Share

CHAPTER 4

PAGKABASAG ng mga gamit ang umalingawngaw sa loob ng silid. Rinig na rinig ng isang bata ang mga nangyayari sa loob ng bahay habang nakatago sa ilalim ng sahig na ginawa ng kaniyang ama. Animo’y alam na alam na ng kaniyang ama ang mangyayari sa kanila kung kaya’t pasimple itong kumikilos na para bang pinaghahandang ang isang trahedya.

Tinakpan ng bata ang kaniyang tainga upang hindi marinig ang mga kalabog. Ngunit kahit anong pilit niyang pagtakip ay naririnig pa rin niya ang mga kalabog sa ibabaw.

Hindi maiwasang hindi maiyak ng batang babae nang marinig ang pagmamakaawa ng kaniyang ina pati na rin ang pag-iyak ng isang batang babae.

Rinig na rinig rin ng batang babae ang pagdaing ng kanyang ama na tila ba nakikipaglaban pa at nagpupumilit pang iligtas ang kaniyang mag-iina.

 “Sagabal ka sa mga plano ko, Rudeus. Hinding-hindi ko mapapatawad ang ginawa mo sa akin at sa mga kasamahan ko. Pinagkatiwalaan kita!” sigaw ng isang lalaki na mayroong malaki at malalim na boses.

Mula sa isang maliit na butas sa sahig, kitang-kita ng bata ang isang anino ng kamay ng isang nilalang. Malaki at kakikitaan ng pagkakisig ang mga braso nito habang ang mga kuko nito ay nakalabas at handa nang kumitil ng buhay.

“Wag,” sigaw ng babae.

Nangibabaw ang palahaw ng babae kasabay ng pagbagsak ng isang lalaki sa sahig. Dumaloy ang dugo nito papunta sa silong ng silid kung saan nakatago ang isang batang babae.

Napatakip sa bibig ang batang nasa ilalim ng sahig upang hindi lumikha ng ingay. Sunod-sunod na pumatak ang luha nito nang unti-unti nang tumulo sa kaniyang ang dugo ng kaniyang ama.

Palahaw at tili ang namutawi sa loob ng silid hanggang sunod-sunod na kalabog ang muling narinig ng bata. Mula sa maliit na butas ng sahig, kitang-kita ng batang babae na nasa ilalim ng sahig kung paano hilahin ng isang nilalang ang katawan ng kaniyang ama.

Hinawakan ng halimaw ang leeg ng nag-aagaw buhay na lalaki at ilang segundo lamang ang makalipas, agad na sinunggaban ng taong lobo ang leeg ng ama. Nang masigurado na wala na itong buhay, ihinagis nito ang katawan ng lalaki na para bang isang laruan na pinagsawaan.

Napakapit ang bata sa kaniyang dibdib nang makita niya kung paano hawakan ng halimaw ang leeg ng batang babae sa kanang kamay nito habang ang kaliwa naman ay ang kaniyang nanay.

Pahigpit nang pahigpit ang pagkakahawak ng halimaw sa leeg ng mag-ina. Mas naunang mawalan ng buhay ang batang babae dahil sa liit ng leeg nito kumpara sa malaking kamay ng halimaw habang ang kaniyang ina ay umiiyak at pilit pang lumalaban.

Walang magawa ang batang nasa ilalim ng sahig kung hindi ang panoorin kung paano durugin ng malalaking kamay ng halimaw ang leeg ng kanyang kapatid at ina.

Gusto man niyang iligtas ang kaniyang mga magulang at kapatid ngunit wala siyang lakas para gawin iyon at higit sa lahat, siya ay bata pa.

Naalala niya ang palaging sinasabi ng kaniyang ama sa kanilang magkapatid.

“Piliin n’yong mabuhay kahit anong hirap ng buhay. Walang saysay ang buhay kung puro saya at sarap lang ang inyong mararanasan. Kadalasan, kung sino pa ang nahihirapan at naghirap, sila pa ‘yong mga taong masaya kaysa sa mga taong walang ibang alam kung hindi ang puro kasiyahan lamang. Ang kasiyahan ay nagmula sa tagumpay na ‘yong pinaghirapang makuha.”

Iyak lang nang iyak ang batang babae at sinisiguradong walang kahit na anong ingay ang magmumula sa kaniya.

