Share

Chapter 4

"Kung gusto mo naman talagang umalis Lyrica ay susuportahan ka namin. Para iyon sa ikakaayos ng buhay ng pamilya mo." malumanay na sabi ni Wren. Nasabi ko na rin sa kanila ang pagluwas ko.

"Oo nga, lalo na at may makakasama ka naman doon. " Sabi ni Krisha.

"Sigurado naman akong hindi ka papabayaan ni Ate Jessie doon." Nakangiting sabi ni Mildred sa akin.

"Hindi ba delikado iyon? Mahirap rin sa Maynila. Nakaparaming mandurugas doon, mahirap iyon lalo na at babae si Lyrica." Nakakunot na noong sabi ni Marco.

"Marco my friend, sa tingin mo ba ay papabayaan ni Lyrica ang sarili niya? Malay mo nga doon makuha ni Lyrica ang swerte niya. Mas kailangan si Lyrica ka ng pamilya niya ngayon. " Seryosong sabi ni Wren at tinapik ang balikat ni Marco. Walang emosyon namang ininom ni Marco ang alak na para sa kanya.

Hindi naman lingid sa grupo namin, lalong lalo na sa akin ang pagkakaroon ng pagkagusto sa akin ni Marco. Ilang beses na niyang sinubukang manligaw , agad ko naman iyong tinatanggihan. Ayokong masira ang pagkakaibigan na nabuo namin sa mga nagdaang taon, isa pa ay wala sa isip ko ang pagnonobyo. Naiintindihan naman niya iyon, kaso nga lang ay may mga pagkakataong nagiging overprotective na siya. 

Palagi naman naming naaayos iyon at naidadaan sa maayos na pag uusap.

"Tatawagan ko si Ate Jessie, gusto mo ba siyang makausap? Naikwento ko na kasi sa kanya noon na gusto mong mag Maynila. Sabi naman niya ay may bakante pa sa opisina nila, kaso medyo matagal ko ng nasabi iyon. Marami namang mga kompanya sa Maynila Lyrica." Sabi sa akin ni Mildred.

"Ayos lang ba talaga? Hindi ba nakakahiya sa pinsan mo? "

"Oo naman, huwag kang mag alala. Mabait yun si Ate." Pagpapalakas ng loob ni Mil sa akin.

"Oo nga, para may ninang naman si baby na Manila girl! " Tawa ni Krisha, pinapagaan ang usapan namin.

"Sige. Hindi naman masamang sumubok." Napangiti na lamang ako.

Tinawagan ni Mildred ang ate Jessie niya. Nakailang ring ang kanyang cellphone bago sumagot ang pinsan niya.

"Hello, Mildred? Bakit napatawag ka? May problema ba? " Medyo maingay ang background ng ate niya.

"Wala naman ate. Busy ka ba? May itatanong sana ako."

"Uh, hindi naman. Nasa bar kasi ako, alam mo na chill chill lang after ng work." Napatawang sabi nito.

"Ano bang itatanong mo? " Tanong pa nito kay Mildred, ako naman ay kinakabahang nag iintay ng sasabihin ni Ate Jessie.

"Si Lyrica kasi, yung ikinuwento ko sayong kaibigan ko nung isa tayong nag usap. Desidido kasing lumuwas ng Maynila e. Baka naman maipapasok mo siya sa trabaho mo ate? " Malambing na sabi ni Mildred.

"Naku! Yun lang, hindi na hiring sa company. " Parang nagdadahilang sabi ng Ate Jessie niya. Nawalan naman ako ng lakas loob dahil doon.

"Ganun ba ate, sayang naman. Pero balak niya talagang pumunta diyan e. Kakapalan ko na talaga ang mukha ko ate, baka naman pwedeng habang naghahanap siya ng trabaho diyan ay sa iyo muna siya tumuloy? " 

"Pwede naman, basta ba ay hahati siya sa bayad ko sa upa. Siguraduhin mo lang na okay iyang kaibigan mo, mahirap ang loko loko rito sa Maynila Mildred. Isa pa, dapat malakas ang loob niyan. Baka sa interview palang umiyak na iyan." Tatawa tawang sabi ni Ate Jessie.

