Share

ALGUIEN ESPOSITO (Mafioso Societas Series 1)
ALGUIEN ESPOSITO (Mafioso Societas Series 1)
Author: Sophia Sahara

1. P1: ALGUIEN

2018

FREYA

Mabilis ang bawat kilos namin ngayong gabi. Marami kasing customers ang nagpa-reserve dahil weekend. Isang oras na lang at patapos na ang work hours ko rito sa restaurant na limang buwan na rin akong nagtatrabaho. 

Pinipilit kong maging maayos ang trabaho ko rito dahil sa lahat ng napasukan ko ay itong restaurant na ito ang pinakasosyal at disente. Puro mga mayayaman ang kumakain dito at minsan mga artista, models, at kung sino-sinong kilala sa lipunan.

“Girl…” bulong ni Carmen sa akin nang lapitan niya ako habang hinihintay ko ang trays ng mga ise-serve kong pagkain para sa table seven. Nakita kong dumating na ang nagpareserba. 

“Bakit?” tanong ko. Sinulyapan ko lang siya at muling binasa ang mga orders na nakalista. Puro mga mamahaling pagkain. Sinulyapan ko ang dalawang nasa table seven at hindi ko alam pero parang nakatingin ang lalaki sa akin. Napayuko ako. Baka akala niya tinitingnan ko siya. Nakakahiya. 

“Ang guwapo naman no’ng lalaki. Kilala mo ba ‘yon?” tanong sa akin ni Carmen.

“Guwapo? Saan?” kunwari ay tanong ko para hindi niya mahalata na alam ko naman agad kung sino ang tinutukoy niya.

“Sa table seven. Doon ka assign, ‘di ba? Tulungan kita hatid ng orders nila.” Kinikilig na sabi nito.

Natawa ako. “Sige. Salamat,” sabi ko na lang. Hindi ko na inintindi ang sinabi niyang guwapo iyong lalaki. Ayokong isipin at nakakahiya na nagkakainteres kami sa mga lalaking malabo pa sa sabaw ng pusit kung papatulan kami.

“Kung mayaman ka lang ay walang panama sa ‘yo ang kasama niyan,” wika pa ni Carmen na nakatingin pa rin sa table seven. 

“Tumigil ka nga,” nahihiyang sabi ko sabay lingon sa paligid at baka may makarinig sa sinabi niya at maging simula pa ng tsismisan. 

“Totoo naman, ‘Day. Kung mukha lang ay wala laban sa ‘yo ‘yan. Mas makinis lang kasi syempre hindi ‘yan nabibilad sa araw at kung mabilad man ‘yan ay sigurado sa Boracay o sa mga beach sa Palawan.” 

“Tama na nga.” 

“Napapansin ko kasi  iyong lalaki, kanina pa tingin ng tingin dito sa atin. Imposible naman na ako ang tinitingnan.” Natawa na naman si Carmen. 

Hindi ko na pinansin ang sinabi pa ng kaibigan ko. Ayaw ko naman maniwala na kanina pa tumitingin ang lalaki sa amin. Alam kong hindi ako pangit pero napakaganda ng kasama nito para mapansin pa ako. 

Pasimple akong muling tumingin sa lalaki. Guwapo naman talaga at halatang mayaman. Huminga ako nang malalim. Kung kay Elon nga lang, na boyfriend ko, ay naiilang na ako sa mga kasama niya sa work na mga pasosyal. Paano pa sa buhay na mayroon ang lalaking guwapo na nasa table seven?

“Ahem…” pabirong sabi ni Carmen. “Nakaka-wet mga tingin pa lang, ‘di ba?”

Namula ako sa sinabi ni Carmen. “Shh…” saway ko sa kaniya. “Gusto mo bang pagtawanan na naman ako ng mga makarinig sa ‘yo.” 

Tampulan kasi ako ng panlalait ng mga taga-restaurant. Maganda lang daw ako pero mahina utak ko. Ang tagal ko kasing masaulo dati ang mga pangalan ng mga pagkain dito. Minsan may customer na Japanese ay nagalit kasi hindi ko naintindihan ang accent niya. Mabuti na lang at hindi ako napaalis dahil doon. 

