Share

KABANATA 3

Apolonia

"Sure ka ba riyan, my loves? Hindi ba iyon scammer?" nag-aalalang tanong ni Vi sa akin nang sabihin ko ritong kinontak ko ang ginang na nangako kahapon na handa raw na tumulong sa akin at nakikipagkita ito sa akin ngayon.

"Hindi naman siguro..."

"Naku ka naman, my loves! Baka mapahamak ka riyan, ah."

"Mukha naman siyang mabait, ang ganda nga niya, saka mukhang mayaman talaga."

"Jusme. Hindi ka ba nanunuod ng balita? Sa panahon ngayon kahit na gaano pa kaganda o kaamo ang mukha ng tao, minsan sa likod niyon ay manloloko, scammer at demonyo pala."

"Huwag ka namang manakot."

Huminga ito nang malalim. "Hindi ako nananakot, nagsasabi lang ako ng totoo at nagpapaalala lang ako. Kaibigan kita at mahal kita, Apol. Ayoko lang na mapahamak ka o may mangyaring masama sa iyo."

Niyakap ko ito. "I know. Thank you, my loves."

Tinapik-tapik nito ang likod ko. "Hay, nako. Bahala ka na nga, sana lang talaga ay tama ka sa hinuha mo sa pagkatao ng taong iyon."

"Ikaw na muna ang bahala kay Popsy rito, ha?" hiling ko, tutal naman ay halatang payag na ito.

"Ano pa nga ba? Basta mag-ingat k-ka, tawag ka agad kapag scammerist iyon, my loves," bilin nito bago ako niyakap nang mahigpit habang nanginginig ang tinig.

"Huwag mo akong iyakan, bruha. Babalik naman ako, safe and sound, I promise," pangako ko bago kumalas sa pagkakayakap dito.

Akala ko ay tapos na ito pero pinudpod pa ako nito ng maraming bilin bago tuluyang pinakawalan at hinayaang umalis.

Naabutan ko naman ang ginang na naghihintay na sa akin sa coffee shop na sinabi nitong pagkikitaan namin.

"Ma'am?" tawag pansin ko rito dahil abala ito sa pagbabasa sa kung ano sa telepono nitong hawak.

Kaagad naman itong nag-angat ng tingin, isinarado at ibinaba ang hawak sa mesa, pagkatapos ay nginitian ako.

"Maupo ka, dear."

Sinunod ko ang sinabi nito.

Tumawag naman ito kaagad ng crew at binigyan kami ng menu.

Nagsabi ang ginang ng order nito.

"Ikaw, what do you want, dear?"

"Iced Americano na lang po."

"How about pastries?"

Umiling ako. "Hindi na po, okay na po ako sa coffee."

"Alright," sagot nito bago binalingan ang crew at ibanalik ang menu.

Nang makaalis na ang lalaki ay agad na binalingan ako ng ginang.

Naiilang at nahihiya naman akong ngumiti rito.

"I believe na handa mo nang tanggapin ang alok ko," panimula nito.

Napakamot ako sa batok. "N-Nakakahiya man po, pero gano'n na nga po."

"Since, payag ka na. We need to have a deal."

Kinabahan akong bigla. "P-Po? Deal?"

"Yes, deal, my dear."

Napalunok ako. "Pero akala ko po ay tutulungan ninyo ako..."

"Well, wala nang libre sa panahon ngayon."

Naumid ang dila ko.

"Kailangan mo akong bayaran sa itutulong ko sa iyo, hindi sa pamamagitan ng pera, kundi sa ibang paraan."

Sht. Mukhang tama yata si Vi at mali yata akong sa sapantaha na anghel ito na ipinadala ng Panginoon.

Akmang tatayo na sana ako upang iwanan ito pero sinenyasan ako nitong maupong muli.

"Don't worry, hindi ako parte ng ano mang sindikato. Inaanyayahan kita na makinig ka na muna sa proposal ko bago mo ito tanggihan."

Napipilitan na naupo akong muli.

"Are you ready to listen now?"

Atubili man ay tumango ako.

"Tutulungan kitang mapaoperahan ang ama mo, kapalit ng apat na misyon na ipapagawa ko sa iyo."

