Share

Capitulo Dieceseis: Pansamantala   

     

“Mateo, hijo! Magandang umaga,” bungad ni señora Vivian nang makita ang kararating lamang na si Mateo sakay ng kabayo nitong si Manolo.

“Magandang umaga rin po sa inyo, Señora. Ibig ko po sanang ipagpaalam ang inyong anak upang mamasyal,” sagot naman ng lalaki nang makababa sa kan'yang kabayo.

              Malungkot na napabuntong hininga ang Señora bago muling harapin si Mateo, “Tungkol nga pala sa nangyari noong nakaraang lingo, humihingi ako ng pasiyensiya sa iniasal ng aking anak.”

“Naiintindihan ko po iyon, Señora. Nakausap ko naman po si binibining Victoria patungkol sa bagay na iyon. Marahil ay masiyado pa pong mabilis para sa kaniya ang mga pangyayari, humingi siya ng ilang araw upang mapag-isa at makapag-isip na muna.”

“Kaya ka ba naririto ay upang siya’y kausaping muli?” tanong ng Ginang.

“Opo, Señora—”

“Mama, tawagin mo na lamang akong mama, Hijo.”

“O-Opo, Mama. Kahapon po’y nagpadala siya ng liham, nais niya raw po akong kausapin ukol sa isang bagay,” sagot ni Mateo.

“Mabuti nga iyan at nang magkapagpalagayan kayo ng loob. Ngunit, Hijo. Batid kong alam mo ang dahilan ng kasunduang ito,” Malungkot na ngumiti ang Ginang. “Kung kaya’t nais kitang tanungin… may pag-asa bang mahalin mo ang aking anak? Naisin ko mang tumutol sa kasunduan ngunit wala akong magawa, ang tanging magagawa ko na lamang ay ang masiguro ang kalagayan ng aking anak. Magagawa mo bang mahalin ang aking anak, ginoong Mateo Villamarquez?”

              Sa pagkagitla sa tanong na iyon ni señora Vivian ay hindi agad nakasagot si Mateo. Ngunit nang mapansing naglalakad na papalapit sa kanila ang Binibini ay muling nagsalita ang Ginang, “Aasahan ko ang iyong sagot, ginoong Mateo.”

“Ina, magpapaalam po muna akong mamasyal kasama si Mate—Ginoong Mateo,” paalam ni Vahlia nang makalapit na sa kanila. Simple lang ang suot nito na animo’y hindi pa naligo.

“A-Ano ang ginawa mo sa iyong buhok?” puna ng Señora nang makita ang pagkaka-ponytail nito sa kan'yang buhok. Hindi man ganoon katas ay bahagyang nakikita pa rin ang ibabang bahagi ng kan'yang batok. Agad naman itong napansin ni Vahlia kung kaya’t iniayos nito ang panuelo.

“Paumanhin, Ina. Nagmadali po kasi akong bumaba,” nakayukong sagot niya.

“Ikaw talaga, tila nakaliligtaan mo nang mag-ayos. Paano na ang magiging buhay mag-asawa ni'yo niyan.” Napapailing na lumapit sa kaniya ang Ginang at maingat na iniayos ang magulong pagkakatali ng buhok nito, pati na rin ang hindi maayos na pagkakasuot ng anak sa kan'yang panuelo. Talagang mahihinuhang nagmadali ngang bumaba ang Señorita.

“Iyo bang nakalimutan ang mga itinuro ko sa’yo ukol sa pag-aasawa?” Kusang nakagat ni Vahlia ang kan'yang labi, hindi niya nakalimutan iyon. Sadyang hindi niya talaga alam pagkat hindi naman siya ang totoong Victoria. “Oh siya, hindi na bale at saka ko na papayuhan kang muli. Tila mahalaga ang iyong pag-uusapan,” nakangiting sabi ni señora Vivian at sinulyapan silang dalawa na animo’y may ibang ipinapahiwatig.

“Sige po. Mauuna na po kami, Ina,” pamamaalam ni Vahlia sa nakangiting Ginang. “Mag-iingat kayong dalawa. Victoria, hija, talaga bang sasakay ka sa kabayo?” paalala naman nito.

“Opo, Ina. Huwag po kayong mag-alala pagkat kaya ko naman pong magpatakbo ng kabayo.”

