Share

[3] I Love You, Classmate

Nang matapos ang klase, kinuha ni Leaf ang bag ni Elm.

“Seryoso ka talagang babalikan mo siya sa clinic?” tanong ni Clover.

Napabuntong-hininga si Leaf. “Kahit papaano kasi nagi-guilty rin ako sa ginawa ko sa kaniya.”

“Speaking of guilt, siya ba na guilty sa mga babae at beki na pinaasa lang niya? Dapat lang ‘yun sa kaniya. Huwag mo na siyang tulungan. Deserve niya iyon.”

“Hayaan mo na ako, Clover. Hindi mo naman ako kailangang samahan. Pwede ka nang umuwi.”

“Hindi talaga noh. Mag-isa ka dyan.” Umalis na si Clover sa harap niya.

“Sige na. Bye. Ingat.”

Binuhat na niya ang bag ni Elm habang suot naman ang bag niya sa likod. Bumalik siya ng klinika.

Pagpasok niya, nakahiga pa rin si Elm sa kama at may bendahe na ang kanang paa niya. Masama pa rin ang tingin niya kay Leaf.

“Bumalik ka pa. Hindi naman kita kailangan.”

“Anong sabi ng doctor?” Naupo si Leaf sa upuan na nasa gilid ng kama. Ibinaba niya sandali ang mga bag.

“E ‘di tanungin mo sila.”

“Sprain. One week pa raw siya bago pwede maglaro ng basketbol,” pagsingit ng nars na dumaan sa usapan namin. Umalis rin siya agad.

“Kasalanan mo ‘to,” ani Elm.

”Kung wala ka kasing ginawa sa mga tao na ‘yun, hindi yan mangyayari sa’yo. Bakit ba galit na galit sila sa’yo?”

Napalingon si Elm sa kaniya. “Hindi ko kailangan magpaliwanag sa’yo. Kasalanan nila ‘yun. Hindi ko kasalanan na tanga sila,” aniya. “At isa pa, matagal na nilang ginagawa ‘yan pero ngayon lang sila nagtagumpay. At dahil ‘yun sayo.” Sabay tingin niya sa malayo habang magkasalubong ang mga braso niya sa bandang dibdib.

Tumayo na si Leaf sa upuan niya. “Ayoko na makipagsisihan. Ganito na lang. Hatid na lang kita sa inyo. Kakausapin ko rin ‘yung parents ko na tulungan ka. Magbibigay kami ng assistance. Sana tanggapin mo.”

Hinawakan niya si Elm sa braso para tulungan bumaba ng kama dahil hirap ito pero hinigit ni Elm pabalik ang kamay niya.

“Kaya ko. Hindi ko kailangan ng tulong mo.”

Sinubukan niyang dahan-dahan na umupo at tumayo mula sa kama. Kinuha niya ang bag niya na nakalapag sa sahig at buti na lang may dala siyang tsinelas. Ipinalit niya sa pinaglagyan nu’n ang sapatos niya. Dahan-dahan din siyang naglakad. Isusuot na sana ni Elm ang bag niya.

“Ako na,” biglang sabi ni Leaf. Binuhat na niya ang mga bag nila. Inirapan siya ni Elm at paisa-isang hakbang na itong naglakad. Sinundan siya ni Leaf palabas ng klinika. Tumango na lang si Leaf sa nars nang palabas na sila at sinabing, “Salamat po.”

Dahan-dahan lang na naglakad si Elm at nasa likod niya lang si Leaf hanggang sa makalabas sila ng eskwelahan.

“Sabihin mo lang kapag hindi mo na kaya.”

“Kaya ko,” sigaw niya pabalik. 

“Gusto mo mag-tricycle tayo para hindi ka na mahirapan?”

“Anlapit-lapit lang ng bahay ko dito ta—” Bigla siyang natigilan. Napayuko siya at napatingin sa paa niya.

Binilisan na ni Leaf maglakad para abutan siya. “Okay ka lang?”

“Mukha ba akong okay? Asan na ‘yung traysikel na sinasabi mo?”

Pinigilan ni Leaf ang ngiti na gustong pumuslit sa labi niya. Itinaas niya ang kamay niya sa mga traysikel na nakaparada sa kabilang kalsada. Lumapit ang isa sa mga ito at inalalayan na niya sumakay sa loob n’un si Elm. Magkatabi sila sa loob. Buhat pa rin ni Leaf ang mga bag.

“Dyan na lang po sa tabi,” ani Elm.

