Share

CHAPTER 4

Author: Gael Aragon
last update Huling Na-update: 2025-09-10 13:23:52

Hindi malaman ni Francesca kung magmumura siya o hihiyaw sa tindi ng sakit na hatid niyon. Nasisiguro niyang hindi na maipinta ang mukha niya. Hindi lang naman kasi iyon basta-basta bola, kundi bola ng tennis na napakatigas! Pakiramdam niya lumubog yata ang iyon sa balat niya sa dibdib.

Luminga siya sa paligid. Hinahanap ng kaniyang mga mata kung sino ang maaaring nagbato niyon. Ngunit, wala siyang makita na ibang tao roon maliban sa kanila ng kaharap na babae.

Si Nanay Mercy ay hindi na rin maintindihan ang gagawin. Kaagad siya nitong nilapitan. “Ayos ka lang ba, ineng?” ang nababahalang tanong nito. Kitang-kita sa mga mata nito ang matinding pag-aalala sa kaniya.

Isang pilit na ngiti ang kumawala sa labi niya. Mukhang hindi pa man siya nakakapagsimula ay nasampulan na agad siya. “Ayos lang ho ako, Nay,” sagot niya rito, habang nakakuyom ang isang kamao sa may likuran. Oras na makita niya ang batang iyon, humanda ito sa kaniya!

Hindi pa rin mapalagay si Nanay Mercy. “Sigurado ka ba, ineng?” tanong pa nito.

Tumango si Francesca. Maya-maya lang ay may narinig siyang tumatawa mula sa itaas ng hagdanan. Magkasabay nila iyong nilingon ni Nanay Mercy, nakita niya roon ang isang batang lalaki na nakasilip sa may balustre. Mata lang pataas ang nakikita niya rito, kaya hindi niya mahinuha kung sino ang lalaki at kung ilang taon na ito.

“Jacob! Halika ka nga ritong bata ka. Mag-sorry ka sa bago mong yaya,” ang maawtoridad na tawag nito sa batang nagngangalang Jacob.

Napatingin dito si Francesca. Hindi nakaligtas sa kaniyang pandinig ang sinabi nitong bagong yaya. Ibig sabihin. . . tanggap na siya?!

Biglang umaliwalas ang mukha niya. Nawala ang inis na nadarama at sumilay sa kaniyang mga labi ang isang ngiti. “Ibig ho bang sabihin ay tanggap na ako?” tanong pa niya kay Nanay Mercy para kumpirmahin ang narinig.

Tumango ang matanda at isang ngiting may pagpapaumanhin ang ibinigay nito sa kaniya. Ang kaninang tinawag nitong Jacob sa itaas ay nakita niyang bumaba ng hagdan. Mukhang takot din ito sa matanda at napasunod agad ito.

“Mag-sorry ka sa bago mong yaya, Jacob,” utos nito sa bata.

Yumuko ang bata habang nakalagay ang dalawang kamay sa likuran. Animo’y isang napakabait na bata ang itsura nito sa mga oras na iyon.

“Sorry. . .” ang mahinang sabi nito sa kaniya.

Yumukod siya, tama lang para magpantay ang kanilang mga paningin. Sinilip niya ito sa pagkakayuko, at ganoon na lamang ang pagkamangha niya nang makita ang hitsura nito.

Biglang nawala ang nararamdaman niyang inis kani-kanina lamang. Napakagwapong bata nito. Bilugan ang mga mata at may makakapal na pilik-mata. Matangos ang ilong nito at mamula-mula ang kutis sa kaputian. Bagsak ang tuwid at itim na itim nitong buhok. Para itong isang anghel na bumaba sa lupa.

Pero ang mas nakatawag ng pansin niya ay ang paraan ng pagngiti nito, batid na kaagad niya na hindi sincere ang paghingi nito ng paumanhin sa kaniya.

Napapalatak na lang siya sa kaniyang sarili. Magaling din pala itong artista.

Bumangon na naman ang inis na nararamdaman niya kanina. Mukhang mahihirapan talaga siya sa batang ito. Parang nakikini-kinita na niya ang mangyayari sa kanila sa araw-araw.