Nangunot ang noo ko. "Apat na misyon?"

"Yes, dear. Una, kailangan mong magtrabaho bilang sekretarya ng pamangkin ko. Siya ang kasalukuyang CEO ng kompanya ng aming pamilya," panimula nito.

Magtatrabaho ako para sa CEO?

Ang gara, parang sa mga kdrama at movies lang, ah.

"P-Pero mayroon po akong trabaho," pagbibigay alam ko rito.

"Resign immediately."

"Pero hindi ko po afford na i-give up ang trabaho ko, paano ko na lang po tutustusan ang kakailanganin ni Popsy after ng surgery..."

"Huwag kang mag-alala, may suweldo ka pa rin sa pagtatrabaho sa pamangkin ko at ako na rin ang bahala sa iba pang gastusin pagkatapos ng surgery."

Napakurap-kurap ako.

Iyon naman pala, pabor naman pala sa akin ang lahat. Pero bakit sobrang generous naman yata nito?

"Pangalawa, kailangan mong makipaglapit at kuhanin ang loob ng pamangkin ko."

"Bakit po?" nagtataka kong tanong.

"That's an order and that's part of your mission."

Napakalinaw na ayaw nitong i-elaborate at sabihin sa akin kung bakit at ano ang pakay nito.

"Pangatlo, wala kang dapat na pagsabihan tungkol sa ating kasunduan at sa misyon mo, lalo na kay Druskelle, ang pamangkin ko na siyang magiging boss mo, maliwanag ba?"

Naguguluhan man sa pag-a-analyze sa nais nitong ipagawa sa akin at sa motibo nito sa pamangkin ay nanahimik na lamang ako.

Wala naman siguro itong binabalak na masama kasi kapamilya at kadugo naman nito ang pinag-uusapan.

"At ang pang-apat, surprise iyon, saka ko na sa iyo sasabihin. Nakasalalay sa tatlo na nabanggit ko ang pag-e-execute ng ikaapat na misyon mo. Kung hindi mo magagawa ang mga sinabi ko sa loob ng isang taon, kailangan mong ibalik sa akin ang lahat ng magagastos ko before and after ng operasyon ng iyong ama."

Nahigit ko ang aking hininga.

"What do you think? Hindi ba at ang ganda ng proposal ko?" untag nito sa akin.

Tinitigan ko itong mabuti, hindi mapakali ang aking isip sa motibo nito sa pamangkin at sa ikaapat na misyon na surprise raw.

Habang nag-iisip, sakto naman ay dumating na ang order namin.

Agad akong uminom sa para sa akin dahil inuuhaw akong tunay sa pinag-uusapan namin.

"Ano na ang desisyon mo, dear? Is it a deal or no deal?" tanong nito, chill na chill.

Samantalang ako ay hindi ko makuhang mag-chill.

"B-Baka naman po ang huling misyon ko ay ipapalason o ipapapatay ninyo sa akin ang pamangkin ninyo? Hindi ko po magagawa iyon, ibang tao na lang po ang alukin ninyo sa tulong na gusto ninyong ibigay sa akin," diresto ko nang tanong, marami pa akong pangarap, ayokong masangkot sa krimen at makulong.

Baka sa halip na gustuhin pang mabuhay ni Popsy ay maging kabaligtaran na lang ang maisipan nito dahil sa kakahinatnan ng buhay ko. Ang dami nitong hirap at sakripisyo para lang mapalaki ako, tapos kalokohan ang isusukli ko.

Tumawa ito nang malakas, halatang naaaliw bago napailing-iling. "No. Katulad nang sinabi ko, he's my nephew. I have no plans of killing him. Anak siya ng kapatid ko. Iisang dugo ang nananalaytay sa ugat namin. Hindi ko makakayang ipagawa ang naiisip mo."

Nakahinga ako nang maluwag dahil sa narinig sa bibig mismo nito.

"What now? Do you want to take the deal?" tanong nito makalipas ang ilang sandali.

Kinagat ko ang labi ko bago napapikit nang mariin.

"Pag-isipan mong mabuti. Madali lang naman kung tutuusin ang misyon na ipapagawa ko at para naman sa ama mo ang gagawin mong ito," nangungumbinsi ang tinig na sabi nito.

