Share

[4] To The One Who Broke My Heart

“Para sa’yo ‘to, Elm. Konting tulong lang ‘yan para bumilis ang paggaling mo,” ani Maple at may inabot na sobre. Napatingin pa si Elm kay Leaf bago tinanggap iyon.

“Salamat po.”

“Ingat kayo,” saad ni Alder.

Dahan-dahan nang bumaba ng kotse si Elm. Sumunod naman sa kaniya si Leaf. Sabay silang naglakad papasok sa loob ng eskwelahan. Binagalan lang ni Leaf maglakad para masabayan niya si Elm.

“Bakit mo sinabi sa kanila na nagba-basketbol ako?” tanong ni Leaf habang nasa hallway sila. “Nang-aasar ka ba?”

“Bakit, hindi ba ‘yun totoo? ‘Di ba sinabi mo naman ‘yun? Gusto mong humawak ng bola kasi gusto mong magbasketbol.”

Napatiim-bagang si Leaf. “Hindi nga totoo, okay na?”

Tumigil sandali si Elm kaya napilitan rin siyang tumigil. “So, alin ang totoo? Na tinitingnan mo talaga ako sa gym dahil may gusto ka sa ‘kin?”

Namula ulit ang tenga ni Leaf. Ilang tao na ang lumagpas sa kanila pero hindi pa rin niya sinasagot ang tanong. Nag-aalangan siya kung sasabihin na ba niya ang totoo kay Elm dahil baka sakaling patulan siya nito at paasahin o huwag na lang para manatili silang okay at mas makilala pa nila ang isa’t-isa.

Biglang tumunog ang bell.

“Tara na. Male-late na tayo sa first subject. Bilisan na natin kung ayaw mong i-kiss ka ni Mr. Macato.”

Inunahan na ni Leaf si Elm na maglakad papasok ng classroom. Napanganga si Clover nang makita silang halos magkasunod lang na pumasok.

“Talagang tototohanin mo ‘yung sinabi mong willing kang paasahin niya basta magkaroon lang kayo ng malanding ugnayan,” saad ni Clover bago pa man makaupo ang katabi.

“Kalma lang. Enemies kami niyan.” Nilingon ni Leaf si Elm sa likod. Masama pa rin ang tingin nito sa kaniya. “Hindi pa naman kami naglalandian. Hindi pa.”

“So, may balak ka nga talaga?”

Napangisi si Leaf. “Bakit hindi?”

“Ewan ko sa’yo. Bahala ka nga sa buhay mo.” Nagulo pa ang buhok ni Clover sa ginawa niyang pagkamot sa ulo.

“Ano ba kasing ginawa niya sa’yo at bakit parang galit na galit ka sa kaniya?”

“You have no idea.” Biglang pumasok si Mr. Macato at bumati kaya binati rin siya ng mga estudyante. “Kwento ko na lang sa’yo sa breaktime.”

Nagsalubong ang kilay ni Leaf habang nakatingin kay Clover na diretso na ang tingin sa guro na dumating. Pakiramdam niya’y may tinatago si Clover sa kaniya. Gayunpaman, malakas din ang pakiramdam niya na ikukuwento naman na iyon ng kaibigan sa break time nila. Pero hindi pa rin niya maalis ang pag-iisip kung ano ba talaga iyon.

“Okay, class. Magkakaroon tayo ng activity today,” sabi ni Mr. Macato. “Gusto kong magsulat kayo ng tula. Tungkol sa kahit saan o ano. Walang sukat. Walang tugma. Pagkatapos, mamaya, pipili ako ng limang estudyante na babasahin ang mga gawa nila sa buong klase.

Nagsimulang manahimik ang buong klase pagkatapos makapaglabas lahat ng papel. Nagsimula nang magsulat ang iba pero hirap na hirap si Clover na bumuo ng mga salita. Pansin iyon ni Leaf sa paulit-ulit niyang pagbura ng mga isinusulat. Hindi para sa kaniya ang paggawa ng tula dahil diretso siyang tao. Hindi siya magaling sa mga mabubulaklak na salita. Pinilit na lang niya kahit hindi maganda ang gawa niya. Umaasa na lang siyang hindi siya mapipili ng guro nila para basahin ang gawa sa buong klase.

Ilang minuto ang nakalipas, isa-isa na silang napansin ng guro na natatapos.

