Share

Chapter 5 - Liquor and Delusions

“Come on, Cleopatra, drink!” wika ni Danica.

“Hindi nga ako umiinom,” mariing wika ni Cleo. “Amoy pa lang ng alak, nasusuka na ako. Ano pa kung iinumin ko?”

“Please! For me?” Namilog ang mga mata ni Danica at ilang beses iyong ikinurap-kurap.

“Hindi mo ako makukuha sa ganiyan,” natatawang tugon ni Cleo.

“Hanggang ngayon, KJ ka pa rin. That’s what I hate about you.”

“Hanggang ngayon, mapilit ka pa rin,” ganti naman ni Cleo. “That’s what I hate about you.”

Umikot ang mga mata ni Danica. “Of course! We’re celebrating! Valid reason naman para pilitin kita, ano!” Naghalukipkip si Danica. “Magtatampo ako sa iyo kapag hindi mo ako pinagbigyan. Hahayaan mo bang malasing ako nang mag-isa? Besides, kapag nagsimula na ang surrogacy process, hindi ka na pwedeng uminom. You owe this to me.”

“Baka nakakalimutan mong darating ang asawa mo mamaya. Nakakahiya naman kung maaabutan niya akong lasing.”

“Don’t worry, alam niyang umiinom tayong dalawa ngayon. Kaya sige na please, makisama ka na. Uminom ka na. Cheers!”

“Ni hindi mo pa nga sinasabi sa akin kung ano ang pangalan ng asawa mo. Ni picture niya ayaw mong ipakita sa akin.”

“Mas maganda na wala kang idea para mas ma-excite ka. Besides, malapit mo na siyang makita. Ilang oras na lang.” Muling itinaas ni Danica ang hawak na baso. “Come on, Cleopatra, cheers!” anito.

Umikot ang mga mata ni Cleo kasabay ng isang buntong-hininga. Hanggang ngayon ay mahilig pa rin talaga si Danica sa surpresa. Ano pa nga ba ang magagawa niya kundi pagbigyan ang matalik na kaibigan? Ngayon lang naman ito nagyayang uminom. “Cheers!” matamlay niyang tugon kasabay ng isang pilit na ngiti. Pakiramdam niya ay lumunok siya ng tinunaw na apdo sa pait niyon. Pinagtawanan siya ni Danica dahil hindi maipinta ang lukot niyang mukha.

Akala niya ay mauuna siyang malasing kaysa kay Danica, pero nauna itong bumagsak sa kaniya. Ito naman ang kaniyang pinagtawanan. “Ang lakas ng loob magyayang uminom, hindi naman pala kaya,” aniya. Natatawa niyang nilapitan ang kaibigan at inalalayan ito patayo upang dalhin sa kwarto nito.

“Ano ba, Cleopatra, hindi pa tayo tapos uminom!” ani Danica na hindi na halos maimulat ang mga mata.

“Tumigil ka na, Danica. Kapag ako ang pinagalitan ng asawa mo, kukurutin talaga kita sa hita.”

Natawa si Danica sa sinabi niya. “Mabait ang asawa ko, Cleopatra. Eh, hindi nga marunong magalit iyon,” anito.

“Tumigil ka na nga sa kakatawag sa akin ng Cleopatra,” saway ni Cleo sa kaibigan.

“Whatever, Cleopatra!” Nag-loser sign pa si Danica at humalakhak. Umikot na lamang ang mga mata ni Cleo sa pagkaasar.

Nang masigurong maayos na ang pagkakahiga ni Danica ay lumabas na ng kwarto nito si Cleo. Bumalik siya sa pwesto nila kanina. Kinuha niya ang bote ng iniinom nilang alak. May natira pa roon. In fairness, napagtanto niyang hindi naman pala gano’n kasama ang epekto ng alak— hindi kasing-sama ng lasa nito. Pakiramdam niya ay bahagya nang namamanhid ang katawan niya. Nakakasurpresa na gusto niya ang pakiramdam na iyon.