Ang totoo kasi ay hindi pa talaga ako dapat kukuha ng order noong panahon na iyon, at doon lang sana muna ako sa kusina, kaso napagtripan ako ng mga kasama namin. Wala kasi si Carmen at absent kaya hindi ko alam na ganoon pala ang kalakaran ng iba na nagtatrabaho dito sa resto. Mahilig pala silang manlait ng mga kasama nila, na hindi nila gusto, kahit wala namang ginagawa sa kanila.

Si Carmen lang ang kaibigan ko rito sa tinatrabahuan ko. Siya lang kasi ang nakagaanan ko ng loob at kahit mahirap lang ako ay okay lang sa kaniya. Minsan nga sinasabi niya na kung mayaman lang siya ay magnenegosyo na lang siya at ako ang manager niya.

“Baka mga artista ‘yan,” sabi ko na lang para may dahilan kunwari ako sa pagsulyap. “Hindi ko lang sigurado kilala kasi bihira lang naman ako makapanood ng mga pelikula. Kahit naman kasi TV wala ako. Kahit phone ko nga ay makaluma. Keypad.” 

“Hindi ‘yan artista,” sagot ni Carmen sa sinabi ko. “Kung artista ‘yan ay nalaos na mga papoging artista ngayon. Walang effort ‘yan eh. Titingin lang at mapapalunok na ang babae.” 

Napangiwi ako sa sinabi ni Carmen hanggang sa natawa ng mahina. Hindi kami pwedeng makita na patawa-tawa at mapapagalitan kami. 

“Table seven.” 

Napatingin ako sa kitchen staff, na si Joey, na naglapag ng tray para sa table seven.  Mamaya ay sumunod na ang ibang kitchen staff at inilapag ang iba pang mga trays para sa table seven at table eight. Kasama din kasi ng mga nasa table seven ang tatlong lalaki sa table eight.  

Ang tray na mayroong cocktail drink, red wine, at tubig ang kinuha ko,kasi iyon talaga ang unang sini-serve namin. Drinks. Kinuha naman ni Carmen ang isang tray na appetizers. Lumakad na ako pauna nang bigla akong kabahan sa lalaking guwapo na biglang napatingin na naman sa akin. Muli akong nailang lalo na at napakaganda at napakaseksi talaga ng kasama niyang babae. Asawa niya kaya o kasintahan pa lang?

Sa sobrang kakatingin sa akin ng lalaki ay hindi na ako tumingin sa kaniya at tumingin na lang sa sahig. Nasa harap na niya kami nang ibaba ko ang tray at mabuti na lang nakontrol ko ang panginginig ko. Gano’n ako kapag kinakabahan. 

Nai-serve ko nang maayos ang cocktail drink ng magandang babae at ise-serve ko na lang sana ang red wine para sa lalaki nang biglang hindi ko na nakontrol ang panginginig ko dala ng nerbyos at naibuhos ko sa kaniya. 

Nanlaki ang mga mata ko. Napatingin ako kay Carmen na nanlaki din ang mga mata. Masama naman ang tingin ng babaeng maganda sa akin. 

“S-Sorry po…” nanginginig kong sabi at napayuko sa harap ng lalaki. “Sir, sorry po.” Kinuha ko ang table napkin at pinunasan ang basang nagawa ng red wine sa pantalon niya. Lumuhod ako sa harap ng lalaki at doon ko pilit na pinapahid ang table napkin sa legs niya.

Wala namang sinabi ang lalaki, hanggang sa may lalaking lumapit sa akin at hinila ako. Natigil ako sa ginagawa kong pagtuyo sa nabasa ng red wine na pantalon ng lalaki at napilitan na tumayo. 

