Share

KABANATA 3

Hindi nangyari ang pag-uusap sana nila ni Dino dahil nag-file agad siya ng leave sa trabaho ng tatlong araw. Mabuti nga at na-approve agad iyon kaya't lumuwas na lang siya bigla ng Maynila.

Ang paalam niya sa mga magulang ay may seminar siyang dadaluhan sa Maynila nang biglaan kaya't hindi na nagtanong ang mga ito nang magpaalam siya. Si Dino naman ay panay pa rin ang tawag sa kanya pero hindi niya sinasagot.

Hindi siya agad nito mapupuntahan dahil nga nasa trabaho ito. Sinamantala niya naman iyon dahil ayaw niyang makaharap pa ang lalaki.

Si Sheena ang pinuntahan niya sa Maynila. Kaklase niya at kaibigan ito mula pa elementarya. Nagkahiwalay lang sila nang makapagtrabaho ito sa Maynila no'ng nakaraang taon lang.

Matagal na siyang inaaya ng kaibigan na lumuwas ng Maynila para maipasyal siya at maigala sa gabi. Sa katunayan ay kinulit na naman siya nito no'ng isang linggo lang na bisitahin ito sa Maynila para maranasan niya naman daw ang magka-night life kahit isang beses lang bago siya ikasal. Mabuti naman at hindi niya ito tinanggihan agad.

Nagulat pa nga ang babae nang bigla niyang tawagan para sabihing bibisitahin niya ito. No'n lang din niya nalaman na tumigil na pala ito sa pagtatrabaho mula nang ibahay ng matandang boyfriend nito.

Tuwang-tuwa pa nga ang kaibigan nang sunduin siya sa terminal.

Nang makapunta sa condo na ibinigay ng boyfriend ng babae ay agad na ikinuwento niya ang lahat. Imbitado rin kasi ito sa kasal niya at kilala rin nito si Dino at Mhariel.

"Naku, girl! Walang magagawa ang pag-iyak-iyak mo. Magpasalamat ka na lang at hindi pa kayo kasal bago mo natuklasan ang pagtataksil ng dalawang iyon!" Parang walang ano mang sabi nito.

Hindi niya man lang nakitaan ito ng pakikisimpatiya sa kanya. Sa halip ay kumuha ito ng baso saka naglagay ng alak at tinungga iyon nang diretso. Minsan ay nagugulat na lang siya sa kaibigan niyang ito dahil ibang-iba ito sa nakilala niya dati.

Pinilit na lang din niyang tumigil sa pag-iyak dahil alam niyang wala naman talaga siyang matatanggap na pang-aalo kay Sheena. Inalok pa siya nito ng alak pero tumanggi siya.

"May isang paraan lang para makalimot ka sandali saka makaganti na rin kahit papano." Biglang sabi nito na patuloy sa paglagok ng alak.

Naintriga siya kaya't tuluyang pinahiran na niya ang mukha at napatingin dito. Ngumiti ito sa kanya bago sumagot.

"Makipag-date ka! Tutal, andito ka naman para makalimutan saglit ang pagtataksil nila, di ba? Alam mo ba iyong kasabihang ngipin sa ngipin? Gawin mo rin iyong ginawa niya sa'yo."

Napailing-iling lang siya.

Tumayo ito saka tumabi sa kanya. Hinawakan pa ng kaibigan ang mga kamay niya.

"Di nga, seryoso ako. Tamang-tama lang talaga ang pagbisita mo sa akin dahil may ka-blind date sana ako bukas ng gabi pero tumawag sa akin si Arthur, my loves, na napaaga pala ang flight niya pauwing Pinas galing Singapore. Mabuti na lang at hindi pa ako tumanggi do'n sa guy. Ikaw na lang ang makipag-blind date kapalit ko!" Nangingislap pa ang mga mata nito na parang ito pa ang excited.

Nagulat siya sa narinig. Nakikipag-blind date pa rin pala ito kahit may boyfriend na? Hindi maikakaila ang katanungang iyon sa mga mata niya nang tingnan niya ang kaibigan.

"Ano ka ba? Para ka namang pinanganak kahapon. May asawa si Arthur so pinupuntahan niya lang ako kapag nakapuslit siya sa asawa niya. Alangan namang hayaan ko ang sarili kong maburo rito? Siyempre, kailangan ko ng reserba lagi." Humagikgik pa ito.

Napatawa na lang din siya nang mahina kahit hindi naman siya sang-ayon sa ginagawa nito. Pero sino ba naman siya para husgahan ang dating kaklase?