"Hindi ate. Promise, okay na okay itong si Lyrica. Kailangan niya lang talaga ng trabahong malaki ang pasahod e."

"O siya sige, bukas kamo kami mag usap. Tamang tama at day off ko bukas. Ibaba ko na itong tawag, tinatawag na ako ng mga kaibigan ko." 

"Sige ate, maraming salamat ha? " Tuwang tuwa na sabi ni Mildred.

"Oh ayan girl! May pag asa ka na! " Pumapalakpak na sabi ni Krisha. Miski ako ay natuwa sa narinig ko.

"Kami na ang bahala sa nawala mong ipon." Napabuntong hiningang sabi ni Marco. Napahilot pa ito sa sintido.

"Ayan, ganyan dapat ang kaibigan. Suporta lang Marco." Masayang sabi ni Mildred.

"Pero syempre, utang yun ni Lyrica. Sa tagal nang panahon nating magkakaibigan hindi iyan napayag ng bibigyan siya ng tulong pinansiyal. Gusto niya lagi ay yung babayaran niya." Tawa ni Wren.

" Aba oo nga! Naalala ko bigla, isang beses na inilibre ko siya ng tanghalian. Biruin mo, kinabukasan ng sabado ang aga sa bahay. Tutulungan niya raw akong maglaba." Halakhak ni Krisha.

Napuno ng tawanan ang kubo. 

Alas diyes ng gabi natapos ang inuman namin ng masaya.  Medyo nakakaramdam lamang ako ng hilo pero kaya ko pa naman. Si Marco ang maghahatid sa akin pauwi, hindi masyadong nag inom dahil magmamaneho pa siya pauwi. 

"Una na kami, ingat kayo pag uwi ha? " Bilin sa amin ni Wren. Gamit nito ang tricycle ng tatay niya kaya may service sila pauwi. Magkaiba kami ng dadaanan pauwi, mas malayo pa ang uuwian naming dalawa ni Marco kaysa 

"Oo naman, kayo rin pare. Dahan dahan lang, mas malubak sa dadaanan ninyo e." Sabi naman ni Marco.

"Bye na mga girls, ingat kayo ha? Hoy, ingatan niyo itong dalawa ha? " Nakayakap pa sa amin si Krisha. Napatawa naman si Mil.

"Ay si gaga! Nanlalambing pa" sabi nito.

"Syempre, mababawasan na tayo e. Nako, baka maging madalang na ang get together natin niyan." 

"Hoy hindi! Syempre, magsasama sama pa rin tayo tapos palagi nating tatawagan si Lyrica." Pagpapagaan ni Mil sa loob ni Krisha.

"Oo nga, palagi kayong magload para matawagan ako no? Alam niyo namang de keypad ang cellphone ko." Itinaas ko pa ang cellphone ko saka tumawa.

"Oo nga, napaka outdated na ng cellphone mo! Sabihin ko kay ate Jessie, pahiramin ka ng laptop minsan para makapagvideo call tayo. Tapos kapag may ipon kana bumili kana ng touchscreen na cellphone ha? Para palagi tayong magtatawagan. Tapos kapag free time namin, pupunta kami sa inyo para makavideo call mo ang pamilya mo." Sabi naman ni Mildred.

Hindi ko alam kung dala lang ba ng alak pero napaiyak na ako.

"Gago naman, magdadramahan pa pala tayo dito." Umiiyak na sabi ni Krisha, miski si Mil ay napaiyak na rin. Iiling iling naman sina Marco at Wren.

"Kayo kasi, napakababait ninyo sa akin. Sobrang nagpapasalamat ako kasi kayo ang mga naging kaibigan ko." Nagpupunas ng luha na sabi ko. Lalo kaming nagyakapang tatlo. 

"Malamang, deserve naman nating maging magkakaibigan kasi mababait tayo." Sabi ni Krisha.

"Umurong bigla yung luha ko Krisha, kelan ka pa bumait na gaga ka? " 

"Grabe ka naman sakin Mildred! "

Napatawa naman ako dahil sa dalawa.

