“Hindi nga, ngunit isang kapangahasan pa rin ang iyong ginawa.” Patuloy sa pag-atras ang lalaki at ganoon din sa pag-abante si Vahlia.
“Sorry na… hindi ko naman—”
“Sinasadya? Hindi mo sinasadya ngunit kusa mong hinablot ang aking kuwelyo at ginawa ang karumal-dumal na gawain ng isang mapangahas at mapansamantalang Binibini.”
“Sorry na kasi, at saka pwede ba tigilan mo nang umatras? Konting-konti na lang talaga ay itutulak na kita,” banta ni Vahlia nang makita ang punong-kahoy na nasa bandang likuran ni Mateo. Bahagyang nanlaki naman ang kan'yang mga mata sa panibagong kalokohang pumasok sa kan'yang isip.
“Itutulak saan? Mapansamantala kang talaga! Sinasabi ko na nga ba’t nagkamali ako ng pinili, dapat sana’y—”
“Dapat ano? Humihingi na ako ng paumanhin sa aking ikinilos, batid kong hindi nga nararapat ang aking ginawa. Pasiyensiya na, maging ako ay hindi ko rin inaasahang gagawin ko iyon.”
Umayos naman sa pagkakatayo si Mateo at humakbang papalapit sa kaniya, “Gayunpaman, isa iyong kapangahasan. Iginagalang kita, Binibini. Kung kaya’t wala akong sasabihin o gagawing tugon sa iyong iniasta,” nakangiting anas ni Mateo habang nakatingin nang diretso sa kan'yang mukha, mahihinuhang seryoso siya sa kan'yang tinuturan. “Mahalaga ang dangal at puri ng kababaihan, at ikaw ang Binibining aking itinatangi. Nais kong maglakad ka sa pasilyong tutungo sa altar taglay ang mga bagay na iyon, hihintayin kita.”
Nanatiling nakatitig lang sa kaniya si Vahlia, walang salitang lumabas sa kan'yang bibig. Kasabay ng banayad na simoy ng hanging bahagyang hinihipan ang ilang hibla ng kan'yang buhok na nakatakas mula sa pagkakatali. Hindi inaasahang makatatagpo pa siya ng isang lalaking napapahalagahan ang dangal at puri ng isang babae. Bagay na malimit nang makita at taglayin ng ilang mga kalalakihan sa kan'yang panahon.
*****
“Ate Estrella, wala pa ba si Mateo?” muling tanong nito sa kapatid nang madatnan sa azotea, nakaupo at nagbuburda sa isang panyo.
“Makailang tanog mo na iyan, Victoria. Halos araw-araw kaya’y magkasama kayo, hindi ka ba nauumay sa pagmumukha ng iyong Nobyo? Kung dati’y ayaw na ayaw mo siyang makita at ngayon nama’y atat na atat mo siyang makasama, sa dinami-rami ng iyong pag-iinarte noon, sa kaniya rin naman pala ang bagsak mo,” ngumingising puna ni Estrella habang inaabala ang sarili sa pagbuburda ng bulaklak.
“Hindi, may utang siya sa’kin. At sabi niya’y babayaran niya ngayon,” tanggi ni Vahlia habang nakatanaw sa labas ng mansiyon.
“Utang? Paano magkakautang sa i'yo si ginoong Mateo kung mayroon naman siyang sariling pera? Balita ko pa nga ay mayroon siyang ipinapatayong bahay sa gawing hilaga ng kabisera.”
“A-Ano? Wala siyang nababanggit sa akin tungkol diyan,” gulat na aniya.
“Eh? Hindi ba siya nagkukuwento sa i'yo?” Umiling ang dalaga, kunot-noo namang napatingin sa kaniya si Estrella at inilapag ang binuburda sa lamesitang nasa tabi. “Hanggang ngayon ba ay wala ka pa ring maalala sa iyong nakaraan?”
“W-Wala,” tanging sagot ni Vahlia.
“Tatlong taon na ang nakararaan, mayroong usap-usapang nagkaroon ng relasyon ang unico-hijo ng mga Villamarquez sa isa pang anak ni gobernador Gonzales. Halos isang taon din yatang naging magkasintahan ang dalawa nang biglang sumalanta ang isang napakalakas na bagyo. Nabalitaan na lamang nila kinabukasan na patay na ang Binibining iyon dahil sa pagkakalunod, hindi ko na alam ang sumunod na nangyari dahil ipinagbawal ng Gobernadorcillo na kumalat pa ang mga usaping patungkol sa kan'yang anak.”
