Share

Chapter 6

SA kabila nang nangyari kagabi ay inasikaso ko pa din si Ivan. Pinakain ko siya at tinulungang magbihis.

May go signal na ang doktor na puwede na siyang umuwi kaya hinihintay na lang namin na ma-settle ang bills niya.

Nakaupo ako sa sofa, habang si Ivan naman ay nakaupo sa gilid ng kama. Ang kaniyang kapatid ay nasa hamba ng pinto at tila ba nakikipagparamdaman sa amin.

Pansin ko ang paninitig ni Ivan pero ni minsan hindi ko siya sinulyapan.

"Let's go," sabi ni Mommy. Hawak na niya ang resibo at ilang reseta ng take home medicine ni Ivan. Sa kaniyang likod ay may nakasunod na nurse na may tulak-tulak na wheelchair.

"Sa bahay na lang kayo umuwi, habang nagpapahinga kayo."

Hindi ako sumagot at hinintay ko si Ivan na magreklamo pero tanging buntong hininga lang ang sagot niya roon.

Inalalayan siyang sumakay sa wheelchair. Nauna na siyang lumabas ng pinto habang tulak ng kaniyang kapatid ang wheelchair. Pilit akong nginitian ni Mommy. Inakbayan niya ako at giniya palabas. Hindi ako nagsalita.

Sina Mommy at Daddy naman ay pansin ko ang madalas nilang pagsulyap sa isa't isa.

"Sa guestroom na lang kayong mag-asawa. Kailangang magpaaraw ni Ivan sa umaga kaya mahihirapan siya kung sa silid niya sa taas kayo matutulog na mag-asawa," sabi ng kaniyang mommy. Walang nagsalita sa amin ni Ivan. Ang lalim ng iniisip niya at mula kanina ay wala siyang sinabi na ni isang salita.

Mas mabuti na siguro iyon kaysa ikakasakit lang naman ng mga taong nasa paligid niya ang sasabihin niya. Sumunod ako sa kaniya sa guestroom.

Tinulungan siya ng nurse na lalake na mahiga sa kama. Kinuhaan siya ng kaniyang mga magulang ng personal nurse upang hindi ako mahirapan na mag-asikaso sa kaniya.

Sa ngayon hindi ko alam kung hihintayin ko pa ba na gumaling siya na gaya ng orihinal na plano ko.

O aalis na lang ako. Tutal, may puwede naman na akong puntahan. Thanks to Rachelle.

Naupo ako sa sofa. Pinikit ko ang aking mga mata upang makapag-isip kahit na gulong-gulo ang aking isipan.

Bumuntong hininga ako at nang magmulat ng mga mata nakatuon na ang mga mata sa akin ni Ivan.

Sinalubong ko ang mariin niyang titig.

"Hayaan mo akong maging asawa sa'yo sa loob ng isang buwan, Ivan."

Umawang ang kaniyang labi pero hindi agad nakapagsalita.

Kinunot niya ang kaniyang noo.

"What do you mean?"

Ngumiti lang ako. "Hayaan mo akong maging asawa mo. At kung hindi mo talaga ako magawang mahalin sa loob ng isang buwan, aalis ako at hindi na ako kailanman magpapakita pa sa'yo."

Kumunot pa lalo ang kaniyang noo. Bahagya ding gumalaw ang kaniyang panga. Maging ako ay nalito tuloy sa kaniyang reaksyon.

Ngumiti ako. "Magiging malaya ka na after one month. Puwede mo ng pakasalan ang babaeng mahal mo."

Tumayo ako. "Mag-dial ka na lang sa telepono kung may kailangan ka."

Lumabas muna ako saglit sa guestroom. Nagpunta ako sa hardin para makapagpahangin. Namumukadkad na ang mga tanim na bulaklak ni Mommy kaya nalibang akong pagmasdan ang mga ito.

Kinalat ko ang paningin ko sa buong paligod hanggang sa labas ng mansyon ng mga Fabregas. Mamimis ko ang bahay na ito.

Ang pamilyang nagsilbing pangalawang pamilya ko.

"ANO'NG gusto mong kainin?" Tanong ko kay Ivan nang magising siya ng hapon.

