Share

Chapter 2

Danie POV

“Hoy babae, gumising ka nga d’yan! Hindi ka prinsesa dito. Tayo na!”

“Batugan!” sikmat niya muli bago ko marinig ang pagsara ng pintuan.

Nagising ako sa isang malakas na sipa sa binti ko. Napaigit ako sa sakit na naramdaman. Napaungol ako nang sipain niyang muli ang isang binti ko, napahawak ako dito’t namaluktot sa sakit na naramdaman. Nabungaran ko siya sa harapan ko na nakangiwi. Kitang-kita ko ang inis niya sa mukha niya. Nakarolyo sa pulang rollers ang mahaba niyang buhok. Wala siyang saplot sa katawan kung hindi tuwalyang puti lamang.

Mabilis akong umusog sa malamig na pader. Niyakap ko ang mga paa ko sa labis na takot. Nang maisara na niya ang pinto, bumuhos ang mga walang katapusang mga luha ko. Pagod na ako. Masakit ang buong katawan ko. Mugto ang mga mata ko na walang patid sa pagluha. Nanunuyo na din ang lalamunan ko. Ni wala pa akong ininom kahit tubig man lang pang-alis ng uhaw.

Hindi ko alam kung gaano ako katagal sa ganoong posisyon. Umiyak akong muli sa nararamdamang kawalan ng pag-asa. Hinang-hina ako. Sa punto ng buhay kong ito, nawawalan na ako ng pag-asa.

Sa kalagitnaan ng pag-iyak ko, padarag na bumukas ang pintuan at pumasok muli ang babae. Ngayon nakasuot na ito ng isang kulay yellow na jersey. Malaki ito para sa kanya. Parang wala na itong suot na pang-ibaba dahil sa haba nio.

“Mabuti naman gising ka na mahal naming prinsesa.” sarkastiko niyang aniya. Sa likod niya may dalawa pang babaeng sumandal sa hamba ng pintuan. Nakiki-usyoso sa pwedeng mangyari sa amin.

“Tumayo ka na d’yan. Handa na ang hapunan kung ayaw mong maubusan. Wala kang katulong dito para dalhan ka pa ng pagkain mo.” masungit niyang lintanya sa akin.

Hindi ako gumalaw. Pinilit na umusog pa sa pader na imposible nang magawa ko pa.

“Aba!” Naiinis niyang nilingon ang mga kasamahan ng wala akong ginawa sa sinabi niya.

“Ayaw ka pakinggan? Tsk!” palatak ng isa. Hindi ko alam kung sino sa kanila ang nagsalita. Yumuko lang ako, itinago ang namamaga kong mukha sa kanila.

“Hayaan mo na kung ayaw niya. Mamatay siya sa gutom d’yan,” segunda ng isa pa.

“Tsk!” Ismid niyang muli. Lumapit ito sa kinauupuan ko. Dalawang beses niyang sinipa ang paa ko. Para akong isang hayop na ginigising mula sa mahimbing na pagkakatulog.

Muli akong napaigik sa sakit at takot. Mas lalong nagsumiksik sa sulok habang yakap ang mga paa ko.

“Tumayo ka na d’yan! Sa akin ka binilin kaya pareho tayong malilintikan kay boss kung ‘di ka pa tatayo. At mag-ayos ka na rin. Mukha ka ng super panget na zombie. Mamaya nandito na siya at kakausapin ka. Kaya kung ako sa ‘yo, kung ayaw mong madagdagan ang sakit ng katawan mo, sumunod ka na lang.” Aniya’t iniwan akong mag-isa.

Darating siya? Sinong boss iyon? Iyon kayang pinagkakautangan ni tatay?

Hindi ko alam ang pangalan niya. Ang naririnig ko lang boss o kaya master ang tawag nila sa kanya. Muling nanginig ang buong katawan ko sa takot nang malaman na gusto nila akong makausap. Pwede na kaya nila ako pakawalan para makapaghanap buhay na ako para may maibigay sa kanila kahit interest lang muna ng utang ni tatay sa kanila?

Ang laki ng pagkakautang niya. Hindi ko akalain na aabot sa limang digit ang utang niya sa kanila at tumataas pa iyon sa bawat araw na dumadaan. Lubog na lubog na ako sa utang. Iniwan ako ni tatay ng walang pasabi para lang matakasan ang mga taong ito.