Dahil binanggit nito si Popsy ay naalala ko ang kalagayan nito.

Your father needs to go through bypass surgery immediately...

Kung pakakawalan ko pa ngayon ang alok ng kaharap ko, hindi ko na alam kung saan pa ako hahanap ng malaking halaga para sa operasyon.

Answered prayer ko na ito kung tutuusin pero hindi ko pa rin mapigilan ang kabahan at magkaroon ng agam-agam.

Hays, bahala na nga!

Huminga ako nang malalim. "S-Sige po, para kay Popsy..."

Napangiti ito nang maluwang bago kumilos at may kinuha sa katabing upuan nito na isang folder, pagkatapos ay ipinatong nito iyon sa mesa at iniusog papalapit sa akin.

Napatitig ako roon.

Kahit hindi pa ito nagsasalita ay may ideya na ako kung ano ba ang laman ng folder.

Segurista.

"My family runs many businesses. Being a business-minded person, I view our agreement as a business transaction, and every transaction that I make is accompanied by a written and formal agreement. So I've written a brief and a small contract here. Before agreeing to finalize our terms and arrangements, please read them well, dear," paalala nito, hindi ko alam kung kailangan ko ba lalong ikakaba at ikapangamba.

Isa lang ang sigurado ako, may pagkasegurista nga talaga ang isang ito.

Pero sabagay, hindi ko naman ito masisisi, hindi naman din kasi birong halaga ang pakakawalan nito kung sakali kaya kailangan talaga ng kontrata.

Ako na ang kusang nagbuklat niyon at katulad nang sinabi nito ay binasa ko iyon nang mabuti at mga tatlong ulit yata.

Ang laman ng kontrata ay katulad lang din mismo ng mga sinabi nito sa akin, sa loob ng isang taon ay kailangan kong mapagtagumpayang gawin ang mga misyon.

Pinirmahan ko na ang kontrata dahil wala naman akong nakitang kakaiba roon na wala sa pinag-usapan namin.

Iaabot ko na sana rito ang kontrata ngunit nangunot ang noo ko noong may mapagtanto at may mapansin. "T-Teka lang po, paano ninyo pong nalaman ang buong pangalan ko? Hindi ko pa naman po iyon nasasabi sa inyo, ah..." usisa ko dahil naalala ko na nakasulat na mismo sa kontrata ang pangalan ko.

Ibinaba nito ang sinisimsim na baso ng kape. "Well, I'm a business-minded individual, remember? I have had your background checked, my dear Apolonia Marquez, Apol for short, right?" simpleng sagot nito.

Mukhang mapera talaga ito at nakuha pang maglustay ng pera para lang magpa-background check.

"Since, hindi pa rin ako formally nagpapakilala sa iyo... I want to take this opportunity to introduce myself. I'm Mrs. Minerva San Diego, one of the shareholders of Saavedra Group," pakilala nito bago hinila sa kamay ko ang folder ng kontrata.

Nanlaki ang mata ko at kulang na lang ay mapanganga ako dahil sa narinig.

Saavedra Group? At shareholder?

Fck! Yayamanin nga talaga si madam!

"H-Hindi po ba at Saavedra Group ang nagmamay-ari ng maraming shopping mall dito sa bansa?" paglilinaw ko.

"Yes."

Gustong manlaki ng ulo ko.

Paanong ang isang tulad kong dukha ay nagkaroon ng pagkakataon na makadaupang palad at makaharap ang isang rich person na katulad nito?

"Anyway, since nakapirma ka na. Okay na ang ating kasunduan. Ipapadeposito ko na lang sa iyong bank account ang pera para sa operasyon ng iyong ama," sabi nito bago kami naghiwalay ng landas.

Mabilis na lumipas ang mga araw, tinotoo ni Mrs. San Diego ang pangako nitong tulong pinansiyal at dahil doon ay natuloy ang operasyon ni Popsy, umayos na ang lagay nito, nagpapagaling at nagpapalakas na lamang ito sa ospital.

Ngunit katulad nga nang sinabi ni Mrs. San Diego sa akin noong huli ko itong nakaharap ay wala nang libre sa panahon ngayon, ako naman ang kailangang tumupad sa kasunduan at napag-usapan namin.

