Share

CHAPTER 5

ANB-5

Hindi dalawin ng antok si Kiara ng gabing iyon. Marami pa ring katanungan sa kanyang isip ang gusto niyang masagot. Sa ilang taon na pamamalagi niya sa America, hindi niya alam ang totoong naging kalalagayan ng kanyang mga magulang. Mas madalas na sabihin ng mga ito na 'ayos lang' at 'ni minsan ay hindi nagsabi sa kanya kung kinakapos man sila sa pera. 

Negosyante ang papa niya at ang alam niya ay maayos ang pagpapatakbo nito sa kabuhayan nila. Walang problema, ngunit paanong lumaki nang gan'on ang utang ng mga ito sa lalaking iyon? Hindi biro ang twenty million, pero saan naman nila nagamit ang gan'on kalaking halaga? Pati ang bahay nila na naibenta nang hindi niya nalalaman. 

Isa pa ang pagpapauwi sa kanya ng mga magulang na idinaan pa sa malaking kasinungalingan. Isinakripisyo niya na mag-resign sa trabaho, sa paniniwalang may sakit nga ang mga ito. Ngunit gagawin lang pala siyang iwan sa poder ng lalaking hindi niya kilala at 'ni sa panaginip ay hindi niya hinangad na makasama. Gusto niyang maiyak, ngunit pinilit niyang maging matatag. Kailangan niyang maging manhid. Alam niya na kaya niyang malampasan  ito kagaya ng mga unos na dumaan sa kanya. Hindi niya hahayaan na ilugmok siya ng kahinaan. Ilang taon na namuhay siya sa sarili niya at walang ibang nasandalan, ngunit kinaya niya at ngayon, panibagong pagsubok na naman ito na daranasin niya. 

Taimtim siyang umusal ng panalangin at pinilit na ipinikit ang mga mata, hanggang sa hindi niya namalayan na iginupo siya ng pagod at nakaidlip.

Mataas na ang sikat ng araw na sumisilip sa siwang ng kurtina, nang magising si Kiara kinabukasan. Ramdam niya ang pananakit ng katawan, marahil ay may jetlag pa siya. Hindi nagtagal at nakarinig siya ng katok sa pinto.

"Magandang umaga, ma'am. Nakahanda na po ang pagkain ninyo. Maari na po kayong bumaba." Nakangiting sabi ng kasambahay na nag-asikaso sa kanya kagabi. 

"Salamat po, pero hindi na po sana kayo nag-abala pa." walang emosyong sagot ni Kiara.

"Ibinilin po kayo sa amin ni sir bago siya umalis kanina. Kaya kung may kailangan pa po kayo, huwag po kayong mahiya na magsabi."

"Wala ako'ng ibang kailangan. Ang gusto ko ay makaalis sa bahay na ito."

"Pero napaka-imposible po yata ng gusto n'yo, ma'am. Lalo na at napakarami ng bantay ni sir sa paligid. Mas mainam kung sundin n'yo na lang po ang gusto niya. Alam ko po na magkakasundo rin kayo kapag nakilala n'yo nang husto si sir." pangungumbinsi nito.

"Wala po ako'ng balak na makilala pa s'ya, dahil aalis at aalis pa rin ako rito."

"Ang mabuti pa, bumaba ka na para malamanan iyang sikmura mo. Hindi ka pa kumain kagabi, 'di ba? Mahirap na nalilipasan ng gutom. Mauuna na ako sa 'yo sa baba, sumunod ka na lang," At tumalikod na ito.

Walang imik na nasundan na lamang ito ng tingin ni Kiara. Gustuhin man niya na maawa sa sarili ngayon, dahil pakiramdam niya ay wala siyang magawa, ngunit hindi maari. 

Nilapitan niya ang kanyang mga bagahe na nasa isang tabi at binuksan. Naghanap siya nang pwedeng maisuot na kumportableng damit. Jogger at t-shirt ang napili niya para mas maayos siyang makakilos. Ayon sa ginang kanina, wala ngayon ang amo nito at malaki ang chance niya na makahanap nang madaraanan para makalabas sa bahay na 'yon.

Napangiti at tila muling nabuhayan ng pag-asa si Kiara na tinungo ang banyo para maglinis ng sarili. 

Wala siyang napansin na tao sa sala ng lumabas siya. Sandali siyang nagmasid, at may napansin siya na ilang bantay sa labas ng bahay. Tahimik na pumasok siya sa kusina at nakita na abala ang dalawang kasambahay sa paghahanda ng pagkain.

"Nariyan ka na pala," puna sa kanya ng isa na napansin siya, "Halika na at nang makakain ka na rin. Kung may iba ka pang gusto na wala rito, sabihin ko lang para maihanda namin,"

Sandali niyang sinulyapan ang mga pagkain sa harapan niya. Bigla siyang natakam at nakaramdam ng gutom. Kagabi pa siya walang kain, at ramdam niya ang pangangalam ng kanyang sikmura. 

"Maupo ka na," alok ng ginang. 

Nahihiya man ngunit isina-isantabi iyon ni Kiara at mabilis na naupo. Kailangan niyang kumain para gumana ng maayos ang kanyang utak at makapag-isip ng matino. 

"Baka hindi pa po kayo kumakain, sabayan n'yo na po ako rito," nakangiting alok niya sa dalawang kasambahay. 

Nakangiti na nagkatinginan ang mga ito, "Sige lang, iha, mukhang mas kailangan mo iyan. Kahapon pa kasi walang laman ang tiyan mo. Huwag mo kaming alalahanin at ayos lang kami," sagot ng isang ginang.

Hindi napilit ni Kiara ang dalawang ginang kaya kumain siyang walang kasalo. Hindi tuloy niya namalayan na naparami pala ang kain niya.

