Share

Ikaanim na Pahina

Tatlong magkakasunod na putok ng baril ang nag-udyok sa batang si Alea upang sundin ang senyal ng ama na magkubli sa likod ng malaking bato. Tinakpan niya ang bibig gamit ang nanginginig na kamay upang hindi makalikha ng malakas na ingay ang kan'yang paghikbi.

"Alea! Alea!"

Iminulat ni Alea ang mga mata kasabay nang paghabol sa hininga dulot nang masamang alaala na pumasok sa kan'yang panaginip.

Mabilis siyang bumangon at pinalis ang luha nang makitang si Aling Lolit ang nakatayo sa tabi ng kama at gumising sa kan'ya.

Aalma sana siya sa walang paalam nitong pagpasok sa kwarto subalit naudlot iyon nang mapansin niyang bakante ang higaan sa kan'yang tabi. Wala doon si Mayumi. Binalot siya nang kaba sapagkat masyado pa'ng maaga para mauna itong bumangon sa kan'ya.

"Si Mayumi nasa gitna ng dagat!" Doon niya lamang napansin ang nag-aalalang mukha ni Aling Lolit.

Hindi niya na alam kung paano siya nakaabot sa pangpang. Papasikat pa lamang ang araw ngunit maliwanag niya nang nakita si Mayumi lulan ng maliit na bangka sa malalim na parte ng karagatan.

Hindi niya alintana ang lamig ng tubig alat sa kan'yang hubad na mga paa nang maglakad siya patungo doon. Hindi siya marunong lumangoy ngunit nagpatuloy siya sa paglalakad hanggang umabot ang tubig sa kan'yang baywang. Abot hanggang langit ang kabang nadarama niya, na kahit papaano'y nabawasan nang makita niya si Pio na umakyat sa bangka kung nasaan si Mayumi.

Niyakap niya nang napakahigpit ang kapatid nang makabalik sila sa pangpang. Umiiyak ito nang walang humpay at halos hindi na makapagsalita. Inalo niya ito at iniuwi upang makapagpalit.

"Mayumi, bakit mo ginawa iyon?" tanong niya nang maging maayos na ang batang kapatid.

"Ate, susunduin ko lang naman si papa. Babalik din naman ako kasama siya."

Hindi niya napigilan ang pag-irap at marahas na pagbuga ng hangin sa sagot nito, subalit kaagad niya din binawi nang mapansin ang pagyuko ni Mayumi.

"Mag-iipon lang si ate ng pera para kapag umuwi na tayo doon ay hindi na tayo gagambalain ng mga tauhan ni Mr. Lee."

Ang totoo'y hindi niya nga alam kung ano'ng trabaho ang maaari niyang gawin sa isla. Halos lahat ay masisipag, kaya hindi niya alam kung nangangailangan ba kahit labandera ang mga taga-doon. Matagal nang ubos ang kakarampot na perang dala niya kaya umaasa na lamang sila kay Pio na kahit papaano'y hindi naman nagrereklamo sa libreng pagtira at pakikain nila.

Gayunpaman, aaralin niya na lang siguro ang pangingisda para mabuhay sila.

Lumipas ang magdamag na itinuon niya ang buong atensyon sa kapatid. 'Ni malingat ay hindi niya magawa sa takot na muli nitong subukang maglayas, ito'y kahit pa ipinangako na ni Mayumi na hindi niya na iyon uulitin.

Nang hapon na ay nakatulog ito kaya nagkaroon si Alea nang pagkakataon para lapitan si Pio at pasalamatan.

Naabutan niya ang binata na nakaupo sa upuang gawa sa kawayan sa lilim ng malaking punong mangga sa likod-bahay.

Kunot na kunot ang noo nito at malayo ang tingin, animo'y napakalalim nang iniisip.

Umupo siya sa tabi nito at tumikhim, pero tila wala itong narinig.

Sumandal ito at mariin na ipinikit ang mga mata. Hinilot nito ang sintido habang nakakunot pa din ang noo.

"Maalon na dagat. Maraming bato. Putok ng baril."

Nagsalubong ang kilay ni Alea nang bigla ay magsalita ni Pio.

"Pio?" Nagtataka niyang tanong dito.

Mas dumiin ang pagkakakunot ng noo ng lalaki. Umiling pa ito na tila ba may pilit na inaalala.

Maya-maya pa'y tumigil ito sa paghilot sa sariling sintido at inilipat ang dalawang kamay sa ulo at bahagyang d*****g ng sakit.

"Pio? Ayos ka lang ba?" Ang pagtataka ni Alea ay napalitan ng pag-aalala.

Tumayo siya at hinawakan ang balikat ng lalaki. Bahagya niya iyong niyugyog dahilan para imulat nito ang namumula ng mga mata.

"May matarik na burol. Hindi ko alam kung saan iyon. Sandali," anito sa nahihirapang boses.

Walang maunawaan si Alea sa sinasabi ng binata gayunpaman ay nanatili lamang siyang nakatayo sa harapan nito.

"Ano'ng masakit sa'yo?"

Hinawakan ni Pio ang kamay niyang nasa balikat pa din nito. Naramdaman niya ang panlalamig noon bago ito mawalan nang malay.

"Aling Lolit, sigurado po ba kayo na hindi na natin siya kailangang dalhin sa ospital?" Hindi mawala ang pag-aalala ni Alea para kay Pio na nakahiga na sa kama.

Mabuti na lamang ay maagap siyang natulungan ng mga kapitbahay nang mahimatay si Pio.

"Nawalan lamang siya ng malay Alea, marahil ay dahil sa paglusong niya sa dagat kanina upang iligtas ang kapatid mo, baka nalamigan siya. Isa pa ay nasa ibayong isla pa ang ospital ng bayan. Palakas nang palakas ang alon, lubhang delikado kung tatawid kayo."

Naunawanan ni Alea ang punto ng ginang, subalit mas lalo lamang siyang nabalot nang pag-aalala dahil walang ospital sa isla o kahit doktor man lamang. Paano pala kung may emerhensya?

Higit sa lahat ay nakadama din siya nang konsyensya at hiya. Nang dahil sa kanila ng kapatid ay napapahamak pa si Pio. Lubos na ang pang-aabala nila dito.

Dumako ang kan'yang tingin kay Pio na banayad ang paghinga. Wala siyang maipangbabayad sa mga tulong nito. Gusto niya na lang isipin na dapat lamang siyang tulungan nito dahil inangkin siya nito nang walang bayad at kahit relasyon ay wala sila.

Hindi pa man lumilipas ang kalahating oras ay nagmulat na ng mata si Pio.

Lumapit si Alea sa kama ng binata at wala sa sariling hinaplos ang noo nito at hinawakan ang kamay. Nakahinga siya nang maluwag nang masigurong hindi na ito nanlalamig.

"Anong nararamdaman mo? Ayos ka na ba?" tanong niya kay Pio, hindi alintana ang kamay niyang nakahawak pa din sa kamay nito.

Dumako ang tingin ni Pio sa mga kamay nila kaya maagap na binawi ni Alea ang kamay niya. Mabilis na napalitan nang pagkailang ang nadarama niya ngunit pinilit niyang umakto nang normal. Higit pa sa hawak kamay ang nangyari sa kanila at hindi dapat siya mailang. Bakit nga naman siya maiilang?

May multo ng ngiti sa labi ni Pio ngunit hindi iyon masiguro ni Alea dahil sumeryoso na ang ekspresyon nito.

"Sa tingin ko, bumabalik na ang alaala ko."

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status