“Sinong gustong mauna?” tanong ni Mr. Macato. Nagulat ang lahat at ang iba ay nagbubulungan at tulad ni Leaf ay umaasang hindi sila matatawag. “Wala? Sige. Ikaw na lang, Mr. Reyes.”

“Po?” ani Leaf.

“Oo nga pala. Dalawa pala kayo. Ikaw na mauna, Elm.”

Tumayo si Elm at dahan-dahan siyang naglakad papunta sa harap.

“Nga pala, bago ka magsimula. Okay ka na ba?” tanong ni Mr. Macato sa kaniya. “Nabanggit lang kasi ng iba niyong mga guro ‘yung nangyari sa’yo. Na-guidance na ‘yung dalawang gumawa niyan sa’yo kaya I hope maging okay ka na soon.”

“Salamat po. Umo-okay na rin naman po ang pakiramdam ko.”

“Mabuti. Pwede ka nang magsimula.” Kumumpas pa si Mr. Macato kay Elm na humarap na sa buong klase.

Tahimik ang lahat at pinapanood lang siya. Nagsimula siyang basahin ang isinulat niya sa papel na hawak. “Ang pamagat ng tula na isinulat ko ay ‘Sa Taong Dumurog Ng Puso Ko’.”

Unang sumilay ang mga mata ko sa’yo

Unang minahal

Unang binigyan ng halaga

Ikaw ang una ko sa lahat ng bagay

Pero umalis ka

Iniwan ang puso kong nag-iisip

Nagtatanong kung bakit hindi ako sapat para manatili ka

Hindi nga ba talaga?

Nangako kang babalik

Oo, tinupad mo naman

Binigay mo ang lahat ng gusto ko

Pero hindi ang mga pangangailangan ko

Iniisip mong sapat na ‘yun para makabawi ka

Mali

Maaring para sa’yo

Pero para sa akin ay hindi pa

Nagpalakpakan ang buong klase maging ang kanilang guro. Hindi na nakapalakpak si Leaf dahil sa pagkamangha niya sa nabuong tula ni Elm. Magaling pa lang gumawa ng tula si Elm. Hindi niya inaasahan.

“Napakahusay, Mr. Reyes. Sino ba ang tinutukoy mo sa tula mo na iyan. Gusto kong malaman kung gaano siya kaganda para saktan ka pa. Kasi kung ako ‘yan, hindi ka masasaktan sa akin. Ako ang handang masaktan para sayo. Char.”

Nagtawanan ang buong klase pero nanahimik ang lahat nang sabihin niyang, “Para po ‘yun sa nanay ko.”

Napatingin ng direkta si Leaf sa mata niya at ramdam niya ang lungkot na bumalot kay Elm ng banggitin niya iyon.

“Oops. Sorry.” Nag-peace sign pa ang guro nila.

Tumango lang si Elm at ngumiti ng matipid.

“Pwede ka nang bumalik sa upuan mo, Elm. Salamat sa pag-share ng iyong napakagandang tula. Sunod naman, Ms. Alvarez.”

Nakasunod ang mata ni Leaf kay Elm hanggang sa makabalik ang binata sa upuan niya. Tiningnan siya ni Elm pagkaupo pero hindi na masama ang tingin niya kay Leaf. Kalahating ngiti ang ibinigay ni Leaf sa kaniya na ginantihan rin naman ng ganoon ni Elm.

Ilang klase pa ang dumaan bago dumating ang breaktime. Inaantay din ito ni Leaf dahil sinabi ni Clover na ikukwento na niya ang nangyari sa kanila ni Elm at malalaman na niya ang rason kung bakit ganoon na lang ang galit niya sa kaklase. Nasa lugar sila kung nasaan sila kahapon at may pagkain na rin sila sa mesa. Puno kasi palagi ang loob ng karinderya. Ang labas ay palaging maluwag kaya naman doon na lang sila. Mainit nga lang kahit pa may bubong naman ang puwesto nila.

“So, ano nga ang nangyari bakit galit na galit ka kay Elm?”

