Share

Chapter 1

ISLA Zapanta.

            Marami mang hindi maalala si Candy sa kanyang nakaraan, parang may kasiyahan siyang naramdaman ng mabasa niya ang pangalan ng lugar sa arkong iyon. Bigla tuloy niyang nilingon si Nathaniel, ang kanyang mister, na malungkot na nakatingin sa dagat. Parang may kung ano itong inaalala.

            “Nu’n bang hindi pa ako naaaksidente ay palagi tayong nandito?” Nakangiti niyang tanong habang nakatingin sa dagat. Sa kanyang isipan kasi ay may malabong alaala na nagpipilit sumiksik. At sa sobrang kalabuan ay hindi rin niya maaninag ang mga mukha ng dalawang taong naghahabulan sa kanyang isipan.

            Gulat itong napatingin sa kanya at buong panggigilalas din itong nagtanong ng, “Anong sabi mo?”

            “Para kasing may naaalala ako -- ang paghahabulan natin sa may dagat,” wika niya nang pumikit siya. Hindi lang niya naiwasan ang ma-frustrate dahil kahit anong diin ng pagkakapikit niya ay talagang ayaw luminaw ng mukha nu’ng kasama niyang lalaki sa kanyang isipan.

            Well, bakit ba magpapakandahirap pa siya sa pag-iisip kung sino iyon, eh, tiyak naman niyang si Nathaniel ang kanyang kasama?

            “Niloloko mo ba ako?” maang nitong tanong sa kanya.

            “Bakit naman kita lolokohin?” gilalas niyang tanong kay Nathaniel. Matalim na matalim din kasi ang tingin nito sa kanya na para bang gusto siyang sakalin. “Parang hindi ka masaya na may naaalala ako.”

            Tatlong  taon na ang nakararaan nang maaksidente siya. Ang sabi ni Nathaniel, naaksidente siya habang nagmamaneho. Nagkaroon daw sila ng mainit na pagtatalo ng araw na iyon kaya ang bilis bilis niyang magpatakbo ng sasakyan dahilan para maaksidente siya at mahulog ang sinasakyan niya sa bangin.

Wala namang dahilan para isipin niyang nagsisinungaling ito sa kanya pero kapag tinitingnan niya ang kanyang mga kamay, parang ayaw niyang maniwalang marunong siyang magmaneho. Para kasing wala siyang lakas ng loob na gawin iyon pero nang sabihin ni Nathaniel, na sa kanya na na-trauma kasi siya sa nangyari ay agad niya itong pinaniwalaan dahil may mga pagkakataon na naririnig pa niya ang malakas na pagsabog na iyon ng sasakyang nahulog sa bangin.

Kaya naman wala na siyang ibang pinagpilian pa kundi paniwalaan ang bawat sabihin ng kanyang asawang si Nathaniel Ynares kahit na may may nararamdamang pagdududa ang kanyang puso. Hindi niya kasi maramdaman dito ang pag-ibig kaya hindi niya napigilang itanong dito kung paano siya naging Mrs. Candelaria Ynares. Ikinabigla man nito ang kanyang tanong ay mabilis itong nagpaliwanag. Arranged marriage lang daw sila at kaya ito pumayag na magpakasal sa kanya ay dahil nga mahal na mahal siya nito at sa ilang taon na pagsasama nila ay alam niyang totoo iyon kahit na hindi siya inaangkin nito.

Kahit na nga alam naman niyang ayaw din ng katawan niya na magpaangkin dito may paghanga naman siyang naramdaman kay Nathaniel dahil sa pangako nitong aangkinin lang siya kapag minahal na niya. Ewan niya kung bakit pakiramdam niya ay pagmamay-ari na ng iba ang kanyang puso. Naisip niya tuloy na baka bago siya pinakasalan ni Nathaniel ay mayroon siyang nobyo. Sa palagay tuloy niya ay iyon ang dahilan kaya matapos ang aksidente ay dinala siya nito sa America ay doon ipinagpatuloy ang propesyon nito bilang plastic surgeon.

