Share

CHAPTER 5

NAGISING na lamang si Hasna dahil sa sikat ng araw na tumama sa kaniyang mukha. Hindi niya namalayang nakatulog na pala siya habang nakaupo at nakaunan ang kaniyang ulo sa kuwadernong nasa kaniyang harapan.

Naniningkit ang kaniyang mga mata nang bumangon at saka ko ito kinusot-kusot. Nag-unat siya ng kaniyang katawan upang maibsan ang pangangawit ng kaniyang likuran mula sa pagkakatulog.

Bigla na lamang siyang napatingin sa pinto nang bigla itong bumukas at iluwa nito si Kapitan Lena na may dala-dalang walis.

"Kapitana," tawag ni Hasna sa matanda. Lumingon naman ito sa kaniya at saka siya binigyan ng isang matamis na ngiti. Itinabi niya ang dust pan at ang kanyiang hawak na walis sa gilid ng pintuan.

"Akala ko tulog ka pa," wika ni Kapitana Lena. Nangunot ang noo nito nang mapansing magulo ang ibabaw ng mesa ni Hasna at gusot ang mga pahina ng papel sa kuwaderno nito.

"Sandali nga, nakatulog ka sa mesa mo?" tanong nito kay Hasna.

Marahan na tumango si Hasna at dali-daling inayos ang mga kalat sa ibabaw ng kaniyang mesa, Itinabi niya ang kaniyang kuwaderno sa ilalim na sulong ng kaniyang lamesa at saka ito ini-lock.

Hindi na nagsalita pa si Kapitan Lena at muling kinuha ang kaniyang mga kagamitang panlinis at nagsimula nang maglinis ng kuwarto ni Hasna.

"Kapitana, ako na ang maglilinis ng silid ko," wika ni Hasna. Natawa na lang si Kapitana Lena habang ipinagpapatuloy ang kanyaiyang paglilinis na para bang wala siyang narinig.

Itinaas ni Hasna ang manggas ng kaniyang suot na damit hanggang sa balikat na siyang naging dahilan upang makita ni Kapitan Lena ang ilang mga pasa nito sa braso mula sa kaniyang pagsasanay kahapon at pakikipaglaban kagabi.

Muling ibinaba ni Kapitana Lena ang mga gamit at nilapitan ang anak-anakan. Hinawakan nito ang braso ni Hasna at kunot-noong tiningnan ang iba't ibang laki ng pasa. Napatingin rin si Hasna sa kaniyang braso. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita ang kaniyang mga pasa.

Hinawakan ni Kapitana ang kaniyang braso at tiningnan ito nan mabuti hanggang sa kaniyang kamay. Doon na lang rin nakita ni Hasna ang bakas ng tpagkakapulupot ng latigo sa kaniyang kamay.

"Masakit?" tanong ni Kapitana Lena kay Hasna. Mabilis na umiling-iling si Hasna bilang tugon. Biglang pinisil ni Kapitan Lena ang kamay nitong may pasa at doon lamang nakaramdam ng pananakit si Hasna.

"Tss. Pasa o maliit na sugat, masakit pa rin 'yan," wika ni Kapitana Lena.

"Sa totoo lang, Kapitana, wala na akong nararamdamang sakit. Hindi ko rin alam kung bakit. Sobrang manhid ng katawan ko," malumanay na sabi ni Hasna.

Napailing-iling si Kapitana Lena at nag-aalalang tiningnan ang anak-anakan. Inayos niya ang buhok na nahulog at sumasagabal sa mukha ni Hasna. "Hindi mo lamg 'yan napansin, Hasna dahil madilim na kagabi. Isa pa, hindi mo na pinansin 'yan dahil sa mga nangyari," sabi pa ni Kapitan Lena at saka nginitian ang dalagang nasa kaniyang harapan.

"Mawawala rin naman po 'yan, Kapitana. Ang mahalaga malayo sa bituka," saad ni Hasna na ikinatawa ng matanda. Napailing-iling na lamang si Kapitana at saka hinaplos ang buhok ni Hasna.

