Share

Take Me, ELECTRA
Take Me, ELECTRA
Author: IamNellah

Chapter 1

Danie POV

“Tatay naman!” Lumapit ako sa kanya. Sinubukan na magmakaawa sa ‘di ko mabilang na beses na. “Hindi ko na po alam ang gagawin ko. ‘Tay naman, napapagod na po ako.” 

Humagulgol ako sa harap niya. Papaupo na sana ako sa kawayang upuan namin nang manlaki ang mga mata ko sa biglaang pagkilos niya. Napaigtad ako sa gulat.

“Aba, nagrereklamo ka na?” malakas niyang tanong. Natakot ako sa boses niyang iyon. Hindi ako makakilos sa kinatatayuan ko.

"H-hindi naman po sa ganoon, ‘tay. Ang laki na po kasi. . .”

Hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang padarag siyang tumayo sa lamesang kinauupuan niya. Natumba ang plastic naming upuan na naglikha ng malakas na tunog kasabay ang pagbalibag nito sa kutsarang hawak.

Nanlalaki ang mga mata ko sa takot. Sa kung anong susunod niya pang gagawin. Yumuko ako sa mga kamay kong magkasalikop. Nilalaro ang mga daliri ko para maibsan ang takot ko sa katawan.

“Sinusumbatan mo na ba ako, ah? Namatay lang ang nanay mong walang kwenta ganyan na ang pinapakita mo sa akin.” Parang kulog ang boses niya. Sa lakas noon parang gusto kong tumakbo palabas ng aming bahay.

“Huwag niyo po sabihin ‘yan, ‘tay. Hindi ko po kayo sinusumbatan. Ang akin lang po, sana po tulungan niyo ako magbayad sa mga utang niyo po.” nanginginig kong paliwanag. “May bakanteng posisyon daw po sa hasyenda, ‘tay. Doon pwede ka po! Matagal na rin po kayo hindi nagtatrabaho doon, ‘tay.” Pinilit kong pasiglahin ang boses ko para mapagaan ang paligid namin. Pakiramdam ko kasi sinisilaban na si tatay sa init ng ulo niya. “Sigurado ako nami-missed niyo na po ang mga dating kakilala niyo doon. Si Mang ber. . .” Unti-unting nagbago ang boses ko nang makita ang mga nag-aalab na tingin ni tatay. Ngumisi siya at pumalatak.

Nagpamaywang siya. “Sinasabi mo bang wala akong kwentang ama? Wala kang utang na loob!”

Nanginig ang buong katawan ko sa takot. Hindi ko alam ang isasagot pa sa kanya. Umiling-iling ako. Sumara-buka ang bibig ko para bawiin ang sinabi ko at ipaliwanag ang ibig kong sabihin ngunit. . .

Napaigit ako sa sakit nang dumapo ang malapad niyang palad sa pisngi ko. Napahawak ako sa kawayang sofa na nasa likod ko lamang. Doon ako kumapit para ‘di tuluyang bumigay sa lakas ng pagkakasampal niya sa akin.

“Ang dami mo nang sinasabi? Pares ka ng nanay mong malandi. Ulam lang ang hinahanap ko, mga salita mo na ‘yang pinakain mo sa akin.” sigaw niya.

Dinakma niya ang kumpol kong buhok sa likod ko. Napaigit akong muli nang hilain niya ito dahilan para maitayo ako.

“Tatay, m-masakit po . . .” pagmamakaawa ko. Hinawakan ko ang braso niyang nasa ulo ko.

“Wala ka na ngang kwenta, ang daldal mo pa! Para kang may ipinagmamalaki, ah?” Mas hinigpitan niya ang pagkakahawak sa buhok ko. Napapatingala ako dahil doon.