Naglapag ako ng isang basong tubig sa maliit na lamesita sa gilid ng kama katabi ng tubig dahil iinom na siya ng gamot. Pero kailangan munang may laman ang tiyan niya.

"Paano kung after one month. . ."

Nagkatinginan kami. "I'll leave," sagot ko. "Sakaling hindi mo pa din ako magawang mahalin, aalis ako. Sapat na sa akin na hayaan mo akong maging asawa mo sa loob ng isang buwan. Hayaan mo akong gampanan ko ang pagiging asawa ko sa'yo. At ganoon ka din sa akin. Be a husband to me. Kahit sa maiksing panahon lang." Habang sinasabi ko ito, parang pinipilipit ang aking puso.

"Okay," maiksi niyang sagot.

"Salamat." Ngumiti ako. Winaksi ko ang mga negatibong bagay na bumabagabag sa aking isipan. Gusto kong mapuno ng masasayang alaala ang huli naming pagsasama. Hindi maganda kung magdadrama na naman ako. Ayaw kong kaawaan niya ako. Ayaw kong mairita siya sa pag-iyak-iyak ko.

Nakakapagod na ding magdrama. Nakakapagod nang umiyak.

"Gusto mo ba ng sopas? Nagluto ang cook."

"Okay. Mamayang gabi gusto ko ng chopsuey." Napangiti ako. Chopsuey ang una kong niluto noon nang mapadpad ako sa pamamahay ng mga Fabregas. Sabi nina Mommy at Daddy masarap daw akong magluto ng chopsuey.

"Kunin ko na lang muna ang pagkain mo sa kusina."

"Iutos mo na lang sa mga maid," pigil niya sa akin. "Samahan mo akong manood ng basketball game."

Hindi naman ako mahilig sa basketball pero dahil siya naman ang kasama kong manonood, tiyak na mae-enjoy ko.

Habang nanonood, sinusubuan ko siya. Akala mo bata dahil gusto pa talaga niyang subuan ko siya.

Hindi naman ako nagrereklamo. Natuwa pa nga ako na hinahayaan niyang subuan ko siya ng pagkain. Pakiramdam ko tuloy tunay na kaming mag-asawa.

"Bakit hindi ka kumakain?" Tanong niya. Isang mangkok lang ang hiningi ko sa maid, dahil siya lang naman ang kakain.

"Mamaya, kakain ako sa kusina," sagot ko at muling inumang ang kutsara sa kaniyang bibig.

Kinuha niya ang kutsara na hawak ko. Nilagyan niya ito ng soup at ako naman ang sinubuan niya.

Hindi ko inasahan ang kaniyang gesture kaya hindi ako agad nakagalaw.

"Say, ah," aniya. Kinagat ko ang ibaba kong labi bago ko binuka ang aking bibig. Ngumiti siya. Muli niya akong sinubuan.

"Ano ba iyan," reklamo niya. "Sinubuan ka na nga ang kalat mo pa ding kumain."

Pinunasan niya ang gilid ng aking labi. Nang mapansin ang pamumula ng aking mukha, napangisi siya.

Sinubuan niya ako hanggang sa maubos ang tira niyang sopas sa mangkok.

Binigay ko na din sa kaniya ang kaniyang gamot upang mainom niya. At nang matapos ang kaniyang pinapanood, nagsabi siya na iidlip muna siya.

Iniwan ko na din muna siya, para mailabas ko ang aming pinagkainan. Nakangiti akong nagtungo sa kusina. Hindi talaga ako makapaniwala sa kaniyang ginawa kanina. Nakakapanibago din ang pakikitungo niya sa akin.

Nang mailapag ko sa sink ang tray. Nakapa ko ang aking dibdib na kanina pa malakas ang kalabog.

Huminga ako nang malalim. Napasubo ata ako sa aking hiniling sa kaniya, a. Baka mas lalo lang akong mahirapang umalis kapag kailangan ko ng umalis.

Mga Comments (5)
goodnovel comment avatar
Marissa Huelar
bakit po ang hirap na kumuha ng reward
goodnovel comment avatar
Maria Aurora Manlod
nice story
goodnovel comment avatar
Meg Saturno
love this...thanks author
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status