Share

Ika-apat na Kabanata

Nagpakalayo-layo kami ni Veronica. Pumunta kami sa lugar na walang nakakakilala sa amin. Mula sa Lapulapu City ay hindi namin namalayan na sa araw-araw na paglalakad ay napunta kami sa sentro ng Cebu, ang Colon. Ang Colon ay ang siyang nagsisilbing dagsaan ng mga tao sa Lungsod ng Cebu. Namuhay kami sa gilid ng kalsada, umaasang may tutulong sa amin, pero wala. Walang tumulong sa amin. Namamalimos kami para may makain kami. Kung ano-anong trabaho na ang pinasok namin para lang makaraos sa buhay.

Sa murang edad pinilit naming buhayin ang isa’t isa.

Makikita kami sa gilid ng kalsada. Doon makikita kaming namamalimos sa mga taong dumadaan sa tinatawag nilang pedestrian lane. Minsan naghihintay sa may labasan ng mga kainan. Umaasang kahit kaonting tira-tira lang ay mabigyan kami. Para lang magkalaman ang kumukulong sikmura.

Kailangan makaraos. Kailangan makakain kahit man lang isang beses sa isang araw.

“D-Ditse, nagugutom na po ako.”

Kasalukuyang nakahiga si Veronica sa maliit na karton na siyang nagsisilbing higaan namin. Ang laki ng ipinayat naming dalawa. Mula sa bawat baryang naiipon namin, pinambibili ko iyon ng tinapay sa kalapit na panaderya, para lang magkalaman ang tiyan naming dalawa.

Mula sa malulusog at masisiglang bata na puro laro lang ang siyang inaatupag noon. Heto at nasa tabi kami ng kalsada at pilit lumalaban para mabuhay.

Naiiyak akong nakatingin sa kan'ya. Masasabi kong buto't balat na nga kaming dalawa. Ibang-iba sa katawan namin noong inaalagaan pa kami ni Inay. Nangungulila ako sa lutong champorado ni Inay. Nangungulila ako sa pagbabantay sa amin ni Ditse Philautia.

Nangungulila na ako sa kanila.

“S-Saglit lang, hahanap muna ng pera si ditse, Veronica. P-Pagbalik ko may pagkain na tayo. Dito ka muna ha. Babalik agad ako.”

Agad akong umalis sa barong-barong namin sa may abandonadong gusali na iyon. Tinawag pa niya ako ngunit hindi ko na siya nilingon pa. Kailangan kong makahanap agad ng pera. Ilang araw na rin kaming walang kain dahil sa kinukuha ng ibang mga batang palaboy ang mga naipon naming limos. Sinasabi nila na teritoryo nila ang lugar na pinaglilimosan namin at ang bawat baryang nakuha namin ay sa kanila raw.

Pinigilan ako ni Veronica na makipag-away ng tumanggi akong ibigay ang mga baryang kinita ko. Pinaghirapan ko ang mga iyon para sa amin ng kapatid ko, tapos kukunin lang nila? Talagang hindi ako papayag. Ngunit Natakot si Veronica na baka mapaano ako. Ang isa't isa na lang ang kasangga namin at ayaw niyang mapahamak ako. Kaya kahit labag sa loob ko, binigay ko ang mga baryang kinita ko mula sa pamamalimos at paglilinis ng mga kotse na nakaparking.

Ginawa ko lahat para magkapera. Pero umabot na ang hapon ay tanging trenta pesos lang ang siyang kinita ko. Agad akong nagtungo sa kalapit na panaderya at bumili ng tinapay na sasakto sa perang meron ako.

Ang saya-saya ko kasi magkakalaman na ang tiyan namin. Sa loob ng apat na araw ay binubusog lamang namin ang sarili namin sa pag-inom ng tubig dahil sa wala kaming kita.

