Share

Chapter 5

Ginupitan ko ng kuko sa kamay at paa si Ivan. Natutuwa ako na kahit hindi siya komportable sa akin, hinayaan lang niya ako.

Tahimik lang siya at panaka-nakang napapatingin sa akin.

"Ayan, okay na." Nakangiti ko siyang binalingan. Pangatlong araw niya ngayon dito sa ospital. At bukas, baka makalabas na siya ng ospital.

Walang kurap siyang nakatingin sa akin kaya napaiwas ako ng tingin.

"Ahm, nagugutom ka na ba?"

Umiling siya.

"Gusto mo bang ipagbalat kita ng prutas?" Marahan siyang tumango. Akala mo tuloy pipi siya.

Pinagbalat ko siya ng apple at orange.

Pinatong ko sa bed table ang mangkok na pinaglagyan ko ng prutas. Bumalik ako sa sofa upang ayusin ang ilang mga kalat pero tinawag niya ako.

"Hindi mo ba ako susubuan?" Tanong niya na kinakunot ng noo ko.

"Magaling naman na ang kamay mo, ah," sagot ko naman.

"Masakit pa kaya." Hindi ko alam kung nagsasabi ba siya ng totoo. Pero kahit na ganoon, nilapitan ko pa din siya.

Sa totoo lang, kamuntik na akong maglayas kagabi. Nagpunta na naman kasi si Maureen habang tulog ako. Pakiramdam ko tuloy pinagtataksilan ako ng aking asawa..

Pero kahit na ako ang totoong asawa, hindi ko naman sila kayang pigilan dahil baka ipamukha lang nila sa akin kung sino lang ako.

Kaya ngayon, hindi ko maunawaan ang kadramahan niya at kailangan ko pa siyang subuan. Siguro, nakokonsensya siya sa ginagawa niyang pagtataksil kaya kunwari sweet-sweet-an siya sa akin.

Tumabi ako sa kaniya. Sinubuan ko siya ng sliced na apple.

"Tell me, ano'ng klase akong asawa?" tanong niya sa akin na hindi ko inaasahan.

"Huh?" Nag-isip ako. Wala akong mabuting alaala tungkol sa isang taon na pagsasama namin kaya hindi ko alam kung tama bang sagutin ko pa ang tanong niya.

"Masungit. Cold. Distant," prangkang sagot ko.

Hindi siya nakapagsalita agad. "In love with someone else."

"Ano'ng klase kang asawa?" Tanong niya pagkaraan ng ilang sandali.

"I don't know. Ikaw lang ang makakasagot niyan," sabi ko.

"Paano mo natiis makisama sa akin kung masungit ako sa'yo, cold at distant?"

"I don't know, Ivan. Basta lumipas na lang ang mga araw at hindi ko namalayan na isang taon na pala ang nakalipas. Bakit mo pala natanong?" Muli ko siyang sinubuan.

"Na-curious lang ako. Buti hindi mo ako iniwan?"

Tumawa ako. "Masokista siguro ako. Sa halip na umalis at iwanan ka sa kabila ng pakikitungo mo sa akin, pinagsiksikan ko pang lalo ang sarili ko sayo." Ngumiti ako pero hindi iyon matamis na ngiti. May lungkot sa aking mga mata na kahit na may amnesia siya, batid kong kita niya ang pait at kalungkutan doon. Nakalimot lang naman siya, hindi bulag.

"Alam mo, sa totoo lang. Nasasaktan ako na kahit nagka-amnesia ka, ako lang na asawa mo ang nakalimutan mo." Tumigil muna ako sa pagsasalita upang pakalmahin ang aking sarili. Nanginginig na kasi ako at ilang sandali pa'y baka hindi ko na mapigilan ang pagbulusok ng aking mga luha

Huminga ako nang malalim at pinilit na ngumiti.

"Magpahinga ka na. Kailangan mong magpalakas." Kinuha ko ang mangkok saka ito dinala sa sink. Alam kong nakatitig pa din siya sa akin kaya mag-busy-busy-han na lang muna ako. Ayaw kong makita ang awa sa kaniyang mukha. Ayaw kong kaawaan lang niya ako.

Kinagabihan, dumalaw ulit si Maureen. Gising ako at hindi na ako nagpanggap ulit na tulog.

