Share

Ang Mukha ng Pag-Ibig
Ang Mukha ng Pag-Ibig
Author: Maria Angela Gonzales

Prologue

Treinta'y singko  anyos na si Benjamin Morales pero ang galit na nasa kanyang puso ay hindi pa rin mawala. O wala siyang balak palisin hanggang sa hindi natitikman ni Zak Zapanta, ang nakababata niyang kapatid ang kanyang paghihiganti. Lahat na lang kasi ng babaeng minahal niya ay inagaw nito.

Una, si Nicolette…

“Nanay, Nanay, sabi ng teacher ko very good daw ako.” Buong kasabikan niyang pagbabalita sa kanyang ina nang pumasok siya sa kanilang barung-barong sa Tondo. Limang taong gulang pa lang siya noon at wala siyang ibang gusto kundi ang mapasaya ang kanyang ina na mahal na mahal niya.

“Mabuti at kahit paano ay may mabuti ka ring nagagawa sa buhay,” buwisit na sabi sa kanya ng inang si Nicolette. Ni hindi nito tinapunan man lang ng pansin ang mga stars na nasa kanyang braso. Patuloy lang ito sa pagpipindot sa cellphone nito. Abot-tenga ang pagkakangiti ng kanyang ina habang nakatitig sa aparatong iyon samantalang siya’y hindi man lang siya nito tapunan kahit kapiranggot na ngiti.

Ibig niya sanang umiyak dahil damang-dama niya ang pambabalewala sa kanya ng ina ngunit kahit naman gawin niya iyon ay hindi siya aaluin ng ina. Sigurado pang magagalit ito sa kanya at baka makatikim na naman siya ng sampal at sabunot. Tiyak pang sisigawan siya nito at sasabihing, ‘Bakit ba kasi nabuhay-buhay ka pa?’

Hindi siya mahal ng kanyang ina. Iyon ang lagi nitong itinataktak sa kanyang isipan. Sabi pa nga nito, kung hindi nga lang daw masama ang pumatay ay ipinalaglag na lang siya nito. Mula nang mamatay ang kanyang Lola Anastacia dahil sa cancer, hindi na siya nakaranas pang mahalin.

Malalim na buntunghininga ang nagawa niyang pinawalan dahil sa pagtrato sa kanya ng ina. Hindi tuloy niya maiwasang mainggit sa mga batang mayroong mapagmahal na ina. Ang mga kaklase nga niya’y nakikita niyang asikasong-asikaso ng mga nanay nito. Niyayakap pa at hinahalikan. Samantalang siya, minumura at sinasapok. Kaya naman hindi niya magawang makipagkaibigan sa mga kaedad niya. Tiyak kasi niyang pagtatawanan lang siya nito. Bukod pa sa hindi na siya mahal ng kanyang ina, wala pa siyang Daddy na maituturo. Palagi tuloy siyang tinatawag na putok sa buho.

Minsang nagtanong siya sa kanyang ina kung nasaan ang kanyang tatay, bigla na lang siya nitong sinampal saka tinulak. Labis niya iyong ikinabigla. Hindi lang dahil sa pananakit nito dahil sanay na siyang sinasaktan ng ina kundi dahil sa matinding galit nito nang mabanggit niya ang ama.

“Kung ayaw mong mapatay kita, huwag mong mabanggit-banggit ang demonyo mong ama!” hiyaw pa nito.

Nang sabihin ng kanyang ina na magagawa nitong patayin siya, pakiramdam niya’y nagkapira-piraso ang kanyang puso. Sa mga salita ng kanyang ina, ipinamukha lang nito na wala siyang  halaga sa buhay nito. At dahil sa sakit na kanyang nararamdaman, wala na siyang pakialam kung umaagos man ang dugo sa kanyang ulo.dahil sa pagsampal at pagtulak sa kanya ng ina ay bumalandra siya sa may paso.