Hindi naman kasi lahat ng tao magbibigay sa amin. 'Yong iba tanging pandidiring tingin lang ang pinupukol sa amin. Iyong ibang magbibigay man sa napapansin ko, kailangan may kuha pa ng larawan na may binibigay sila. Ganoon na ba talaga ang mga tao? Hindi man lang bukal sa loob ang pagtulong, at tutulong lang para may masabing maganda ang iba patungkol sa kanila.

“Veronica, nandito na si ditse! May dala akong dalawang tinapay, masarap ito!”

Agad akong lumapit sa natutulog na si Veronica saka marahang inalog ito.

“Veronica, ito oh kain na. Masarap 'tong ensaymada na binili ko. Pinili ko talaga ‘yong mas maraming cheese kasi alam kong gustong-gusto mo ‘yon.”

Pero hindi pa rin siya gumigising. Agad na napakunot ang noo ko saka marahan pa rin siyang inalog-alog.

“Akala ko ba gutom ka? Ito na oh, pasensya na at ito lang ang nakayanan ni ditse ah, medyo marami na rin kasi ang mga batang namamalimos sa Colon ngayon.”

Pero kahit konting paggalaw ay wala pa rin. Medyo tinutubuan na ako ng kaba.

“Veronica, huwag mo nga biruin ng gan'yan si ditse mo oh. Hindi maganda.”

Hinawakan ko ang kamay ni Veronica at halos mabitawan ko ito ng maramdamang sobrang lamig na nito. Nag-uumpisa ng lumabo ang mata ko dahil doon.

“Veronica...”

Ngunit wala pa ring sagot mula sa kanya.

“Veronica, huwag mo naman gawin sa akin ‘to oh. Ayoko, maawa ka. Huwag mo naman iwan si ditse. Ikaw na lang ang meron ako e.”

Niyakap ko nang napakahigpit ang nag-uumpisa ng manigas na katawan ni Veronica. Naiwan na naman akong mag-isa. Ako na lang mag-isa. Ilang minuto akong nanatili sa ganoong pwesto. Umiiyak habang nakayakap sa kapatid kong wala ng buhay.

Hinawakan ko ang maimpis niyang pisnge. Para lang siyang natutulog. Sobrang labo na ng paningin ko dahil sa luhang wala pa ring tigil sa pagtulo.

Pinahid ko ang luha sa mata ko. Kailangan kong magpatuloy sa buhay. Hinalikan ko sa noo si Veronica at saka kinuha ang kutsilyong dala ko at pinutulan siya ng isang daliri saka nilagay sa maliit na lalagyan na kung saan nandoon ang daliri nila ni Inay, ditse Philautia at Anastasia. Ngayon, kasama na nila si Veronica.

Mag-isa na lang ako. Iniwan na nila akong lahat.

Kinuha ko ang isa sa dala naming malaking damit at saka ito itinakip kay Veronica. Matapos kong gawin iyon ay umalis na ako sa maliit na barong-barong namin. Umiiyak habang naglalakad sa mataong daan. Ako na lang mag-isa. Wala na akong pamilya.

Wala sa sariling tumawid ng kalsada. Tila blangko na ang utak ko. Huli na ng marinig ko ang busina ng sasakyan. Hanggang sa maramdaman ko na lang na tumama ang maliit kong katawan sa kung anong matigas na bagay. Ang sakit ng katawan ko pero kita ko pa rin ang mga nangyayari sa paligid ko. Agad na lumapit ang dalawang tao sa akin mula sa kotseng nakabundol sa akin. Dali-dali akong kinarga ng lalaki saka ipinasok sa loob ng kotse kasama ang babaeng kasama niya.

Bago ako lamunin ng kadiliman ay narinig ko pang isinaad ng babae na.

“Honey, drive now. We need to bring this child into the nearest hospital!”

Unti-unti kong idinilat ang mata ko pero tanging puting kisame at dingding lang ang siyang nakikita ko. May naririnig akong kung anong tunog na hindi ko alam kung saan ba galing.

Ang sakit ng buong katawan ko lalo na sa bandang ulo.

“Honey, she's awake!”

