Share

Chapter Three

Nakaramdam siya ng matinding kaba sa sinabi nito. Natakot siya bigla na baka manggulo ang ex niya at pigilan nito ang kasal nila ni Russel.

Hawak ang wedding bouquet, agad siyang tumayo at malakas ang kabog ng dibdib na sinigawan ito. "What are you doing here!"

"Don't marry him! Meg, sumama ka na sa akin! Umalis na tayo rito!"

Mariin siyang umiling. "Nababaliw ka na! Can't you see? It's my wedding day! Umalis ka na!"

"Megara, please!" Lalong umagos ang masaganang luha mula sa mga mata nito. "Huwag mo naman gawin sa akin ito! Limang taon, Meg! We were in a relationship for five years! Itatapon mo lang ang lahat ng iyon?"

Namumula ang mukhang humikbi ito. Unti-unting lumalapit sa kaniya. Sa bawat hakbang nito palapit sa kaniya ay siyang atras naman niya palayo rito dahil sa takot at kaba sa puwede nitong gawin.

"Kung hindi ka pa aalis, tatawag ako ng mga guards!"

Mabilis itong natigilan sa narinig. Nasasaktang sinalubong ang mga mata niya. "Paano mo nasasabi iyan? Wala na ba talaga para sa iyo ang mga pinagsamahan natin?"

Tumalim ang paningin niya. "Oo! Wala na sa akin ang lahat ng iyon! Kinalimutan ko na!"

"Hindi iyan totoo... "

"Puwede ba? Maawa ka naman sa sarili mo! Nagmumukha ka nang kawawa! Hindi na nga kita mahal, kaya tumigil ka na! Tanggapin mo na lang iyon!" Tinitigan niya ito na para bang nandidiri siyang pagmasdan ito.

Ayaw na niyang makita ang pagmumukha nito. Ang tanging gusto na lamang niyang gawin nang mga oras na iyon ay makapagsimula kasama si Russel.

Ang pait na makikita sa mukha nito, unti-unting napalitan ng galit. "Isinusumpa ko, Megara. Hindi kayo magiging masaya. Balang araw, gagawin din sa iyo ng lalaking iyon ang ginawa mo sa akin. At oras na dumating ang araw na iyon, babalik ka rin."

Nang-uuyam siyang ngumiti. "Hindi niya ako iiwan—hindi niya ako lolokohin! Mahal ako ni Russel at mahal ko rin siya! Walang makapaghihiwalay sa amin. Umalis ka na!"

Kinuha niya ang bote ng mamahaling pabango sa ibabaw ng vanity show sa likuran niya at marahas itong tinapon sa sahig. Sa lakas niyon ay nabasag ang bote ng perfume nang bumagsak ito sa sahig.

Pinahid nito ang mga luha sa pisngi at malungkot siyang pinagmasdan. "Mahal kita, Meg. Kung hindi ka magiging akin, mas mabuti pang... mamatay na lang ako."

Natigilan siya sa sinabi nito. Matagal silang nagkatitigan na tila ba nagsukatan ng tingin, pero kahit na nababahala siya sa mga salitang lumabas sa bibig nito, hindi niya tinangkang pigilan ito hanggang sa tuluyan itong makaalis.

Anuman ang mangyari, wala na siyang pakialam dito. Parte na ito ng nakaraan niya na dapat niyang limutin. Nang tuluyang mawala ito sa paningin niya ay kinalma niya ang sarili at muling sinipat ang hitsura sa salamin.

Dumating ang oras ng pag-iisang dibdib nila ni Russel. Buong oras ng paglalakad niya sa gitna ng aisle, hindi niya mapigilan ang sarili na luminga sa paligid niya. Maraming dumalo sa kasal nila pero siniguro ni Russel na walang makakapasok na media. Natatakot siya na baka biglang sumulpot ang ex niya at guluhin ang kasal nila. Kung magkataon ay malaking iskandalo.

Maging sa pagsisimula ng seremonya hanggang sa pagpapalitan nila ng vows ng lalaki, nilalamon pa rin ng kaba ang dibdib niya.

"Russel Lacuesta, will you take Megara Talavera to be your wife?"

