Share

CHAPTER 3

“TEN MILLION PESOS ang halaga ng kwintas na ito?” Hindi mapaniwalang bulalas ni Natalia habang isinusuot sa kanya ni Alysson ang kwintas na gawa sa white gold at mga diamante.

            “Oo kaya ingatan mo,”  sagot ni Alysson sa kanya, “Yang kabuuan mong bihis, kasama ang bag at sapatos mo, pati na rin yang gown at mga alahas mo, humigit kumulang nasa 45 million pesos.”

            Bahagya siyang nasamid, “45 million pesos?” May pait sa mga labing napangiti siya, konting-konti na lang at katumbas na iyon ng halaga ng inutang ng Papang niya.  Napatingin siyasa suot niyang kumikinang na bracelet.  Ang mahal pala ng mga alahas na ito and yet ipinagkakatiwala lang ito sa aking ipasuot ni Mr. Sy?

            “Naghihintay na si Sir sa labas,” anang maid nang sumilip sa kanyang silid.  Kinakabahang napatingin siya kay Alysson. 

            Ngumiti si Alysson sa kanya, “Good luck. You’ll be fine,” pagbibigay assurance nito sa kanya.

            Hindi niya alam kung saan siya dadalhin ni Mr. Sy.  Kung anu-ano tuloy ang tumatakbo sa isipan niya.  What if ikalakal siya nito sa mga kasamahan nito sa negosyo?  Hindi ba ganuon sa mga action movies na napapanuod niya?  Pero wala siyang leading man na handang magtanggol sa kanya.  Imposible namang matulungan siya ni Timothy kung sakali.  Ni wala nga siyang narinig mula dito pagkatapos niyang ipaalam kung nasaan siya.  Saka ano bang laban nito sa makapangyarihang gaya ni Mr. Sy? 

            Iginiya siya ng isa sa mga tauhan nito papasok ng sasakyan.  Nanduon na sa loob si Matt, nakatuxedo ito, napakaguwapo at napakabango.  Kung ngayon lamang niya ito nakita at hindi niya alam ang ugali nito, marahil ay nagka-crush siya dito.

            “Hindi ko alam kung bakit kailangan mo akong isama kung saan ka man pupunta ngayon.  But I’m warning you, kung me balak kang ibenta ako sa mga ka-negosyo mo. . .”

            “Will you please shut up!” Sita nito sa kanya,  “Masakit sa ulo ang boses mo!” anito saka ipinikit ang mga mata.

            Natahimik siya.  Pero hindi niya mapatahimik ang utak niya.  Kung anu-anong tumatakbo sa isipan niya.  Clueless siya kung anong balak nitong gawin sa kanya.  Parang hinahalukay ang sikmura niya habang nakaupo malapit sa tabi nito. 

            Pagkatapos ng twenty minutes ay pumasok ang sasakyan sa isang malaking-malaking gate.  Kasinglaki ng gate ng bahay ni Mr. Sy  pero kulay puti ang pintura niyon.  Napakahaba rin ng itinakbo ng sasakyan nila papasok sa loob.  Doble ang laki ng mansion na iyon sa bahay ni Matt.  Nalulula na siya.  Hindi siya makapaniwalang may ganito kayayaman na mga tao habang sila ay halos namumrublema kung saan kukuha ng gagastusin sa araw-araw.

              Inalalayan siya ng body guard nito pababa ng sasakyan.  Bago pumasok sa loob ng mansion ay bumulong sa kanya si Matt, “Sasabayan mo lang ako sa kung anong sasabihin ko, okay?” Iminuwestra nito ang braso, iniangkla niya ang kamay sa braso nito. 

            Bahala na.

            Wala rin naman akong magagawa.  Hangga’t may utang akong 70 million sa lalaking ito ay magiging sunod-sunuran na lamang ako.  Ang tanong, hanggang kailan ba ito?  Saan ako kukuha ng 70 million para makabayad na ako sa lalaking ito?

            Marami ng tao nang pumasok sila sa loob.  Halatang pawang may mga sinasabi sa lipunan.  Namumukhaan pa nga niya ang ilan sa mga panauhin.  Mga celebrities, politicians at mga kilalang negosyante.  Mayroon ring mga foreigners.

            “Matt, iho,” bati ng isang matandang Chinese na lumapit sa kanila. “I’m glad, you’re here.  Akala ko’y hindi ka na sisipot sa engagement party ng pinsan mo.”

            “Of course, Uncle.  Bakit mo naman naisip na hindi ako darating?” Tanong ni Matt dito saka tumingin sa kanya, “By the way, Uncle, this is Natalia.  My girlfriend.”

            Nagulat siya sa tinurang iyon ni Matt.  Bakit siya ipinakilala nitong kasintahan?  Paano na lang kung may kakilala siya dito?  Malilintikan siya kay Timothy nito.  Pero hindi niya pwedeng kontrahin ang sinabing iyon ni Matt kung ayaw niyang magalit ito sa kanya.

            “Girlfriend or flavor of the month?” Pabirong tanong ng matanda dito na sinagot lang ni Matt ng isang tipid na ngiti.  Bumaling sa kanya ang matanda, “Biro lang iha.  But I must say, may taste ka talaga, Matteo!”