Sa kuwentong iyon ni Estrella ay biglang naalala ni Vahlia ang ikinuwento noon ni Mateo patungkol sa ligaw na Usa at ang nabanggit din ng kapatid nitong si Cielo nang magkita sila sa may kabisera.
“Ganoon din si Kuya Mateo, wala siyang ginusto ni isa sa mga nangyayaring ito. Mayroon siyang kasintahan sa ibang lugar na labis niyang sinisinta, kaya’t huwag ka nang umasa pang mamahalin ka niya.”
“Ahh, marahil ay hindi pa. Sa gubat ay may isang usa, napakaguwapong usa. Mayroon siyang isang kasintahan. Iyon ang una niyang pag-ibig kung kaya’t labis niyang iningatan ang kanilang pagsasama. Ngunit sa kasamaang palad ay nalunod ang kan'yang kasintahan sa rumaragasang ilog nang isang bagyo ang sumalanta sa buong kagubatan.”
Sa mga nalaman ay nagkaroon ulit ng kuro-kuro sa kan'yang isipan. Maya-maya pa’y napagdesisyunan niyang magpunta sa ilog ng Tarok upang kumpirmahin ang kan'yang hinala. “May pupuntahan lang muna ako, Ate. Ipagpaalam mo na muna ako kay Ina,” aniya bago nagmadaling maglakad palabas.
“Siya sige, ngunit bumalik ka bago magtanghalian,” habol naman ni Estrella.
“Opo, Ate.”
Agad siyang dumiretso sa likod ng kanilang mansiyon at nagtungo sa kubong kinaroroonan ni Morticia. “Get up, Morticia! Are you ready for another adventure?” pagkausap nito sa kabayo. Humalinghing naman ito na animo’y naintindihan ang sinabi ng may-ari.
Patalong umangkas si Vahlia nang tuluyan na niyang mailabas ang kabayo at tinahak ang daan papuntang Ilog ng Tarok. Nasaulo naman na niya kahit papaano ang daan dahil halos doon sila nagpupunta ni Mateo nitong mga nakaraang araw. Pati si Morticia ay nasasanay na ring tumakbo at makipagkarera kay Manolo.
Ilang minuto rin ang itinagal ng kanilang biyahe bago marating ang ilog, tumigil sila sa isang puno na palaging inuunang lapitan ni Mateo sa tuwing nagpupunta sila rito. Bakit nga ba ngayon niya lang napansin ang punong ito? Bakit sa dinami-rami ng pwedeng malapitan ay palaging ito ang nilalapitan niya? Kunot-noo niyang hinaplos ang magaspang na balat ng puno nang may makapa siyang tila iniukit sa bandang ibaba, malapit sa ugat nitong nakausli.
“Clara Gonzales,” basa nito sa unang linya. “Sa mga tala sa kalangitan, muli kitang susulyapan.” Hinawi nito ang ilan sa mga damong nakaharang sa pangatlong linya, “Tulad ng dalisay na agos ng tubig, ala-ala mong mananatili sa aking isipan.”
Napatigil siya sa pagbabasa nang makarinig siya ng yabag papalapit, agad niyang sinulyapan si Morticia at iginiyang magtago sa likod ng makakapal na mga baging. Maingat nitong hinawi ang ilan sa mga dahon ng baging upang makita ang kung sinong dumating.
Sa kan'yang tindig pa lamang at ayos ng buhok ay mahihinuhang si Mateo! May hawak itong kumpol ng bughaw na bulaklak ng krisantemo (chrysanthemum). Lumapit ito sa puno at maingat na inilapag sa tabi nito ang mga bulaklak, umupo rin ito sa tabi ng puno at nagsimulang kausapin ang puno.
Gustuhin man ni Vahlia na marinig ang sinasabi ni Mateo ay masiyado siyang malayo kung kaya’t hanggang tingin na lamang siya. Kitang-kita ang mga ngiti nito habang nakatingin sa umaagos na ilog, tila natutuwang kakuwentuhan ang puno. Sa nasasaksihan ay unti-unting napapangiti na lamang si Vahlia at tumalikod.
Mukhang nagtutugma na nga ang sinabi ni Estrella at ng dalawang Villamarquez, ‘Paano kung mahal pa nga ni Mateo ang babaeng iyon? Paano kung wala naman talaga siyang nararamdaman sa akin? Paano kung nakikita niya lang ako dahil nakilala niya ako sa parehong lugar kung saan nawala ang una niyang kasintahan?”
Isang mapait na ngiti ang gumuhit sa mga labi niya nang pumasok na naman sa isip niya ang tungkol sa misyon, ‘Bakit nga ba ako umaasa? Narito lang naman ako para sa misyon, iyon lang dapat ang atupagin ko. Besides, hindi naman ako nabibilang sa panahong ito. Napakaimposibleng mahalin ako pabalik ng isang taong nabubuhay sa sinaunang panahon. Maybe… I should quit daydreaming. I better finish this mission at nang makabalik na ako.’
