Share

Chapter 3

KINABUKASAN maaga kaming bumyahe patungo sa lilipatan naming bahay. Isa iyong village na pagmamay-ari ng pamilya nila Luke at walking distance lang naman sa bahay nila. Kaya hindi rin siguro ako malulungkot kasi baka bumisita sila sa akin. 

Tahimik lang ako sa kotse ni Luke at kaming dalawa lang ang nakasakay rito. Si mommy at daddy ay susunod na lang daw at ganoon din sina Tita Alice at Tito Leo. Sinulypan ko siya at seryoso lang siyang nagmamaneho. 

“Stop looking at me. It irritates me,” singhal niya kaya mabilis akong napalingon sa labas ng bintana. Pumikit na lang ako nang binilisan niya ang pagmamaneho. 

At pagpreno niya’y muntik pa akong sumubsob, buti at naka-seatbelt ako. Agad siyang bumaba ng sasakyan nang hindi ako pinagbubuksan. Well, ano pa nga ba ang aasahan ko? Napabuntong-hininga na lang ako bago bumaba ng sasakyan. Ibinaba ko na rin ang gamit ko dahil alam kong hindi niya ako tutulungan. 

Pero napatigil ako dahil napansin kong ang aliwalas ng paligid. Pagpasok kasi ng gate, may garden na bubungad sa iyo at puro iyong maberdeng dahon. May puno rin sa gilid at likod ng bahay. Nakaka-relax rito at tahimik. Naglakad na ako papasok sa loob at malawak ang sala agad ang bumungad sa akin. May tatlong sofa, glass table, may book shelves din. Pagpasok sa pintuan, may cabinet doon na pwedeng patungan ng mga picture and figurines. At may mga halaman pa. 

Sa bandang kanan ang kusina, sa likuran ang kwarto. Isang kwarto lang tapos dalawang guest room. Magkakadikit lang. May hallway rin na dadaanan bago ka makapunta sa kwarto. Pero mamaya ko na lang sisilipin ang mga iyon, bumalik muna ako sa sala para maupo.

“Do you like it?” Mabilis akong napatayo nang marinig ko ang boses ni Tita Alice. Agad akong lumapit sa kanya at nag-bless. “Mano po, tita,” saad ko. Pagtingin ko sa kanya, napansin ko ang gulat sa mukha niya. 

“Oh! I didn't expect that. Sanay akong beso at hindi ko akalain anak ng isang mayamang pamilya ang gagawa ng ganoong gestures,” saad niya. 

“Turo po kasi sa akin iyon ni daddy,” tugon ko at ngumiti ako sa kanya. 

“That’s good. You're really a good woman. And anyway, drop the ‘tita’ hija. Call me mama or mommy. Asawa ka na ng anak ko, you should call me that way,” saad niya at bahagya akong nahiya kaya tumango na lang ako. 

Napatingin ako kay Luke na nakaupo lang sa sofa habang magkasalubong ang kilay. Lumapit sa kanya si Mama Alice at tinabihan siya sa sofa. “Okay na ba sa inyo ang bahay, anak?” tanong nito, pero pagtango lang ang naging tugon ni Luke sa kanya. Imbis na pakinggan pa ang pag-uusapan nila, lumabas na lang ako at nagtungo sa garden para magpahangin.

May kasama na rin na kasambahay sila Mama Alice kaya siya na lang ang naatasan magluto, pero aalis din iyon kapag umuwi na sila Mama Alice. Habang pinagmamasdan ko ang garden, dumating na rin sila mommy and daddy. B****o lang sila sa akin at dumiretso na sa loob. Sinundan ko ng tingin si daddy pero kahit sulyap sa akin hindi niya ginawa. Naiwan na ulit akong mag-isa.

Naisipan kong kunin ang cellphone ko para sana mag-picture nang makita kong may message si Lai.

| Galit ka ba sa akin? I’m sorry. Hindi ako sanay na ganito tayo. | 

Pagbasa ko sa text niya. Hindi naman ako galit dahil wala naman siyang kasalanan. Minabuti ko na lang na mag-reply sa kanya para hindi na siya mangamba. 

| Hindi ako galit, Lai. Huwag kang mag-sorry. I miss you. |

Iyon lang ang reply ko. Mabuti na rin iyon na alam niyang okay kami. Ayoko muna pag-usapan ang nangyaring kasal lalo na at hindi pa rin ako pinapansin ni daddy. Ayokong pag-initan siya ni daddy sa nangyari. 

Mayamaya pa’y tinawag na ako para kumain. Nagpakawala muna ako ng buntong-hininga bago tumayo at maglakad papasok sa loob ng bahay. Dumiretso ako sa dining area at natagpuan ko silang nakaupo na sa kanya-kanyang upuan habang nagtatawanan. 

“Nagulat talaga ako noong una na hindi siya si Lai pero nang makita ko—” 

“That’s enough, mom. Let's eat.” Pagputol ni Luke sa sinasabi ni mama. Kumindat lang sa kanya si Mama Alice at ngumiti. 

“All right, let's eat,” aniya. 

Kaya nagsimula na kaming kumain. Nagsalo-salo kami sa mahabang mesa habang nakahain ang iba’t ibang pagkain. Ang pwesto namin ay si daddy, sunod si mommy at ako. Katapat ko si Luke habang si Mama Alice ang magkatapat tapos si daddy at si Papa Leo. Tahimik lang akong kumakain, ganoon din si Luke habang pinapakinggan ang kuwentuhan nila mommy, habang si daddy madalang lang sumali sa usapan.

