Share

Chapter 3

Nasa harapan na ng pintuan ng silid ni Annika si Cherry. Huminto muna siya panandalian at nagbuntong hininga bago kumatok sa pinto.

"Annika.., Annika si Cherry to! pwede bang pumasok? Mag usap tayo, please..! " wika ni Cherry na inulit ulit pa ang pagkatok sa pinto.

Hindi naman nagtagal ang paghihintay niya sa labas ng pintuan ng silid ng kaibigan ng buksan ni Annika ang pinto at hinila siya papasok sa silid nito at agad din na isinara.

"Bakit ka narito? Pinapunta ka ba dito nila papa?"

Tanong ng kaibigan sa kanya.

"H-hindi, kusa akong nagtungo rito. Gusto ko lang kamustahin ka Annika." aniya.

"Cherry, pinipilit kong kalimutan ang mga nangyare sa atin. Pero pabalik-balik naman sa panaginip ko lahat ang lahat ng ginawa nila sa akin. Natatakot akong makatulog dahil ayoko ng makita sa panaginip ko ang mga kawalang hiyaan ng mga hayup na yon." naluluhang saad ni Annika.

Niyakap ni Cherry ang kaibigan dahil alam niya ang pinagdadaanan nito dahil pareho lang silang nakararanas ng ganoon.

Mas napaglalabanan lang niya siguro ang kalungkutan dahil gusto niyang mabilis na makapagmove on. Ganoong napagdesisyunan na rin naman nila na ilihim na lang ang nangyare.

"Annika, hindi lang naman ikaw ang nakakaranas ng ganyan. Gabi-gabi sa pagtulog ko ay napapanaginipan ko rin ang ginawa nila sa akin. Kahit ako nahihirapan din, pinipilit ko ding paglabanan dahil gusto kong wag ng isipin pa ang nangyare. Hindi ba't ikaw itong may gustong wag ng ipaalam pa sa iba, lalung-lalo na sa mga magulang mo. Kung palagi kang ganyan mahahalata nila na may masamang nangyare sa iyo. Gusto mo bang ipatingin ka sa doctor ng mga magulang mo para malaman nila kung anong pinoproblema mo?" wika ni Cherry kay Annika.

"Cherry, tulungan mo ko. Mababaliw na ko kakaisip kung paano kalilimutan ang lahat ng nangyare sa atin." umiiyak na saad ni Annika.

Mahigpit silang nagyakapan na mag bestfriend habang nag iiyakan.

"Pupunta ako ng maynila, doon ako maghahanap ng trabaho, Annika. Hindi na muna siguro ako papasok sa kolehiyo. Kakausapin ko si inay at itay mamayang gabi upang magpaalam." seryosong saad ni Cherry sa kaibigan na umiling iling.

"Iiwan mo ko?! Iiwanan mo ko best, paano na ako kung aalis ka rito? Cherry, please wag kang umalis. Ikaw lang ang karamay ko, ang mapagsasabihan ko sa mga nararamdaman ko. Tapos aalis ka! iiwan mo kong mag isa." pakiusap ni Annika.

"Sorry Annika, ito lang kase ang naisip kong paraan upang mabilis na makalimot. Kung gusto mo, sumama ka sa akin." pagpapaintindi naman ni Cherry sa kaibigan.

"Hindi ako papayagan nila mama at papa." malungkot na saad ni Annika.

"Nagpunta ako rito Annika, para magpaalam sayo. Kung may panahon ka dalawin mo ako sa maynila, magtawagan din tayo kapag naroon na ko." ang sabi pa ni Cherry sa kaibigan.

"Paano eh wala ka ngang cellphone. Nakikigamit ka lang sa nanay mo di ba?! " tanong na wika ni Annika.