Pero paano naman ako? Hindi niya ba ako naisip na anak niya?

Ang sasama ng mga taong ito. Mga walang puso. Mga walang iniintindi bukod sa pera lang.

Niyakap ko ang sarili ko at muling umiyak. Nanghihina ang katawan ko sa naganap kagabi. Ang bigat-bigat ng buong katawan ko. Pinilit ko naman lumaban hanggang sa makakaya ko. Nagmakaawa din ako sa kanila. Maraming beses, ‘di lang isa. Ngunit kulang na kulang pa rin iyon sa kanila. Ginigipit nila ako. Ganito ang modus nila sa mga taong pinautang nila. Bukod sa malaking interest, malaki din ang magiging kapalit kung hindi na kayang bayaran ang inutang.

Binabayaran ko naman ang ibang interest, eh. Sinubukan ko. Ginawa ko lahat. Kung pwede lang bente-kwatro oras ako magtrabaho ginawa ko na para makalikom ng sapat na pera pampayad, pero hindi. Kulang na kulang.

Palugit lang naman ang kailangan ko pero wala silang mga tenga para pakinggan ako. Gusto kong isipin na talagang ito ang plano nila. Ito ang plinano ni tatay. Siya ang naglagay sa akin sa ganitong kalagayan. Ako ang pinangbayad niya sa mga utang niya.

Sa lahat ng ginawa ni tatay, iniisip ko na tatay ko nga ba siya?

Kahit ganito ang mga nangyayari sa akin, hindi ko magawang magalit sa kanya. Bagkus, nag-aalala pa nga ko sa tatay ko. Hindi siya umuuwi mula ng gabing magmakaawa ako na tulungan niya ako magbayad sa mga pagkakautang niya. Pero imbis na damayan ako— mas lalo pa siyang nagalit sa akin. Nakatikim akong muli ng malakas na sampal at mura. Kinuha niya rin ang mga ilang gamit namin sa bahay para ibenta pangbisyo niya. Mas matatanggap ko pa kung ibabawas niya sa mga pinagkakautang ang mga napagbentahan ng mga gamit, kaso, ipinangbisyo niya ito sa illegal na gamot.

Wala siyang pakialam sa akin. Lahat naman ng kaya kong ibigay, binigay ko na! Pero h’wag naman sana ganito.

Oh, Diyos ko. . . tulungan mo po ako. Iligtas mo po ako sa pagsubok na ibinigay mo sa akin.

Nahihirapan man tumayo, sinikap ko pa rin. Humawak ako sa pader na may pinturang puti. Ako lang mag-isa sa maliit na kwartong ito. Walang ibang gamit dito bukod sa banig na nasa kabilang gilid ko. Hindi ko iyon ginamit. Butas-butas ito at halos mahati na sa dalawang parte. May mga kalat ding plastic sa sahig, pahaba ito na parang isang supot ng ice candy.

Sinikap kong makalabas kahit na matagal at gagabay-gabay ako. Pagbukas ko ng pinto wala akong nakitang iba kung hindi maliit na pasilyo. Purong pader at itong pinagdalhan lang sa akin ang nasa pinakadulo. May nakikita akong apat na magkakatapat na pinto sa daraanan ko. Doble-doble ang mga lock ng bawat pinto. Parang isang kulungan o isang den ng mga pinaparusahan.

Ang isang kamay ko ay gumagabay sa pader, ang isa naman hawak ang hita ko. Nahulog ako sa sasakyan kagabi o kahapon sa sasakyan. Hindi ko alam kung anong oras na ba iyon. Nagpumiglas ako sa pagsasakay nila sa akin. Matapos nila ako kunin sa bahay, ilang araw muna nila akong kinulong sa isang abandonadong bahay na puro tira ng bantay ko lang ang pagkain na ibinibigay sa akin. Hindi ko iyon kinain. Ni hindi ko tinikman sa takot na baka may halo iyon na iba.

Kinuha ako doon ng tatlong lalaki, nanlaban ako para makatakas. Ngunit bugbog ang inabot ko, at ito— pilay nang dahil sa pagtalon ko sa sasakyan ng makakita ng pagkakataon habang umaandar ito paalis.

Nakangiwi akong nakarating sa isang kwarto. Ingay ng mga babae ang naririnig ko. May mga kumakanta, nagtatawanan at nag-aaway. Napatingin silang lahat ng makita ako. May tumayo para salubungin ako, ang iba naman nanlaki ang mga mata sa itsura ko.