"S'ya, mag-ayos ka na at mag-almusal," utos ni Kapitan Lena. Tinalikuran na nito si Hasna at muling ipinagpatuloy ang kaniyang paglilinis.

Nagpaalam Si Hasna kay Kapitana na naglilinis ng kaniyang silid. Dumiretso siya sa palikuran at naghilamos. Katulad ng kaniyang palaging ginagawa, kaagad siyang pumupunta sa kusina at nagbubuklat ng kaldero upang alamin ang almusala o kung ano ang maaring kainin.

Napangiti na lang si Hasna nang makita ang sinangag na nasa kawali. Kumuha siya ng plato at saka nagsandok dito, kumuha na rin siya ng tasa at nagsalin ng mainit ng tubig. Diretsong pumunta siya sa mesa kung nasaan naroon ang kape at asukal pati na rin ang isang plato na natatakpan ng bilao.

Binuksan niya ang nakataob na bilao. Sumalubong sa kaniya ang amoy ng bagong luto at sariwang-sariwa pang tinapa at sa gilid nito ay ang ilang buo ng itlog. Napansin ni Hasna na lumabas na sa kuwarto niya si Kapitana Lena kaya tinawag niya ito para yayaing mag-almusal. "Kapitana, almusal po tayo," yaya ni Hasna.

Tumayo si Hasna at ipinagkuha ng plato at kutsara si Kapitaba Lena.Sa gitna ng paghahanda ni Hasna ng makakain ni Kapitana, nakarinig siya ng pagbukas ng pinto at pag-ubo.

Nilingon ito ni Hasna at tiningnan ang lalaking kararating lang.

"K-kapitan," naiilang na tawag ni Hasna kay Kapitan Klaus.

Hindi nagsalita si Kapitan Klaus. Walang kahit na anong salita ang lumabas sa bibig nito. Napatingin si Hasna kay Kapitana Lena, umiling-iling naman si Kapitan Lena dahil hindi rin nito alam kung paano kakausapin ang kaniyang asawa.

Batid nilang galit pa rin ito dahil sa sagutang naganap kaninang madaling araw. Kumuha na lang ako ng isa pang plato at saka nilagyan ito ng sinangag. Agad kong inilapag ang dalawang plato sa kanilang harapan.

Tumayo na lamang si Kapitana Lena at ipinaghanda ang asawa ng almusalan. Tanging tunog lamang ng kutsara na tumatama sa plato naging ingay sa loob ng bahay. Hindi maiwasang hindi sumulyap ni Hasna sa kaniyang amahin.

Habang tumatagal ay para bang sinasakal si Hasna ng katahimikan kung kaya't humugot siya ng lakas ng loob at mariing tiningnan si Kapitan Klaus na kumakain at tahimik na humihigop ng kape.

"Kapitan," marahang tawag ni Hasna.

"Kung tungkol 'yan sa pagtatalo natin kaninang madaling araw, hinding-hindi na mababago at hindi ko na uulitin ang mga sinabi ko," malamig na tono ng pananalita ni Kapitan Klaus.

Walang nagawa si Hasna kung hindi manahimik at sumang-ayon na lamang sa sinabi ng kaniyang amahin. Mukhang buo na talaga ang loob nito na hindi na baguhin at sabihin pang muli ang mga binitawan nitong mga salita.

Nang matapos ilang mag-almusal, agad na iniligpit ni Kapitana Lena ang kanilang mga pinag-inuman ng kanilang kape at ang mga plato't kutsara na kanilang ginamit. Naiwan ang dalawa sa sa hapag kainan at tila nagpapakiramdaman kung sino sa kanila ang unang magsasalita. Para bang dumukit ang puwetan ni Hasna sa kaniyang kinauupuan dahil hindi niya magawang makakibo dahil sa tensyon sa pagkailang.