"Gagawan ko ng paraan. Basta mag iingat ka dito ha! Sikapin mong paglabanan ang gumugulo sa isip mo at isipin ang future natin Annika. O kung hindi mo na talaga kaya, tara sa presinto magsumbong na tayo at magpamedical na rin. Kase kung ako lang naman na sarili ko lang ang iisipin ko Annika, nung araw na iniwan nila tayo sa talahiban ginawa ko na yun. Pero ikaw ang may ayaw at naisip kong may punto ka naman, lalo pa at wala naman talaga tayong nakilala sa apat na lalaking iyon maliban lang sa natatandaan kong marka ng isa sa kanila." litanya pa niya sa kaibigan na natahimik naman at hindi makatingin sa kanya.

"H-Huwag na Cherry! Hindi ko kaya ang sasabihin ng iba sa atin. Baka husgahan pa nila tayo imbes na kaawaan. Ayoko matulad sa iba na pinag uusapan at yinuyurakan ang pagkatao. Iba din magalit ang papa ko Cherry kilala mo naman si papa, nakakatakot siyang magalit." paunawa naman ni Annika sa kanya.

Wala nang sinabi pa si Cherry. Tama naman kase ang kaibigan niya, alam nilang mabait ang ama ni Annika pero nakakatakot talaga magalit si Mang Henry dahil nanunugod at nagwawala.

Maliit lang din ang baryo nila kaya kapag may nasagap na balita ay talagang kumakalat sa kanilang lugar at karamihan sa mga kapitbahay nila ay alam na nila ang mga tabas ng dila.

Kaya gusto man niyang pilitin si Annika ay alam niyang mag aaksaya lang siya ng oras para kumbinsihin ito sa nais niya.

"Ou na, sige na Annika! hindi na kita pipilitin pa kung ayaw mo talaga na mabigyan ng hustisya ang kahayupang ginawa sa atin ng mga demonyo na 'yon. Pero labanan mo ang depresyon, hindi ka pwede na ganyan palagi na nagkukulong rito at ipapahalata mo sa mga kasama mo rito sa bahay ninyo na may pinagdaraanan ka. Kahit di mo man sabihin sa kanila ay malalaman nila kapag nagpatuloy ang paghihinala nila sa iyo na may malaki kang pinoproblema. Annika, ayusin mo ang sarili mo." bilin at pagpapaintindi pa ni Cherry sa kaibigan.

Tumango si Annika kay Cherry at inayos ni Annika ang sarili sa salamin. Lumabas sila ng kwarto at nagkunware na okay na si Annika sa harap ng ama nito.

Nakaluwag naman na sa loob ni Cherry ang pag uusap nila ng kaibigan. Nangako si Annika na susundin ang payo niya kahit na nakikita ni Cherry ang lungkot sa mga mata ni Annika.

Nagpaalam na si Cherry kay Annika. Hindi kase siya pwedeng magtagal dahil may bilin sa kanya ang ina at aayusin pa niya ang mga gamit niya.

Naluluha naman si Annika na inihatid siya sa labas ng bakuran ng mga ito. Paglabas niya ay nakikita niyang tanaw pa rin siya ng kaibigan kahit na malayo na siya.

Doon tuluyang bumagsak ang luha niya. Ang sikip sa dibdib na isipin na maiiwan niya si Annika pero kailangan niyang lumayo dahil sa bawat lugar na madaanan niya ay nagpapaalala lamang sa kanya ng masamang pangyayare sa kanyang buhay.

Kinagabihan pagkatapos nilang maghapunan ay kinausap ni Cherry ang kanyang mga magulang.

"Tay, Nay, maaari ko po ba kayong makausap?"

"Bakit Cherry, may problema ka ba?" tanong ng kanyang ama.

"May kailangan ka ba anak?" ang tanong naman ng kanyang ina.

"Ano ba yung sasabihin mo Cherry at mukhang importante ata. Sabihin mo na." wika ng ama niya na seryoso na siyang pinakatitigan.

"Tay, Nay, pwede po ba na doon na muna ako kina tiya Fely sa maynila. Habang bakasyon pa po. Malayo pa naman po ang pasukan." ang sabi niya sa dalawa.

"Sigurado ka ba diyan sa sinasabi mo Cherry? Bakit naman biglaan kang nagplano na pumunta ng maynila. Eh nung isang araw lang naghahanap ka pa ng trabaho sa bayan di ba." ani naman ng inay ni Cherry.

