Share

Chapter Two

TAHIMIK at walang kibong pumasok ang dalagang si Meg sa inuupahan niyang condo. Isa iyong rent to own condominium sa Makati. Mahigit limang taon na nila iyong binabayaran, pero maging sa mga oras na iyon ay hindi pa rin sila tapos sa pagbabayad rito. Mabuti na lamang dahil personal na kilala ng ka-live in niya ang may-ari ng condominium, kaya sa tuwing nagigipit ay nagagawa nilang pakiusapan ito.

"Saan ka nanggaling? Bakit dalawang araw kang hindi umuwi?"

Natigilan siya sa paghakbang nang marinig ang boses na iyon. Pagod niyang nilapag ang maliit na backpack sa ibabaw ng mahabang sofa sa maliit na sala ng condo nila, bago tumungo sa kusina at lumapit sa fridge. Binuksan niya iyon para kumuha ng maiinom.

"Kinakausap kita!"

Napairap siya matapos marinig ang pagsigaw nito. Lumapit siya sa kitchen island at pagkatapos ubusin ang tubig na laman ng baso, nilapag niya ito sa ibabaw.

Walang pakialam siyang lumabas ng kitchen habang pilit na pinapakita na wala lang sa kaniya ang galit nito. Agad naman siyang hinarangan nito sa dinadaanan niya at mataman na tinitigan. Bumungad sa kaniya ang matalim na mga mata nito na para bang handa na itong manakit ng tao anumang oras.

"Hindi mo ba ako narinig?"

Naiiritang napahilot siya sa sintido. "Puwede ba? Kay aga-aga, drama agad?"

Masama ang timpla ng mukha na nilagpasan niya ito, ngunit mahigpit siyang hinawakan nito sa braso dahilan upang matigilan siya muli.

"Are you cheating on me?"

Mabilis siyang umiwas ng mukha sa narinig. Umakto siya na parang naiinis at marahas na binawi ang kamay.

"Pagod ako!"

"Megara! Sagutin mo ang tanong ko! Iniiputan mo ba ako sa ulo?"

Inis na sinalubong niya ang mga mata nito habang mariing ikinuyom ang mga kamao. "Alam mo kung bakit ayaw kong umuuwi rito? Dahil diyan sa ugali mo! Masiyado kang tamang hinala! Puwede ba? Nakakairita na!"

Sinubukan niyang muling talikuran ito pero muli siyang pinigilan nito sa braso. "For once, will you be honest with me! Ilang taon na tayo, Meg! Respetuhin mo naman ang pinagsamahan natin!"

Napangiwi siya nang lalong humigpit ang pagkakahawak nito sa braso niya. "Ano ba? Nasasaktan ako!"

"Masasaktan ka talaga! Sabihin mo ang totoo! May iba ka na ba? Niloloko mo na ba ako, Megara?"

"Hindi!" Pinanlakihan niya ito ng mga mata. Buong lakas niyang binawi ang braso na mahigpit nitong hawak. "Puro ka hinala! Nakakapagod na! Kung ganito na rin lang, mas mabuti pang—"

"Ano? Makikipaghiwalay ka?"

Sa pagkakataong iyon ay bigla siyang natigilan. Sinalubong niya ang mga mata nitong nag-aapoy sa galit, pero sa kabila noon ay mababakasan pa rin ng sakit dahil sa tinatakbo ng usapan nila.

Pumikit siya at nagbuga ng hangin. "We need space."

Tuluyan niya itong tinalikuran at akmang papasok na sa silid nila, pero muli siyang natigilan nang marinig itong magsalita.

"Space? Ang sabihin mo, iiwan mo na ako! Mayroon ka nang iba kaya aalis ka na!"

"Isipin mo na ang gusto mong isipin! Wala na akong pakialam!" balik sigaw niya at tuluyang pumasok sa kuwarto nila. Malalim ang bawat paghinga niya nang may pagmamadaling kinuha niya ang sariling maleta at pinasok sa loob ang mga damit mula sa built-in cabinet.

Sumunod naman ito sa kaniya sa loob ng kuwarto nila, at agad na natigilan nang makita ang ginagawa niya. Tuluyang umagos ang mga luha sa magkabila nitong pisngi.

"Bakit kasi hindi mo pa aminin! Hindi ka manlalamig sa akin kung walang ibang nagpapainit sa iyo!"

Mabilis siyang natigilan at galit na nilingon ito dahil sa narinig. Sa tindi ng inis niya, nilapitan niya ito at sinampal sa pisngi. Nabaling sa ibang direksiyon ang mukha nito sa lakas ng sampal niya.