Nakayuko lang si Clover habang kumakain. Sandali siyang tumigil at humigop ng maraming hangin. “Maniniwala ka bang sikat siya dati dito sa school natin. Unang mga taon namin dito. Bagong mukha. Naging member pa siya ng basketbol team. Tinitilian ng mga babae, mga beki, at may mga teacher pa. Pinag-aagawan. Buti nga hindi mo ‘yun naabutan kasi nagpapatayan talaga sila noon sa kaniya. At, isa ako sa kanila. Dati.” Tinusok-tusok niya ang pagkain ng tinidor. “Pumasok ako ng cheerleading team nila para mapalapit ako sa kaniya. At, ‘yun naman ang nangyari. Naging magkaibigan kami hanggang sa umamin ako sa kaniya. Sabi niya, girlfriend na daw niya ako. Pumayag ako.” Seryoso namang nakikinig si Leaf sa kaniya. “Tapos nalaman ko na lang na madami na pala kaming girlfriend niya. Pinagsabay-sabay. Pinaasa. Niloko. Trip niya lang pala iyon. Akala ko totoo.”

Tahimik lang si Leaf noong una pero pinipigilan lang pala niyang humagalpak ng tawa. Hindi na niya napigilan. Natulala sa kaniya si Clover habang nakaawang ang bibig dahil hindi siya makapaniwala sa naging reaksyon ni Leaf.

“Pasensya na.” Sinubukan niyang hindi na matawa. “Hindi ako natatawa sa nangyari sa’yo. Don’t get me wrong. Hindi ako natatawa sa ginawa niya sa’yo, sa kanila, sa iba pa. Hindi ko siya kakampihan doon dahil mali ‘yung ginawa niya. Pero sorry, natatawa lang ako sa kaniya. Ano kayang pumasok sa isip niya bakit niya ginawa ‘yun?”

Blangko lang ang tingin ni Clover sa kaniya. “Pinagtatawanan mo ko. Huwag ka nang magdahilan. Akala mo ba ganoon lang ‘yun. Nasaktan kaya ako. Hindi mo kasi alam kung gaano siya pinapangarap ng mga babae at beki noon. Umasa kaming dream come true na naging jowa  na namin siya. Isa pala ‘yung trap sa isnag bangugot.” Sumimangot si Clover at hindi na natuloy ang pagkain niya.

Napahinga ng malalim si Leaf at hinaplos sa braso ang kaibigan. “Huwag ka nang malungkot. Hayaan mo. Pag nakahanap ako ng pagkakataon, pagsasabihan ko ‘yan si Elm. Hanggang ngayon ba ginagawa niya pa rin?”

Tumama muli ang mata ni Clover kay Leaf. Bakas pa ang kaunting galit sa paraan ng pagtingin niya. “Bakit, gusto mo rin ma-try maging jowa siya kahit hindi totoo?”

Pinigilan ni Leaf na matawa. “Oo, para it’s a tie tayo. Biro lang.”

“Ewan ko sa’yo!” Inirapan siya ni Clover.

“Ito naman, hindi mabiro.”

“Sa totoo lang, hindi ko na rin alam kung ganoon pa rin siya kasi na-warningan na namin halos lahat sa kaniya. Ikaw na lang ata ‘yung nauuto pa rin niya kahit ilang warning na sa’yo. Baka sakaling magising ka ‘pag nangyari na sa’yo. Gusto mong malaman kung ganoon pa rin siya, ‘di ba? Magpauto ka na. It’s your time to shine at para makumpirma mo na rin”

“Iyon ay kung mauuto niya ako,” ani Leaf. Ibinaling niya ang tingin niya sa malawak na grounds ng eskwelahan. Pinagmasdan ang mga naglalakad o nagkwekwentuhang ibang mga estudyante.

Bumalik na sila ng silid-aralan pagkatapos kumain. Ilang assignatura pa ang tinapos nila bago ang uwian.

“Sabay na tayo lumabas ng gate?” tanong ni Clover.

“Sorry, Clover. May iba akong kailangang sabayan.”

Napairap sa kanya si Clover. “Ewan ko sa’yo. Unti-unti ka nang nababaliw sa lalaking ‘yan. Daig mo pa ang nagayuma.”

“Baliw agad?”

Naglakad na si Clover palabas ng classroom.

Nilingon naman ni Leaf si Elm sa likuran. Tapos na siyang mag-ayos ng gamit kaya dahan-dahan nang tumayo sa kinauupuan.

“Kailangan mo ng tulong?” tanong niya habang papalapit siya kay Elm.

“Kaya ko na mag-isa.”

“Sabayan na lang kita maglakad hanggang sa makauwi ka.”

Naglakad na palabas ng classroom si Elm. “Bahala ka sa buhay mo.”

Sinundan na siya ni Leaf at sabay na silang naglakad palabas.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status