Kasunod ay nagulat na lang ako at may itinutok sa akin na baril ang lalaking humila sa akin. Natatakot na napataas ang mga kamay ko at nabitiwan ang table napkin na ngayon ay hindi na puting-puti kasi nandoon na ang mantsa ng red wine. 

Gusto ko nang maiyak lalo na at walang lumapit na kahit guard. May baril ang isang kasama ng lalaking guwapo pero mukhang walang pakialam ang lahat.

“¡Baja el arma, Rogelio!” wika ng lalaking guwapo na boss pala ng lalaking may hawak ng baril kasi bigla nitong ibinaba iyon. 

Nanginginig akong napatingin sa lalaki na nakatitig lang sa akin. Gusto kong magpasalamat pero hindi ko magawa, lalo na at hindi ko naintindihan ang sinabi niya. Ngumisi siya at kahit ngisi iyon ay napakaguwapo pa rin niya. Guwapo naman si Elon pero iba ang dating ng lalaking ito.

And in the soft light of the restaurant ay napansin ko pa na iba ang kulay ng mga mata niya. Blue pero hindi kagaya ng blue na lagi kong nakikita. Parang may pagka-violet. Nakakaakit tumingin. 

“Where is the manager of this restaurant? Why are they allowing stupid waitresses to work here?” mataray na tanong ng magandang babae kay Carmen. 

Napayuko ako. Okay lang mapagalitan pero sana hindi ako mawalan ng trabaho. 

“Sorry po.” Tumingin ako sa lalaki at pilit na nakikiusap ang mga mata ko sa kaniya na patawarin na niya ako sa nagawa kong pagkakamali.

“Anong sorry?” inis na tanong ng babae sa akin at napatingin ako sa kaniya. “Hindi mo ba nakita ang katangahang ginawa mo? You are ruining my date!!!”

Napalunok ako sa kahihiyan lalo na at nakatingin na ang lahat sa amin. 

“Sorry po, ma’am—”

Nagulat ako ng isaboy niya sa mukha ko ang tubig sa baso na bigla niyang dinampot. Basang-basa na ako lalo na at ang tubig ay tumulo sa bandang dibdib ko. Hindi pa siya nakontento na kinuha ang cocktail drink niya at ibuhos sa ulo ko. Tumawa pa siya pagkatapos ng ginawa niya.

“Stop that, Scarlet.” Mahina ang boses na saway ng lalaki sa babaeng kasama.

“She deserves to be treated like that.”

“I said stop it. Hindi niya sinasadya ang nangyari.” 

“And so what, Alguien?!” 

Alguien. Iyon ang pangalan niya.

Nagtalo pa sila hanggang sa lumapit sa amin ang manager. Kinausap ng manager ang lalaki at wala nang ginawa kung hindi mag-sorry. At kagaya sa mga napapanood ko sa mga pelikula noong araw ay naramdaman ko ang pagiging api ng mahirap sa mayaman. Hindi na ako nagsalita, naikuyom ko na lang ang mga kamao ko. Wala naman akong magagawa pa. 

“Bumalik na kayo sa loob,” sabi ng manager sa amin ni Carmen at sumunod na lang kami.

Humihikbi akong pumunta sa staff room at sinimulang kunin ang gamit ko roon. Nagbihis na rin ako at kahit nanlalagkit ako sa cocktail drink na ibinuhos ng mataray na babae ay hinayaan ko na lang. Importante ay makapagpalit ako ng damit at uuwi na ako. Hindi ko na hihintaying paalisin ng manager at alam ko na rin naman ang mangyayari.

Muli, natigilan ako sa isang tabi at paimpit na umiyak. 

**********

“¡Baja el arma, Rogelio!”

(Put the gun down, Rogelio!)

Mga Comments (3)
goodnovel comment avatar
Miguel Malaki
sarap nyung panggigilan ha ha ha
goodnovel comment avatar
Da Yang Jaguar
mag uumpisa na ako Sa bayaw ni Patricio...
goodnovel comment avatar
Bei
Nkk awa nmn xa,prng srap mnkit ahh ..hmmpp kgigil ung ksm ni alguien
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status