A Stepbrother's Burning Desire
Si Xyza Gabrielle Ignacio, dalawampu 't tatlong taong gulang, ay nag-iisang anak ng isa sa pinakamayayamang pamilya sa mundo ng negosyo. Dahil dito, lumaki siyang spoiled at sanay na nakukuha ang lahat ng gusto. Mas inuna pa niya ang barkada, gala at luho. Ang pag-aaral? Palaging nasa huli sa kanyang listahan.
Ngunit nagbago ang lahat nang mamatay ang kanyang ama sa isang aksidente. Dahil sa depresyon, ay napabayaan ng kanyang ina ang kanilang negosyo hanggang sa tuluyang malugi at magsara. Kaya sa isang iglap ay bigla na lamang nawala ang marangyang buhay na kinasanayan niya.
At sa isang desisyong hindi inaasahan, muling nagpakasal ang kanyang ina, isang bagay na labis niyang tinutulan. Mas lalo pang gumulo ang lahat nang napag-alamang sa bahay ng bagong asawa nito sila titira.
Doon niya nakilala si Flint Atlas Martinez, ang "bagong kapatid" niya sa papel. Tatlumpung taong gulang, strikto, may kayabangan, pero hindi maikakailang mapang-akit. Isa itong CEO ng matagumpay na engineering firm na siyang pagmamay-ari ng pamilya nito.
Araw-araw silang nagbabangayan. Hindi sila magkasundo sa kahit maliit na bagay. Si Xyza, palaban at maarte. Si Flint, mayabang at sobrang higpit sa kanya sa hindi malamang dahilan. Pero paano kung sa likod ng kanilang mga pagtatalo, unti-unting umusbong ang isang bawal na damdamin? Bawal na damdamin sa mata ng ibang tao, dahil sa papel ay magkapatid sila.
Ngunit, kung kailan unti-unti na nilang nauunawaan ang tunay nilang nararamdaman para sa isa 't isa, saka naman nagsilabasan ang mga hadlang. Una na roon ang ina ni Xyza, dahil naniniwala itong isa na silang pamilya.
At ang masaklap pa, umeksena pa ang dating kasintahan ni Flint, isang babaeng handang gawin ang lahat upang maagaw muli ang lalaking minamahal niya. Hanggang saan nila kayang ipaglaban ang kanilang mga damdamin sa dami ng mga humahadlang sa kanilang pag-iibigan?