Share

6

Author: Anoushka
last update publish date: 2026-07-18 18:00:51

"Napigilan ko na si Leslie. Hindi na siya pupunta sa bahay."

Matapos ipaliwanag iyon, seryosong tumingin si Nathan sa kambal. Matigas ang ekspresyon ng mukha niya, ngunit may bahid ng pagpipigil sa boses nang magsalita.

"Kumain na tayo."

Palihim na napapitik ang dila ni Cyler sa loob ng bibig niya.

‘Kumain? Seriously? Pagkatapos ng lahat ng sinabi mo?’

Diretsahan siyang tumingin sa lalaki at walang pag-aalinlangang sumagot.

"Kung wala ka talagang balak sa babaeng 'yon, matagal mo na sana siyang pinutol sa buhay mo. Hindi 'yong hanggang ngayon, may koneksyon pa rin kayo kahit sabihin mong wala." Huminto siya sandali bago muling nagsalita. Mas kalmado ang tono, pero mas masakit ang bawat salitang lumabas sa bibig niya. "Kung gusto mo talagang magkaroon ng anak sa kanya, wala naman kaming pakialam. Worst comes to worst, hahanapin na lang namin si Mommy."

Pagkasabi niyon ay dumulas siya pababa mula sa upuan. Walang anumang pag-aalinlangan, hinila niya ang sariling katawan at naglakad papalayo sa mesa.

Nagsisimula nang kumulimlim ang mukha ni Nathan, ngunit bago pa man siya makapagsalita, nakita niyang bumaba rin sa upuan ang kanyang pinakamamahal na anak na babae.

Tahimik na nakatingin si Cielo sa kanya. Halatang ilang ulit niyang pinigilan ang sarili, tila may matinding laban sa loob niya. Ngunit sa huli, nanaig pa rin ang nararamdaman niya.

"Bad guy..."

Napahinto si Nathan. Nanigas ang ekspresyon niya habang bahagyang lumaki ang mga mata sa pagkabigla.

‘Nagsalita ulit siya…’

Ang anak niyang halos hindi nagsasalita ay muling nagbukas ng bibig.

Ngunit ang unang salitang ibinigay nito sa kanya ay…’Bad guy’

Hindi niya alam kung matutuwa ba siya dahil nagsalita na muli ang anak niya, o masasaktan dahil siya mismo ang tinawag nitong masamang tao.

Habang papalapit sa p***o ang kambal, napagtanto niyang baka tumakas na naman ang mga ito. Wala siyang nagawa kundi tumayo agad.

"Nathaniel! Nathalie! Stop right there!"

Mas lumalim nang kaunti ang boses niya, dala ang awtoridad na matagal nang nakasanayan.

Napahinto ang dalawang bata. Sabay silang lumingon sa kanya, kapwa may bahagyang gulat sa mga mata.

Huminga nang malalim si Nathan bago muling nagsalita. Kahit halatang pilit niyang kinokontrol ang sarili, hindi pa rin tuluyang nawala ang pagiging seryoso ng kanyang mukha.

"I'll say this one last time." Mariin niyang binigkas ang bawat salita. "Wala akong balak magkaroon ng anak sa kahit sinong babae. Kayo lang dalawa... sapat na kayo sa akin."

Bahagyang lumambot ang tono niya sa huling sinabi. "Bumalik kayo rito."

Tahimik lamang na nakamasid si Marvin sa tagpong iyon. Salitan ang tingin niya sa dalawang bata at sa amo niyang hirap na hirap ipaliwanag ang sarili.

Hindi niya maiwasang mapailing sa isip.

Muling nagsalita si Nathan matapos ang ilang sandaling katahimikan.

"Isa pa..." Mas lalong kumunot ang noo niya. "Huwag na ninyong babanggitin ang 'Mommy' ninyo sa harap ko."

Sandaling huminto ang hangin sa paligid bago niya tuluyang sinabi ang mga salitang matagal na niyang pinaniwalaan.

"Matagal na siyang patay."

Pagkarinig niyon, awtomatikong nagsalubong ang makakapal na kilay ni Cyler.

‘Ano ba 'tong scumbag daddy na 'to? Hindi na nga pinanagutan si Mommy, ngayon pati pagkamatay niya, siya pa ang nagsasabi?’

Handa na sana siyang sumagot at ipagtanggol ang ina nila. Ngunit bigla siyang natigilan.

Parang... pamilyar ang sinabi nito. Unti-unting bumalik sa alaala niya ang isang eksena noong bata pa sila.