Nang matapos ang halimaw sa pagpatay sa kaniyang kapatid at mga magulang ay kaagad rin itong umalis. Para bang nais lang nitong patayin ang buong mag-anak sa hindi malamang dahilan bukod sa lumalabas na nagtaksil si Rudeus – ang tatay ng batang babae na nasa ilalim ng sahig.

Dahan-dahan siyang lumabas mula sa kaniyang pinagtataguan at nang makita niya ang nangyari sa kaniyang mga magulang ay nagulatang na lamang ang kaniyang pagkatao. Gustuhin man niyang isipin na isa itong bangungot ngunit hindi niya magawa.

Gusto niyang pumalahaw sa pag-iyak ngunit hindi niya magawa dahil baka marinig siya ng halimaw at balikan siya nito para patayin rin katulad ng ginawa nito sa kaniyang mga magulang at kapatid.

Nilapitan niya ang kaniyang ama na walang nang buhay, malaki ang sugat sa leeg at naliligo sa kaniyang sariling dugo habang ang kaniyang kapatid at ina ay nangingitim ang leeg mula sa mahigpit na pagkakasakal ng halimaw sa mga leeg nila.

Napailing-iling siya nang makita ang kinahinatnan ng kaniyang kapatid na siyang nagpumilit sa kaniya na tumago sa ilalim ng sahig.

Bigla siyang nakarinig ng kalampag malapit sa pintuan at nang iangat niya ang kaniyang tingin ay para bang tinakasan siya ng kaluluwa nang biglang pumasok ang isang bata sa silid na pinangyarihan ng karumaldumal na pagpatay sa kaniyang pamilya. Walang emosyon ang batang lalaki, tiningnan lang siya nito at ang katawan ng kaniyang pamilya na wala nang buhay.

Kaagad na tumalikod ang batang lalaki at saka kumaripas ng takbo palabas ng silid..

Sa takot ng batang babae na magsumbong ang batang lalaki at balikan siya ng lalaki ng lalaki,, mabilis niyang kinuha ang kuwintas ng ama at ang pulseras na suot-suot ng kaniyang kapatid at kaagad ding umalis.

Habang lumalawak ang kaniyang distansya mula sa kanilang tahanan, unti-unting binabalot ang kaniyang dibdib ng takot at galit sa gumawa ng kalapastanganan sa kaniyang pamilya.

Tumakbo nang tumakbo ang batang babae hanggang sa isang nilalang ang kaniyang nasalubong. Nanlilisik ang mga mata nito, nakalabas ang pangil habang tumutulo ang laway, nakalabas rin ang mga kuko nito.

Napaurong ang batang babae habang nanginginig sa takot. Sa isang kisapmata niya lamang ay isang malaking kamay na may matatalas na kuko ang sumalubong sa kaniya at handa nang durugin ang kaniyang maliit na mukha.

NAPABANGON si Hasna habang hinahabol ang kaniyang sarili hininga. Tagaktak ng pawis ang kaniyang noo at leeg habang ang kaniyang puso ay malakas ang pintig.

Napasapo siya sa kaniyang noo at napailing-iling. Isang masamang panaginip na naman ang dumalaw sa kaniya. Iginala ni Hasna ang kaniyang paningin sa loob ng kaniyang silid hanggang sa napunta ang kaniyang atensyon sa bintana. Bumaba siya sa kaniyang higaan at pumunta rito.

Sinalubong ng hangin ang bagong gising na si Hasna. Tanging usok at amoy ng uling ang bumabalot sa buong sitio habang mangilan-ngilan na tilaok ng tandang ang maririnig sa paligid. Lumingon siya sa kaniyang likuran at hinanap ang orasan na nakasabit sa dingding ng kaniyang kuwarto.

Alas tres pa lang ng madaling araw. Panigurado ay hindi na siya makakatulog kahit pa sabihing pagod siya buong magdamag. Napagpasyahang bumaba ni Hasna nang kumalam ang kaniyang sikmura.

Isa-isa niyang binuklat ang takip ng kaldero na nasa kusina. Napabuntonghininga na lamang siya nang makita ang nilutong gulay na sitaw ni Kapitana Lena. Tila ba kinain siya ng konsensiya dahil sa kaniyang ginawa.

Itinakas niya ang mga gamit ng kaniyang ninong, hindi umuwi at hindi kinain ang nilutong gulay na paniguradong pinasarap nang pinasarap ni Kapitanan Lena.