“Oh, sino ‘yan?” masungit na unang tanong nila.

“Alis nga!” Hinawi niya ang isang babaeng nakaharang sa kanyang daraanan. “Halika dito. Oh, em! Okay ka lang ba?” nag-aalalang tanong niya. Sinipat ang buong katawan ko.

“Baguhan ka lang dito?”

“What happened to you, girl?”

Mga sunod-sunod na tanong nila sa akin nang makalapit ako sa isang upuan para gumabay. Nanghihinang napakapit ako sa isang babaeng umalalay sa akin. Nahihilo na ako. Malabo ang nakikita ko at tanging kulay na lang ng kanilang mga suot ang naaaninag ko.

“T-tubig po,” mahinang usal ko sa kanila. Natataranta namang kumilos ang iba para gawin ang request ko.

“Ano daw?” tanong ng isang tumayo para mapaupo ako sa kanyang upuan.

“Ito na. . .” Inihuma nila sa bibig ko ang baso ng tubig. Nanginginig ang kamay kong hinawakan ang baso niyang mamasa-masa dahil sa lamig nito.

Napaubo ako, muling tumunga sa tubig. Agad naginhawahan ang lalamunan ko ngunit ‘di iyon nagustuhan ng t’yan ko.

“Pagpahingahin niyo muna.”

“Siya yata ‘yung babaeng bagong dala nila dito noong isang araw. Wala siyang malay noon.”

“Bagong pulot na naman nila siguro. Mukhang bata pa, eh.”

Mga bulong-bulungan na narinig ko mula sa aking paligid. Nasa tabihan ko lang sila pero ang mga boses nila parang ang lalim. Naramdaman ko ang lamig ng hangin sa mukha ko. Hindi ko maidilat ang mga mata ko. Umiikot ang mundo ko. Hinihila ako paibaba. Ang mga boses nila’y unti-unting nawawala hanggang sa nawalan ako ng ulirat sa buhay.

“Anak, dahan-dahan ka sa putik,” napangiti ako sa sinabi ng mahal kong ina.

“’Nay, ang dami pong bunga!” bulalas ko habang sinisipat ang mga tanim naming kalabasa. Napayuko ako ng mauntog sa isang pabilog na bunga. Natawa ako nang hawakan ko ang noo ko sa naramdamang sakit.

“Kunin mo lang ang mga magugulang na.” utos ng nanay ko sa likuran ko.

“Ang sarap ng talbos nito, ‘nay!” Binaliwala ko ang sakit at muling nalibang sa mga gulay na naghihintay sa pagkuha ko sa kanila.

“Oo, mamaya may hinanda si Aling Lita na tanghalian na ‘tin sa kubo. Mga bagong pitas na talbos iyon at bulaklak nitong kalabasa.” aniyang nagsimula nang kumuha ng talbos gamit ang isang gunting. “Mamaya doon naman tayo sa mga sitaw.” 

Nagsimula na din ako mamitas. Tuwang-tuwa talaga ako kapag nandito ako sa farm. Ang daming mga halaman at gulay. Kahit saan ka lumingon may mga trabahador na parang mga kapamilya ko na rin.

Bata pa lang ako dito na ako lumaki. Kasa-kasama ako ni nanay dito tuwing mamimitas siya ng mga pananim na gulay. Kahit anong saad niya na maglaro na lang ako, ‘di ko iyon ginawa, mas gusto kong mamitas ng mga gulay dito kaysa maglaro. Mas masaya ako dito, eh. Iniisip ko mga mapupulang rosas ang mga ito.

Matagal na kami dito sa hasyenda Hidalgo. Ang kwento ni nanay matapos nila ikasal ni tatay nagtungo na sila dito sa bayan na ito para mamuhay ng maayos. Napanguso ako sa huling salitang sinabi ko.

Wish ko lang naman.

Mabait ang may ari nitong hasyenda. Pinapayagan kaming iuwi ang mga natirang ani kung sapat na ang na produce na mga gulay ng hasyenda. May talong kami, kalabasa, sitaw, kamatis. May mangga rin at niyugan. Sa pinakadulo naman nandoon ang mga alagang baboy, baka at mga kambing.

Pero ang the best at naging tourist attraction dito sa lugar namin ay ang garden. Malawak ito at madalas gamitin iyon bilang venue sa mga okasyon. Sa isang araw yata may limang okasyon silang inaakupa para gamitin ito.

