Share

Chapter 4 

IRITADUNG-iritado na si Billy kay Zander na miatulanv doberman na nakabuntot sa kanya pero hindi niya magawang singhalan ito. Marami kasing press na nakabuntot sa kanila, at tiyak niyang isang maling galaw lang niya ay magba-viral siya. 

Kung ang ibang artista, gumagawa ng 'kalokohan' para makilala, siya'y gugustuhing malaos kaysa gumawa ng mali. Ang gusto niyang i-promote ay ang kagandahang asal. Sa palagay nga niya'y iyon ang dahilan kaya tinatangkilik ng husto ang kanyang vlogs. 

At sa susunod,  ang pakikipagrelasyon. Sa kaisipan tuloy na iyon, hindi niya napigilan ang mapangiti. Ang agad kasing pumasok sa kanyang isipan ay si Kidlat Romero. 

"Kakaiba yata ang ngiti mo ngayon, Billy," wika ng isang reporter kaya napahinto rin siya sa paglakad. Kahit kasi kasalubong na niya ito'y

Parang hindi na rin niya ito nakikita. 

"Paanong kakaiba?" Tanong niya rito pagkaraan. Kung hindi siya nagkakamali ay Alby ang pangalan nito. 

"Parang may bumbilya sa mga mata mo," wika nito. 

Napahalakhak tuloy siya. "Huwag kang maingay. Baka mamaya, may maningil sa akin ng kuryente dahil sa sinabi mong may bumbilya ang mga mata ko."

Kung hindi lang niya napigilan ang sarili, talagang napahalpak na siya nang tawa. Ilang sandali rin kasing natulala ito na para bang pinag-iisipan muna ng husto ang kanyang sinabi pero maya-maya, tumawa na rin ito. 

Mapanudyo pa rin ang mga mata ni Alby. "Si Zander ba ang ipinangako mo sa viewers mo?"

"Nag-subscribe ka rin pala sa youtube channel ko," nanunukso niyang sabi dito. Sinubukan niyang huwag pansinin ang panunukso nito sa kanila ng aktor. 

"Of course," mabilis nitong sabi. "Ikaw yata ang favorite youtuber ko."

"Oh, thank you," hindi niya napigilang ibulalas kahit hindi naman siya sigurado kung totoo ang sinasabi nito o binobola lang siya. Sa uri kasi ng mundo na kanilang ginagalawan, marami ang mapagkunwari. Gayunman, walang dahilan para sabihin niya ritong pinagdududahan niya ang sinabi nito. Baka naman kasi totoo ang sinasabi nito. Hindi naman kasi siya nag-vlog para mag-tsismis na alam na alam niyang gustung-gusto ng mga showbiz reporter. 

"Huwag mong ibahin ang usapan," wika nito sabay sulyap kay Zander. "Siya ba ang boyfriend na ipapakilala mo sa publiko?"

"No," mariin niyang sabi. 

"Aray ko naman," nagrereklamong wika ni Zander sa kanyang likuran. "Huwag mo naman akong bastedin dito."  

Plastik! Gusto niyang sabihin dito pero ayaw naman niya itong ipahiya kaya tiningnan na lang niya si Zander saka tinaasan ito ng kilay. Gusto niyang ipakita rito na hindi niya ito pinaniniwalaan.

Malaki ang paniniwala niya na tulad lang din ito ng kanyang ex, manggagamit. 

"So, may iba kang ipapakilala?" Excited na tanong ni Alby. 

"Yes," wala sa loob na sabi niya. Masama ang nagsisinungaling kaya naibulalas niya iyon. Saka, kung tutuluy-tuluyin din naman ang panliligaw ni Kidlat sa kanya, magiging boyfriend din naman niya ito. 

"Sino?" Excited na tanong ng reporter.

Bago pa man niya naibulalas ang pangalang Kidlat Romero ay napa-OMG na siya. Paano ba naman, naglalakad na papunta sa kanya ang lalaking palaging laman ng kanyang puso't isipan, pati na rin ng kanyang panaginip – si Konsehal Kidlat Romero.  

SABI ng utak ni Kidlat, ginagawa lang niya ang pakikipaglapit kay Billy Monteza dahil gusto niyang makilala. Na ginagawa niya ang lahat ng iyon para sa kanyang pangarap. Ngunit, ang isang bahagi naman ng isipan niya ang nagsasabing hindi totoo iyon. Kahit naman kasi nag-aambisyon siyang maging Mayor, hindi niya kailanman naisip na gumamit ng ibang tao para umangat. 

Ngayon lang, nanunuksong sabi ng isang bahagi ng kanyang isipan. Kailangan kasi niya talagang manalo sa susunod na eleksyon. Hindi lamang para sa pangarap niya, pati na rin para sa kanyang mga kababayan. 