"Lalabas na lang muna ako," sabi ko. Mas maigi nang lumabas ako upang hindi ko marinig ang kanilang usapan.

Nagpahangin muna ako sa labas. Naupo ako sa bench habang binibilang ang mga bituwin sa langit bilang pagpatay ng oras.

Hatinggabi na ng bumalik ako sa silid. Naroon pa din si Maureen. Katabi niya sa kama si Ivan at kahit nagbukas ang pinto, hindi man lang talaga siya nagtangkang lumayo sa pagkakalingkis niya sa asawa.

Ang lakas ng loob niya. Para bang ako na lang ang nahiya.

Hindi ko sila tinignan. Dumiretso ako sa banyo at nang lumabas ako dumiretso na ako sa sofa at nahiga. Pinikit ko ang aking mga mata at pinilit na matulog kahit pa halos magiba ang aking dibdib sa labis na pagpipigil sa nagpupuyos kong damdamin. Ang sakit-sakit dahil talagang harap-harapan na nila akong pinagtataksilan.

Hanggang sa narinig ko ang pagbukas ng pintuan. Akala ko doktor o nurse lang ang dumating pero narinig ko ang galit na boses nina Mommy at Daddy.

"What are you doing here?!" Sigaw ng byenan kong babae.

"Mga walang hiya kayo! Ni hindi niyo man lang nirespeto si Myla!"

"Ang kapal ng mukha niyo! Ang bababoy niyo!"

Sa mga sinabing iyon ni mommy tuluyan nang bumuhos ang luha sa aking mga mata. Hindi ko na din napigilan ang paghikbi.

Tinalukbong ko na lang ang kumot at nagpatuloy sa pag-iyak.

"Get out! Umalis ka dito!"

"Maghihiwalay na din naman po sila," sabi ni Maureen.

"Sino'ng may sabi na maghihiwalay sila? Hinding-hindi iyan mangyayari!"

"Usapan namin ni Ivan, hihiwalayan niya si Myla kapag naka-isang taon na sila. Ako po ang mahal ng anak niyo at hindi ang ulilang iyan!"

Narinig ko ang malakas na sampal na ginawad ni mommy kay Maureen.

"Mommy!" Awat ni Ivan sa kaniyang ina.

Mabilis akong bumangon at pumagitna sa kanila. Niyakap ko ang aking byenan.

"Tama na po, Mommy." Pinakalma ko siya dahil baka kung mapaano siya. Galit na galit siya. Pulang-pula ang kaniyang mukha. Mabuti na lang talaga at naka-private room kami.

"Umalis ka na!" Sigaw ulit niya.

Umalis naman si Maureen. Dinig ko pa na tinawag siya ni Ivan pero tuloy-tuloy na itong lumabas ng silid.

Inalalayan ko na maupo si Mommy sa sofa. Binigyan ko siya ng isang basong tubig. Ang aking byenan na lalake ay nasa pintuan. Nakapameywang at para bang pinapakalma din niya ang kaniyang sarili.

"Ano pong ginagawa niyo dito?" Tanong ko.

"May nakapagsabi sa amin tungkol sa pagpunta-punta ni Maureen dito. At hindi ka man lang pumalag? Sana nagsabi ka din sa akin," umiiyak niyang sambit.

Mas lalo pa akong naiyak dahil sa pinapakitang malasakit at pagmamahal sa akin ng aking in laws.

Niyakap ko na lang siya.

"At ikaw, Ivan. I don't even know you anymore."

"Kung hindi niyo sana ako pinilit na ipakasal sa kaniya, hindi—

"Shut up! Hindi mo alam ang pinagsasabi mo, Ivan. Hindi mo alam." Nanginginig ang katawan ni Mommy.

"Umuwi ka na lang po siguro muna, Mommy. Magpahinga ka baka mapaano ka. Kumalma ka na po."

"How can you be so calm, hija?" Niyakap niya akong muli. "Kay Dylan ka na lang sana namin noon pinakasal," Sabi niya.

Si Dylan ay pamangkin nila. Anak ng panganay na kapatid ng aking father in law. Mabait iyon at masiyahin, hindi gaya ni Ivan na akala mo laging galit.

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Meg Saturno
sayang,may ibang choices pa nman pala
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status