Tuwing tinatanong nila si Serenity kung sino ang daddy nila, palaging nakangiting sumasagot ang kanilang ina.

"Patay na ang daddy n'yo. Baka nga mas mataas pa ang damo sa libingan niya kaysa sa inyong dalawa."

Nanigas ang maliit niyang mukha.

‘Kung gano'n ang sinabi ni Mommy noon... paano ko siya kokontrahin ngayon?’

Kung ipipilit niyang buhay pa ang daddy nila, baka siya pa ang madulas at mabunyag ang sikreto ng mommy nila. Hindi puwede.

Mahigpit niyang isinara ang bibig. Nang mapansing tahimik na ang kambal, inakala ni Nathan na sa wakas ay nakinig na ang mga ito. Kaya muli niyang pinigil ang pagkainis at nagsalita sa mas mahinahong tono.

"Umupo na kayo at tapusin ang pagkain ninyo."

Nagkatinginan sandali ang magkapatid. Pagkatapos ay umirap si Cyler bago ngumuso.

"Kailangan naming mag-restroom."

Hindi na siya naghintay ng sagot. Agad niyang hinawakan ang kamay ni Cielo at sabay silang naglakad palabas ng private room.

Nag-aalalang sumunod si Marvin ng ilang hakbang.

"Young Master, Young Miss... sasamahan ko na kayo?"

Hindi na lumingon si Cyler.

"No need. Alam na namin ang daan pabalik."

At tuluyan silang naglaho sa likod ng p***o. Naiwan si Marvin na nag-aalangan. Napatingin siya kay Nathan bago maingat na nagtanong.

"Chairman... susundan ko po ba sila?"

Marahang kinusot ni Nathan ang pagitan ng kanyang mga kilay.

"Hindi na." Huminga siya nang malalim bago nagbigay ng utos. "Ipagbantay mo na lang ang lahat ng exit ng restaurant. Siguraduhin mong hindi sila makakalabas ng gusali."

Tumango agad si Marvin.

"Yes, Chairman."

Pagkasabi niyon ay mabilis siyang lumabas ng silid upang ipatupad ang utos, habang naiwan si Nathan na tahimik na nakatitig sa pintong nilabasan ng kambal. Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng maraming taon, pakiramdam niya ay wala siyang laban sa dalawang munting batang iyon.

Sa kabilang private room, halos tapos na ring maghapunan sina Serenity at ang iba pa.

Habang unti-unting nagliligpit ng mga pinagkainan ang mga waiter, napansin ni Serenity na hindi mapakali si Nathalie. Panay ang lingon nito sa paligid at bahagyang umuusog sa kinauupuan, na para bang may gusto itong gawin ngunit nagdadalawang-isip.

Napakunot ang noo ni Serenity.

Lumapit siya nang kaunti at marahang hinaplos ang buhok ng anak.

"Baby, may problema ba?"

Agad namang napalingon si Nathaniel sa kapatid niya nang marinig ang tanong ng kanilang mommy. Isang tingin lang ay naintindihan na niya ang gusto nitong ipahiwatig.

Gusto nitong mag-restroom.

Bahagyang ngumiti ang batang lalaki bago tumayo sa kinauupuan. Inilahad niya ang maliit niyang kamay sa kapatid.

"Halika. Maghuhugas na rin ako ng kamay. I'll take you there."

Masunurin namang tumango si Nathalie. Maingat nitong ipinatong ang maliit niyang kamay sa palad ng kuya bago tumayo.

"Mommy, babalik din po kami."

Natural na sabi ni Nathaniel, na para bang isang maliit na matandang sanay nang alagaan ang kapatid.  Mula pa noon, si Nathaniel na ang laging unang nag-aalaga kay Nathalie. Kahit bata pa lamang siya, likas na sa kanya ang pagiging responsable.

Tahimik na pinanood sila ni Luciana habang papalabas ng private room. Hindi niya napigilang mapangiti bago bumaling kay Serenity.

"Matagal-tagal na rin... pero napansin ko, mas naging mature na talaga si Cyler."

Napatawa si Serenity at napailing. "Mature lang siya kapag kapatid niya ang kasama. Pero kapag may ibang tao na ang kaharap niya..." napabuntong-hininga siya habang naiiling, "...mainitin pa rin ang ulo."

Bahagya siyang natawa bago idinugtong sa isip ang nangyari kahapon.

‘Halos sirain na naman ng dalawang batang iyon ang buong research institute.’

Hindi na niya iyon binanggit nang malakas, ngunit sapat na ang ekspresyon niya upang maintindihan ni Luciana.