Matangkad si tatay. Kahit may edad na ito, matikas pa rin ang kanyang pangangatawan. Dati siyang hasyendero sa hasyenda. Nagbubuhat sila ng mga gulay at prutas doon. Kasama din sila sa mga nagdedeliver sa kabilang bayan para doon ibenta ang kanilang mga napitas. Ngunit natanggal siya sa trabaho dahil ang sabi nila ay siya ang kumuha ng mga napagbebentahan ng mga ito. Maging ang mga nawawalang alaga ay sa kanya din ibinibintang.

“Baka gusto mong sumunod sa nanay mong hitad?” Hinawakan niya ang panga ko at masakit na pinisil iyon. Nakanguso ako sa harap niya. Takot na takot. Ang mga luha ko sa mata, nagsilaglagan sa sakit at takot.

“Anong ipinagmamalaki mo ngayon, ha? Porket kumikita ka na ng maliit na halaga, akala mo ikaw na ang padre ‘de pamilya dito. Hoy! Buhay pa ako . . . at habang buhay ako, ako pa rin ang ama mo. Kaya kung ayaw mong masaktan, umayos ka!”

Pabalibag niya akong itinulak sa kaliwa ko. Tumama ang tiyan ko sa sulok ng aming lamesa. Nagkandatapon ang mga pagkaing inihain ko sa kanya kanina. Maging ang tubig sa pitsil ay natapon sa suot kong bestida.

Humagulgol ako. Nagmakaawa. “Tatay, sorry na po. . .” umusad ako patalikod sa takot. Hawak ang tiyan kong masakit.

“Hindi na po mauulit . . .” Itinaas ko ang isang kamay ko sa kanya bilang pagsusumamo.

“May pera ka ba d’yan? Makaalis na nga lang sa bahay na ito.” Naiinis niyang ginulo ang buhok niya.

“W-wala po, naibigay ko na po sa inyo kahapon ang perang kinita ko.” At nagpauna na rin ako sa mga pinagkakautangan niyo.

Gusto kong idagdag ngunit pinili ko na lang tumahimik. Napangiwi ako sa pagsasalita kong iyon. Masakit ang gilid ng labi ko. Pinunasan ko ang dulo nito ng makaramdam ng mamasa-masa doon. Nang tingnan ko, may bahid ng pula ang daliri ko, mas lalo ako napaiyak. Yumuko at nagtago sa gilid.

“Wala ka talagang silbi!” sigaw niya. Tinabig ang isang upuan. “Tsk!” Nagpalinga-linga siya. “Nasaan ang makinang panahi ng nanay mo? Nasaan din ‘yang lintik na ginagamit mong plantsa. Hindi mo na kailangan niyan! Dagdag pa sa binabayarang kuryente.” aniya.

Hinayaan ko siyang nagtungo sa kwarto ko. Hindi na lang ako umimik sa sinabi niya sa takot ko. Alam ko ang gagawin niya. Ibebenta niya ang mga iyon kagaya ng iba pa naming mga kasangkapan dito sa bahay. Ayaw ko man dahil sa alaala ni nanay sa makina niyang iyon pero wala akong magawa. Natatakot ako.

Mahilig siya manahi ng mga damit. Ginagawan niya ako ng mga bestida ko gaya nitong suot ko. Siya din ang mga nanahi ng aming mga kurtina dito sa bahay. Kaya kahit ganito ang inaabot niya gabi-gabi. . . araw-araw. . . kahit ganito ang pamilya ko. . . mukhang masaya at maaliwalas ang bahay namin.

Tahimik akong umiyak doon sa sulok habang naririnig ang paghahalughog ni tatay sa kwarto ko. Narinig ko ang langitngit ng kabinet naming kahoy at ang mga gamit kong nahulog sa sahig. Sunod ang pagbagsak ng isang bagay.

“Aalis muna ako. Ito, akin na muna ang mga ito.” Itinaas niya ang hawak na gamit ko. “Linisin mo ‘yang kalat mo!” Tukoy niya sa mga natapon na mga pagkain sa sahig. “Balikan ko iyang bwisit na makina mamaya.” Pagkasabi niya sa huli, lumabas na siya sa aming bahay.