Tumigil ang traysikel sa isang eskinita. Naunang bumaba si Leaf at inalalayan niya si Elm na bumaba. Tumigil sila sa tapat ng pinto na may screen. Lumapit si Elm sa bag niya na bitbit ni Leaf at dinukot niya ang susi. Tinitingnan-tingnan naman ni Leaf ang mukha ni Elm at patagong kinikilig. Hindi siya nagpapahuling nakatingin kay Elm.

Nang makuha na ang susi, binuksan na ni Elm ang pinto at kinuha ang bag niya. “Makakaalis ka na.”

Pumasok na ng pinto si Elm.

“Tetext pala kita bukas. Papahatid na lang tayo sa school. Sasabay na kita sa paghatid sa ‘kin ng parents ko.”

“Bahala ka.” Isasara na sana niya ang door screen pero pinigilan siya ni Leaf.

“Teka. Pano kita ite-text?”

“Edi gamitin mo ‘yung cellphone mo.” Hinila niya ulit ang pinto pero hindi ulit siya hinayaan ni Leaf na isara ‘yun.

“Hello? Hindi ko alam ‘yung number mo.” Napakibit-balikat na lang siya nang bigyan siya ni Elm ng mga blangkong tingin.

“Ikaw na lang ata hindi nakakaalam ng number ko sa school.”

Inilapag ni Elm ang palad niya bilang sensyas na ibigay ni Leaf ang telepono niya. Dali-dali naman iyong dinukot ni Leaf sa bulsa niya at inilapag sa palad ni Elm. Pinakialaman iyon ni Elm at inilagay na doon ang numero kung saan siya pwede i-teks ni Leaf.

“Bye. See you tomorrow.”

“How to unsee you tomorrow,” ani Elm na umjrap pa sabay sara ng pinto nila.

Umalis na si Leaf at sumakay ng traysikel na nakaparada sa dulo ng eskinita para umuwi na rin siya sa kanila. “Classmate” ng Hambog ng Sagpro Krew ang kanta sa traysikel na nasakyan niya pero nakangiti siya at inaalala na magkasama pa rin sila ni Elm. Sa katunayan ay gusto niyang pilayin ang isa pang paa ni Elm para lang palagi na lang itong nakaakbay sa kaniya. Sa gayong paraan, palaging magkadikit ang katawan nila.

🍀🍀🍀

Pagdating ni Leaf ng bahay nila, nandoon na ang kaniyang ina na nagluluto ng hapunan.

“Kamusta ang bago mong school?” tanong ni Maple habang naghihiwa ng sibuyas at bawang.

Ibinaba ni Leaf ang bag niya sa sopa sa sala nila. “School was okay pero may kailangan akong sabihin sa’yo.”

“Ano ‘yun?” Patuloy lang siya sa paghihiwa.

“Mayroon kasing guy sa school.”

“Crush mo?”

“Opo.” Agad na natigilan si Leaf nang mapagtanto ang isinagot. “I mean, may kasalanan kasi akong nagawa sa kaniya. Na-sprain ko ‘yung paa niya.”

Tumigil si Maple sa paghihiwa. “Leaf? Nakipag-away ka ba? First day tapos—.”

“No, Mom. Aksidente ang nangyari pero ako kasi ‘yung sinisisi niya,” pagputol ni Leaf sa sinasabi ng ina habang naglalakad siya papuntang kusina.

Bumalik sa paghihiwa si Maple. “Kasalanan mo ba talaga?”

Napatingin si Leaf sa kisame para mag-isip. “Medyo. Kasi ako ‘yung reason ba’t nangyari sa kaniya ‘yun.” Sumandal si Leaf sa kitchen counter kung saan naghihiwa si Maple. “Pwede ba natin siyang bigyan ng assistance para sa pagpapagaling niya? Kahit maliit lang tapos sunduin at ihatid na lang natin siya bukas papasok ng school hanggang sa gumaling lang siya? You know, para mapatawad niya ako. Hindi ba pangit ang may kaaway specially sa lugar na bago lang tayo. Nakikipagkaibigan ako dapat, ‘di ba?”

“Naiintindihan ko at masaya ako that you’re being accountable. Pero mahirap rin basta na lang magtiwala.”

“Kaklase ko naman siya, Mom.”

“Okay. Sabihin ko na lang sa Daddy mo. Mag-uusap muna kami, okay?” Sandaling ngumiti si Maple sa kaniya at agad ring bumalik sa paghihiwa.

“Thanks, Mom.”

Ngumiti siya kahit hindi nakatingin sa kaniya ang ina.