Ngayon ngang bumalik sila sa Pilipinas, dito siya dinala ni Nathaniel. Sa tingin niya ay sinunod nito ang payo ng Neurologist na para bumalik ang kanyang alaala ay dalhin siya nito sa lugar na madalas niyang puntahan. Dahil nga mag-asawa sila, iisa lang ang madalas nilang pinupuntahan. Ang hindi lang niya maintindihan, bakit sa alaalang sumuot sa isipan niya ang parang mahal na mahal niya ang lalaking kanyang kasama?

Naririnig niya ang kanyang paghalakhak habang yakap-yakap naman siya nito at hinahalik-halikan ang kanyang ulo. At nakikita rin niyang gumaganti siya ng yakap dito pero bakit hindi siya kumportable kapag niyayakap siya ni Nathaniel. Madalas nga ay itinutulak niya ito.

Si Nathaniel ba talaga ang kasama niya sa alaalang pumasok sa kanyang isipan?

“Ano bang naaalala mo?” tanong ni Nathaniel sa kanya sa halip na sagutin ang kanyang tanong.

Tinuro niya ang dagat. “Madalas daw tayong maghabulan doon.”

Ang ini-expect  niya ay matutuwa ang kanyang asawa sa kanyang sinabi pero narinig niya ang paghugot nito ng marahas na buntunghininga. Parang badtrip na badtrip ito. Gusto sana niyang magtanong pero natigilan siya dahil ang talim-talim ng tingin nito sa kanya na para bang may kasalanan siyang nagawa.

O, baka naman nasabi? Naguguluhan din niyang tanong sa sarili.

“Hali na at baka naghihintay na si Zak,” inis na sabi nito.

“Zak…?” wala sa loob niyang sabi ng sabihin niya ang pangalan na iyon. Sa di niya malamang dahilan ay bumilis ang pintig ng kanyang puso.

KUNG hindi lang sa utang na loob dahil iniligtas ng kaibigan niya ang kanyang buhay sa pambubugbog ng isang gang, hindi gugustuhin ni Zak na magpapasok pa ng ibang tao sa Isla Zapanta. Mula kasi ng iwanan siya ng asawa niyang si Irene, parang gusto na rin niyang lumayo sa mga tao. Ngunit, matindi ang pakiusap sa kanya ni Nathaniel na manatili sa Isla Zapanta ng dalawang buwan.

            Sa pagkakaalam niya’y nagpakadalubhasa si Nathaniel sa pagiging plastic surgeon nito kaya naman ilang taon din itong nanirahan sa America gayung madalas nitong sabihin dati na kahit anong mangyari ay hinding-hindi nito iiwanan ang bansang sinilangan. Mga teenager pa lang sila ng sabihin ni Nathaniel ang mga salitang iyon kaya naman naisip niyang may mga tao talagang hindi kayang panindigan ang mga sinasabi.

            “Gusto mo bang mahulog diyan?” sigaw niya nang makita ang babaeng tumayo sa malaking bato na nakaharap sa dagat. Sa puwestong madalas na tambayan nila noon ni Irene.

            Irene na naman, inis niyang sabi sa kanyang sarili. Ang gusto niya kasi’y tuluyan na itong mabura sa kanyang alaala dahil hindi na naman ito dapat pang alalahanin.

            “Ay!” hiyaw ng babae.

            “Shit!” bulalas ni Zak nang mangyari ang kanyang kinatatakutan. Dumausdos nga sa malaking bato na iyon ang babae. Kung bakit ba kasi bigla na lang itong tumayo doon na para bang ipinagyayabang na hindi ito mapapahamak kahit tumayo pa sa tuktok ng batong kinauupuan nito. Bigla tuloy niyang naalala ang babaeng pinag-alayan niya ng kanyang pangalan, si Irene Santos-Zapanta.

"Gotcha," wika ni Zak. Mabilis siyang nakalapit sa kinaroroonan ng babae kaya nagawa niyang abutin ang beywang nito at nagawang iharang ang sariling katawan sa malaking bato para pumagitna ang katawan nito para maprotektahan ito sa mas malalang aksidente. Ngunit, iyon yata ang pinakamalaking pagkakamali na nagawa niya sa kanyang buhay dahil sa naging reaksyon ng kanyang katawan.

