na tainga.

Ngunit ilang segundo pa lang ang nakakalipasay muling bumalik palapit sa kanya ang makulit nilang miyembro.

“Camera shy ka Sir? Okay lang kung oo, autograph n’yo na lang ho, pwede?”, hirit muli nito. Mukhang ayaw siyang lubayan ng makulit na batang ‘to.

Sa pangalawang pagkakataon ay hinila ito ni Speed sa tainga para ilayo sa kanya at pilit na iharap ito sa unahan.

Hindi malaman ni Red kung ano ang dapat niyang isagot. Ngayon lang ‘ata siya nakakita ng sundalong ubod ng daldal, at higit sa lahat ay hindi takot sa ‘suplado’ vibe niya.

Pinili niyang balewalain na ito at ituon ang pansin sa sinasabi ni Gen. Rodriguez. Halos umabot sila ng tatlong oras sa strategical planning. Naunang umalis ang heneral matapos silang bigyan ng instruction na maghiwa-hiwalay ng tahimik at patago. 

Ipinatong ni Red ang dalawang siko sa lamesa tsaka pinagsiklop ang mga palad, habang naghihintay sila ng oras para isa-isang makalabas. Minabuti niyang pumikit habang inaalala ang mga pinag-usapan nila kanina.

“Colonel?”,

Napamulat siya at muling napaatras ng bahagya nang makita si Uno na nasa tabi na niya. Walang kasing lapad ang ngiti nito at may kakaibang titig sa kanya.

“Pwede na po ba akong magpa-autograph sa inyo?”, hirit nito habang kumukuti-kutitap pa ang mga mata.

“Sige na Colonel, para sikat ako sa Signal Corps”,

“Lt. II Sixto Caceres”, tawag ni Speedy dito.

“Sir! Yes Sir!”, awtomatikong napasaludo si Uno sa pagkarinig ng buong pangalan at ranggo.

“Artikulo dos ng ADFP Code. Igalang ang opisyal na nakakataas sa iyo. Sumunod sa utos na ayon sa batas at walang nilalabag na karapatang pangtao”, 

Napakamot ng ulo ni Uno at halatang nanlumo.

“Eh Sir---”

“Artikulo tres! Tanda ng paggalang ang pagsaludo at pagtayo ng matuwid sa harapan ng iyong nakakataas, at ang pananatili hanggang sa tanggapin ang iyong pagbibigay-pugay!”, 

“Pero Sir---”

“Hanggang saan ko dapat ulitin ang ADFP Code para magtigil ka?!”, 

Nakita niya ang pasimpleng pag-aabout face ng batang sundalo habang nakatungo.

“Hmp, kunwari pa, kung hindi ko lang alam, idol mo rin si Colonel. Pati nga pananalita niya ginagaya mo eh”, bulong pa ng huli.

“Anong sabi mo?!”, tanong ni Speedy.

Mabilis namang nagtago sa likod niya si Uno upang gamitin siyang panalag sa huli.

“Captain Esguerra”, sabat niya.

“Sir!”, agad na tumayo ito ng tuwid.

“Ibigay mo sa akin ang detalye ng identity cover natin. Nasa quarters ko ako 2100 hours”, seryoso niyang sabi bago tumayo sabay balik ng baril  sa holster belt.

“Copy, Sir!”, sagot nito sa parehong tono.

Bahagya niyang sinulyapan si Uno na nakakulbi pa rin sa likuran ng upuan niya tsaka tuluyang tinungo ang pinto para lumabas.

Parang bigla siyang nagdalawang isip sa operasyong gagawin nila ngayong nakilala na niya ang mga makakasama. Will they really be okay? Dalawang sundalong parang aso’t pusa kung magbangayan, at isang parang walang pakialam. 

Napailing na lang siya.

Mga Comments (2)
goodnovel comment avatar
Prinsesa Maria
thank you dzai!
goodnovel comment avatar
Ava Nixie
Nakakatawa talaga c Uno...
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status