Panay pa rin ang tanggi niya sa babae kahit kinukulit siyang mabuti nito. Maya-maya ay tumunog ang phone niya. Napakunot-noo pa siya nang makitang si Mhariel ang tumatawag. Ngayon lang ito gumawa ng paraan para makausap siyang talaga pagkatapos ng pangyayari.

Tumawag kaya ito para humingi ng tawad sa kanya? Ayaw niya sanang tanggapin. Kahit si Sheena ay nakisilip na rin.

"Hmm, tumatawag pala ang haliparot. Oh, siya, do'n muna ako sa kwarto nang makapag-usap kayo ng malanding kaibigan natin na iyan."

Tumayo na nga ito at umalis. Nang makaalis si Sheena ay sinagot nga niya ang phone. Hindi pa man siya nakakapagsalita ay naunahan na siya ni Mhariel.

"Umatras ka na sa kasal nang tuluyan. Huwag mo nang pilitin na ibalik pa sa normal ang lahat. Nararamdaman ko na may damdamin din sa akin si Dino. Hindi niya lang kayang ipahayag iyon dahil alam kong nagi-guilty siya sa'yo."

Ano raw? Akala pa naman niya ay hihingi ito ng tawad kaya't sinagot niya ang phone. Matagal niya itong naging kaibigan at kapatid na ang turing niya sa babae. Kahit masakit ang nangyari ay unconsciously binibigyan niya ito ng chance na magpaliwanag.

Pero ano ang pinagsasabi nito ngayon?

"Yaz, cancel the wedding!" Parang kung sino itong nag-uutos lang sa kanya.

Sa tindi ng inis niya ay hindi siya makapagsalita. Basta na lang niyang pinatay ang phone saka matigas ang ekspresyon sa mukha na tumayo. Pupuntahan niya si Sheena sa kwarto nito.

Sa sobrang gigil na nararamdaman niya kay Mhariel ay basta na lang niyang binuksan ang kwarto ni Sheena nang hindi man lang kumakatok. Gulat pa itong napatingin sa kanya habang nakadapa ito sa kama.

"Anong oras ba ang date mo sana bukas?" Iyon agad ang tinanong niya rito.

Bigla itong napangiti sa narinig.

"That's more like it!" Saka ito tumayo at excited na binuksan ang cabinet ng mga damit nito.

"Eight ng gabi bukas. Ako ang maghahanap ng damit mo kasi may palatandaan kami sa pamamagitan ng damit. Hindi kami nag-send ng pictures ng isa't-isa para may pa-mystery effect."

Hindi na niya masyadong pinapakinggan ang sinasabi nito. Nanatili ang isip niya sa mga sinabi ni Mhariel. Gusto niyang magrebelde kahit alam niyang siya naman ang lugi pero wala na siyang pakialam.

"Oh, ito! Ito ang susuotin mo, ha?"

Lumapit si Sheena sa kanya na may bitbit na pulang-pulang damit na nakasabit pa sa hanger. Wala sa loob na kinuha niya ang damit at tiningnan iyon. Isang tingin pa lang ay alam na niyang maikling-maikli iyon. Nakita rin niya na masyadong mababa ang tela sa bandang dibdib ng damit. Hindi pa man niya naisukat iyon ay alam na niyang mai-emphasize ang pinagpala niyang mga dibdib.

"Yaz, be someone else even for just one night. Kalimutan mo munang ikaw si Yazmin na mahinhin at conservative. I assure you ito ang makakatulong sa'yo para bumalik ang self-esteem mo." Dugtong agad nito nang parang nag-aalangan siya sa damit.

Muli ay bumalik sa isip niya ang eksenang naabutan kina Dino at Mhariel at dumagdag pa ang pinagsasabi ni Mhariel sa kanya kanina.

Walang imik na kinuha na nga niya nang tuluyan ang damit.

Maano nga ba kung magkunyari siyang ibang klase ng babae kahit isang gabi man lang?

Lumuwang na ang ngiti sa mga labi ni Sheena nang makita ang ekspresyon ng mukha niya.

Mga Comments (9)
goodnovel comment avatar
Lyn F. Caluttong
Yes Yazmin try mo Rin minsan makipag blind date Malay mo nman Doon mo na mkita Ang lalaking makakasama mo habang buhay..Buti nlang nandyn Ang friend mong si Sheena para tumulong na makalimutan mo Ang masakit na nangyari syo Yazmin ...
goodnovel comment avatar
Lyn F. Caluttong
Wow ang Kapal ng Mukha mo Mhariel sino ka para magsabi Kay Yazmin na I cancel na nya Yung kasal nila Ni Dino.. Pwede ba magsori ka muna sa Babaeng Inagawan mo ng Boyfriend.. thank you Author
goodnovel comment avatar
Honeydina Bernadit
Love it please More ...️ free chapters ...️...️
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status