Napahalakhak ito. "Talagang mana sa'yo."

Napailing na lamang si Serenity, hindi alam kung matatawa o maiinis.

Pagdating sa labas ng restroom, marahang binitiwan ni Nathaniel ang kamay ng kapatid.

"Pumasok ka na. Hihintayin kita rito."

Masunuring tumango si Nathalie. "Okay."

Pagkatapos ay pumasok ito sa women's restroom.

Samantalang si Nathaniel ay naupo sa isang mahabang upuan sa hallway. Tahimik siyang nakatingin sa sahig habang magulong umiikot ang iba't ibang tanong sa isip niya.

Mula pa kanina, gusto na talaga niyang makahanap ng pagkakataong kausapin ang magandang auntie na nakilala nila. May gusto siyang kumpirmahin.

Hindi siya naniniwalang nagkataon lang ang lahat.

‘Paano magiging ganoon kapareho ang dalawang tao?’

Hindi lang simpleng magkahawig. Halos pareho ang mukha, ang kilos, pati ang pakiramdam.

Sa isip niya, iisa lang ang posibleng paliwanag.

...Si Auntie ang Mommy namin.

At kung tama ang hinala niya...

‘Ibig sabihin… Hindi talaga patay si Mommy.’

Biglang sumikip ang dibdib ng bata. Kasabay ng pag-asa ay may sumingit ding sama ng loob.

‘Sinungaling talaga si Daddy.’

Sinabi nitong matagal nang wala si Mommy. Pero hanggang ngayon, patuloy pa rin pala itong nakikipag-ugnayan kay Leslie.

At ang babaeng iyon… Sa harapan nila, kunwari ay mabait at maalaga.

Ngunit kapag walang ibang nakakarinig, palihim itong nagpaparinig na balang araw ay siya ang magiging asawa ni Daddy. Na magkakaroon sila ng sarili nilang anak at magiging isang tunay na pamilya.

Sa tuwing naaalala iyon ni Nathaniel, hindi niya mapigilang mapangiwi.

‘Kadiri… Buti na lang bumalik na si Mommy. Hindi na namin kailangang mag-alala ni Nathalie na makapasok pa sa pamilya namin ang babaeng iyon.’

Habang malalim ang iniisip niya, may narinig siyang marahang yabag na papalapit. Awtomatiko siyang napatingala.

At sa mismong sandaling iyon… Nanlaki ang kanyang mga mata. May isa pang batang lalaki ang nakatayo ilang hakbang lang ang layo.

At ang batang iyon… Ay eksaktong-eksakto ang mukha niya.

Para siyang nakaharap sa salamin. Kasabay nito, natigilan din si Cyler.

Kahit na ilang beses na niyang pinag-isipan ang posibilidad na ito at halos nakumbinsi na ang sarili, nang makita niyang nakatayo mismo sa harapan niya ang batang kamukhang-kamukha niya...

Hindi pa rin siya makapaniwala. Tahimik lang silang nagtitigan.

Parehong hindi makapagsalita. Parehong hindi malaman kung ano ang dapat maramdaman. Parang huminto ang oras sa pagitan nilang dalawa.

Biglang bumukas ang p***o ng women's restroom.

"Kuya! Kuya! Kuya... nakita ko si—"

Nagmamadaling tumakbo palabas si Cielo habang excited na sumisigaw. Ngunit bigla siyang natigilan.

Naputol ang sasabihin niya nang makita ang dalawang batang lalaki sa harapan.

Pareho silang mukha. Pareho ang tindig, at pareho ang ekspresyon.

Napakurap siya nang ilang beses bago tuluyang bumuka ang bibig sa pagtataka.

"Wow..." Mas lalo pang lumaki ang mga mata niya. "Dalawang Kuya?"

Tumaas ang tono niya sa huling salita, puno ng inosenteng pagtataka at labis na tuwa, na para bang may nakitang napakagandang laruan.

Makalipas ang ilang segundo, dahan-dahan ding lumabas si Nathalie mula sa loob ng restroom.

Bahagya pa ring may kaba ang mukha niya, ngunit nang makita ang eksena sa harapan, tuluyan din siyang natigilan.

Hindi niya namalayang napahinto ang kanyang mga hakbang.

Sa wakas… Nagkaharap na ang apat na bata.

Dalawang pares ng kambal.

Dalawang batang lalaki.

Dalawang batang babae.

Tahimik silang nagkatinginan. Tila sinusuri ang bawat isa.