Ilang segundo rin itong natigilan. Kapagkuwa'y kumuyom ang mga kamao at binigyan siya ng malakas na sampal sa kanang pisngi. Napasinghap siya kasabay ng pagbagsak niya sa sahig.

"Paano mo nagawa sa akin ito? Minahal kita, Meg! Iniwan ko ang magandang buhay ko sa probinsiya para sa iyo!"

Tuluyang umagos ang luha mula sa mga mata niya dahil sa mga binitiwan nitong salita. Nag-angat siya ng mukha at sinalubong ang masama nitong tingin. Nang hindi na niya makayanang titigan ang nasasaktan nitong mga mata ay pinili niyang tumayo, at tahimik na pinagpatuloy ang ginagawang pag-iimpake.

Marahas itong umiling. Mariin pa rin itong nakatitig sa kaniya. "Don't leave me, Meg! Kung sino man siya, huwag mo siyang piliin! Mahal kita! Walang ibang magmamahal sa iyo katulad ng pagmamahal ko!"

Hindi niya ito binigyan ng pansin at mas lalong binilisan ang ginagawa. Tuluyan itong lumuhod sa paanan niya at nagmakaawa. Yumuyugyog ang magkabilang balikat sa pag-iyak. Namumula ang buong mukha nito at napupuno ng luha ang magkabilang pisngi.

"Ano bang problema? Sabihin mo sa akin at aayusin ko! Meg, please, don't do this. Ano'ng mayroon sa kaniya? Ano ang pagkukulang ko? Sabihin mo sa akin, Meg!" Naramdaman niya ang magkabilang kamay nito sa isa niyang binti. "Nakahanda akong punan ang lahat. Iyong mga naibibigay niya sa iyo, pagsisikapan ko para maibigay—"

"Hindi na kita mahal!" bulyaw niya na ikinatigil nito.

Marahas niyang pinahid ang mga luha sa sariling pisngi. Ilang ulit siyang umiling habang pinagmamasdan ang lumuluha nitong mukha.

"Wala ka nang puwedeng gawin. I'm sorry pero hindi na talaga kita mahal." Umiling siya nang ilang ulit.

Agad niyang sinarado ang maleta at mabilis na binuhat ito palabas. Kinuha niya ang backpack sa mahabang sofa saka lumapit sa pinto.

Sandali pa siyang tumigil sa bukana ng nakabukas na pintuan bago muling nilingon ang pinto ng silid nila. Inaamin niyang minahal niya ito nang sobra sa loob ng limang taong pakikipagrelasiyon dito, and she didn't mean to fall out of love. Pero sadyang said na ang pagmamahal niya para dito.

MAKALIPAS ng mahigit tatlong linggo, nasa isang five-star hotel si Meg at kasalukuyang naghahanda para sa kasal nila ni Russel sa araw na iyon. Nakaupo siya sa harap ng malaking salamin at nakangiti sa sariling repleksiyon.

Ang ipinangako niya noon sa yumaong ina na balang araw ay maikakasal siya, ngayon ay matutupad na niya. Nakasuot siya ng simpleng wedding dress. Hindi iyon agaw pansin pero gawa ng isang sikat na designer mula pa sa ibang bansa kaya classy kung pagmamasdan. Simple lang din ang makeup niya. Hindi na siya naghangad nang sobra. What's important to her is to get married to the man that she loves.

Mula sa repleksiyon niya, nag-angat siya ng tingin sa malaking orasan na nakasabit sa pader ng hotel suite. Malapit nang mag-alas-diyes ng tanghali. Alas-diyes y medya ang oras ng kasal nila. Hinihintay na lamang niya ang pagdating ng personal assistant na ibinigay sa kaniya ni Russel at sabihin nitong oras na ng pagpunta niya sa simbahan.

Nang marinig ang pagbukas ng pintuan ng hotel suite, agad siyang lumingon at hinintay ang pagpasok ng assistant niya sa pintuan ng silid. Pero ang ngiti sa mga labi niya, unti-unting naglaho nang makilala ang bagong dating.

Nakasuot ito ng itim na damit at sombrero. Umaagos ang luha sa magkabila nitong pisngi. "Huwag mo siyang pakasalan, Meg."

Comments (2)
goodnovel comment avatar
Jocelyn Pioquinto Armario
maawa ka sa kanya meg
goodnovel comment avatar
Ma Jahaizah Menes
owemgeeeee! ang ganda ng story !...
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status