Share

Kabanata 1

Pagkabahala

Hindi na lingid sa kaalaman ng lahat, ang paulit-ulit na pagdanas ng luha't pagpapahirap mula sa mga ganid na nakamaskara bilang matataas na opisyal sa buong bayan ng Satrosa.

Hindi ko na mabilang ang lahat ng kanilang ginawa magmula pa n'ong aking kamusmusan. Sa mga panahong iyon hanggang sa nagkaroon ako ng malay sa magulong mundo, hindi na bago sa akin ang makitang pagpaparanas nila ng dahas sa mga katulad kong nagmula lang sa angkan ng mga alipin.

"Gah!"

Isang namimilipit na d***g ang narinig mula sa babaeng ngayon ay nakahandusay na sa kalupaan, mula sa latigong hawak ng kanyang pinagsi-silbi-han.

"Isang hangal! Balak mo pang tumakas mula sa'kin?" anito, patuloy sa pagla-latigo sa kaawa-awang babaeng alipin.

Umiling-iling ang alipin sa pagitan ng pagtangis. "N-Nagkakamali po kayo... H-Hindi ko magagawa-"

Isinarado ko na lamang ang parehong mata ko upang hindi ko makita pa ang susunod na kaganapan. Narinig ko na lamang ang munting ingay mula sa katawan ng alipin.

Dalawa lang naman ang maaring hangganan ng mga katulad namin. Mabuhay o mamatay. Nakadepende ang daloy ng buhay namin sa aming pinagsi-silbi-han.

Subalit sa aking pananaw, mabuhay man kami, matagal ng yumao ang kalooban namin. Dahil kahit sa simula pa lang, hindi pa man nailuluwal sa nagbabalat-kayong mundo, ang kapalaran namin ay matagal nang nakaplano.

Mga kapalarang buhat ay karahasan o kaya'y naliligaw.

Naramdaman ko ang marahan na paggalaw ng mga kadena na nakagapos sa aking kamay. Inangat ko ang tingin sa taong nag-hila niyon. Sumilay sa akin ang maamo nitong mukha. Mga mata'y nakatuon sa pinangyarihan saka binalingan ako ng tingin.

"Halika na," tipid niya na sabi, saka kami naglakad palayo.

Sa pag-uwi ay nanatiling nakayuko ang aking ulo sa mga kaganapang sumalubong sa amin. Mga pagpapahirap, pagyurak ng moralidad at dignidad. At ang pagkuha ng kaisa-isang simbolismo ng isang babae gamit ang 'rahas at kayamuan.

Nangangatal ang mga kamay kong nakakuyom sa mga panaghoy na naririnig. Mula sa biktima na ang magagawa lang ay lumuha at sumuka ng dugo.

"Huwag mong ipapakita ang iyong luha," napatigil ako't nabigla sa boses niya.

Pawang nasa paraan ng pagbabanta ngunit hindi katulad sa mga naririnig kong may halong tono ng dahas bagkus ay paalala.

"Hindi ba't sinabi ko na huwag kang magpapakita ng kahit na anong emosyon?" Napatango ako.

"Opo, Senyora. Hindi na po mauulit," mahinang sabi ko, saka muling yumuko.

Mariin na itinikom ko ang bibig, pinatagis ang mga ngipin. At kahit hindi man siya lumingon sa akin ay 'ramdam ko ang pagkakaseryoso ng kanyang sinabi.

Nagpatuloy kami sa paglalakad. At kahit na napakagulo at lungkot sa pakiramdam. Sinunod ko ang utos niya.

Dumating ang kailaliman ng gabi. Mahimbing na ang tulog ng Senyora, samantalang ako ay nasa kwadra kasama ng mga alagang kabayo. Hindi naman gaano kalamig ang gabi para sa akin. Dahil sa mga tira-tirang tela, at dayami ay nakagawa ako ng sariling tulugan.

Sa karaniwan ay tahimik ang paligid, dapat ay nagpapahinga na ang lahat ngunit ito'y kabaligtaran. Hindi lahat ay katulad ko na may pinagsi-silbi-han na hindi masyadong gumagamit ng dahas. Mas masahol pa ang gabi sa araw para sa buhay ng mga alipin at ng kanilang pinagsi-silbihan.

Hindi ako makatulog. Nananatiling nakatakip ang parehong tenga subalit ganoon pa rin, hindi pa rin nagbabago ang mga nagdaang gabi.

Mga ingay at ungol ng kamunduhan. Kung ang gabi para sa mga matataas na posisyon at may pagkakakilanlan sa buong bayan ay kaluwalhatian, para sa mga alipin ang gabi ay impyerno.

Paulit-ulit na impyerno.

Napahikbi ako ng tahimik. Nagdasal ako kahit wala akong alam kung saan ba hahantong o kung sino ang aking pinagdarasalan. Ang nais ko lang ay mabigyan ng kapayapaan at mapawi ang lahat ng paghihirap.

Panibagong araw. Naghahanda ako ng almusal kasama ang Senyora. Ako ang taga-kuha ng gatas mula sa alagang baka ng Senyora. Hindi lang kabayo ang mga alaga niya. Mayroong baka, manok at ang nag-iisang kalapati.