🍀🍀🍀

Kinabukasan. Nag-teks si Leaf kay Elm bago pa man sila umalis ng bahay nila:

Paalis na kami. Dadaan kami dyan. Sabay na tayo pumasok.

Nagreply si Elm:

K.

Sumakay na si Leaf ng sasakyan nila. Andoon na ang mga magulang niya sa loob.

“Sino ba ‘yung susunduin natin? Boyfriend mo na ba ‘yun?” tanong ni Alder sa kaniya. Pinaandar na niya ang kotse.

“Daddy naman,” mataas ang tono niyang sinagot ang ama. “Hindi pa po.”

“Hindi pa,” sabay na sabi ng mga magulang niya. Nagtinginan pa ang dalawa sabay hagalpak ng tawa.

“Ikaw, ah. Tanggap kita kung ano ka pero hindi ka pa pwedeng mag-boyfriend. Mag-aral ka at magtapos ka muna.”

“Daddy naman. Kaya ko namang pag sabayin. Talented kaya ako.”

“Ah, basta. Hindi muna pwede.” Nakatingin lang si Alder sa daan habang nagmamaneho.

Humarap si Maple, na nakaupo tabi ng asawa niya, sa anak na nasa likod. “Pogi ba siya? Anong nagustuhan mo sa kaniya?”

“Puro pogi ang gusto,” pagsingit ni Alder. “Ba’t ako, hindi naman pogi, pinatulan mo?” Natawa pa si Alder sa sinabi.

“Hoy pogi ka naman. Ito naman para ka namang hindi naging teenager.” Pinalo niya ng mahina sa braso ang asawa sabay humarap muli kay Leaf. “Alam mo, ‘nak. Sa ganiyang edad, talagang puro itsura pa ang basehan para magkagusto sa isang tao. Pero pag tumanda ka na, mare-realize mo na hindi sapat ang itsura kung wala na kayong makain o’ di kaya naman palagi ka na lang nasasaktan dahil sa kaniya. Maghihiwalay na lang kayo kasi wala na ‘yung pagmamahal at respeto niyo sa isa’t-isa. Protective lang ang Daddy mo. Naiintindihan ko siya. Ang sa akin lang, pwede ka naman mag-boyfriend pero hindi mo pa dapat ‘yun gawing priority sa ngayon. In short, hindi mo pa ‘yun kailangan seryosohin ngayon. Marami pang mangyayari sa buhay mo.”

“Opo. Naiintindihan ko naman. Nagbibiro lang rin po ako kanina.” Napasilip siya sa bintana. Nakita niyang nakatayo na si Elm sa may labas ng eskinita at nag-aantay. “Iyan siya. ‘Yan si Elm.”

Itinigil ni Alder ang kotse sa harap ni Elm. Sinilip ni Elm ang loob at binuksan niya ang pinto ng kotse. Dahan-dahan siyang sumakay. Katabi niya si Leaf sa may likod.

“Good morning po, parents ni Leaf,” bati ni Elm sa kanila.

“Ako nga pala ang mommy Maple ni Leaf at siya naman ang daddy Alder niya. Huwag mong sasaktan Leaf namin, okay?” Nakaharap siya sa likod.

“P-po?” Napatingin siya kay Leaf na magkasalubong ang mga kilay.

Tumawa si Maple. “Biro lang. Masyado ka namang seryoso.”

Tumawa na lang din si Elm kahit hindi naman siya talaga natatawa.

Patuloy naman sa pagmamaneho si Alder pero sinilip niya sa rearview mirror si Elm.

“Gwapong bata pala itong si Elm.”

Napakamot ng ulo si Elm at tumatawa konti. “Talaga po. Salamat.”

“Huwag niyong purihin masyado. Baka akalain niya totoo,” pagsingit ni Leaf.

Napatango-tango si Elm at nakangising sinabi na, “Alam niyo ho bang gusto pa lang magbasketbol nitong si Leaf?”

“Sabi nino?” tanong ni Alder.

“Niya po.”

“Basketbol?” ani Maple. Sabay muling humagalpak ng tawa ang mag-asawa. Hinampas-hampas pa ni Maple ang asawa sa braso.

Napatingin sa labas ng bintana si Leaf. Namumula na ang tenga niya. Hindi makatingin si Leaf kay Elm. Hiyang-hiya siya. Mabuti na lang at dumating na sila ng eskwelahan. Nagkaroon ng dahilan si Leaf para hindi na matuloy ang usapan na ‘yun.

“Nandito na po tayo sa tapat ng school.”

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status