"Malapit nang magpasukan, Hasna, ano ang plano mo?" panimula ni Kapitan Klaus. Naikuyom ni Hasna ang kaniyang kamay sa ilalim ng mesa. Inangat niya ang kaniyang tingin. Tila ba umurong ang kaniyang dila nang makitang seryusong nakatingin si Kapitan Klaus sa kaniya.

Mahirap na usapin ang edukasyon para kay Hasna dahil sa kaniyang mga naranasan mula sa kaniyang kapwa kamag-aral. Mula noon, hindi na na ginusto pa ni Hasna ang pumasok sa paaralan dahil ayaw niyang makasama ang mga taong hindi sa kaniyang naniniwala at ang tingin sa kaniya ay isang ulilang baliw.

"Hasna, hahayaan mo na lang bang maging kulang ang edukasyon mo dahil d'yan sa galit na nasa dibdib mo?" tanong niya sa akin.

"Hindi mo naman naiintindihan ang nararamdaman ko, Kap," mahinang sambit ni Hasna.

"Hasna, papasok ka sa paaralang 'yon sa ayaw at sa gusto mo." Huminga nang malalim si Kapitan Klaus para pigilan ang kaniyang sarili na muli niyang masinghalan ang dalaga.

"Para saan pa, Kap? Para saan? Para laitin muli ako ng mga estudyanteng magagara ang buhay, may mga tunay na magulang at para isampal sa akin na isa akong baliw dahil hindi sila naniniwala sa mga ipinaglalaban natin? Hindi sila naniniwala na sa modernong panahon na ito ay mayroon pa ring nabubuhay na mga asong lobo?" sunod-sunod na sabi ni Hasna.

Noong nasa Grade 9 pa lamang si Hasna, aksidente niyang nabanggit ang tungkol sa mga nilalang na malabong paniwalaan ng mga tao dahil sa modernong panahon.Hindi niya akalaing pagtatawanan siya nang ihayag niya sa kaniyang presentasyon ang tungkol sa mga ito. Hindi niya inaasahan na iyon ang magiging puno ng para siya ay pag-isipan ng hindi maganda. Itinuring na isang baliw si Hasna at naghahanap lamang ito ng atensyon mula sa mga taong nasa paligid niya.

Napabuntonghininga na lamang si Kapitan Klaus at napahilot sa kaniyang sintido. "Naiintindihan ko, Hasna, minsan na akong ---,"

"Buo na po ang loob ko, Kap!" mariin na sabi ni Hasna. Muling inangat ni Hasna ang kaniyang ulo at diretsong tiningnan sa mata si Kapitan Klaus. "Buo na ang loob ko na wag nang mag-aral at ipagpatuloy na lang ang pagsasanay. Hindi ako natatahimik hanggang sa hindi ko napapatay ang kumitil sa tunay kong pamilya."

Inilabas ni Hasna ang kaniyang kamay na nakakuyom. Ipinatong niya ito sa ibabaw ng mesa at hinayaang makita ni Kapitan Klaus.

"Hasna!" bulyaw ni Kapitan. Napatayo pa ito dahil sa sobrang galit. "Hahayaan mo na lang bang maging mangmang ang sarili mo?" mariing tanong nito kay Hasna.

"S'yempre hindi, ninong. Sa tingin mo ba porket huminto ako sa pag-aaral, hahayaan ko ang sarili kong maging mangmang. P'wede naman akong matuto sa sarili kong kakayahan," katuwiran pa ni Hasna.

"Mag-aaral ka. Tapos ang usapan!" bulyaw ni Kapitan Klaus kay Hasna. Kapansin-pansin ang pamumula ng kaniyang mukha dahil sa sobrang galit. Kitang-kita rin ni Hasna ang paghugot nito ng hangin bago naglakad palabas ng bahay.

Nang tuluyan nang makalabas si Kapitan Klaus. Napabuga na lang ng hangin si Hasna at ibinagsak ang kaniyang kamay sa ibabaw ng mesa.

Unti-unting tumulo ang luha sa kaniyang mga mata. Marahas niya itong pinunasan saka siya tumayo. Ibinaling niya na lamang ang kaniyang sama ng loob sa paghuhugas ng kanilang pinagkainan na iniwan ni Kapitana Lena.