Habang mas matagal silang nakatitig, mas lalo nilang napapansing hindi lang simpleng pagkakahawig ang mayroon sila.

Para silang iisang hulma. Ang kaibahan lang… Magkaiba ang pamilyang kinalakihan nila.

Ilang sandali pa ang lumipas bago tuluyang binasag ni Cyler ang katahimikan.

Huminga siya nang malalim bago tumingin kay Nathaniel.

"...Maghanap kaya tayo ng lugar na puwedeng pag-usapan ang lahat?"

Kalmado ang boses niya, ngunit halatang puno ng seryosong pagnanais na malaman ang katotohanan.

Hindi man lang nag-atubili si Cielo. Anuman ang desisyon ng kuya niya, susuportahan niya iyon.

Samantala, marahang nilingon ni Nathaniel si Nathalie at binigyan ito ng isang mahinahong tingin na tila nagsasabing, ‘Don't worry. Nandito lang ako.’

Nang makitang kumalma ang kapatid, muli siyang tumingin kay Cyler.

Bahagya siyang tumango. "Okay."

Tahimik niyang idinagdag sa isip… ‘Because I do want to know what really happened.’

Continue to read this book for free
Scan code to download App

Latest chapter

  • The Four Twins and the Billionaire's Regret   109

    Malaki ang posisyon ni Marvin sa Tomas Corporation. Pangalawa lamang siya sa presidente pagdating sa awtoridad, bukod pa sa pagiging pinagkakatiwalaang kanang kamay at paboritong tao ni Nathan. Alam iyon ng buong kumpanya.Kaya nang maglabas siya ng utos, wala nang sinumang nangahas magtanong kung kaninong kagustuhan iyon. Alam ng lahat na direktang utos iyon ng presidente.Hindi na nag-aksaya ng oras ang media department. Agad nilang sinimulan ang pagtanggal sa lahat ng balitang may kinalaman sa kasal ni Nathan.Makalipas ang isang oras, tuluyan nang nawala sa mga opisyal na platform ng kumpanya ang lahat ng naturang balita. Ngunit dahil matagal nang kumalat ang usapin at napag-usapan na ito nang husto, hindi lamang Tomas Media Company ang may kopya ng balita. Marami ring external media outlets ang nakapag-repost nito.Kaya kahit mabilis na kumilos ang Tomas Corporation, hindi na kayang burahin nang buo ang naging epekto nito.Napahawak si Marvin sa kanyang sentido habang lalong suma

  • The Four Twins and the Billionaire's Regret   108

    Halos hindi mapigilan ni Jordan ang kanyang excitement. Gusto niyang tawagan agad si Nathan para ibahagi ang magandang balitang iyon. Para sa kanya, malaking bagay ang simpleng pagtawag ng batang babae sa kanya bilang “Tito Jordan,” lalo na’t matagal niyang hinihintay na mas maging komportable ang bata sa pakikipag-usap.Ngunit bago pa man niya magawa iyon, agad siyang pinigilan ng dalawang bata.“Kung gano’n, Tito Jordan, tulungan mo na kami ngayon! Kailangan na namin ng invitation letter!” sabik na sabi ni Cyler.“Okay, okay. Ako na ang bahala. Sandali lang,” natatawang sagot ni Jordan.Dahil sa mga koneksiyon niya, hindi naman naging mahirap para kay Jordan na humanap ng taong makapagbibigay sa kanila ng mga invitation para sa art exhibition. Ilang tawag at mensahe lamang ang kinailangan bago tuluyang maayos ang problema.Ngunit bago pa man siya makapagpahinga, muling nagsalita si Cyler.“Tito Jordan, kailangan namin ng pitong tickets.”Napatingin si Jordan sa bata nang may pagtata

  • The Four Twins and the Billionaire's Regret   107

    Habang pilit na pinapaliit ni Marvin ang presensya niya sa loob ng sasakyan, biglang umalingawngaw ang malamig na boses ni Nathan mula sa likuran.“Naalis na ba ang mga balitang kumakalat online kaninang umaga?”Agad na napatingin si Marvin sa rearview mirror bago mabilis na sumagot, “Hindi pa po.”Sandaling natahimik ang buong sasakyan. Hindi niya inaasahang mismong si Nathan ang magtatanong tungkol sa bagay na iyon. Sa totoo lang, umaasa siyang kusa na lamang mawawala ang balita kapag lumipas ang ilang oras.Ngunit tila kabaligtaran ang nangyari.“Hindi lang po hindi naayos ang problema,” dagdag ni Marvin, bahagyang nag-aalangan. “Mas lalo pa pong umiinit ang usapan online.”Bahagyang kumunot ang noo ni Nathan. Halatang hindi niya nagustuhan ang narinig.“Anong nangyayari?”“Maaga pa lang po, inimbestigahan ko na. May taong palihim na nagtutulak sa balitang iyon. May nagbabayad o gumagamit ng sariling impluwensiya para patuloy na mapalakas ang usapan at maitaas ang public opinion.”