"Anong ginagawa mo rito?" Gulat na tanong sa kanya ni Billy. Kahit na nagtataka ito sa kanyang pagsulpot ay kita nga niyang pag-ilaw ng mga mata nito na nagsasaad na nasisiyahan itong makita siyang muli. 

Dahil nga sa masyadong malayo ang Batangas sa Makati ay tuwing Saturday at Sunday lang niya ito nadadalaw. Mabuti na nga lang at bumili siya ng condo sa Manila kaya doon siya nagi-stay matapos niyang dumalaw kay Billy. 

Marami mang tao sa kanyang paligid, ayaw niyang alisin ang tingin kay Billy na parang mas gumanda pa ng huli niyang makita. Binigyan pa niya ito ng matamis na matamis na ngiti para hindi na nito maisipan pang lumingon kung kani-kanino. 

"Nandito ka kaya nagpunta rin ako rito," wika niyang matamis na matamis ang ngiti. Ayaw niyang isipin nito na nagsisinungaling siya kaya pinanatili niya ang kanilang eye contact. "I want to see you and I want to be with you."

Hindi man siya lumingon sa paligid ay narinig niya ang pagsinghap ng mga tao kaya hindi na rin siya magtataka kung malilingunan niya ang mga ito na puro nakatutop ang mga ito sa kanilang bibig. Sa kaisipang iyon ay mas napangiti siya. Talaga kasing gusto na niyang ibandera ang panliligaw niya kay Billy sa buong Pilipinas at kung maaari lang ay sa buong mundo. 

Sabi niya, ang bawat sabihin at gawin niya ay dala lamang ng pangangailangan niyang manalo pero para may malaking bahagi ng pagkatao niya ang labis na tumututol. Hindi naman niya kasi magawang ipagkaila sa sarili na maganda si Billy. 

Maamo ang mukha nito, napakaputi at napakaseksi kaya para sa kanya ang sarap-sarap nitong protektahan. Mabuti na nga lang din at hindi ito gaanong sumikat sa pag-aartista dahil kung magiging asawa niya ito, hindi niya gustong may ibang titingin sa kanyang misis. 

Asawa? Misis? Mangha niyang bulalas sa kanyang isipan. Sa pagkakatanda niya kasi ay wala sa bokabularyo niya ang pag-aasawa. Ang tanging gusto lang niya ay makapaglingkod sa kanyang mga nasasakupan. 

Ngunit, tama rin naman si Lian. Mas magtitiwala sa kanya ang publiko kung mayroon siyang babaeng pinahahalagahan. At malaki ang maitutulong sa kanya kung ang babaeng iyon ay si Billy lalo pa't minamahal na ito ng publiko. 

"Konsehal Kidlat?"

Hindi sana niya gustong iwanan ng tingin ang magandang mukha ni Billy pero kung hindi naman niya gagawin iyon ay magmumukha naman siyang isnabero sa paningin ng publiko. Kahit tuloy labag sa kanyang loob, napilitan siyang lingunin ang nagsalita. 

Nang mapagtanto niyang isa itong reporter ay lalo siyang ngumiti. Kailangan niyang gamitin ang lahat ng charm na mayroon siya para makuha niya ang boto nito. 

Maaari ngang hindi ito taga-Batangas at hindi siya nito maibubutong Mayor pero hindi lang naman mayor ang pangarap niyang maabot. Gusto rin niyang maging Senador at Presidente. Sa tingin niya kasi ay siya ang karapat-dapat na maihalal dahil talaga namang nasa puso niya ang paglilingkod. 

"Yes, ako nga. Mabuti naman at kilala mo pala ako."

"Naku, taga-Batangas po ako kaya lagi ko kayong ibinoboto. Ano pong ginagawa ninyo rito?" Nakangising tanong nito. Sa klase ng tinginv ipinupukol nito kay Billy, alam niyang may ideya na ito sa sitwasyon. 

Bago siya sumagot ay tinapunan muna niya ng tingin si Billy na namumula ang mukha. Hindi naman kasi nito talaga inaasahan ang pagsulpot niya roon. Well, hindi rin naman niya talagang planong pumunta pero nang malaman niyang magkasama na naman sina Billy at Zander sa isang palabas ay hindi na siya nagdalawang isip na magbiyahe. 

"Miss na miss ko na kasi ang mahal ko kaya bigla akong napasugod dito," wika niya saka inakbayan si Billy na talaga namang gulat na gulat. Siya man ay nagulat sa kanyang sarili kung bakit siya umaakto ng ganoon. Basta ang alam niya, kailangan niyang mailayo si Billy sa lahat ng lalaki na nagkakagusto rito. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status