“Ngunit mag-iingat ka pa rin. Mateo, ingatan mo ang anak ko,” pag-uulit ng Señora na animo’y nasa altar na sila at ipinapaubaya na nito ang anak sa magiging manugang.

“Si, Mama.”

“Sige po, Ina. Mauuna na po kami.”

              Magkasabay nilang tugon bago maglakad papaalis, naunang sumampa sa kabayo si Vahlia bago sumunod si Mateo sa likuran. “Tinawag mong mama ang aking Ina?” sarkastikong tanong nito nang magsimula nang maglakad ang kabayo.

“Ha? May masama ba roon?”

“Wala naman. Nga pala, saan tayo patutungo?”

              Nang makalampas na sa hacienda Esperanza ang kabayo ay agad lumiko pakanan ang kabayo, “Hindi kakayanin ni Manolo ang iyong bigat.”

“Anak ng—ako pa talaga?” pag-angal ng Vahlia nang hindi nililingon ang binata. “Saan ba kasi tayo pupunta?”

“Isa iyong sorpresa, Binibini. Sa ngayon ay tutungo muna tayo sa kuwadra, makikita mo ang aking munting regalo para sa i'yo, Binibini.”

“Tss, siguraduhin mong matino iyan. Kapag isa na naman ito sa kalokohan mo’y hindi na talaga kita kakausapin pa,” napapairap na tugon niya sa kasama habang tumatakbo ang kabayo.

“Siguraduhin mo ring matutuwa ka, kung hindi ka man lang ngingiti’y hindi ko tuluyang ibibigay sa i'yo ang aking regalo.”

               Maya-maya pa’y narating nila ang isang gusaling yari sa kahoy, malaki ito at maihahawig sa tirahan ng mga baka at kabayo. Ang kuwadra ng buong Isla Oriente, dito maaaring paupahan o ibenta ang iba’t ibang uri ng kabayo. Napakaganda ng malawak na parang kung saan nagkalat at malayang nakatatakbo ang mga kabayo.

               Nanlaki naman ang mga mata ni Vahlia sa nakita. Oo na, taong kabayo si Vahlia. Nakahiligan ang mga kabayo simula pagkabata hanggang ngayon. “Oh, bababa ka ba riyan o tititigan na lamang sila?” sita ni Mateo na hindi namalayan ni Vahlia na nakababa na pala mula sa kabayo.

“Sabihin mo… Ipagpapalit mo na ba si Manolo?” pagbibiro ni Vahlia nang makababa ng kabayo. Umungol naman ang kabayong si Manolo sa kanilang likuran na animo’y naintindihan ang sinabi ng Binibini at tumututol dito.

“Bakit ko naman gagawin iyon? Hindi si Manolo ang aking ipagpapalit, ikaw ang ibibigay ko kapalit ng isang kabayo.”

“Nakatatawa, hahaha,” pamemeke ni Vahlia sa tawa nito bago magsimulang maglakad sa daang patungo sa kuwadra at iwan si Mateo.

“Kahit kailan talaga, magaling ka mang-iwan.” Saglit na napatigil si Vahlia sa sinabing iyon ni Mateo dahilan upang madali itong maabutan ng lalaki sa paglalakad nito at sabay silang pumasok sa loob ng kuwadra.

“Oh? Bakit?” nagtatakang tanong ni Mateo nang mapansin ang tahimik at seryosong paninitig sa kaniya ng dalaga. Napailing na sumagot naman si Vahlia, “Wala naman, napakapangit mo lang pagmasdan,” pag-iiba niya na siya namang ikinangiwi ng lalaki.

“Mapanlait na nilalang. Sa guwapo kong ito matatawag mong pangit? Nanlalabo na yata ang iyong mga mata.”

“Bahala ka, isipin mo ang gusto mong isipin. Narcissictic—”

“Magandang umaga, señor Mateo! Ano pong maipaglilingkod ko sa inyo?” salubong ng isang matandang lalaki na nasa edad apat na pu't lima hanggang limampu. Nakangiti ito na abot tenga at suot-suot ang isang salakot sa kan'yang ulo.

“Mang Ambo! Magandang umaga rin po nais ko sanang ipagpalit ang Binibining nasa aking tabi kapalit ni Fransiska.”