Masaya dito at payapa. Tumingala ako sa langit. Mula sa sinag ng araw, napangiti ako ng tipid. Perfect na sana ang buhay namin dito kaso. . .

“Malandi ka!” malakas na sigaw ni tatay.

Nagising ako mula sa malakas na sigaw ni tatay. Niyakap ko ang unan ko at nagtalukbong ng kumot sa buo kong katawan. Nakarinig ako ng mga kalabog sa kabilang kwarto.

Umiyak ako sa takot at sa pag-aalala.

“H-hindi ko alam ang sinasabi mo. T-tama na,” pagmamakaawang nahihirapang boses ni nanay. Napahiyaw siya sa malakas na lagapak. Napatakip ako ng bibig ko para ‘di marinig ang mga paghikbi ko.

“Ginagago mo ba ako?” Narinig ko ang mga pag-iyak ni nanay at pagmamakaawa. Tinakpan ko ang dalawang tenga ko. Ayaw ko nang marinig.

Kahit madalas ito mangyari, ‘di pa rin ako nasanay. Ramdam na ramdam ko ang mga sakit na dinadanas ni nanay sa kamay ni tatay. Ganito siya tuwing lasing siya. Madalas ito mangyari lalo na kapag wala siyang pasok sa palengke.

“Wala akong ginagawang masama. Tumigil ka na. Magpahinga ka na lang. Bukas na lang tayo mag-usap, ha?” pinalambing ni nanay ang boses niya. Sinubukang aluin si tatay na parang isang bata kahit na labis ang pag-iyak nito base sa boses niyang garalgal.

“Bwisit ka!” mura ni tatay. Narinig ko ang pagbalibag ng isang bagay sa kwarto nila sabay sa pagtili ni nanay. Sa lakas noon, pati ako napahinto sa paghinga. Kulang na lang mapatayo ako sa kinahihigaan ko sa takot.

Kahit na pawis na pawis na ako hindi ko tinanggal ang kumot sa buong katawan ko. Natatakot ako na makita akong gising ni tatay. Baka ako naman ang saktan niya.

Gawa lang sa kawayan ang bahay namin. Ang hati ng kwarto namin nila nanay ay kawayan din. Sa nag-iisang ilaw lang kami naghahati ng liwanag. Narinig ko ang pagbukas-sara ng pintuan. Alam kong si nanay iyon kaya dahan-dahan ko ibinaba ang kumot ko. Suminghot muna ako at nakiramdam sa paligid ko. Naririnig ko na ngayon ang mga malalakas na paghilik ni tatay. Ngayon kampante na ako kahit papaano.

Dahan-dahan ako umupo sa kawayang higaan ko. Hinawi ko ang kulambo ko pataas para makababa ng walang sagabal. Bawat galaw ko kalkulado ko sa takot na makagawa ng ingay na pwedeng ikagising muli ni tatay. Hindi ko gugustuhin na mangyari iyon kaya mabagal ako lumakad papunta sa pintuan. Bawat langitngit nito napapapikit ako ng mariin sa takot.

“’Nay,” mahinang tawag ko sa nanay ko. Nakaupo siya sa plastic na upuan sa pinaka-kusina namin. Hawak ang kanyang mapulang braso. Sinisipat ito. Nagulat siya ng marinig ang patawag ko sa kanya. Pag-angat niya ng tingin, kitang-kita ko ang gulat sa mga mata niya. Pero alam kong mas lamang ang takot doon. Pulang-pula ang mga ito at may bakas pa ng luha sa kanyang magkabilang pisngi. Namumula din ang pisngi niya na nangangapal na ngayon sa malakas na sampal ni tatay.

Nilapitan ko siya’t niyakap ng mahigpit. Iniwasan na matamaan ang mapula niyang braso. Umiyak ako sa yakap niya.

“S-sorry, anak,” hikbi niya sa akin. Humigpit ang yakap niya sa akin. Damang-dama ko ang init ng pagmamahal niya doon. Sa akin siya humuhugot ng lakas at pag-asa.

Wala akong maalapuhap na salita sa sinabi niya. Alam ko naman wala ako magagawa. Mahal na mahal ko silang pareho. Lalo na si nanay. Ayaw na ayaw kong nakikita siyang ganito kamiserable.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status