  • The Four Twins and the Billionaire's Regret   106

    Matapos mabunyag ang tunay na pagkakakilanlan ni Serenity, hindi na niya planong magtagal pa. Gayunpaman, matapos pag-isipang mabuti ang sitwasyon, napagtanto niyang isa ang Dela Cruz Corporation sa pinakamalalaking grupo sa bansa at malawak din ang koneksiyon ni Yohan sa mundo ng negosyo.Kung makakabuo siya ng magandang relasyon sa isang taong tulad nito, wala naman siyang mawawala. Sa halip, isa itong pagkakataong kapwa sila maaaring makinabang.Bukod pa roon, malinaw namang taos-puso ang imbitasyon ni Yohan. Kung tatanggi pa siya, baka magmukha lamang siyang walang pakialam sa kabutihang ipinapakita nito.Kaya bahagyang itinaas ni Serenity ang mukha at sinalubong ang tingin ng lalaki. Wala siyang bakas ng pag-aalinlangan sa mukha nang mahinahon siyang magsalita.“Maraming salamat sa imbitasyon.”“It’s my pleasure.”Ngumiti si Yohan bago siya isinama, kasama si Rosa, sa isang French restaurant.Dalawang palapag ang naturang restaurant. Simple lamang ang disenyo nito, ngunit elegant

  • The Four Twins and the Billionaire's Regret   105

    Alas-kuwatro na ng hapon nang tuluyang makarating sina Serenity at Rosa sa Dela Cruz Corporation.Mula pa kaninang umaga ay may mga taong inatasan nang maghintay sa main hall upang salubungin sila at ihatid sa isang pribadong waiting room. Maayos ang lahat ng preparasyon, kaya pagkapasok pa lamang nila ay agad silang sinalubong at ginabayan papunta sa loob.Pagbukas ng pinto ng waiting room, agad nilang nakita si Yohan.Tahimik itong nakaupo sa sofa. Gaya ng dati, taglay pa rin nito ang mahinahon at eleganteng aura na tila hindi basta-basta natitinag. Nang makita ang dalawa, agad itong tumayo at magalang na bumati kay Rosa."Hello, Serena."Pagkatapos ay napunta ang tingin niya kay Serenity. May bahagyang aliw sa mga mata nito bago siya magalang na ngumiti."Miss Castro, nagkita na naman tayo."Nasa likuran ni Rosa si Serenity at bahagya lamang yumuko bago pormal na sumagot, "Hello, Mr. Dela Cruz."Napakahinhin ng kilos niya, halos wala kang makikitang bakas ng pagiging dominante. Sa

  • The Four Twins and the Billionaire's Regret   104

    Ilang araw nang tahimik na inoobserbahan ni Leslie ang mga kilos ni Nathan, pati na rin ang bigla nitong pagbabago ng mood. Ngunit sa tingin niya, wala namang gaanong kinalaman roon si Serenity.Sa halip na mabahala, nakaramdam pa siya ng kakaibang saya. Sa wakas, tila hindi na nakasunod si Serenity kay Nathan. Ibig sabihin, may pagkakataon na siyang mauna bago pa muling makasingit ang babaeng iyon.At para kay Leslie, alam na niya kung paano ito gagawin.Kailangan lang niyang ipakalat ang balitang malapit nang magkaroon ng magandang balita ang pamilya Tomas. Kailangan niyang palakihin ang usapin at hayaang ang opinyon ng publiko ang gumawa ng natitirang trabaho para sa kanya.Sigurado siyang hindi mananatiling tahimik ang pamilya Tomas kapag kumalat ang ganoong balita. Gagawa at gagawa ang mga ito ng paraan para ayusin ang sitwasyon.At kapag dumating ang tamang pagkakataon, maaari niyang lapitan si Medela at maingat na ikuwento rito ang mga kumakalat na balita. Kapag nakisali na ang

More Chapters
Explore and read good novels for free
Free access to a vast number of good novels on GoodNovel app. Download the books you like and read anywhere & anytime.
Read books for free on the app
SCAN CODE TO READ ON APP
DMCA.com Protection Status