Ryker Pov
Mag-iikalawang lingo na ng gabi nang muli kong apakan ang makintab na sahig ng aming silid. Ngunit sa pagkakataong ito, walang Haya na sasalubong sa akin ng kanyang pilit na ngiti o magtatanong kung kumain na ba ako. Ang tanging sumalubong sa akin ay ang nakakabinging katahimikan at ang malamig na simoy ng hangin na nagmumula sa nakabukas na bintana. Ang mga ilaw sa loob ay nakapatay maliban sa maliit na lampara sa gilid ng kama, na lalong nagpatingkad sa madilim na atmospera ng kwarto.
"Haya?" boses ko ang umalingawngaw sa malawak na silid, may halong inis at matinding pagod mula sa mahaba at nakakapagod na miting sa kumpanya.
Napakunot-noo ako nang walang sumagot. Inihagis ko ang aking suit jacket sa ibabaw ng malaking kama, malapit sa mga pinunit niyang dokumento ng annulment kanina. Kanina pa ako naiinis ang babaeng iyon, matapos akong talikuran at bastusin si Cassandra sa mismong harapan ko, ay nagawa pa akong takasan?
Akala ko ay nagtago lang siya sa kabilang kwarto o nagpalamig sa hardin dahil sa takot sa reaksyon ko. Ngunit habang lumilipas ang mga oras ay walang Haya na nagpapakita o naglalakas-loob na magpakita sa akin, nagsimulang kumabog ang dibdib ko sa isang kakaibang kaba. Hindi ito dahil sa pag-aalala kundi dahil sa nag-aapoy na galit.
Paano niya nagawang suwayin ang bawat utos ko? At kailan siya naging matapang sa aking harapan?
Dali-dali akong lumapit sa kanyang maliit na closet at marahas itong binuksan. Naroon pa ang ilan sa kanyang mga damit niya, ang mga lumang gamit na dinala niya noon nang pilitin silang pakasalan ako. Ngunit ang maliit na itim na bag na madalas niyang gamitin tuwing lumalabas siya ay nawawala. Pati ang paborito niyang jacket na madalas niyang suotin tuwing umuulan ay wala na rin sa lalagyan nito.
"Tsss. Nag-inarte na naman ang babaeng iyon," bulong ko sa sarili ko habang marahas kong kinuha ang aking mamahaling telepono mula sa bulsa para tawagan si Manang Rosa.
Kailangan ko siyang bigyan ng leksyon kapag nahanap ko siya.
Ilang beses itong nag-ring bago sa wakas ay sagutin ng matanda ang tawag. Ang boses nito ay may halong panginginig at takot na hindi ko agad pinansin dahil sa nag-aapoy kong galit at kawalan ng pasensya.
"Manang, nasaan si Haya?" bungad ko nang walang pagbati o paggalang. "Ilang oras na siyang nawawala sa kwarto. Kung nagpapa-cute siya o naghahanap ng atensyon dahil sa pagtatalo namin kanina, sabihin ninyong hindi uubra sa akin ang mga drama niya!"
Naging tahimik ang kabilang linya nang ilang segundo bago sumagot si Manang Rosa, ang tinig ay halatang nanginginig at nag-aalinlangan. "S-Sir Rye... umalis na po si Haya kanina pa pong gabi. May pinuntahan daw po siyang mahalaga, kaya hindi ko na po napigilan!"
Nanigas ang buong katawan ko sa narinig ko. Parang binuhusan ako ng malamig na tubig mula ulo hanggang paa. "Umalis? Sa ganitong oras ng gabi? Sinong nagpahintulot sa kanyang lumabas nang wala ang abiso ko?!"
"H-Hindi ko na po napigilan, Sir. Umiiyak po kasi siya noon, at mukhang desperada na pong lumabas ng mansyon." sagot ng matanda, na lalong nagpalala sa pag-akyat ng dugo sa aking ulo.
"Damn it!" sigaw ko sabay bato ng telepono ko sa pader hanggang sa magka-pirapiraso ito at kumalat ang mga bubog sa sahig.
Umalis siya? Tumakas ang asawa ko sa kalagitnaan ng gabi nang walang pahintulot ko? Isang hamak na babaeng walang silbi kundi ang maging panakip-butas sa utang ng pamilya nila ay naglakas-loob na talikuran ako at suwayin ang batas ko?
Mabilis akong lumabas ng kwarto at bumaba ng hagdan nang may malalaki at mabibigat na hakbang. Hindi niya ako matatakasan nang ganon-ganon lang. Kung akala niya ay malaya na siya dahil lang sa nag-iwan siya ng gulo rito, nagkakamali siya ng malaki.
Hahanapin ko siya kahit saang sulok ng madilim na syudad pa siya naroon! At kapag nahanap ko siya... sisiguraduhin kong hinding-hindi na niya gugustuhin pang huminga sa mundong ginagalawan ko.
Ngunit habang nagmamaneho ako nang pagka-bilis-bilis sa madilim at basang kalsada sakay ng aking kotse, may kakaibang kirot sa aking dibdib na pilit kong winawaksi. Isang pamilyar na pangamba na pilit kong kinakalaban.
Bakit ganito na lang ang galit ko? Dahil ba binastos niya ang pride ko bilang isang Saavedra... o dahil sa unang pagkakataon, may naramdaman akong pagka-alarma na baka tuluyan na nga siyang mawala sa mga kamay ko?
Hindi, bulong ko sa aking sarili habang mariing hinawakan ang manibela hanggang sa pumuti ang mga palad ko. Galit lang ito. Ayokong may yumapak sa kapangyarihan ko.
At habang tinatahak ko ang kawalan sa kalagitnaan ng malakas na ulan, hindi ko alam na ang bawat milya na nilalayo niya sa akin ay ang simula ng pagguho ng mundo na matagal kong binuo.