Pero sa halip na punahin ito sa harap ni Nanay Mercy, mas pinili niyang patawarin at purihin ito. “Ayos lang ’yon, Jacob. Sa susunod, sa labas na lang tayo magbatuhan ng bola. Mukhang magaling ka sa ganoong sports, eh,” aniya, ’saka peke ang ngiting ibinigay sa bata.

Tinitigan siya nang bata. Waring inaalam nito kung totoo ang sinasabi niya. At parang may nababanaag siyang lungkot sa mga tingin nitong iyon sa kaniya.

Nakaramdam siya ng pagkahabag dito.

Siguro kagaya niya rin ito. Dinadaan lang siguro nito sa kalokohan ang lahat para makuha ang atensyon ng mga kasama nito sa bahay. At para maaliw na rin ang sarili.

Ganoon din kasi siya noon. May pagkapilya. At lahat ng tao yata ay napagdiskitahan na niya. Isa kasi iyon sa paraan niya para mapansin siya ng kaniyang daddy, ngunit sa puntong iyon ay bigo siya.

Ni minsan ay hindi siya nito napagtuunan ng pansin. Bukod sa negosyo; may mas malalim pang dahilan kaya ganoon na lang kalayo ang loob ng daddy niya sa kaniya.

Napabuntonghininga siya.

Siguro kulang din sa pagmamahal at atensyon ang batang ito kaya ganoon, sa loob-loob niya.

Hinagod ni Nanay Mercy ang likod ng bata. “Anak, huwag mo ng uulitin iyon, ha? Nakakaawa naman si Ate Ikay mo kung pagdidiskitahan mo na lang palagi,” pagkausap nito sa bata.

Titig na titig pa rin si Jacob sa kaniya. Tila ba inaarok nito kung hanggang kailan siya tatagal.

Ngumiti siya nang napakaluwang dito. Isang paraan na rin iyon para makuha niya ang loob nito.

“Sige na, Jacob. Umakyat ka na ulit sa kwarto mo. Kailangan ko pang kausapin si Ate Ikay mo para sa mga dapat niyang gawin,” masuyong ani Nanay Mercy kay Jacob.

Dagli namang sumunod ang bata. Pero bago ito tuluyang umakyat, nilingon siya ulit nito at hindi nakaligtas sa kaniyang paningin ang pagsilay ng pilyong ngiti sa mga labi nito.

Oh, Lord! palatak niya sa sarili.

Kinakailangan na niyang mag-ipon nang mahabang pasensya kahit na ang totoo ay wala siya noon.

“Pagpasensiyahan mo na ang batang iyon, Ikay. Talaga lang may pagkapilyo iyon pero mabait namang bata si Jacob,” hinging-paumanhin ulit ni Nanay Mercy.

“Ayos lang ho iyon, Nanay. Ramdam ko naman hong mabait din nga siya,” nakauunawang sagot niya.

At himala nang mga himala, sinsero ang mga salitang iyon. Talagang galing sa puso niya. At hindi niya alam kung bakit napakagaan ng loob niya kay Jacob, kahit na pilyo. Siguro, dahil nakikita niyang may pagkakapareho sila.

“Teka, halika roon sa may sofa at doon ko sasabihin ang mga kailangan mong gawin,” anyaya nito sa kaniya.

“Ilan ho bang magkakapatid sina Jacob?” Iyon ang hindi niya napigilang itanong, habang sinasabayan ito sa paglalakad.

Wala kasi siyang napapansin na mga litrato sa paligid ng bahay. Parang sa kanila lang din. Lumukob ang lungkot sa kaniyang puso pagkaalala sa bahay nila.

Noong nabubuhay pa ang mommy niya, taun-taong nagpapakuha sila ng family portrait. Pero mula nang mamatay ito, hindi na iyon pinag-aksayahan pa ng panahon ng daddy niya.

“Tatlo ang anak ni Sir Leandro. Sina Enrico, Alejandro at Jacob. Mamaya makikilala mo silang lahat kapag bumaba sila sa hapunan,” sagot ng matanda, at naupo sa sofa.