Nang matapos sa paghuhugas, mabilis na naligo si Hasna. Hinanap niya ang bag na naglalaman ng mga sandata ni Kapitan Klaus na kaniyang inilagay sa ilalim ng kaniyang higaan.

Napangiwi na lang siya nang wala na ang bag sa ilalim. Iginala niya ang kaniyang paningin sa buong silid at hinanap ang bag ngunit bigo siyang makita ito.

Napapikit na lamang si Hasna nang maalala ang pagpasok at paglilinis ni Kapitana Lena kanina, malamang ay kinuha na niya ito at ibinalik sa kanilang silid. Dahan-dahang lumabas ng kuwarto si Hasna at pinuntahan ang silid nina Kapitan Klaus at Kapitana Lena.

Bigo siyang mapihit ang busol ng pinto ng silid. Sa inis ni Hasna ay tinadyakan niya ito at napasigaw sa sobrang inis.

Malabong mabuksan iyon ni Hasna dahil una sa lahat, bagong-bago ang busol nito at malamang ang susi nito ay hawak ni Kapitana Lena na bigla na lamang nawala para bigyan sila ng oras ni Kapitan Klaus na makapag-usap.

Napagpasyahan na lamang lumabas ni Hasna ng bahay upang libangin ang sarili at magpalubag ng loob. Muling sumalubong sa kaniya ang mga residente ng Sitio Perdis na abala sa kaniya-kaniyang nilang mga ginagawa. Ang iba ay bihis na bihis, at ang iba naman ay nakabihis pantrabaho.

"Hasna," tawag ng isang pamilyar na boses. Napalingon si Hasna sa direksyon kung saan nagmula ang boses. Nang makita niya na ito, kaagad na kinawayan siya nito at saka tumakbo palapit sa kaniya.

Nang makalapit ang kaibigan, mula paa hanggang ulo niya itong tiningnan.

"Bihis na bihis ka ata," puna ni Hasna sa itsura ni Eris.

"Pupunta ako ng bayan, gusto mong sumama? Magliliwaliw," nakangiting sabi pa ni Eris.

Napakamot sa ulo si Hasna. Hinawakan naman ni Eris ang magkabilang balikat ni Hasna at saka ito inikot. Itinulak niya ito pabalik sa loob ng kanilang bahay.

"Magbihis ka na, hihintayin kita," masayang sambit ni Eris na para bang walang nangyari kahapon. Para bang hindi baguhan si Eris sa ganoong misyon dahil mabilis siyang nakakabawi mula sa mga pangyayari. Hindi katulad ng ibang isinabak, ang ilan sa kanilan ay hindi makausap ng ilang araw dahil sa sobrang takot sa nakaharap nilang mga nilalang pero si Eris ay naiiba, nagagawa pa nitong ngumiti at magliwaliw.

Walang nagawa si Hasna kung hindi ang magbihis na lamang at sumama sa kaniyang kaibigan na animo'y hindi nauubusan ng enerhiya.

Lingid sa kaalaman ni Hasna na ang paggagala nila sa bayan ay kagustuhan at utos ni Kapitan Klaus. Ginamit niya lamang si Eris upang maiwaksi ang isipin at pagaanin ang dinadala ng kaniyang anak-anakan at unti-unting kumbinsihin na muling mag-enroll at mag-aral.

Para kay Kapitan Klaus, sobra-sobra na ang pagtatalo nilang dalawa gayong alam niya ang pinaglalaban ni Hasna, higit sa lahat ang bigat ng nararamdaman nito para sa hustisya sa kaniyang pamilya na hanggang ngayon ay hindi nila nakukuha.

Mahirap nang burahin sa isang tao ang galit lalo na't nakatanim na ito sa kaniyang puso't isipan. Pang-unawa at suporta ang kailangan hanggang sa dumating ang tamang oras para pawiin ang lahat ng galit at poot na nararamdaman ng isang tao.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status