Nagpasya siyang inumin ang natirang alak. Ilang saglit pa ay nakaramdam na siya ng pagkahilo. Napasandal na lamang siya sa sofa habang sapo ang ulo. Nang mahuhulog na sana siya sa pagkatulog ay narinig niya ang pagtunog ng doorbell sa unit na kinaroroonan nila. Pinilit niyang tumayo kahit umiikot ang kaniyang paningin. “Saglit!” wika niya. Sigurado siyang ang asawa na ni Danica iyon. Ayaw na niyang isturbuhin pa ang kaibigan sa tulog nito kaya siya na ang magbubukas ng pinto.

Susuray-suray siyang naglakad patungo sa pintuan. Naduduling na siya pero napindot niya ang tamang passcode sa door lock. Pagkatapos ay pinihit niya ang doorknob.

“Sorry, nalasing kami ni Danica. Nasa kwarto na siya nagpapahinga,” wika niya pagkabukas ng pinto. Wala siyang lakas ng loob na mag-angat ng tingin sa asawa ng kaibigan dahil sa nararamdamang hiya sa paglalasing. “Ahm… Uuwi na lang siguro ako,” aniya pa. “May taxi pa naman siguro. Pakisabi na lang kay Danica, umuwi ako.”

“Cleo?” anang boses na ang tono ay puno ng pagtataka.

Natigilan si Cleo nang marinig ang boses na iyon. Ilang taon ring hindi niya iyon naririnig, pero hinding-hindi niya makakalimutan ang may-ari ng boses na iyon.

Kumabog ang kaniyang puso at sumikip ang paghinga niya. Dahan-dahan siyang nag-angat ng tingin habang tahimik na nananalangin na sana nagkakamali lamang siya ng hinala. Ngunit para siyang binuhusan ng isang baldeng yelo nang matunghayan ang mukha ng lalaking tumawag sa kaniyang pangalan. “Franco?” hindi makapaniwalang bulalas niya. Kinusot niya ang kaniyang mga mata. Baka dulot lang ito ng kalasingan niya. Nagbaba siya ng tingin at natawa. “Sorry! Lasing lang talaga ako. Kung anu-ano—” Nailing siya. “Kung sinu-sino tuloy ang nakikita ko,” aniya. “Aalis na ako. Nakakahiya naman sa iyo. Napagkakamalan kitang kung sino. Nakakahiya rin kay Danica. Babalik na lang ako bukas.” Iniwasan niya ang tumingin sa mukha ng lalaki.

“Cleo, please!”

Muling nayanig ang mundo ng dalaga sa narinig. Natatakot man ay muli siyang nag-angat ng tingin. Nagtagpo ang kanilang mga mata.

“Ako ‘to…” usal ni Franco. Puno ng pagsusumamo ang mga mata nito.

Nangilid ang mga luha ni Cleo. “Franco?” nanginginig ang mga labing bigkas niya sa pangalan nito. Tatlong taon niya ring hindi nakikita ang lalaking nang-iwan sa kaniya nang walang paalam.

Nakita niya rin ang pangingilid ng mga luha ni Franco, ngunit hindi ito nagsasalita.

Ilang taon niya ring inisip na kapag nagkita sila ni Franco ay sasampalin niya ito nang ubod lakas para sa ginawa nitong pang-iiwan sa kaniya sa ere, ngunit ngayon na nasa harapan na niya ito ay parang nawalan siya bigla ng lakas.

“Cleo…” muling banggit ni Franco sa pangalan niya.

Umiling si Cleo nang maraming beses. Sinampal din niya ang kaniyang sarili. Hindi kaya nananaginip siya at binabangungot? Hindi niya kayang tanggapin ang nakikita. Muli niyang nilakasan ang loob upang tingnan si Franco. Nagbabakasali siyang naglaho na ito at panaginip nga lang ang lahat o ‘di kaya’y bunga ng halusinasyon. Ngunit naroroon pa rin si Franco, nakatitig sa kaniya habang lumuluha.