Kumuha ng plato si Hasna at nagsandok ng kanin at ulam. Naglakad siya palapit sa mesa at doon na lamang nagtimpla ng kape.

Isang pagubo ang gumulat sa kaniya. Napatingin siya sa lalaking nakaupo sa kaharap niyang upuan at tahimik na nakatingin sa kaniya.

“K-Kapitan,”

“Ipagtimpla mo ako ng kape, Hasna,” wika nito. Tumango lang si Hasna at kumuha ng tasa. Ipinagtimpla niya ng kape si Kapitan Klaus. Palihim na napangiwi na lang si Hasna dahil hindi niya kaagad napansin si Kapitan Klaus na nakababa na rin pala mula sa kanilang silid ni Kapitana Lena.

Nang matapos sa pagtitimpla ng kape ni Kapitan Klaus si Hasna kaaga niya itong ibinigay at hinarap ang kaniyang pagkain.

Hinayaan lang ni Kapitan Klaus na kumain si Hasna habang siya ay tahimik na pinagmamasdan ang dalaga. Tahimik na kumakain at humihigop ng kape si Hasna habang hindi ito makatingin ng diretso sa kaniya.

“Hasna, ngayon ko lang ulit ito sasabihin,” panimula ni Kapitan Klaus. Napatingin sa kaniya si Hasna at pilit siyang tinitigan.

“Alam ko ang ipinaglalaban mo at gusto mong mangyari pero sana naman isipin mo rin ang maaring mangyari sa ‘yo lalo na’t wala ka pa sa hustong gulang. Hindi ko alam kung bakit nagpupumilit ka. H’wag mong madaliin ang panahon dahil kapag dumating ang tama oras, kusang lalapit sa ‘yo ang hinahanap mo,” malumanay na sabi ni Kapitan Klaus.

Napabuntonghininga si Hasna at mariing tiningnan si Kapitan Klaus. Ibinaba niya ang kubyertos na kaniyang hawak-hawak at saka isinandal ang likod sa sandalan ng upuan.

“Alam kong nag-aalala kayo sa akin. Alam kong ayaw n’yong may mangyaring masama sa akin. Hindi ko ‘yon maiwawaksi sa inyo dahil kayo ang nagsilbing mga magulang ko. Kayo ang mga tao na nasa paligid ko noong nagsisimula pa lang ako pero hindi ko alam ang inyong dahilan kung bakit, bakit hindi n’yo ako hayaang sumama sa paghahanap ng mga halimaw na ‘yon? Bakit si Eris, si Almidos at iba pang kasing edad ko ay pinapayagan mo nang sumama sa grupo?” wika naman ni Hasna.

“Hindi mo kailangang mainggit sa kanila, Hasna. Isipin mong pinoprotektahan lang kita, pinoprotektahan ka namin,”

“Pinoprotektahan? I’m too old to protect me, Kapitan. I can protect myself,” mariing sabi ni Hasna na siyang nagpainit sa dugo ni Kapitan Klaus. Ibinagsak nito ang kaniyang kamay sa mesa dahilan para magulat si Hasna at magising si Kapitana Lena.

“Too old? Masyado ka naman atang bilib sa sarili mo. basehan baa ng pagiging matanda o may edad para protektahan. Bata o matanda, kailangan ng proteksyon hindi dahil sa mahina sila kung hindi dahil kailangan nila ayon sa pangangailangan nila,” sabi pa ni Kapitan Klaus.

Hinawakan ni Kapitana Lena ang balikat ni Kapitan Klaus matapos na masaksihan at marinig ang ginawa nito.

“Gusto n’yo akong protektahan habang ako gusto kong protektahan ang iba. Paano ko magagawang protektahan ang mga tao kung ikukulong n’yo ako sa sitio ito? Paano ko magagamit ang mga itinuro mo sa akin kung mananatili lang ako rito? Hindi ko kayang marinig at mapanood ang mga nangyayari sa mga tao sa bayan, hindi ko kayang marinig na mayroon na namang tao ang mabibiktima at ikukulong ang sarili sa takot ,”

“Ang hirap sa inyo, ginagawa n’yong kahinaan ang nakaraan ko. Para saan pa ang lahat kung mananatili ako sa ganitong sitwasyon? Hindi ba’t walang saysay ang ‘yong itinuro kung ikukulong mo lang ako rito at sabihing pinoprotektahan n’yo lang ako?” dagdag pa ni Hasna.