Matamis na ngumiti ang lalaki. Dinala pa nito sa sariling mga labi ang kamay niya na hawak nito buong oras ng seremonya bago tumango.

"Yes, I do."

Mariin siyang lumunok bago tumugon ng ngiti rito.

"Megara Talavera, will you take Russel Lacuesta to be your husband?"

Nang marinig ang tanong ng pari, hindi agad siya nakasagot. Malalim ang bawat paghingang nilingon niya ang nakabukas na pintuan ng simbahan at natigilan nang makita ang taong nakatayo sa gilid ng pinto; malungkot na nakatanaw sa kanila.

"Baby?"

Narinig niya ang pabulong ngunit kabadong tinig ni Russel. Binalingan niya ito at nakita ang nag-aalala nitong mukha.

"U-uhm." Kinakabahan siyang muling lumingon sa bungad ng simbahan, ganoon na lang ang pagtataka niya nang hindi na makita roon ang dating katipan.

Nang marinig niya ang mahinang bulungan ng mga tao sa paligid, saka lamang siya nabalik sa reyalidad.

Ilang ulit siyang lumunok bago muling tinitigan sa mukha ang lalaki. "I-I do."

Nagbuga ito ng hangin, saka sumilay ang isang ngiti sa mga labi. Tila nabunutan ito ng tinik sa dibdib dahil sa pagsagot niya.

"You may now kiss the bride."

Nang itaas ng lalaki ang belo niya, pinagsaluhan nila ang mabilis ngunit puno ng pagmamahal na halik.

KASALUKUYAN silang nasa loob ng airport at nakaupo sa waiting area habang hinihintay ang pagtawag sa pangalan nila. Nakaunan siya sa balikat ni Russel at nakangiting pinagmamasdan ang mga kuha nila noong kasal sa cell phone niya na hawak niya.

Bahagya siyang nadismaya nang makita ang hitsura niya sa mga litrato. Halata kasi na hindi siya mapakali at may iniisip. Nagsalubong ang mga kilay niya. Sinisisi niya ang ex niya sa nangyari. Kung hindi lang ito nagpakita bago ang kasal nila ni Russel, hindi sana siya mamomroblema nang ganoon.

"Are you excited?" bulong ni Russel at kinuha pa ang kamay niya saka dinala sa mga labi nito.

Nag-angat siya ng mukha at ngumiti. "Pupunta tayo sa Hawaii para mag-honeymoon, pero nauna na ang honeymoon natin, hindi ba?" pilya niyang bulong na ikinatawa ng lalaki.

"Hindi bale. Let's make this honeymoon extra special." Hinawakan siya nito sa baba at hinalikan sa mga labi.

Nasa ganoon silang akto nang bigla niyang marinig ang pagtunog ng selpon niya. Binawi niya ang labi bago tinitigan ang monitor ng screen ng kaniyang cell phone. Isang malapit na kaibigan nila ng kaniyang ex ang tumatawag. Ayaw na sana niya itong sagutin, pero pinilit siya ni Russel na tanggapin ito.

"Yes, Roy?" bungad niya sa kabila.

Natigilan siya at bahagyang kumunot ang noo nang mapansing tila hindi mapakali ang lalaki sa kabilang linya. Nang sabihin nito ang dahilan, hindi makapaniwalang naibaba niya ang hawak na cell phone.

"Baby, what's the matter?" Napansin ni Russel ang pagkabalisa niya.

Tulala siyang napalunok. "P-patay na raw ang isang kaibigan namin..."

"What? Sino? Kilala ko ba?" Nabuhay ang pag-aalala sa tinig nito.

Mariin siyang pumikit kasabay ng pag-iling niya. Muling nagbalik sa isip niya ang huling mga salitang binitiwan nito sa kaniya noong magtungo ito sa hotel suite.

"Mahal kita, Meg. Kung hindi ka magiging akin, mas mabuti pang... mamatay na lang ako."

Mga Comments (3)
goodnovel comment avatar
Jocelyn Pioquinto Armario
ayan dalahin mo yan sa konsensya mo meg
goodnovel comment avatar
Jerme Mallo Langga
maganda siya basahin
goodnovel comment avatar
Ma Jahaizah Menes
kaasar yang meg ... R.I.P agad ...
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status