"Eh kase naman inay, wala naman kami nakuhang trabaho sa bayan. Baka sakali sa maynila ay may mahanap po ako. Gusto ko makaipon ng pang tuition fee para sa pasukan. Isa pa balak ko rin po sana na kumuha ng exam sa pamantasaan doon baka sakali po ay makapasa ako at magkaroon ako ng scholarship doon, mas maganda po yun di ba. Pangako ko po sa inyo na kapag naroon na ako ay magsusumikap po ako para makapagpadala rin po ako sa inyo ng pera pang gastos dito sa bahay." wika niya pa sa magulang upang siya ay mapayagan ng mga ito.

"Frederico, ano papayagan mo ba ang panganay natin na magtungo ng maynila at sa kapatid mong si Fely yan tumira? Baka naman mamaya ay gawin lang utus-utusan ng kapatid mo yang anak natin doon. Kilala ko ang kapatid mong yun, Ay naku! wala akong tiwala kay Fely kahit na hipag ko pa siya." sambit ni Lourdes sa asawa.

"Eh gusto ng anak mong magtungo ng maynila para sa pangarap niya. Saan mo naman patitirahin yang si Cherry kung ayaw mong kina Fely tumira?. Siya lang naman ang kilala kong kamag anak na nasa Maynila." ang sabi ng kanyang ama sa ina niya.

"Sa kaibigan ko na lang, kay Joyce. Ang alam ko ay hindi na nakapag-asawang muli 'yon mula ng mabiyuda at pamangkin lang na babae ang katuwang sa buhay. Mas safe ang anak natin sa kaibigan ko kaysa diyan sa kapatid mong palengkera ang bibig." suhestiyon nito sa asawa.

"Sigurado ka ba diyan sa plano mo Cherry ha!? Baka naman mamaya puro lovelife ang atupagin mo doon ha. Papayagan ka namin ng iyong itay dahil sa gusto mong matupad ang pangarap mo. May tiwala naman kami sayo bilang mga magulang mo Cherry. Pero lagi mong tatandaan na maraming tukso sa maynila. Kaya mag iingat ka r'on, kailangan mong maging matatag lalo na at malayo kami sayo." bilin pa ng kanyang ina.

Napangiti si Cherry sa narinig dahil pinapayagan na siya ng mga ito na magtungo ng maynila.

"Ibig n'yo po bang sabihin pumapayag na kayo? Nay, Tay, payag po kayo?" natutuwang hindi makapaniwala si Cherry na madali niyang napapayag ang mga magulang niya.

"Oo, anak. Basta ipangako mo na aabutin mo ang pangarap mo sa maayos na pamamaraan. Aalagaan mo ang sarili at hindi mo kami kalilimutan na pamilya mo rito. Mahal ka namin ng inay mo, kaya kahit na mapalayo ka sa amin ay titiisin namin para sayo anak. Pasensya ka na kung kailangan mo pang pagsumikapan ang maganda mong magiging kinabukasan. Alam mo naman na mahirap lang tayo at sapat lang ang kinikita ko sa pang araw-araw nating gastusin." saad na paliwanag sa kanya ng ama.

Naiiyak na pinahid ni Cherry ang kanyang mga luha dahil sa sinabi ng kanyang itay. Nauunawaan naman niya ito. Kaya nga nagsisipag talaga siya sa pag aaral para maiahon sa hirap ang kanyang pamilya.

Na guilty lang siya sa ginawa niyang dahilan para makaalis siya sa kanilang lugar. Pero tunay pa rin naman ang sinabi niya na maghahanap siya ng trabaho sa maynila at mag iipon at ang plano niyang makakuha ng scholarship sa unibersidad sa manila.

"Tatawagan ko si Joyce mamaya Cherry, mas mapapangalagaan ka niya doon. Pakikiusapan ko na dun ka na lang muna sa kanya pansamantala. Sige na matulog ka na at babalitaan kita bukas ng umaga kung ano ang mapag usapan namin ng kaibigan ko." taboy na ni Loudes sa anak.