            Naiinis siyang para siyang tinitingnan ng mga ito hindi bilang tao kundi bilang isang bagay. Ganito ba talaga ang mga mayayamang lalaki?  Akala yata, lahat na lang ay pwedeng bilhin ng salapi.

            “Bakit mo ako ipinakilalang girlfriend mo?” Sita niya dito nang makalayo na ang matanda sa kanila,  “ May boyfriend na ako!”

            “I know,” kaswal lang na sagot nito sa kanya saka iginiya siya sa isang lalaki na halos kasing edad rin nito, “Edward!”

            “Matt!” Masayang bati nito saka nangunot ang nuo nang mapansin siya, “Ngayon ko lang siya nakita ha!”

            “Edward, this is Natalia,” Sabi nito saka bumaling sa kanya, “Si Edward, pinsan ko.  Sa kanya ang engagement party na ito.”

            “Matteo!”  Dinig niyang sabi ng matandang babae na papalapit sa kanila.

            “Mama!” Bati nito sa matanda saka nakipagyakapan dito, “By the way Ma, this is Natalia.”

            So ito pala ang ina ng lalaking ito?  Magandang Chinese pero mukhang napakasungit at parang kakainin ako ng buhay.  Nakakatakot sigurong maging mother-in-law ang matandang ito!

            Tiningnan siya ng matanda mula ulo hanggang paa.  Ilang na ilang siya lalo pa at napansin niyang halos lahat ng mga babaeng naroroon ay nakatingin sa direksyon niya at waring pinagkukumpara ang itsura niya sa itsura ng mga ito.  Ano bang meron?

            “Bakit nagsama ka ng ibang babae?” Dinig niyang tanong nito kay Matt, “Alam mo namang darating si Elena, hindi ba?”

            “Ma, bakit ba gustong-gusto ninyo akong ireto sa babaeng iyon?  Kaya nga ba hangga’t maari ayokong nagpupunta sa family events dahil dyan!”

            So, kaya niya ako pinagpapanggap na girlfriend nito ay dahil may inirereto ang pamilya nito kay Matt at obvious na hindi nito type ang babae!

            Medyo nakahinga siya ng maluwag nang maisip na hindi naman pala siya nito ibebenta sa mga ka-negosyo nito.

“ELENA, nakita mo ba iyong dinalang babae ni Matt?” Tanong ng kapatid ni Edward na si Jessica nang lapitan siya sa kanyang kinuupuang table.

            Sumama ang mukha niya.  Matagal na siyang may pagtingin kay Matt kaya nga kinasangkapan niya ang kanyang mga magulang at magulang nito para pilitin ang mga ito na magkaroon sila ng arrange marriage ng lalaki.

            Sa tradisyon kasi ng mga Chinese ay mga magulang ang pumipili ng babaeng mapapangasawa ng anak na lalaki.

            Ngunit hindi nila napahinuhod si Matt.  Tandang-tanda pa nga niya ang sinabi nito sa ama, sa oras na pilitin ninyo akong ipakasal sa kanya, hinding-hindi ko papamahalaan ang negosyong iiwanan ninyo sa akin.  Hindi ako natatakot maghirap.  Kaya kong tumayo sa sarili kong mga paa. In fact, marami na akong napalagong mga negosyo na wala ang tulong ninyo!

            At dahil nag-iisa lang na anak na lalaki si Matt, takot na takot ang mga magulang nitong totohanin ang banta nito.

            Kaya walang arrange marriage na naganap sa pagitan nilang dalawa ngunit hanggang ngayon ay desidido pa rin siyang mapaibig niya si Matt.  Kaya kaaway ang tingin niya sa lahat ng mga babaeng napapalapit dito.

            “Anong pangalan ng babaeng iyon?  Kailangan kong maipa-back ground check,” halos paanas lang na tanong niya.

            “Natalia something. Why don’t you ask her?”

            “Hindi sya familiar sakin.  Isang trying hard na artista? Or beauty titlist?” Tanong niya.

            Nagkibit ng balikat si Jessica, “I don’t have a clue.  Isa lang ang sigurado ako, she does not belong here.”

            Nilingon niya ang babae.  In fairness ay maganda ito.  Sabagay, wala pa naman siyang nakitang nakasama ni Matt na hindi maganda.

            “Wala kang dapat na ika-insecure, for sure flavor of the month lang yan ni Matt,” sabi sa kanya ni Jessica.

            Hindi siya nagsalita.  Pakiramdam niya ay iba ang isang iyon at hindi man niya aminin ay may takot siyang nararamdaman.  Na parabang maling tinik sa lalamunan niya ang babaeng kasama ngayon ni Matt. Never niyang naramdaman ang ganitong klase ng pakiramdam sa mga ibang babaeng nakasama nito.

            “Alamin mo ang buo niyang pangalan,” utos niya kay Jessica, “Try to be friendly. Baka kasi masyadong maging obvious kung ako ang magtatanong.”

            Napangisi si Jessica, “Sure.  Basta ba. . .”

            “May dala ako. Nasa kotse.  Mamaya, ibibigay ko saiyo,” Makahulugang sabi niya sa babae.

            “Okay,” Tumayo na ito at kaagad na pinuntahan ang kinaroroonan ng babaeng ka-date ni Matt.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status