Tumango-tango si Francesca. “Puro lalaki ho pala. Siguro ho lahat sila magagandang lalaki,” nakangiting komento niya. Hindi iyon maitatanggi sa nakitang itsura ni Jacob kanina.

Sumilay ang masuyong ngiti sa mga labi ni Nanay Mercy pagkarinig sa sinabi niya. “Oo. Lahat sila ay magagandang lalaki at mababait, kahit si Jacob. Hindi lang masyadong naaasikaso ng kanilang ama kaya siguro naging pilyo. Masyadong busy sa trabaho si Leandro at palaging naiiwan sa kalinga ng mga katulong ang mga anak niya,” pagkukwento ni Nanay Mercy.

Napakunot noo si Francesca. “Nasaan ho ang asawa ni Sir Leandro?” nagtatakang tanong niya.

Humugot ng malalim na paghinga ang matanda. “Mahabang istorya, ineng. Pero hindi na iyon pinag-uusapan sa bahay na ito. Ayaw ni Leandro. Baka raw makaapekto iyon sa mga bata,” paliwanag nito.

“Ganoon ho ba?” Kaagad niyang tinandaan ang sinabi nito.

Tumango si Nanay Mercy bago iniba ang usapan. “Bueno, ikaw ang tatayong yaya ni Jacob,” umpisa nito. “Lahat ng pangangailangan niya ay ikaw ang mag-iintindi. Nasa unang baitang pa lamang siya sa elementarya at sa iisang eskwelahan naman silang tatlong magkakapatid pumapasok.” Tumigil ito sandali.

“Ang bilin ni Sir dahil nasa unang baitang pa lamang si Jacob, kailangan mo itong bantayan sa labas ng school. Ayaw ni Sir na iiwanan mo siya roon mag-isa. Hindi pa gaanong sanay sa malaking eskwelahan si Jacob, kaya ganoon na lamang ang pagprotekta ni Leandro dito. Wala namang problema dahil may tagahatid-sundo naman kayo. At may allowance ding ibibigay sa iyo araw-araw ’pag nasa school ka. Bukod pa roon ang sasahurin mo,” dagdag pa ni Nanay Mercy.

Tumango siya at lihim na napangiti sa sarili. Maganda rin nga palang pumasok sa ganitong klase ng trabaho. May sahod na, may allowance pa. Mukhang makakaipon siya nang husto rito.

“Alas-kuatro sila lumalabas sa eskwelahan. At pagdating naman dito’y nag-aabang na ang mga tutor nilang tatlo. Sa oras na iyon puwede ka nang magpahinga. Kapag may kailangan na lang si Jacob at saka ka tatawagin. Hindi mo naman siya kailangang bantayan buong oras kapag nandito sa bahay. Malimit sa gabi, lagi lang nasa kwarto ang mga bata. Maliban kapag kakain, at saka sila bumababa. Pero sasamahan mo si Jacob kapag oras ng pagtulog. Kailangan niya iyon para mabilis makatulog. Kapag may pasok, alas-sais y medya pa lang dapat gising na si Jacob. At kapag wala namang pasok, puwedeng hindi mo na siya gisingin nang maaga. Minsan kapag ganoong araw naglalaro sila sa labas o sa may clubhouse kasama ang mga kuya niya. ’Pag minsan naman nasa mall sila,” paliwanag pa nito.

                       

Napaisip siya. Ito na ang pagkakataon niya para masabi rito ang tungkol sa pag-aaral niya.

“May tanong ka pa ba tungkol sa trabaho mo?” tanong sa kaniya ni Nanay Mercy.

Nagpakawala muna siya ng isang buntonghininga bago sumagot, “Eh, ’Nay Mercy, may gusto sana ho akong ipakausap sa inyo,” aniya sa nag-aalangang tinig.

“Ano iyon, ineng?” “Puwede ho bang magsabi kay Sir na mag-aaral ho ako sa gabi. Kung papayag ho sana siya,” lakasloob na paalam niya rito.

Ngumiti ang matanda. “Huwag kang mag-alala, ineng. Sasabihin ko kay Leandro ang gusto mo. Hindi naman siguro iyon tatanggi,” anito. “Ano bang kursong kinukuha mo?” maya-maya’y tanong nito.