Huminga ako ng malalim nang makaalis si tatay, nakahinga ako ng maluwag dahil alam kong hindi na ako makakatikim ng pananakit niya ngayon gabi. Pero may bigat dahil ‘di ako nagtagumpay sa pagkumbinsi sa kanyang tulungan ako sa pagbabayad ng kanyang mga utang.

Pinulot ko ang mga nagkalat sa sahig. Nilagay ko sa platong stainless ang pinirito kong saging na saba at isang tuyo. Ito ang nadatnan ni tatay na pagkain sa hapag kainan. Kanina pa ako nagugutom, ang huling kain ko kaninang umaga pa. Tinipid ko ito at ipinainit ko lang para kay tatay.

Muli akong nagpakawala ng hangin sa baga ko. Tumitig sa kawalan. Bakit kaya nagkakaganito ang takbo ng buhay ko? Ang hirap naman. Ang daya din ni nanay, iniwan niya ako na walang kakampi sa buhay. Walang kausap kung ano ang tamang gagawin ko.

Mag-iisang buwan pa lang mula noong umalis siya. Pero pakiramdam ko, taon na. Ang hirap. Ang lungkot mag-isa.

Inabot ko ang maliit na kaldero namin, may kaunti pang natira si tatay sa kaldero. Mabuti na lang ‘di niya nasandok lahat kung hindi natapon din ito. Pagtitiyagaan ko na lang muna ito. Kaya ‘yan! Masarap pa naman ito, eh. Wala pang limang minuto sa sahig. Vitamins din iyan sa katawan.

Isinabay ko sa pagsubo ang pinirito kong saging. Sunod ang tuyo. Ang bilis ko itong kinain. Ang hirap man lunukin, nagawa ko sa unang pagkakataon, sa pangalawa, may kasabay na itong pagluha na ‘di naglaon. . . humagulgol na ako habang pinipilit lunukin ang hirap na nararamdaman ko. Ninanamnam ang mga pagsubok na sumusubok sa tatag ko sa buhay.

Ngunit hindi pa pala dito natatapos ito.

Sa gitna ng malakas na ulan at hangin, naglalakad ako pauwi galing sa hasyenda. Yakap ang sarili ko sa gitna ng hawak kong payong. Maghapon akong naglinis sa garden ng hasyenda. Hindi ko iyon trabaho, nanghingi lang ako ng pabor sa mayordoma para magkaroon ako ng kita ngayong araw. Ang sakit ng likod ko at balakang sa matagal na pag-upo para magdamo. Nagtanim din kami ng mga panibagong halaman. Nasa walo kaming nagtrabaho doon. Sa lawak ba naman ng kanilang hardin ay talaga namang kulang ang isang araw kung isang tao lang ang gagawa.

Nagmadali akong naglakad. Tanaw ko na ang munti naming bahay sa ‘di kalayuan. Ibinaba ko ang payong ko sa may amba ng pintuan namin at pinagpag ang sariling paa sa sahig. Patay pa ang mga ilaw kaya alam kong wala pa si tatay. Paghawak ko sa seradura ng pinto, napahinto ako. Nakalimutan ko i-lock kanina?

Hindi, e. Alam ko na-lock ko ito. Baka . . . si tatay umuwi kanina. Naku! Ano na naman kaya ipapaulam ko kay tatay nito? Talbos lang ng kamote at bagoong ang inulam ko kaninang ma’ga. Sumabay na rin ako sa ibang mga tauhan sa hasyenda para kumain ng hapunan. Dapat pala nag-uwi ako kahit kaunti lang para may madatnan si tatay ngayon gabi.

Lagot na naman ako nito!

Napasinghap ako ng mabuksan ang ilaw. Kalat-kalat ang mga gamit namin. Ang mga kasangkapan sa kusina ay nasa sahig. Ang mga upuang kawayan namin ay sira-sira na.