Maya-maya pa’y nakarinig siya ng yabag ng kabayo papaalis at nang sumilip ulit siya sa uwang ng mga baging ay nakita niyang papalayo na rin si Mateo. Naglakad siya pabalik sa puno at pinagmasdan ang magagandang bulaklak na nakalagay sa paanan ng puno. Napaluhod si Vahlia at muling binasa ang panghuling linya, “Gracias por todo. (Salamat sa lahat.)”
Hindi man naintindihan ang nakaukit na salita ay alam niyang tungkol iyon sa nakaraan nila. Nakaraang hindi niya mababago, tanging sila lamang ang nakaaalam. Pinagmasdan lang iyon ni Vahlia nang ilang minuto bago magpasiyang umalis nang biglang—
“Tulong!!! Tulungan ninyo ako, pakiusap!” panaghoy ng isang boses mula sa di-kalayuan. Kunot-noo naman itong sinulyapan ni Vahlia at agad na hinanap ang pinanggalingan ng boses.
Nagmumula ito sa likod ng malaking bato malapit sa ilog, nang malapitan na ito ni Vahlia ay tumambad sa kaniya ang isang lalaking nagdurugo ang tuhod. Tila lumagapak ito sa batong nasa tabi, “Tulungan mo ako, Binibini. Pakiusap,” pagmamakaawa ng isang lalaki.
Pawisan ito at maputik rin ang suot nitong camiso, sa kan'yang tabi ay ang salakot nito. Hindi naman nag-atubiling lumapit sa kaniya si Vahlia at agad na sumalok ng tubig ilog gamit ang kan'yang palad, ibinuhos niya ito sa sugat ng lalaki upang linisan ang sugat nito. Pinunit nito ang laylayan ng kan'yang saya at ginawang benda sa nagdurugong bahagi.
“M-Maraming salamat, Binibini,” sambit nito habang iniinda ang hapdi ng kan'yang sugat.
“Kailangan mong ipatingin iyan sa doktor, mas mabuti na ring malapatan ng kaukulang lunas upang hindi magka-impeksiyon.” Nang matapos na niyang mabalutan ang sugat ay tumingin siya sa lalaki.
Hindi naman nalalayo ang edad nito kay Mateo base sa hitsura, makapal din ang kilay nito at maputi ang balat. Sa unang tingin pa lamang ay mahihinuhang may lahi itong banyaga. Hindi rin maipagkakailang may hitsurang maipagmamalaki.
“Paumanhin ngunit kinakailangan ko nang umalis,” paalam ni Vahlia nang marinig ang ingay na ginawa ng kabayo niyang si Morticia sa sinagi nitong halaman sa tabi. Nang papaalis na si Vahlia ay muling nagsalita ang lalaki, “Maaari bang malaman ang iyong pangalan, Binibini?”
Lumingon naman pabalik ang Binibini at nakangiting sinagot ang lalaki, “Vahlia, ang aking ngalan ay Vahlia.”
“Nagagalak akong makilala ka, binibining Vahlia,” nakangisi namang tugon ng lalaki pabalik. Sa ngiting iyon ay tila may kakaibang ipinapahiwatig, isang panibagong katauhang nagbabadyang maging parte ng larong kan'yang sisimulan.
Agad tumakbo si Morticia nang makasakay na sa kaniya si Vahlia at naiwang nakangisi ang lalaki na animo’y hindi nasaktan o nasugatan kanina.
“Señorita Victoria! Mayroon pong ipinapasabi si señorita Estrella,” salubong sa kaniya ng tagapagsilbing si Stella nang makauwi na siya sa bahay. Maingat namang bumaba mula sa kabayo si Vahlia at lumapit kay Stella.
“Ano iyon?”
“Sa susunod na linggo na raw po ang inyong kasal ni ginoong Mateo,” natutuwang ibinalita ng tagapagsilbi. Hindi naman agad na nakasagot si Vahlia, hindi alam kung matutuwa ba dahil mas mapapabilis ang misyon niya o malulungkot dahil mas maaga siyang babalik sa sariling panahon.
Ano nga bang misyon niya? Hindi ba’t ang bigyan ng happy ending ang kuwento nina Mateo at Victoria? Kung kaya’t mas mabuti na nga ang makasal sila nang mas maaga, hindi niya dapat isipin ang tungkol sa sarili niya dahil una pa lang ay hindi na dapat siya nahulog sa isang lalaking nagmula sa sinaunang panahon.