“Fine Arts po,” mabilis niyang sagot.

“Aba talaga?” ang tila naman nasisiyahang sabi nito. “Anong year mo na?”

Kiming ngumiti si Francesca bago sumagot, “Nasa huling taon na ho.”

“Ay siya nga? Aba’y maganda ’yan, ineng, nang hindi panghabangbuhay ay nangangamuhan ka. Hayaan mo’t ako na ang bahalang magpaliwanag kay Leandro,” natutuwang turan nito. “Buti pa ang kagaya mo’y may pangarap sa buhay. Kalimitan sa mga kabataan ngayon, ke-babata pa lang may mga asawa na’t anak. Ibang-iba na talaga ang ikot ng mundo ngayon,” komento pa nito habang iiling-iling.

Natawa na lang siya sa sinabing iyon ni Nanay Mercy. Kahit anak-mayaman siya at may pagkarebelde, ni minsan ay hindi naman niya naisip na mapariwara ang sarili, because she was constantly trying to impress her father.

Patuloy na basahin ang aklat na ito nang libre
I-scan ang code upang i-download ang App

Pinakabagong kabanata

  • Ang Ikatlong Misis Lagdameo   WAKAS

    “MAHAL, gising ka na. Baka magalit na si Enrico,” ani Leandro sa natutulog pa ring asawa. Sa araw na iyon nila ihahatid ang kanilang panganay sa condo nito. Nahikayat na rin kasi sa wakas si Francesca sa desisyon ni Enrico na bumukod na sa kanila. Iyon daw ay para mas matuto pa itong maging independent. College naman na nga kasi ito. “Can I sleep more?” “No. Gusto mo bang mag-ala Hulk Hogan ang anak natin? Alam mo naman na mainipin ang isang iyon.” Tumayo si Leandro at hinila ang asawa pero nananatili pa rin itong nakapikit. “Alright. Kung ayaw mong bumangon, ganito na lang.” Niyuko niya ito at hinalikan sa tungki ng ilong. Pagkatapos, sa talukap ng mga mata nito, noo, pisngi, hanggang sa sakupin niya ang mga labi nito. Hindi niya tinigilan ang asawa hangga’t hindi ito tumutugon sa kaniya. Madali nitong ipinulupot ang mga braso sa batok niya at hinatak siyang muli pahiga. Napangiti si Leandro at sinaluhang muli ang kaniyang asawa sa kama. Mabilis siyang pumaloob sa kumot nila at

  • Ang Ikatlong Misis Lagdameo   CHAPTER 119

    “SAAN ba talaga tayo pupunta, mahal?” paanas na tanong ni Francesca sa asawa, habang dahan-dahan silang bumababa ng hagdanan. Alas-tres iyon ng madaling araw at pareho pa silang nakapantulog.Tumigil ito at sandaling sinilip ang kwarto ng kanilang mga anak, pagkuwa’y hinarap siya.“Shhh . . . Basta. You’ll see . . .” nakangiting tugon ni Leandro na hindi binibitawan ang isa niyang kamay.Natatawang naiiling na lang siya. Leandro never fails to surprise her. At ngayon nga ay tatlong taon na silang kasal.Parang mga magnanakaw na susukot-sukot silang lumabas sa may garden. Then, Leandro stopped and looked at her.“Close your eyes,” malambing na utos nito.Agad na ipikit ni Francesca ang kaniyang mga mata. Maingat siyang inalalayan ni Leandro papunta sa kung saan, hanggang sa tumigil ito at may kun

  • Ang Ikatlong Misis Lagdameo   CHAPTER 118

    TINULUNGAN nina Leandro sa pag-f-file ng kaso si Stephanie. Dahil na rin sa mabilis na pagkalap ng ahensya ni Bernard ng mga impormasyon laban kay Dyawne at sa mga ebidensyang hawak ni Stephanie, madali itong nababaan ng warrant of arrest. Binigyan din kaagad ito ng restraining order para hindi na malapitan pa sina Stephanie at Sarina. Noon lang nalaman ni Leandro na nagkaanak pala ito sa Dubai. Iyon din siguro ang rason kaya hindi nito nagawang silipin noon ang mga anak nila. Ang buong akala niya, wala talaga itong puso.Pero nang malaman niya ang mga pinagdaanan ng dating asawa, doon siya nakaramdam ng awa para dito. Hindi naman kasi nga bato ang puso niya. Isa pa, tama si Francesca, kahit pagbali-baliktarin man ang mundo, mananatiling konektado ang babae sa mga buhay nila dahil ina ito ng mga anak niya. Kaya nga naniniwala na rin siyang walang rason para hindi niya muling ipagkatiwala ang mga anak dito, dahil napatunayan niyang mabuti rin ito