Sa palagay tuloy niya, ang palaging pananakit ng ina niya ang dahilan kung bakit  siya naging matalino. Sabi nga ng mga teacher niya, pang-genius daw ang taas ng kanyang IQ kaya naman pwedeng-pwede siyang ma-accelerated pagkatapos niya ng Grade 3.Ngunit tulad ng dati, ni hindi man lang nasiyahan ang kanyang ina sa kanyang  ibinalita.

Malalim na buntunghininga ang kanyang pinawalan. Pitong taong gulang siya ng mag-asawang muli ang kanyang Inay. Si Don Leon Zapanta ay isang negosyante na ubod ng yaman. Mayroon itong sariling real estate kaya bukod sa negosyo nito, marami rin itong lupain  na nasa iba't ibang bahagi ng Pilipinas. At itinira sila nito sa Isla Zapanta na matatagpuan sa Batangas. Tinanggap naman siya ng lalaki bilang anak ng kanyang ina ngunit tuwina ay ipinararamdam nito sa kanya na hindi siya isang Zapanta.

Wala naman siyang pakialam kung hindi magpakatatay sa kanya ang don, hindi naman niya ito talaga ama, pero, ang hindi niya matanggap ay iyong parang kinalimutan na siya ng kanyang ina bilang anak. Kung sabagay, kailan ba siya itinuring ng ina bilang anak?

Ang tingin na lamang nito sa kanya ay isang mabigat na responsibilidad na hindi nito maiwan-iwan kaya sa pag-aasawa nitong muli ay lumayo nang lumayo ang loob nito sa kanya. Hanggang sa muli itong magbuntis.

Si Zak Zapanta, ang nakababata niyang kapatid, ang masuwerteng nakaranas ng pagmamahal ng kanyang ina na hindi niya kailanman nakuha. At parang may malaking kamay na pumipiga sa kanyang puso kapag nakikita niya kung paanong alagaan at mahalin ng sarili niyang ina ang bunso nitong anak. Kahit pa walong taon ang tanda niya kay Zak ay hindi sapat na dahilan iyon para hindi ngatngatin ng panibugho ang kanyang puso.

Ngunit, alam niyang wala siyang magiging laban kung lalabanan niya ito ng sabayan. Kung lagi niyang aasarin at sasaktan si Zak ay siguradong mapapalayas siya. Kaya, naisip niyang hindi niya dapat pairalin ang emosyon. Kailangan niyang maging mabait lalo na sa pamilya ng kanyang ina. At dahil doon ay gumanda ang kanyang buhay. Nagawa siyang pag-aralin ng don at siya ay naging Dentista. Pinag-aral kasi siya ng kanyang stepfather sa magandang Dentistry School.

Ngunit kahit na malaki ang utang na loob niya sa mga Zapanta ay hindi pa rin nawawala sa puso niya ang galit na kinimkim. Marahil ay dahil dumating na siya sa puntong na-obsess siyang kahit minsan ay malamangan man lang si Zak. Dati kasi’y mayabang pa siya dahil alam niyang matalino siya pero napagtanto niyang mas matalino sa kanya si Zak. Nasa 220 nga ang IQ nito. Kaya, kahit hindi ito mag-aral ay nagiging Valedictorian ito. Summa Cum Laude pa ito ng magtapos ng Business Management.

At dahil sa talino nito ay nagawa pa nitong kumita ng miyon-milyon sa pagpasok sa stock market. Wala naman siyang pakialam sa perang nailalagay nito sa sariling bulsa. Ang nakapag-iinit sa kanya ay makitang proud na proud kay Zak ang kanilang ina samantalang siya’y para lang tau-tauhan sa paningin nito.

Ang higit na nakapanggalaiti sa kanya ay nu’ng pati ang kaisa-isang  babae na nagustuhan niya ay si Zacharias pa rin ang minahal at pinakasalan.

Ahhh, kailan ba siya makakaisa kay Zak?     

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status