Mabilis natapos ang araw na iyon dahil nang sumapit ang dilim, nagpaalam na rin sila mommy, daddy, mama at papa ni Luke. Naiwan kaming dalawa sa bahay na iyon. At sa oras na iyon hindi ko alam kung paano haharapin ang buhay may asawa kapiling ang lalaking hindi ako kailan man pipiliin. 

AFTER ONE WEEK…

Maaga akong bumangon para magluto ng almusal ko. Oo, almusal ko lang dahil hindi niya kailanman tinikman ang pagkaing niluluto ko. Aalis siya ng bahay nang tulog pa ako, kahit pagkatok sa kwarto ko para ipaalam na aalis na siya ay hindi niya ginagawa. He really hates me. 

Napabuntong-hininga na lang ako bago magsimulang magluto. Pakiramdam ko tuloy karma ko na ‘to sa pagsuway ko kay daddy. Hayys! 

Nang matapos ako sa pagluluto, inilagay ko sa isang tray ang kakainin ko at nagtungo sa sala. Manonood na lang muna ako ng TV, pampalipas oras. Inilapag ko muna sa mini table ang tray para buksan ang TV at saktong pagbukas ko no’n ay sabay pagbukas din ng pinto. At iniluwa noon si mommy na nakangiti sa akin habang may bitbit na paper bag. 

“Mom?” sambit ko. Humalakhak siya papasok sa loob at lumapit sa akin. Inabot ko ang kanyang kamay upang magmano. 

“Parang gulat na gulat ka yata, darling,” sambit niya at inilapag ang paper bag na hawak niya. 

“Medyo po, mom, wala po kayo pasabi na darating kayo,” sambit ko. “Tama lang po ang dating ninyo, sabayan ninyo na po ako kumain,” dagdag ko at nagtungo sa kusina para kuhaan siya ng pagkain. 

Pagbalik ko, nakaayos na si mom ng upo at nanonood na sa TV. “Here, mom.”  

“Thank you, baby. Oh, I missed this!” sambit niya at ngumiti. “Ako rin po, na-miss ko rin po ang ganitong bonding,” sagot ko. 

“Kaya nga umupo ka na sa tabi ko para makapag-enjoy na tayo,” aniya at hinawakan ang kamay ko. Tumango ako at sinunod ang sinabi niya. 

“Kumusta ka rito, anak?” Sa kalagitnaan ng aming panonood ay binasag iyon ni mommy. Napatigil ako sa pagkain at napalingon sa kanya, pero nananatili siyang nakatutok sa panonood. 

Hindi agad ako nakasagot sa tanong na iyon. Kumusta nga ba ako? I am not okay. Ang lungkot, ang sakit, at ang hirap pa lang mapunta sa sitwasyong hindi ka mahal ng lalaking mahal mo. 

“Are you okay?” Napapitlag ako nang haplusin ni mommy ang kamay ko. Hindi ko namalayan na nakatingin na pala siya sa akin. Mabilis akong ngumiti at tumango. 

“Opo naman, mommy. Masaya po ako rito, kahit po nabigla si Luke dahil hindi niya ako ganoon kakilala’y inaalagaan naman po niya ako,” sagot ko. Pakiramdam ko gusto ko koronahan ang sarili ko, sapagkat nagawa kong magsalita nang hindi nauutal dahil ang dibdib ko’y sobrang bilis ng tibok. 

Napansin ko ang pagngiti ni mommy kaya nakahinga ako ng maluwag. “It’s good to heared that. Dahil aalis kami ng daddy mo at nina Alice at Leo para mag-out of town for business. Matatagalan kami ro’n kaya inalam ko ang kalagayan mo,” sambit niya. 

Nangilid ang luha ko sa sinabi niya. Ang sarap sa pakiramdam na kahit may asawa na ako, inaalalayan pa rin nila ako. Parang princess pa rin ang trato nila sa akin. 

“H-how about dad...did he ask me?” Hindi ko mapigilang magtanong. 

“Of course. Actually, siya ang nagsabi na kumustahin kita. May tampo lang ang daddy mo pero mahal ka no’n. Naging mabuti kang anak sa amin, itong pagsuway mong ito ay hindi kabawasan ng pagiging mabuting anak. We love you, Rich. Basta masaya ka sa desisyong pinili mo, susuportahan kita. You’re a good woman kaya alam kong matututonan ka rin mahalin ni Luke,” saad niya. Hindi ko na napigilan na mapaiyak at yumakap kay mommy. How lucky I am to have them as my parents. 

“Pero, kung sakaling saktan ka ni Luke, huwag kang magdadalawang-isip na bumalik sa amin. Tatanggapin ka ulit namin, dahil anak ka namin.”

“Thank you, mom,” bulong ko. 

“That's what your father told me…” mahinang sambit niya. “Ano po iyon, mommy?” tanong ko.

“Sabi ko always welcome. Kumain na tayo at matatapos na rin ang pinapanood natin,” aniya at natatawang humiwalay sa yakap. Tumango ako at pinunasan ang luha saka nagpatuloy sa pagkain. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status