“Hindi ka totoo. Wala ka rito. Matagal ka nang wala,” mariin niyang wika.

Ngumiti si Franco habang patuloy ang pagluha. “Akala ko hindi na ulit kita makikita,” wika nito.

Umiling muli si Cleo na ayaw pa ring maniwala sa nakikita at naririnig. “Alam mo, hindi ko alam kung ano ang ginagawa mo rito. Pero kung ako man ang pakay mo, umalis ka na lang dahil wala kang mapapala sa akin. Matagal ka nang patay sa puso’t isip ko!”

Bigla siyang natigilan nang maalalang ang asawa ni Danica ang tanging taong inaasahan niyang dadating doon sa gabing iyon. Tumahip ang dibdib niya sa matinding kaba. Napatingin siya sa kamay ni Franco. Mayro’n itong singsing sa palasingsingan nito, palatandaan na ito ay kasal na.

Nanginig ang bawat hibla ng kaniyang laman. Nag-angat siya ng tingin kay Franco. “Ikaw?” aniya. “Ikaw ang asawa ni Danica?”

Parang muli siyang binuhusan ng malamig na tubig sa napagtanto. Umiling siya. “Isa ‘tong pagkakamali,” wika niya. “Hindi ako dapat nandito. Kailangan ko nang umalis,” aniya. Nagmamadali siyang lumabas ng kwarto, ngunit hindi pa man siya nakakalayo ay nahawakan na nang mahigpit ni Franco ang kaniyang braso. Hinatak siya nito at bago pa man niya maibuka ang bibig ay naselyuhan na ito nang mariin na halik ni Franco.

Ibinuhos niya ang buo niyang lakakas upang marahas na maitulak so Franco. “Ano ba?!!” sigaw niya. Ngunit hindi nagpatinag si Franco. Muli siya nitong hinalikan. Mas madiin ngayon at mas agresibo.

Sinubukan niya muling itulak si Franco hanggang sa mapagod siya. Pumikit siya. Sumuko na siya dahil ang puso na niya ang kusang bumigay. Tinanggap niya na lamang na isang panaginip lang ang nangyayari.

Nakakalasing ang alak, ngunit mas nakakalasing ang halik ni Franco na ilang taon din niyang pinangulilaan. Nang sandaling iyon ay tuluyan na siyang nakalimot. Tuluyan na siyang nagpaubaya. Hindi na siya nagtangkang imulat pa ang mga mata. Kung nananaginip nga siya ay hiling niyang hindi na magising pa.

Hindi niya alam kung papaano ngunit namalayan niya na lamang ang pagdantal ng kaniyang likuran sa isang malambot na kama. Namamanhid ang katawan niya dahil sa epekto ng alak, ngunit hindi niyon maparam ang kirot sa kaniyang puso. “Bakit mo ako iniwan?” biglang tanong niya sa pagitan ng mga halik ni Franco. Doon na niya binuksan ang kaniyang mga mata na tigmak ng luha. Doon niya nasilayan nang maigi ang mukha ng lalaking kailanman ay hindi nawaglit sa kaniyang puso’t isipan.

“Patawarin mo ako, Cleo. Hindi ko ginustong iwan ka. Hindi ka kailanman nawala sa isip ko. Patawarin mo ako kung nawalan ako ng pag-asa na magkikita pa tayong muli. Pero nandito na ako ngayon,” tugon ni Franco.

“Pero—” Hindi na naituloy ni Cleo ang sasabihin nang muling angkinin ni Franco ang kaniyang labi. Muli siyang tinakasan ng lakas upang patigilin ito dahil mas nangibabaw ang pangungulila niya. Pinili niyang kalimutan ang lahat ng sakit na dulot ng pag-iwan sa kaniya nito noon, at pagkatapos ng maraming taon ay muli niyang ipinaglaloob ang sarili niya rito…

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status