  • Ang Ikatlong Misis Lagdameo   CHAPTER 117

    “STEPHANIE . . .”“Hmm . . . ?” Nilingon siya nito habang nginunguya ang sushi na nasa bibig.Huminga si Francesca nang malalim bago binitiwan ang chopsticks na hawak at pinakatitigan ito sa mga mata.“How really are you?” tanong niya.“Ha?” Natawa ito, pagkuwa’y dere-deretsong nilunok ang nasa bibig. “Ano ba namang klaseng tanong iyan, Chesca? Of course, I’m fine! I’m totally fine.”“Really?”Sunod-sunod itong tumango. “Yes. Why do you ask?”Muli siyang humugot ng hangin sa dibdib. “Because you are not,” seryosong wika niya at hiwakan ang dalawang kamay nito. “You aren’t, Steph.” Hindi niya ito hinihiwalayan ng tingin.Malikot ang mga matang nag-iwas ito. “At paano

  • Ang Ikatlong Misis Lagdameo   CHAPTER 116

    “HI! Sorry I’m late!” masayang bungad sa kaniya ni Stephanie. Gaya nang dati, balot na balot ang katawan nito sa suot na pulang long-sleeve shirt at itim na slacks— at alam na niya ngayon ang rason sa likod niyon.“It’s okay. Hindi naman ako nainip dahil nagtitingin-tingin din ako ng mga p’wedeng mabili.”Naroon sila sa isang mall, sa labas ng isang home depot. Niyaya niya itong lumabas para makausap niya ito. Sinadya niya ring mag-girl bonding muna sila— shopping and groceries, para makondisyon muna ang sari-sarili nila. Hindi rin naman kasi madali ang gagawin niya.“Ano-ano ba ang gusto mong bilhin?” tanong nito sa kaniya.Nilingon niya ito nang may ngiti sa mga labi. “Ikaw, ano ba’ng gusto mong bilhin?”“Well, I wanted to redecorate my condo. Pabago-bago kasi ng taste si

  • Ang Ikatlong Misis Lagdameo   CHAPTER 115

    KINABUKASAN, dahil walang pasok ay kinausap nila ang kanilang mga anak. Kasama na rin si Enrico dahil ayaw naman nilang ma-left out ito. Karapatan din naman nitong malaman ang totoo, dahil ina pa rin ang turing nito kay Stephanie. Isa pa, pamilya sila, at ang pamilya dapat sama-sama sa pagharap sa mga problema.Ipinaubaya muna niya kina Yaya Lomeng at Helen ang kambal. Wala kasi roon ang byenan niya dahil may lakad daw ito. Mabuti na rin nga iyon kasi para hindi na ito mag-alala pa sa nangyayari.Kasalukuyan silang naroon sa opisina ni Leandro. Nakaupo silang apat ng kanilang mga anak sa harapan ng mesa ng kaniyang asawa, habang ito naman ay sa swivel chair nito. Katabi niya si Alejandro, na kapansin-pansin ang kakulangan sa pagtulog, habang si Jacob at Enrico naman ang magkatabi sa tapat nila na larawan sa mga mukha ang pagkalito.“Daddy, ano po’ng meron?” hindi na nakatiis na tanong n

Higit pang Kabanata
Galugarin at basahin ang magagandang nobela
Libreng basahin ang magagandang nobela sa GoodNovel app. I-download ang mga librong gusto mo at basahin kahit saan at anumang oras.
Libreng basahin ang mga aklat sa app
I-scan ang code para mabasa sa App
DMCA.com Protection Status