Biglang may pagnanasang nabuhay sa kanyang katawan dahil lang sa pagdidikit ng kanilang katawan gayung wala naman talagang malisya ang kanyang ginawa. Ang tanging layunin lang niya ay maprotektahan ito para di masaktan. Ngunit sa huli, siya ang higit na nasasaktan dahil bigla ring nanakit ang kanyang puson..

Shit!

Nakaramdam siya ng matinding arousal ng mga sandaling iyon. Hindi niya mapaniwalaang mararamdaman niya sa kaharap ang pagnanasang tanging si Irene lang ang nakapagpadama sa kanya.

Damn it, shit!

Hindi na niya dapat pang alalahanin ang babaeng bigla na lang tumalikod sa kanilang mag-ama -- sa kanya at sa kanilang anak gayung wala itong sinasabi palagi kundi siya at si Red ang buhay nito.

Pinaniwalaan niya ito.

Pinanghawakan niya ang pangako nito.

Ngunit isang araw, para na lang itong bulang biglang nawala.

Hinanap niya ito pero di niya ito makita kahit umupa pa siya private investigator para lang matagpuan niya ito pero bigo siya hanggang sa makatanggap siya ng sulat mula dito na nagsasabing, LIMUTIN MO NA AKO DAHIL HINDI KO KAYANG MABUHAY NA KASAMA KA. MAY IBA NA AKONG MAHAL.

Ayaw sana niyang maniwala na makakaya nga nitong iwanan sila ni Red pero para sa kanya ay malaking ebidensiya na ang sulat na ginawa nito. Alam na alam kasi niya ang handwriting ni Irene. Saka, bago ito naglaho sa kanilang buhay ay nakikita niya itong tulala na parang ang lalim-lalim ng iniisip.

Hindi niya iyon pinag-ukulan ng pansin dahil nasanay na niyang kapag ganoon ito ay nagku-compose ito ng istorya. Isa kasi itong romance writer.

"T-thank you," bulong ng babae na di magawang alisin ang tingin sa kanya.

Kumunot ang kanyang noo dahil parang kaboses din ito ni Irene. Hindi niya tuloy napigilan ang mapamura. Matagal na itong wala sa kanilang buhay kaya dapat lang na di na niya ito maalala pa.

"Zak..." tila wala sa loob na usal nito.

"Do I know you?" nananantiyang tanong niya. Pamilyar din kasi sa kanya ang mukha nito.

"I...I don't think so." Nakangiwing sabi nito.

"Tinawag mo ang pangalan ko. Zak."

Biglang nanlaki ang mga mata nito. Parang hindi nito iyon mapaniwalaan. “Ikaw ang kaibigan ni Nathaniel.”

“At ikaw ang asawa niya,” inis niyang sabi. Hindi niya maintindihan kung bakit nakaramdam siya ng inis sa kanyang sinabi.

Marahan itong tumango. "I'm Candy. Candelaria Ynares."

Sa pagkakatitig niya rito ay parang agad na niyang nakabisado ang mukha nito. Maliit ang hugis puso nitong mukha na kinapapalooban ng matang parang laging iiyak, matangos na ilong at maninipis na labi.

Stop staring at her! Buwisit niyang sabi sa sarili pero hindi niya magawa.

Para kasing may kakaiba rito at hindi niya matukoy kung ano iyon. Dahil ba sa maganda ito? No, hindi lang iyon ang dahilan. Nagsalubong ang kilay nya. Hindi niya kasi maintindihan ang kanyang sarili kung bakit ba napako ng husto ang tingin niya rito. Kumunot lang ang kanyang noo sa pagkakatitig niya rito.

That's it. Para itong bumata ito ng maraming taon gayung sa pagkakatanda niya ay mahigit treinta na rin ang asawa ni Nathaniel.

"Salamat sa pagsagip mo pero, oh, pwede bang umusod ka na?"" Nakangiwi nitong tanong.

Muli na namang kumawala sa bibig niya ang malulutong na mura. Kaya naman pala kahit malamig ang panahon ay parang ang init-init ng pakiramdam niya. Di pa rin niya pala niya nagagawang ilayo ang katawan niya sa katawan nito kaya ngayong natauhan siya ay bigla siyang lumayo lalo na't naalala niya asawa ito ng kanyang kaibigan.

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Mhariko Borsigue
Hindi ko magets yung kwento parang Ang hirap unawain
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status