"Salamat po sa pagkain. Maari po ba akong maglibit-libot muna sa labas ng bahay?"

Nagkatinginan ang dalawang ginang.

"Magpapahangin lang po ako. Hindi naman po ako gagawa nang hindi maganda. Saka isa pa, marami naman pong bantay sa labas kaya wala po kayong dapat na ipag-alala," kumbinsi niya sa mga ito. 

"Pasensya na, ma'am. Mahigpit po kasing ipinagbawal ni sir na palabasin kayo rito sa bahay."

"Hindi naman po ako tatakas kung iyon ang iniisip n'yo, eh! Please, sige na po, sa garden lang naman po ako," giit ni Kiara.

"Mas mabuti po na kay sir na lang kayo magpaalam kapag dumating s'ya. Hindi po kasi namin kayo pwedeng pagbigyan, alam n'yo naman po kung bakit," 

"Haist, may magagawa pa ba ako?" 

Laglag balikat na tinungo ni Kiara ang sala at naupo roon. Hinintay niya na mas maging abala pa ang mga tao sa bahay. Mayamaya ay nagpaalam ang isang kasambahay na lalabas para mamalengke. Naiwan ang isa na abala sa kusina. Nang medyo malingat ito ay maingat at walang ingay na tinungo niya ang isang pasilyo. Marahil ay daan iyon palabas ng bahay. 

'Bahala na!' bulong niya sa sarili.

May kahabaan iyon at may tatlong silid lang siyang nadaanan. Ngunit hindi siya nagtangka na buksan alinman sa mga pintong iyon. Pagdating sa pinakadulo, maswerteng hindi naka-lock iyon. Akmang palabas na sana siya ng may dalawang bantay na nagmamasid sa bakuran. Maingat na nagtago muna siya at hinintay na makaalis ang mga ito. 

Hindi nagtagal at nakalabas siya. May kataasan ang pader ng bahay kaya alam niya na wala siyang pag-asa na makadaan doon. Umisip siya ng ibang paraan para tuluyang makalabas ng bahay na iyon. 

May dalawang bantay na malapit sa gate. Hindi rin siya pwedeng lumantad mula sa pinagkukublihang halaman, dahil sigurado na makikita siya ng dalawang bantay na rumoronda.

Sa hindi kalayuan, napansin ni Kiara ang paglabas ng isang maid na may bitbit na garbage bag. Palapit ito sa gate na marahil ay magtatapon ng basura.

Nilingon niya ang bantay na palaging umiikot, tama naman na pumasok ang mga ito sa loob ng bahay. Sinamantala niya ang pagkakataon at mabils na tumakbo palabas sa gate. Nakatalikod ang babaeng naglalagay ng garbage plastic sa drum, kaya mabilis siyang nakasuksok sa malagong halaman sa gilid para magtago. 

Abala naman ang guard sa pagkain nito, habang ang isa pa ay may kausap sa phone nito. Mabilis na tumakbo siya palayo sa mga ito. Hindi pa man s'ya nakakalayo ng biglang maputol ang dahon ng suot niyang tsinelas, kaya napilitan siyang iwan iyon sa daan. 

Mainit ang panahon at nahahapo na siya. Pakiramdam din niya ay uhaw na uhaw, kaya sandali siyang huminto sa gilid ng kalsada para magpahinga.

Isang pulang kotse ang huminto sa tapat niya, "Miss, mukhang pagod na pagod ka yata? Baka kailangan mo ng tulong? Medyo malayo pa ang main gate nitong subdivision," sabi ng isang babaeng nagmamaneho nito.

"Ah, no! Okay lang ako. Salamat na lang," tanggi niya sa takot na baka sindikato ito. Pero maamo at mukhang mabait naman ito. 

"It's okay! Pwede kitang ihatid hanggang sa labasan para hindi ka na mapagod, saka mukhang may sugat na yata ang paa mo?" 

"Okay lang talaga ako," aniya. Ngunit mayamaya ay naisip na baka maabutan pa siya roon ng mga tauhan ni Tristan kapag nilakad pa niya hanggang sa labasan. Hindi magsasayang ng oras ang mga ito na hanapin siya kapag nalaman ng mga ito na lumabas siya. 

"Are you sure, hindi mo kailangan ng tulong?" paniniyak ng driver. "Pwede kitang ihatid sa labasan nitong subdivision."

"Sige," mabilis na sagot ni Kiara. Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa na sumakay kaagad sa kotse nito. 

"That's good! Anyway, bakit ka ba narito sa daan?" 

"Ah, wala naman, medyo naligaw yata ako. Saka nalagot kasi 'yung tsinelas ko kanina," dahilan niya. 

"Naku, mabuti na lang pala at hindi ka nakita ng mga loko rito. Kung minsan kasi, gala ang mga iyon at bibiktimahin kung sino ang matipuhan nila. Anyway, ligtas naman dito sa subdivision. Kaya lang dapat pa rin talaga nag-iingat, lalo na sa panahon ngayon." 

"Oo alam ko naman 'yon. Salamat nga pala sa tulong mo," sagot pa ni Kiara.

"Wala 'yon! Sa kanya ka magpasalamat," anito sabay nguso sa taong nakaupo sa likuran ng sasakyan. 

Napalingon si Kiara sa taong tinutukoy nito para magpasalamat, ngunit bigla siyang nagulat at natigilan nang mapagsino kung sino ang taong iyon. Nakatitig ito sa kanya habang nakangisi.

"Ikaw?" nagulat na bulalas niya.

"Nasorpresa ba kita?" nakangising tanong nito kay Kiara.

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Alia soriano
...️...️i love it...
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status