“Po?” naguguluhang anas ng may-ari ng kuwadra. Pasimpleng kinurot naman ni Vahlia ang tagiliran ni Mateo na siyang ikinadaing nito. Ngumiti siya at humarap sa matandang si mang Ambo, “Maaari po bang makita ang mga kabayong maaari kong mahiram? Pagkat ang isa kasi riyan ay may reklamo sa akin.”

“Walang problema, Señorita. Dito po tayo.” Iginiya ng matanda ang isang pasilyo tungo sa malawak na parang na nababakuran upang hindi makatakas ang mga kabayo. “Anong kulay po ang nais ni'yo, Señorita?”

“Mayroon po bang itim?” hindi inaasahang sagot ng Binibini na siyang ikinagulat naman ni mang Ambo.

              Ang mga purong itim na hayop ay karaniwang pinapapatay o ikinukulong na lamang sa isang maliit na kulungan dahil sa sila’y pinaniniwalaang nagdadala ng kamalasan.

“M-Mayroon po, Señorita. Dito po sa gawing ito.”

              Sa likuran ng napakalaking kuwadra ay isang maliit na silungan ng kabayo. Simple lamang ito at nababakuran upang panatilihin ang tatlong itim na kabayo sa loob at hindi humalo sa ibang mga kabayo.

               Dalawa sa kanila ay mga bata pa lamang at hindi pa maaaring sakyan. Ang isa naman ay nasa tamang gulang na, itim ito mula ulo hanggang paa. “Amazing…” salitang tanging lumabas sa bibig ni Vahlia habang tinititigan ang hayop na nasa harapan. Matikas ito at naaakma sa karera o pag-akyat sa bundok.

“Morticia ang kan'yang ngalan, limang taong gulang na ang kabayong ito. Hindi nais ng mga mamimiling nakikilahok ang mga itim na kabayo sa iba kung kaya’t dito ko na sila inilagay. Nakakatuwang nagustuhan mo si Morticia, Binibini.”

“Magkano ang kabayong ito?” tanong ni Vahlia habang hinihimas ang buhok nito.

*****

“Hindi riyan ang daan!” sigaw ni Mateo mula sa likuran ni Vahlia na ngayon ay hindi masiyadong makontrol si Morticia.

“Sandali, medyo makulit si Morticia! Saan ba ang daan?” Kanina pa sila nagsisigawan dahil sa direksyon at pag-ilag ng itim na kabayo sa dapat na tatahakin nitong daan.

“Ang mabuti pa’y bumaba ka na muna riyan, dito na muna tayo magpahinga!” suhestiyon ni Mateo habang bumababa mula sa kabayo nito at iginiya sa ilalim ng punong manga na hitik sa bunga.

              Sumunod naman sa kaniya si Vahlia at bumaba nga mula kay Morticia, ngunit may naisip siyang sulosyon. “Manolo! Halika nga muna,” tawag niya sa kabayo ni Mateo sa pinakawalan mula sa pagkakatali. Kumunot naman ang noo ng lalaki.

“Ano ang gagawin mo pagkatapos mong makalabas mula sa pagkakakulong nang mahabang panahon?” tanong ni Vahlia kay Mateo na ngayon ay naglalakad papalapit sa kaniya.

“Tatakbo, ano pa ba? Hindi ko naman ibig ang gumapang.”

“Marahil ay ganoon din si Morticia, paano kung hayaan na muna natin siyang makipaglaro kay Manolo?”

“Magandang ideya nga ang naisip mo. Manolo, quiero que guíes a nuestra nueva amiga Morticia, ¿puedes? ( nais kong gabayan mo ang bago nating kaibigang si Morticia, maaari ba?)” Humalinghing naman ang kabayo na animo’y naintindihan ang sinabi ni Mateo.

              Kinalas naman ni Vahlia ang taling nakapalibot sa kaniya, sa una ay sumulyap ito sa direksyon nina Vahlia at Mateo na tila nanghihingi ng permiso. Maya-maya pa’y kumaripas ito ng takbo nang tumango ang babae sa kaniya.

“Ano na nga ba ang sinasabi mong pag-uusapan natin?” panimula ni Mateo habang sinusundan si Vahlia na naglalakad papunta sa silong ng puno.