A-anong nangyari dito?

Si tatay ba may gawa ng mga ito?

Hindi ko alam kung ano ang uunahing pupulutin sa dami ng kalat. Nagdiretso ako sa kwarto ko. Maging dito ang gulo din. Ang kulambo at unan ko ay nagkalat sa sahig. Maging ang mga damit ko. Hinayaan ko lang iyon at lumipat sa kabilang kwarto. At hindi nga ako nagkamali, ganoon din ang ayos dito. Napahawak ako sa malamig kong buhok dahil bahagya itong nabasa ng ulan kanina habang pauwi ako.

Pagod akong umupo sa sahig. Naiiyak muli. Napabuntong hininga ako. Hindi ako pwedeng lagi na lang umiyak. Walang magagawa iyon. Bumalik ako sa kwarto para makapagpalit ng pambahay na damit. Nagpasya akong bukas na lang maglilinis. Hapo na ang buong katawan ko sa pagod. Mas sumakit pa ngayon sa mga nakikitang kong kalat.

Lasing na naman siguro si tatay kaya nagawa ito. Wala naman na siya mahahanap na pwede ipangbenta dito sa bahay. Wala na kaming matinong gamit. Kung titignan, para na nga itong walang laman. Sira at luma na ang mga gamit namin. Ang iba ay pinagtitiyagaan na lang para may magamit pa rin. Tanging upuang kawayan at lamesang kawayan lang ang gamit namin sa sala. Sa kusina ang lamesang kahoy din na may tatlong upuang plastic na ngayon ay isa na lang dahil marahil sa lakas ng paghampas dito kaya nagkaputol-putol ang mga paa nito.

Sa sobrang pagod sa maghapon nakatulog ako kaagad pagkahiga ko sa aking kama. Ngunit ‘di pa nagtatagal iyon ng makarinig ako nang malakas na tunog sa labas ng aking kwarto.

Nandito na ang tatay at lasing panigurado. Ano naman kayang dasal ang gagawin ko para ‘di ako makatikim ng kanyang kamao?

Tahimik akong nagdasal sa aking kama. Nagtalukbong ng aking kumot. Wala naman ako mapapala kung magkukunwari akong tulog. Kung sa ganitong kaingay, magigising ka talaga.

“Wala pa ba?”

Nangunot ang noo ko, may kasama si tatay?

“Kunin niyo na agad.” Utos niyang muli sa kung sino. May mga narinig akong yapak sa sahig. Bago malakas na bumagsak ang pintuan ng kwarto ko. Napahiyaw ako sa gulat at takot.

“Ahh!” Tinakip ko sa aking katawan ang kumot. Madilim ang kwarto ko na ngayon ay naliliwanagan na dahil sa nakabukas na ilaw sa sala namin. Bumungad sa paningin ko ang dalawang lalaking may hithit na sigarilyo sa kanilang bibig. Sumipol ang isang lalaking kulay pula ang buhok.

“Tiba-tiba,” sabi ng isa. Itinapon nito ang natirang sigarilyong may baga sa sahig. Tinapakan niya iyon para mamatay ang kulay pula nito sa dulo.

“Si-sino kayo!?”

Wala silang sinabing lumapit sa akin para haklitin ang braso ko. Napatayo ako mula sa pagkakaupo sa aking higaan. Ang sunod ko na lang namalayan, sinasakay na nila akong pilit sa isang sasakyan. Nagpupumiglas ako. Nagtangkangtumakas kahit na napaka-imposible niyon.

“Maawa po kayo,” pakiusap ko para sa buhay ko. “Wala po akong pera.” pag-aamin ko.

Kung pera lang, mas mahirap pa ako sa pinakamahirap na insekto.

“Alam namin. Kaya katawan mo na lang.”

Nangilabot ako sa sinabi nila. Nagtawanan sila na parang mga demonyo sa loob ng sasakyang umaandar sa gitna ng payapang gabi.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status