Nilingon ko ang pinanggalingan ng boses na iyon at isang babae ang bumungad sa akin. Nakangiti ito habang nakatitig sa akin.

Kunot noong inilibot ko ang paningin ko sa paligid ko hanggang sa mapaningin ako sa bandang kamay ko. May nakatusok doong kung ano.

Agad namang tumayo sa pagkakaupo ang kasama nitong lalaki. Naalala ko ang lalaking iyon. Siya iyong kumarga sa akin papasok ng kotse.

Agad na lumabas ang lalaki at mayamaya lang ay pumasok ulit ito at may kasama pang isang lalaki. May katandaan na ito at nakasuot ng puting damit. May hawak itong kung anong bagay na siyang inilapit sa didib ko at parang may pinakinggan doon.

“H-How is she?”

“She's fine now, pero kasalukuyan siyang dumadaan sa malnutrition. Mabuti na lang at hindi masyadong malakas ang pagkakabunggo niyo sa kan'ya kaya walang butong napinsala. Ilang oras na pahinga lang ay pwede na siyang makalabas dito,” saad noong nakasuot na puting damit na lalaki sa babaeng kausap niya.

Napatango naman ang babae saka ibinaling ulit ang tingin sa akin.

“So, I have to go, Mr and Mrs. Bautista. May ibang pasyente pa akong kailangan asikasuhin. Maiwan ko na po kayo rito.”

Hinatid ng lalaki ang lalaking nakaputi na umasikaso sa akin sa may pinto. Agad akong nilapitan noong babae saka hinaplos ang buhok ko.

“Anong pangalan mo? Nasaan ang pamilya mo? Bakit mag-isa ka lang na naglalakad sa kalsada?”

“Honey, baka pagod pa siya. Huwag mo na muna siya tanongin at baka mabigla ang bata,” saway sa kan'ya noong lalaking kasama niya.

Napatango naman ang babae saka babalik na sana sa kinauupuan nito kanina nang magsalita ako.

“A-Ako po si Tasha,” nanghihinang wika ko.

Agad namang napalingon ulit sa'kin 'yong babae. Bakas sa mukha nito ang labis na pag-aalala.

“W-Wala na po akong pamilya. U-Ulilang lubos na po ako. Nakatira po ako sa g-gilid ng kalsada at binubuhay ang sarili sa pamamalimos at minsan sa paglilinis ng mga kotse.”

Naalala ko na naman ang nangyari sa pamilya ko. Wala na akong pamilya. Ako na lang talaga mag-isa. Wala na si Inay. Wala na si ditse Philautia at Anastasia. Tapos ngayon, wala na rin si Veronica. Nahahabag na niyakap ako ng babae. Umiiyak siya sa hindi ko malamang dahilan. 

Baka dahil sa awa.

“Ang bata mo pa para mamuhay mag-isa. Hindi ko lubos maisip na nakaya mo ang masalimoot na buhay sa gilid ng kalsada. Honey, gusto ko siyang ampunin,” siyang ani nito sa kasama niya.

“S-Sigurado ka ba, Hon? Oo at wala pa tayong anak pero hindi mo naman kailangan magmadali.”

“No, I want her to be my daughter!”

“Tasha, hindi ba't wala ka ng magulang. Gusto mo ba na kami na lang ang maging magulang mo?”

Tila nagulat pa ako sa sinaad ng babae sa akin. Gagawin nila akong anak?

“S-Seryoso po kayo?”

Nakangiti naman silang tumango sa akin.

“I want you to be our daughter. Gusto namin na ikaw ang siyang magiging anak namin, Tasha. Total, apat na taon na kaming kasal at wala pa ring anak. Gusto mo bang maging anak namin, Tasha? Gusto mo bang maging si Tasha Bautista?”

Magkakapamilya na rin ako sa wakas. Hindi na ako mag-iisa. Hindi ko na kailangang mag-isa. Magiging si Tasha Bautista na ako.

“Gusto ko po!”

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status