Hyacinth Pov
Limang buwan na ang lumipas mula nang gabing tumakas ako sa madilim na mansyong iyon. Limang buwan ng katahimikan, simpleng pamumuhay, at unti-unting paghilom ng mga sugat sa aking puso.
Ang maliit na silid na tinirhan ko noon ay pinalitan ko na ng isang mas maaliwalas ngunit abot-kayang apartment sa isang tahimik na probinsya malayo sa Maynila. Dito, wala ang naglalakihang mga pader at matarik na gate na sumisimbolo sa aking pagkakakulong. Dito, ako ang nagpapasya para sa sarili ko.
Habang nakatayo ako sa harap ng maliit na salamin sa aming sala, dahan-dahan kong hinaplos ang aking malaki at bilog na tiyan. Limang buwan na ang lumipas, at ang munting sikreto na kinatatakutan ko noon ay isa na ngayong buhay na nagbibigay-lakas sa akin araw-araw. Ramdam ko ang malinaw na pagsipa ng sanggol sa loob, isang paalala na hindi na ako nag-iisa. May kasama na ako, isang munting anghel na magiging kakampi ko sa laban ng buhay.
"Kumusta ka naman diyan, anak?" nakangiti kong bulong habang kinakausap ang aking tiyan. "Excited ka na bang lumabas at makita ang mundo? Huwag kang mag-alala, gagawin ni Mama ang lahat para mabigyan ka ng magandang buhay."
Para maitaguyod ang aming pang-araw-araw na pangangailangan, pinasok ko ang paggawa at pagbebenta ng mga lutong kakanin at pastry na itinayo ko sa isang maliit na lokal na bakery sa ibaba ng aming tinitirhan.
Pagod? Oo, masakit sa katawan ang maghapon na pagtayo at pagmamasa ng harina, lalo na’t buntis ako. Pero ang pagod na ito ay may dalang dangal. Iba pala ang pakiramdam kapag ang kinakain mo ay mula sa sarili mong pawis at pagsisikap, hindi sa limos o sa galit ng isang asawang walang pagpapahalaga.
Ngunit kahit anong pilit kong maging masaya at magpokus sa aking bagong buhay, hindi pa rin tuluyang nawawala ang takot sa kaibuturan ng aking puso. Paminsan-minsan, sa kalagitnaan ng gabi, naiisip ko pa rin si Rye.
Nahanap kaya niya ako? Iniulat kaya niya ako sa mga pulis? O baka naman masaya na sila ngayon ni Cassandra, tuluyan nang kinalimutan ang babaeng pilit nilang itinaob sa putik?
Hindi mo na dapat sila iniisip, saway ko sa aking sarili habang inihanda ang mga sangkap para sa susunod kong paninda.
Malayo na ako roon. Si Haya noon ay patay na. Ang narito ngayon ay ang ina na handang magbuwis ng buhay para sa kanyang anak.
Habang abala ako sa paggawa, biglang kumulog nang malakas sa labas. Sumabay ang pagbuhos ng malakas na ulan, ang mga patak nito ay malalakas na tumatama sa bubong ng aming apartment. Napatigil ako sandali at napatingin sa bintana. Ang simoy ng hangin ay biglang lumamig, na nagdala sa akin pabalik sa gabing iyon. Ang gabing tumakas ako habang umiiyak sa ilalim ng ulan.
Biglang tumibok nang mabilis ang aking dibdib. Isang kakaibang kaba ang bumalot sa akin, parang may nagbabadyang panganib na papalapit. Pilit kong winaksi ang aking kakaibang pakiramdam at ipinagpatuloy ang pagmamasa ng dough, ngunit ang kaba sa aking dibdib ay lalong lumakas.
Hindi ko alam na sa parehong oras na iyon, sa kabilang bahagi ng lungsod, ang isang galit na galit na lalaki ay hawak na ang unang solidong ebidensya kung nasaan ang pinagtataguan ko. Ang mga mata ni Ryker Knight Saavedra, ay nagliliyab sa galit habang tinitingnan ang isang litrato mula sa cctv footage ng isang maliit na tindahan sa probinsya kung saan nakita ang mukha ko.
"Sa wakas... nahanap din kita, Haya," bulong niya sa sarili, ang kanyang boses ay puno ng pait at panganib na kayang sumira sa mundong tahimik na binubuo ko.
At sa gitna ng malalakas na patak ng ulan, naramdaman ko ang kakaibang kirot sa aking dibdib, isang babala na ang mapayapa kong mundo ay malapit nang pasukin ng demonyong matagal ko nang pinilit takasan.
Kinaumagahan. Maaga akong nagising kahit mabagal na akong kumilos ay hindi pa rin ako nagpapahuli ng gising. Malakas pa rin ang ulan sa labas kagaya kagabi. Sumilip ako nang bahagya dahil pupunta ako sa palengke upang mamili ng aking kakailanganin sa araw na iyon.
Pero habang pinagmamasdan ko ang kawalan sa labas, hindi ko maiwasang maalala ang mukha ni Ryker noong huli kaming nagharap. Ang mga matang walang kasing lamig. Ang mga labing binitiwan ang mga salitang tumagos sa puso ko na parang patalim. Siya ang tipo ng tao na hinding-hindi titigil hangga't hindi niya nakukuha ang gusto niya. Para sa kanya, ang mga tao ay parang piyesa lang sa chessboard pagkatapos mong gamitin, pwede mo nang itapon kapag wala nang silbi. At noong panahong nagdadalang-tao ako at unti-unting nadudurog, para lang akong sirang basahan sa paningin niya.
Bumalik ako sa mesa para tapusin ang ginagawa ko. Kailangan kong mag-focus. Kapag hinayaan kong lamunin ako ng takot, para na rin akong sumuko nang maaga.
"Wala na siyang magagawa," pabulong kong sabi, pilit na binibigyan ng lakas ang sarili. "Malawak ang Pilipinas. At hinding-hindi niya ako mahahanap dito."
Ngunit sa parehong mga oras na iyon, ilang milya ang layo mula sa tahimik kong silungan, tila sumisigaw sa galit ang buong silid kung nasaan si Ryker.
Ang mamahaling opisina sa tuktok ng isang gusali sa Maynila ay balot ng dilim, maliban sa ilaw na nanggagaling sa screen ng kanyang laptop. Nakatayo si Ryker sa harap ng malaking salamin na bintana habang mahigpit na hawak ang isang baso ng alak. Ang kanyang panga ay mahigpit na nag-igting, at ang mga ugat sa kanyang leeg ay litaw na litaw dahil sa timpi niyang galit.
Sa ibabaw ng mesa, nakabukas ang isang CCTV footage mula sa isang maliit na tindahan sa probinsya. Kitang-kita roon ang mukha ng isang babaeng namimili ng mga sangkap sa pagluluto. Maputla ang labi, mas payat kaysa dati, at may suot na simpleng damit. Pero walang dudang siya iyon. Ang babaeng matagal niyang pinaghahanap. Ang asawang tumakas sa kanya.
"Hyacinth..." ang nanggigigil na bulong ni Ryker, ang pangalan ay lumabas sa kanyang mga labing parang lason.