"Sige po Nay, Tay, matutulog na po ako. Goodnight po sa inyo." hindi na niya hinintay na magsalita pa ang dalawa at pumasok na siya ng silid nilang magkakapatid.

Bago siya nahiga ay nilapitan niya ang dalawa niyang kapatid na lalaki na magkatabi sa isang papag at mahimbing na natutulog. Inayos niya ang pagkakakumot sa dalawa at pinagmasdan ang mga kapatid.

***

Kinabukasan pagkagising niya ay ibinalita ng kanyang ina na pumayag ang kaibigan nitong si Joyce na tumira siya sa bahay nito.

"Nay, paano niyo po naging kaibigan si aling Joyce po pala?" usisa niya sa ina.

"Nagkasama kaming serbidora sa isang maliit na karinderya noon sa Manila. Ipinasok ako ng madrasta ko sa tiyahin niya na may ari ng kainan. Matagal din kaming naging magkaibigan. Nagkahiwalay lang kami nung pumayag akong sumama sa itay mo na umuwi rito sa probinsiya nila. Dahil nabuntis na ako sa'yo noon kaya nagtanan kami ng itay mo." kwento ng ina niya sa kanya.

"Ah okay po! Mabait po ba talaga si aling Joyce, nay?" muli niyang tanong.

"Ay ou naman Cherry. Wag kang mag alala, madalas kita tatawagan roon kapag nandun ka na kapag may panahon at pamasahe dadalawin kita doon. Basta makisama ka don ha, wag kang tatamadtamad." ani pa ni Lourdes sa anak.

"Opo, masipag naman ako ah!" sagot niya sa ina.

Nginitian siya ng Inay niya at pinisil ang dalawa niyang kamay.

"Ayusin mo na ang mga gamit mo. Nakahiram na rin ako kay Mang Jun ng pamasahe mo at panggastos mo kapag naroon ka na. Ihahatid na lamang kita sa sakayan ng bus mamaya. Hindi ako pwede magtagal at walang kasama mga kapatid mo rito." utos ni Lourdes kay Cherry.

Kumuha ng papel at ballpen ang kanyang ina at isinulat ang address ng kaibigang si Joyce. Inilagay din ang contact number ng babae kung sakali na maligaw si Cherry ay maaaring tawagan ni Cherry ang phone number ni Joyce.

"Ito, itago mo ito. Ingatan mo at wag mong iwawala. Address iyan ng bahay ni Joyce sa Tondo at yan ang cellphone number niya. Inaasahan ka niya na darating ngayong araw sa kanila. Mag iingat ka Cherry don ha, maraming siraulo sa lugar na yon at umiwas ka sa tukso. Hala, sige kumain ka na muna at asikasuhin ang mga dadalhin mo. Mas okay kung maaga kang makapagbyahe nang hindi ka gabihin sa paghahanap ng bahay ni Joyce." nalulungkot na saad ng inay ni Cherry na halatang ayaw ipakita sa kanya.

"Nay, thank you po. Pangako susundin ko po lahat ng bilin mo at magpapakabait po ako. Mahal ko po kayo nila itay at ng mga kapatid ko. Tatawag po ako madalas para hindi ninyo ako ma miss. Maghahanap po agad ako ng trabaho roon upang mabayaran agad natin si Mang Jun." ang sabi pa ni Cherry.

Pagkalipas ng ilang oras ay naglalakad na silang mag ina sa kalsada patungo sa sakayan ng tricycle na maghahatid sa kanila sa hintayan ng bus malapit lang sa lugar nila.

Napadaan sila sa bahay nila Annika. Nais sana niyang kausapin pa ang kaibigan pero naisip niyang wag na lang siguro at baka magkaiyakan na naman silang dalawa. Nakapagpaalam naman na siya kahapon kaya siguro ay tatawagan na lang niya ang kaibigan kapag nasa maynila na siya.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
GIRLY DE TOMAS
Good luck cherry sana makahnap.ka ng trabho ...
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status