“Pa’no ko nga ba ito sisimulan…” Hindi siya makatingin sa lalaki, ‘di alam kung dapat nga ba niyang sabihin ang tungkol sa bagay na ito.

“Tungkol ba ito sa huling pag-uusap natin? Kung oo, nais kong malaman ang sagot mo sa itatanong ko.” Diretso ang tingin nito sa kakahuyang nasa harapan nila. “Kung sakaling hindi tayo ipinagkasundo at ako’y isang ginoong nakilala mo lamang sa kakahuyan, matatanggap mo ba ako kung sabihin kong nais kong maging parte ng iyong buhay? Kung naisin kong makasama ka habang buhay? Nang higit pa sa pagkakaibigan?”

               Napapikit si Vahlia habang nakatukod ang mga kamay sa likuran upang suportahan ang kan'yang katawan, “Nakatutuwang saglit lang, na parang ilang araw pa lang ang lumipas nang makita ko ang pagmumukha mo sa kagubatan. Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko kung ano ba dapat ang maramdaman ko sa’yo. Ewan, nakikita kita hindi bilang isang kaibigan at hindi rin bilang isang kasintahan.”

“Aaminin kong mayroong isang bagay na pumipigil sa akin upang tuluyang kilalanin ko ang tunay na nararamdaman ko sa’yo, at iyon ay takot. Na baka sa puntong tuluyan nang mahulog ang loob ko sa iyo ay baka hindi ko na gugustuhin pang umalis. Natatakot akong isugal ang kung anumang damdaming maaari kong itaya. Dahil kapag umabot na sa puntong dapat na akong bumitaw… alam kong mas magiging mahirap nang kumalas.” Sumulyap ito sa katabi nito.

“Sa buhay ng tao, maraming pansamantala lamang. Pati ang sarili nating buhay ay pansamantala rin, ngunit sa maikling pagkakataong iyon ay maraming magiging kaganapan. Sa pagkakataong mayroon ka ngayon, nasa i'yo ang pagpapasiya kung uubusin mo ba ang lahat ng oras na nakalaan sa iyo upang matakot at mangamba o gugulin ang pagkakataong ibinigay sa i'yo sa mga bagay na maaari mong gawin.”

               Sa muling pagtatagpo ng kanilang paningin ay kakaibang kislap ang namuo, panibagong katanungan ang umikot sa isipan ni Vahlia. Kung oras na ba para itaya na niya ang puso para sa isang lalaking nagmula sa sinaunang panahon. Kung bubuksan na ba niya ang pinto patungo sa panibagong paglalakbay kasama ang lalaking ito.

“Maghihintay pa rin ako sa iyong tugon,” akmang tatayo ang lalaki ngunit agad itong nahagip ni Vahlia at ginawa ang isang pinaka-hindi inaasahang pangyayari. Biglaang naglapat ang kanilang mga labi at sa pagkakataong ito ay ang babae ang nagkusang gumawa! Eksenang titigil talaga ang mundo ng kung sinong makakakita sa kanila.

               Nagtagal iyon ng ilang segundo… minuto! Bago sila naghiwalay. Nanlalaki ang mga mata ni Mateo habang nakatingin sa kan’ya, hindi makapaniwala sa kapangahasang ginawa ng isang Binibini. Samantala, muling tinitigan naman siya ni Vahlia at sinagot ang huling mga salitang binitawan ng Lalaki, “Oo, susubukan ko. Susubukan kong mahalin ka, M-Mateo.”

               Humakbang paatras si Vahlia, hindi inaalis ang paninitig sa nakakahumaling na mala-tsokolateng mga mata ng ginoong kaharap. Hindi naman nakapagsalita kaagad si Mateo ngunit maya-maya pa’y bumuka ang kan'yang bibig, “P-Papatayin ako ng aking ama kapag nalaman niya ang tungkol dito,” tulalang sambit niya. Habang unti-unting napapaatras at tinatakpan pa ang katawan nito na animo’y ginawan nang napakasamang bagay.

               Umawang naman ang labi ni Vahlia at tumagilid ang ulo, “A-Anak ng— bakit parang kung makaasta ka daig mo pa ang babae? Hindi naman kita ginahasa.”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status