Sa lahat ng mga alaga ng Senyora, ang kalapati ang siyang pinakamamahal niya. Palagi niyang pinagmamasdan ang kalapati ng may malamlam na tingin.

Hindi rin nakatakas sa aking paningin ang bahid ng lungkot na bumalantay sa mga mata ng Senyora bago napagtanto ang realidad, saka ibinalik ang dating walang emosyon niyang mukha.

Kumpara sa mga pinagsilbihan ng katulad kong alipin. Masasabi kong ako ay maswerte. Strikto, seryoso at nakakatakot ang Senyora pero hindi niya ako dinaan sa matinding dahas 'di katulad ng iba. Nagagawa niya lamang na paluin ang mga binti ko sa tuwing magpapakita ako ng emosyon sa labas.

Iyon ang pinaka-aayaw ng Senyora. Hindi ko malaman kung bakit, wala siyang sinasabi na kahit na ano maliban sa mga utos. Natapos ang paghahanda at mag-aalmusal na sana kami. Subalit, mga marahas na mga katok ang nagpatigil sa amin.

"Magandang araw, Senyora Varrella, ang kasapi ng Konseho ay naparito. Narito ba ang kanyang presensya?" Napatayo ang Senyora sa kinauupuan nang marinig ang sinabi mula sa labas. Napasunod din ako.

Bakas sa mukha ang pagiging walang-emosyon ng Senyora ngunit hindi ang kanyang kilos. Sa pagkuha ng kanyang tungkod ay nangatal ng kaunti ang kanyang kamay bago taas noong tumungo sa pintuan.

Habang ako ay tumayo't nagtago at bahagyang sumilip. Pinagbuksan ng Senyora ang tao na kanina lamang ay malakas na kumakatok.

Tumambad ang lalaking sa itsura pa lang ay nalalaman na ang kaniyang posisyon sa bayan.

At mula sa kinaroroonan ko ay may dala siyang espada sa kaniyang bewang.

"Anong maipaglilingkod ko sa inyo, pangalawang ranggo ng Konseho?" tanong ng Senyora.

Sandaling nag-iba ang emosyon ng lalaking nasa unahan bago ibinalik ang dati nitong mukha. Tila ba hindi nagustuhan ang tawag ng Senyora.

"Pangunahing konseho, Senyora Varrella," pagtatama nito.

Tipid lamang na yumuko ang Senyora.

"Iyo sanang ipag-paumanhin ngunit wala na akong nalalaman tungkol sa Konseho ilang taon na ang nakakalipas kung kaya't hindi ko sinasadya na itawag ka sa iyong huling posisyon."

Nagtaas-kilay lamang ang lalaki at mukhang pinalampas naman niya ang dahilan ni Senyora. Kapagkuwan ay may inabot itong nakarolyo at nakabalot.

Nabanaag sa mukha niya ang bahagyang pagkagulat bago niya iyon tinanggap ng may pag-iingat.

"May ipinag-uutos ang Hari. Bago matapos ang tagtuyot, kailangan na raw ay handa na ang lahat," anang lalaki.

Hari? Pangalawang beses ko pa lang naririnig ang pangalang 'yon. Ano nga ba'ng kailangan ng pinaka-kilalang pinuno ng Kaharian ng Asyruem sa Bayan ng Satrosa-sa bayan ng mga alipin?

"Iyon lamang ba ang inyong sadya?" dagdag pa ng Senyora.

Mahinang napasinghap ako at agad na nagtago nang sumulyap sa kinaroroonan ko ang lalaking kasapi sa Konseho.

"Wala akong nalalaman na may... kasama ka pala, dating pinuno ng Konseho," napalunok ako sa bawat salita na lumabas sa bibig nito.

"Siya lamang ay aking katulong dito sa aking tahanan. At kung wala na kayong kailangan ay maari na kayong umalis. Ako'y magpapahinga pa."

Sumilip muli ako at kasabay n'un ay nakita ko ang mahiwagang pag-ngisi ng lalaki bago nagpaalam.

"Kung ga'yun ay hanggang sa muli, Senyora. Magandang umaga," iyon lang saka ito umalis.

Pagkasarado ng pinto ay napakuyom ng kamay ang Senyora. Huminga ito ng malalim saka bumaling sa akin. Napaayos ako ng tayo nang makita kung papaano siya tumitig sa akin.

Napayuko ako nang humakbang siya papalapit. Mabigat ang mga yabag na tumapat sa akin.

"Wala kang pagbubuksan na kahit sinuman ngayon, Yonah. Maliwanag?"

Hindi ko na nagawa pang tumango at sumagot dahil sa paglampas sa akin ng Senyora. Napabalik ang tingin ko sa nakasaradong pintuan at sa pinasukang silid ni Senyora.

Hindi ko maiwasang hindi magtaka at magulat. Sa ilang taon kong paninilbihan sa kanya, ang kanyang dating walang-emosyon na mukha ay napalitan na nang pagkabahala.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status