“S-Señorita? Hindi po ba kayo natutuwa?” tanong ni Stella nang mapansin ang reaksiyon ni Vahlia na nakapaskil sa mukha nito.
“Natutuwa akong marinig iyan.” Nagpakawala ito ng pekeng ngiti at matamlay na naglakad papasok nang biglang may kung sinong humarang sa kan'yang harapan.
Iniyuko pang lalo ng Binibini ang ulo nito, hindi man nito tignan o sulyapan man lang ang taong nasa kan'yang harapan ay batid na niya kung sino ito. “Tumabi ka,” sambit niya at akmang dadaan sa sa gilid nang iharang na naman ni Mateo ang kanang braso nito.
“Alam kong nakita mo ang lahat. Kausapin mo ako, Binibini. Pakiusap,” seryoso ang tono ng pagkakasambit nito habang nililingon si Vahlia na nakayuko pa rin, walang planong sulyapan o harapin ang binatang nasa tabi nito.
“Wala tayong dapat na pag-usapan, magkita na lamang tayo pagkatapos ng tatlong araw.”
“Ngunit nais kong dinggin mo ang aking panig, nais kong sagutin ang mga katanungang namumuo sa iyong isipan. Hayaan mo akong magpaliwanag.” Akmang hahawakan nito ang braso ni Vahlia nang bigla siyang umiwas at umatras nang hindi pa rin nililingon ang binatang kaharap.
“Talo na ako, wala na… tuluyan na nga akong nahulog sa’yo at hindi ko na alam kung paano umahon pa. Masaya ka na?” Nang mag-angat ito ng tingin ay sumalubong sa kaniya ang mga titig ni Mateo. Pinilit niyang ngumiti sa harapan ni Mateo at humakbang papalayo sa kaniya, “Magkita na lamang tayo sa araw ng kasal.”
Magandang araw nga pala!
Lumipas na nga ang tatlong araw, walang komunikasyon o pagkikitang naganap sa pagitan nila ni Mateo. Hindi rin lumabas o gumala si Vahlia at nakatuon na lamang sa pagtugtog ng mga instrumentong nakatambak sa sala ang buong atensiyon niya. Minsan ay sinasabayan siya ng kan'yang ate na siyang kasa-kasama niya sa buong magdamag dahil sa pagiging abala ng kan'yang mga magulang sa pag-aayos ng kasal. Tulala siyang nakatingin sa salaaming nasa kan'yang harapan habang inaayusan siya ni Carlotta, magaling siya sa paglapat ng iba’t ibang mga pampaganda mula Europa at pag-aayos na rin ng buhok. “Naalala mo ba noong unang beses kang isama ni ginoong Mateo sa aming tirahan ni Teodoro?” nakangiti niyang tanong habang iniipit a
Kasabay ng pagmulat ng kan'yang mga mata ay ang pagsalubong sa kan'ya ng isang napakatamis na ngiti mula sa lalaking isinisigaw ng kan'yang puso. Sa araw na ito ay ganap na nga silang mag-asawa. Pagkalabas nila mula sa simbahan ay sabay-sabay na naghagis ang mga tao ng ilang butil ng bigas, barya at mga talulot ng puting bulaklak. Isang napakasayang kaganapan ng kahit na sinong hahantong sa puntong ito. Sinalubong sila ng mga pagbati at mga bilin mula sa mga bisita, lalo na nang makabalik sila sa hacienda Esperanza kung saan idaraos ang piging. Maririnig ang mga musika at nagbubunying mga taong nagsidalo sa kanila
“Maligayang pagdating, Señora Victoria.” Bahagyang napanganga si Vahlia sa bati ng katiwala, nasa harapan na sila ng tarangkahan. Masisilip ang isang bahay, tulad ito ng mansiyon ng mga Villamarquez. Halos ang lahat sa unang palapag ay yari sa bato at sa pangalawa naman ay sa matibay na kahoy. Sa magkabilang gawi ng pasilyo ay mga tanim na gumamela, lahat ay namumulaklak sa iba’t ibang kulay at disenyo. Malawak rin ang parting nasasakupan ng mga damo. Sa paligid ng bahay ay mga puno ng langka at mga lanzones, pati ang mga ito ay hitik sa bunga. “M-Magandang araw,” bati niya pabalik na nginitian ang dalagitang nagbukas ng tarangkahan para sa kanila. “Nagustuhan mo ba ang ating tirahan?” Napalingon si Vahlia kay Mateo, “B