Dahil segurista talaga itong tunay ay inayos na nito pati ang pagpasok ko sa kompanya at kinuhanan pa nito ng private nurse si Popsy na siyang mag-aasikaso rito upang hindi ko na ito problemahin pa habang isinasagawa ko ang misyon na iniatang nito sa akin, pinakiusapan ko na lamang si Vi na tingnan-tingnan ito habang wala ako dahil dumating na ang araw na kailangan ko nang pumasok sa bago kong trabaho sa Maynila.

Kasalukuyan na akong narito sa Saavedra Group at nakaupo sa visitor's lounge sa 10th floor ng building nang may isang matangkad at guwapong lalaki ang nakita kong papalapit sa mismong puwesto ko.

Bigla akong kinabahan.

Hindi ko alam kung dahil sa presensiya at kaguwapuhan nito o dahil sa trabaho na naghihintay sa akin.

Pasimpleng nahigit ko ang aking paghinga nang ngitian ako nito na lalong nagpatingkad sa kaguwapuhan nitong taglay nang tuluyan na itong nakalapit sa akin.

"Good morning. Sorry, I'm late. You're Ms. Apolonia Marquez, right?"

Lumunok ako dahil parang nanuyo ang lalamunan ko. "G-Good morning po. Y-Yes, Sir," nauutal kong sagot.

"Are you alright?"

Alanganin akong napangiti. "Y-Yes, I'm just a bit nervous, Sir," amin ko.

Sumilay ang tila amusement sa mata nito. "Don't be. I won't bite unless you allow me to."

Kahit na kinakabahan at parang natutuliro dahil sa karismang taglay ng kaharap ay nakuha ko agad ang sinabi nito na tila ba may laman.

Agad na nag-init ang pisngi ko at naumid ang dila ko habang nanlalaki ang mata.

"Gotcha!" anito at sa gulat ko ay tumawa na lang itong bigla nang malakas.

Maang na napatitig na lamang tuloy ako rito.

Hala, kay guwapo sana, kaso may sayad pa yata.

Tumigil din naman ito kapagkwan, ngunit halata pa rin ang katuwaan na sumisilay sa mata at labi nito na alam kong pilit lang nitong sinusupil.

"I'm sorry, I was just kidding. Masyado ka kasing seryoso at halatang kinakabahan. Relax, okay? You don't have to be afraid. Mababait ang mga tao rito."

Napakurap-kurap ako habang nakatitig sa halos perpekto na yatang features ng mukha nito.

Yumuko ito at magaang tinapik-tapik ang ibabaw ng ulo ko. "Huwag ka nang kabahan, okay? I got you."

Yes, you've got me. P*****a ka, ang guwapo mo naman kasi.

Tumayo na rin ito nang tuwid kapagkwan bago namulsa. "Let's go? Marami-rami ang kailangan kong i-discuss at ituro sa iyo, Ms. Secretary. Maraming trabaho ang naka-pending, naghihintay at gusto kang i-welcome sa iyong pagdating," magaan ang tinig na yaya nito.

Tinatakot ba ako nito?

Nang hindi ako tuminag ay isinenyas nito sa akin ang ulo upang tumayo na at sumunod dito. "Halika na, marami pa tayo parehong trabaho na naghihintay sa opisina. Hindi dapat tayo nagsasayang ng oras. Sige ka, kay bago-bago mo, baka palitan kita."

Hala, ito kaya ang magiging boss ko? Ito na ba mismo ang pamangkin ni Mrs. San Diego na CEO ng kompanya?

Gusto ko pa sanang mangarap nang gising, ngunit nang matanto ko ang huling sinabi nito ay naalala ko agad ang misyon ko kaya napatayo ako.

Medyo na-conscious nga lang ako noong pasadahan ako nito nang tingin noong makatayo na ako at napansin ko ang pagtaas ng isang sulok ng labi nito bago ito tumalikod at nag-umpisang naunang naglakad.

Did he check me out?

Napalunok ako dahil sa naisip.

Hoy! Huwag kang ilusyunada riyan, Apol.

Iwinaksi ko na lang iyon sa isipan at sumunod na rito bago pa man ako mapatalsik at mabulilyaso ang misyon ko.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status