Sa puntong ito, tumulo ang luha ni Hasna mula sa kaniyang mga mata ngunit hindi maikakaila ang sinasabi ng kaniyang bibig at sinisigaw ng kaniyang isip.

Naikuyom ni Kapitan Klaus ang kaniyang kamao at muli itong ipinukpok sa mesa. Sa ngayon, kapansin-pansin na ang galit sa mukha ni Kapitan Klaus na animo’y nagtitimpi lamang at pinipigilan ang sarili na masaktan ang kaniyang anak-anak.

“Sino ba ang nagsabing ikinukulong at ikukulong kita sa sitiong ito? Sagutin mo ako kung sino!” singhal niya kay Hasna. Tumayo ito habang hindi inaalis ang tingin sa anak-anakan.

“Katulad nga ng sinabi ko, ito na ang huling beses na sasabihin ko ito sa ‘yo. Hintayin moa ng araw na itinakda ko para sa ‘yo. Sa oras na nilabag mo pa ang mga bilin ko, pagsisihan moa ng lahat ng ginawa mo. Wala kang ibang gagawin kung hindi ang sundin ako hanggang sa tumuntong ka sa ‘yong wastong edad,” mariing sabi ni Kapitan Klaus bago naglakad palabas ng bahay.

Naikuyom ni Hasna ang kaniyang mga kamay na nakapatong sa ibabaw ng kaniyang hita. Napatingin na lamang siya kay Kapitana Lena na ngayon ay nakatitig rin sa kaniya. Napayuko na lamang siya at doon na lamang umiyak.

Ilang sandali pa, naramdaman niya ang mainit na palad na humaplos sa kaniyang likuran at kalaunan ay inilapit siya nito sa kaniyang tiyan upang magsilbing sandalan at yakap.

“Kapitana,” mahinang sambit ni Hasna sa gitna ng kaniyang mga hikbi.

“Magpalamig muna kayo ng mga ulo ninyo, Hasna. Hindi magandang nagsasabay kayo kapag pinag-uusapan ang tungkol sa mga ganoong bagay,” ani Kapitan Lena.

“Sa tingin ko, mas makabubuting sundin mo muna ang kagustuhan ng ninong mo upang maiwasan ang pagtatalo n’yong dalawa. Hasna, palagi mong tatandaan na ang sinasabi ng mas matanda sa ‘yo ay para sa kapakanan mo. Balang araw, malalaman mo rin at maiintindihan ang lahat ng kanyang sinasabi. Bilang isang magulang, ayaw nilang mapahamak ang kanilang mga anak lalo na’t wala sila sa inyong tabi,” pangaral ni Kapitana Lena kay Hasna.

SA LABAS, habang nagmumuni-muni si Kapitan Klaus. Hindi niya maiwasang hindi mapaluha nang makita ang pagbagsak ng luha ni Hasna. Mula nang matagpuan niya si Hasna noong bata pa lamang ito, at makita ang isang pamilyar na bagay na suot-suot nito, ipinangako niya sa kaniyang sarili na puprotektahan niya ito at sasanayin hanggang sa lumaki.

Ngunit hindi niya masasabi ang takbo ng panahon. Ang galit at poot na nararamdaman ni Hasna ang siyang nagiging hadlang sa kaniyang mga pinaplano. Hindi niya akalain na ang nakaraan ni Hasna ang magtutulak sa dalaga para ito ay masaktan at suwayin ang lahat ng bilin niya.

“Rudeus, kahit mahirap ang pagpapalaki ng isang katulad ni Hasna dahil sa kanyang karanasan, nangangako akong gagawin ko ang lahat para sa kanya. Alam kong darating ang araw na maiintindihan niya rin ako. Ang pagpapalaki ng ‘yong anak na lamang ang kaya kong isukli sa ‘yong kabutihan bilang isang pinuno, kaibigan at kapatid,” sambit ni Kapitan Klaus sa habang walang tigil sa pagdaloy ang kaniyang mga luha.

Suminghot siya bago tinungga ang isang bote ng alak.

“Hinding-hindi kita susukuan, Hasna. Susuko lang ako kapag ikaw na ang kusang sumuko at pumili ng iyong tatahakin,” ani Kapitan Klaus bago tuluyang sumandal sa katawan ng puno at pinagmasdan ang papasikat na araw sa Silangan.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status