"Hay nako, magsitigil na nga kayo. Lumalalim na ang gabi oh." Awat na sa amin ni Marco.

"Oo na nga, ayan kana naman KJ." Irap ni Mildred. 

Nagpaalam na kami sa isa't isa.

"Babye na. Hindi natin kabati iyang si Marco na yan

Huwag mong sasagutin yan ha ? " Sabi sa akin ni Krisha. Napatawa naman ako dahil doon. Nakipagbeso na sa akin si Mil at Krisha.

"Kayo talaga, kaya lalong umaayaw sa akin si Lyrica e. Sinusulsulan niyo palagi." Kakamot kamot sa ulong sabi ni Marco. Umangkas na ako sa motor niya.

"Buti nga sa iyo." Inirapan ulit ito ni Mildred bago sumakay sa tricycle ni Wren.

Bumusina muna si Marco at umalis na kami.

"Palagi na lang mainit sa iyo ang ulo ni Mil." Tawa ko.

"Hay nako, sanay na ako sa pagtataray niya lagi." 

May nadaanan kaming tindahan, tumigil siya saglit at bumili.

"Ito oh, bitbitin mo muna. Tumambay muna tayo sa may palayan." Tumango lamang ako sa kanya.

May madadaanan kasing palayan pauwi sa amin. Nasa tabing kalsada ito at may mga mauupuan sa gilid. Doon kami palagi tumatambay kapag may libreng oras, maliwanag naman doon dahil sa mga  ilaw sa gilid ng kalsada. 

Pagkarating sa palayan ay bumaba na kami. Naupo kami sa simentong nakalagay doon.

"Wala ng tao ngayon ah." Sabi niya sa akin.

"Malamang, may pasok pa kasi bukas." Sabi ko habang nagsisindi ng sigarilyong binili niya. May binili rin siyang softdrinks.

Natuto akong manigarilyo noong bente anyos ako, nakikita ko lang ito dati kila Krisha, Wren at Marco. Noong una ayaw na ayaw ko ito, samantalang ngayon ito na ang kakampi ko kapag may malalim akong mga iniisip. Si Krisha ay tumigil na sa ganitong bisyo dahil sa baby niya. Kami na lamang tatlo nila Marco ang nagtuloy. Hindi rin alam nila tatay na may ganito akong bisyo. 

"Desidido ka na talagang umalis." 

 Nakatingin sa malayo si Marco.

" Oo naman, para sa pamilya. " Nakangiting sabi ko. Pinatulan ko na rin ang pagpapahiram nila sa akin ng pera. 

"Lyrica naman, pwede bang dito ka na lamang? Kaunti na lamang at gagraduate na ako. Ako na ang bahala sa inyo ng pamilya mo. Huwag ka lang umalis." Desperadong sabi nito. Napatingin naman ako sa kanya. Ito na naman kami.

"Napag usapan na natin ito Marco. Hindi mo responsibilidad ang pamilya ko." Malumanay na sabi ko.

"Alam ko, pero handa ako. Huwag ka ng umalis."

"Mag aaway lang tayo Marco, huwag na natin itong pag usapan. "Napabuntong hininga na lamang ako.

"Pasensiya na." Napayuko na lamang siya.

"Hay nako Marco, tsaka doon ka rin naman maghahanap ng trabaho. Siguradong magkikita tayo doon." Pagpapagaan ko sa usapan.

"Papayag ka na bang magpaligaw sa akin kapag naroroon na tayo pareho? "

"Marami pa akong responsibilidad Marco, wala pa iyan sa isip ko."

"Palagi namang iyan ang sagot mo." Napatawa naman ako ng malakas dahil sa sinabi niya. 

Nang humupa ang pagtawa ko ay napatingin ako sa kanya. Nakatitig lamang siya sa akin, nagulat naman ako sa sunod niyang ginawa. 

Hinawakan niya ang magkabila kong pisngi at marahan akong dinampian ng halik sa labi.

Naitulak ko siya dahil doon.

"Pa...pasensiya ka na Lyrica." 

"Umuwi na tayo. " Parang wala sa sariling sabi ko sa kanya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status