“Isang linggo, Victoria,” paglilinaw ni Mateo kay Vahlia. Ngayon ang araw ng pag-alis ni Mateo papunta sa Maynila. “Magbabalik ako pagkatapos ng isang linggo.”“Maghihintay ako,” nakangiting sagot naman ni Vahlia habang tinatanaw ang kalesang papalayo sa kan'ya. Lumingon ang asawa nito at kumaway pabalik. Simpleng tumango si Vahlia, pilit na iwinawaglit ang kakaibang pakiramdam na dumadagundong. Tulad ng kahapon ay tila may kung anong hindi magandang mangyayari, masama ang kan'yang kutob. “Bumalik na po tayo sa loob, Señora. Mahamog pa po rito sa labas,” anyaya ni Karolina. Alas-cuatro pa lamang ng umaga kung kaya’t hindi pa sumisikat ang araw. Sa bawat paghakbang ng kan'yang mga paa ay mas lalong lumalakas at bumibilis ang tibok ng kan'yang puso sa hindi mawari
“Mag-iingat po kayo, Señora,” paalala ni Flora. Kasalukuyang nakasakay si Vahlia sa kabayong si Morticia at tutungo sa mansiyon Villamarquez. Matapos kasi ang pag-uusap nila ni Cielo kahapon ay nabanggit nitong mas mainam kung bisitahin din niya ang kanilang tahanan sa ibang araw dahil labis itong magugustuhan ni doña Carmen. Bukod doon ay inanyayahan din siya ni Cielo na mamasyal sa kabisera na siyang pupuntahan nila ngayon. “Babalik din ako maya-maya.” Marahan niyang iginalaw ang tali ni Morticia, dahilan upang mapatakbo ang kabayo. Simple na naman ang kasuotang pinili ni Vahlia, isang kayumangging camisa at saya. Kayumanggi rin ang kan'yang panuelo ngunit mas matingkad ang pagkakakulay nito. Sakay ng itim na kabayo ay nagtungo siya sa kabisera ng Isla Oriente. S
“Hindi ko kailangan ang inyong tulong!” Nasa loob sila ngayon ng mansiyon Villamarquez, pagkarating nila kanina ay agad na lumundag pababa ng kalesa si Guadalupe, dumiretso sa loob ng kan'yang silid na siya namang nagtatakang sinundan nina Cielo at Vahlia. Kibit-balikat na bumaba na rin si Cielo at sinundan ni Vahlia. Halos mag-iisang oras na silang nakatayo sa labas ng silid ni Guadalupe dahil sa ayaw nitong papasukin sina Cielo at Vahlia. “Ngunit nakasisiguro ka bang hindi mo talaga kami kailanngan pa?” pag-uulit ni Vahlia na sinabayan pa ng naaasar nang boses ni Cielo. “Huwag mo nang pilitin pa, Victoria. Napakalaki ng tiwala niya sa kan'yang sarili’t akala mo naman kung sinong marunong. Maiwan ka na namin, Guadalupe! Bumaba ka na lamang sa ibaba kapag natapos ka na s
“At naniwala ka rito?” “Bakit hindi? Masiyadong kapani-paniwala ang pagkakasulat. Nais kong linawin at hanapin ang mga katibayang magtuturo sa katotohanan. At ikaw lamang ang naisip kong makatutulong sa akin, Cielo.” Tatlong araw, sapat na upang makapag-isip si Vahlia sa magiging tugon. Sa mga nakalipas na mga araw ay ninais nitong mapag-isa at tumitig sa kawalan habang mahigpit na hinahawakan ang pulang kuwintas sa kan'yang leeg. At ngayon ay inanyayahan nito si Cielo, sinabing ang dahilan ay ukol sa pagpipinta. Ngunit ang katotohanan ay hihingi siya ng tulong, “Masasamahan mo ba ako?” “Ano namang naisip mo at sa akin ka lumapit? Kapatid ko ang inaakusahan at sinisira ng kung sino mang nagpadala ng liham na iyan. Inaasa
“Ang akala ko’y hindi ka na sisipot pa, señora Victoria.”“Paumanhin, may dinaanan lamang ako. Nakahanda na ba ang lahat?” Nasa pantalan na si Vahlia at nadatnang nakatayo habang nananabako si Javier. Tuon ang tingin sa dalampasigan na animo’y nay napakalalim na iniisip. Nang kalabitin ito ni Vahlia ay saka siya nito nilingon, nang may ngiti sa mga labi. “Nasa bangka na ang ilan sa mga gamit na iyong binigay kahapon, nakaayos na ngang lahat.”“Ano pang hinihintay natin kung ganoon?” tanong ni Vahlia nang mapansing hindi sumunod si Javier sa kaniya sa loob ng bangka.