Share

Capitulo Dieceotso: Kasal

            Lumipas na nga ang tatlong araw, walang komunikasyon o pagkikitang naganap sa pagitan nila ni Mateo. Hindi rin lumabas o gumala si Vahlia at nakatuon na lamang sa pagtugtog ng mga instrumentong nakatambak sa sala ang buong atensiyon niya. Minsan ay sinasabayan siya ng kan'yang ate na siyang kasa-kasama niya sa buong magdamag dahil sa pagiging abala ng kan'yang mga magulang sa pag-aayos ng kasal.

          Tulala siyang nakatingin sa salaaming nasa kan'yang harapan habang inaayusan siya ni Carlotta, magaling siya sa paglapat ng iba’t ibang mga pampaganda mula Europa at pag-aayos na rin ng buhok.

“Naalala mo ba noong unang beses kang isama ni ginoong Mateo sa aming tirahan ni Teodoro?” nakangiti niyang tanong habang iniipit ang buhok ni Vahlia paitaas. “Sa una’y inakala kong namamalik-mata lamang ako sa Binibining nakatayo sa likuran, ngunit hindi pala. Aking napagtantong ikaw si binibining Victoria Esperanza, at sa puntong iyon ay marahil hindi pa kayo magkakilala ni ginoong Mateo. Ipinagtaka ko na rin kung bakit kayo’y magkasama nang araw na iyon, bakit nga ba?”

         Sinulyapan siya ni Vahlia sa salaming pareho nilang kaharap at bahagyang ngumiti, “Natagpuan ko siya sa gubat at napagkamalang kapre.” Mahinhin namang natawa si Carlotta at tinakpan pa nito ang bibig, “Tignan mo nga naman ang tadhana, sadyang mapaglaro. Kung sino pa ang iyong hindi inaasahan ay siyang ibibigay sa i'yo. Minsan nga ay magugulat ka na lamang.”

          Kapansin-pansin ang pilit na ngiting nakapaskil sa mukha ni Vahlia na siyang kanina pa napuna ni Carlotta, “Bakit tila hindi ka nagagalak sa araw na ito, binibining Victoria?”

“Wala naman, isa lamang itong simpleng araw para sa akin.” Napabuntong-hininga na lamang ang babaeng nasa kan'yang likuran na marahang ikinakabit ang velo. “Alam kong hindi ko dapat sabihin ito sa i'yo ngunit tila kinakailangan, lumapit sa aking asawa si ginong Mateo upang kumbinsihin akong kausapin ka ngayong araw patungkol sa kasalang ito. Sa katunayan ay hindi ko alam kung kaaawaan ko ba siya o tatawanan na lamang.”

         Kumunot naman ang noo ni Vahlia sa biglaang paghagikhik ni Carlotta na ngayo’y inaayos naman ang kaunting gusot sa mahabang sayang suot niya. “Alam mo bang nakiusap siyang kung maaari ay bantayan daw kita ngayong araw at baka tumakas ka sa kasal. At kung may napansin daw akong kahina-hinala sa iyong kilos ay talian na raw kita bago ka pa makatakbo.”

“Wala naman akong balak tumakas, wala rin naman akong mapupuntahan pa kung sakali,” tanging sagot ni Vahlia na wala pa ring pagbabago sa emosyong nasa mukha niya. Napatigil naman sa pagtawa si Carlotta at malugod na hinarap si Vahlia, “Hindi ko man alam kung ano ang tumatakbo sa isipan o maging ang nagiging suliranin ninyong dalawa, nahihinuha kong tila may pag-aalinlangan ka kay ginoong Mateo.”

“Oo, may pag-aalinlangan nga ako. Pero hindi ko na yata kailangang problemahin pa iyan, sa ayaw at sa gusto ko naman ay ikakasal pa rin ako sa kaniya.”

“Matalik na magkaibigan si Teodoro at ginoong Mateo at halos magkasabayan sila ng aking asawa sa paglaki. Aaminin kong minsan ay nakakainis nga ang mga biro at kalokohan niya ngunit masasabi ko namang isang mabuting tao si ginoong Mateo. Nakikita kong tila hindi mo pa siya tuluyang tinatanggap sa iyong puso, ngunit kung kayo talaga ang talagang nakalaan para sa isa’t isa ay asahan mong mas maraming pagsubok pa ang kailangan niyong lampas an nang magkasama.”

“Paano kung hindi, ate Carlotta?” tanong ni Vahlia, diretso ang tingin sa salaming nasa harapan. “Paano ako makakaahong muli kapag ang katotohanan ay hindi pala kami ang para sa isa’t isa, bakit parang ako lang itong umaasa sa kaniya?”

“Ikaw lang nga ba? Napansin mo ba kung paano siya tumingin sa i'yo na hindi niya magawa sa iba? Napansin mo rin ba ang kakaibang ngiting tanging sa’yo niya lang naibibigay? Sa mga salitang binibitawan niya habang kayo’y magkasama, minsan ba’y naramdaman mo ang pag-aalinlangan sa kaniya sa tuwing binabanggit niya ang mga katagang nagpapahiwatig kung gaano ka niya itinatangi sa lahat ng mga binibining nagdaan sa buhay niya?”

            Saglit na napatigil si Vahlia at bumuntong hininga, magsasalita na sana siya nang biglang nagpatuloy muli si Carlotta, “Gayunpaman, may ilan akong nabasa sa mga liham na ipinadala niya noon kay Teodoro. Ganoon din ang mga usap-usapan mula sa mga kakilala niyang nag-aaral din sa Madrid.”

“Ano iyon?” kunot-noong bumaling ang tingin niya sa katabi.

“Na isang dakilang palikero si ginoong Mateo, marami raw siyang naging kasintahan at kababaihang kasa-kasama sa Madrid. Karamihan ay mga dayuhang binibini, mga Espanyoles,” anas nito sa tenga ni Vahlia na animo’y si Marites na nakasagap ng panibagong chismis.

           Maya-maya pa’y nagbago ang awra sa paligid ni Vahlia, hawig ang isang dragong umuusok ang tenga at ano mang oras ay magbubuga ng apoy!

*****

‘Anak ng tupa! May pa- hayaan mo akong magpaliwanag pa siya! Sa hindi lang naman pala iisa ang Binibining nananatili sa kan'yang puso’t isipan, mas marami pa pala. Napakasinungaling!” hiyaw ni Vahlia sa kan'yang isipan. Lulan ng kalesang napapalibutan ng mga makukulay na bulaklak, papunta na sila sa simbahan ng Isla Oriente. Sa daan pa lamang ay makikita ang dami ng taong nakaabang sa entrada ng simbahan hindi maaaring pumasok pagkat ang pinahihintulutan lamang ay mga taong may mataas na katayuan sa lipunan.

              Ang iba’y ang kasalang magaganap ang inaabangan, ngunit karamihan ay ang mga pagkaing maiiwan ng mga dumalo ang siyang kanilang habol lalo na’t ang ikakasal ay nagmula sa dalawang mayamang pamilya ng buong bayan. Sinabi na ni Stella ang patungkol dito kung kaya’t maging silang mga tagapagsilbi ay hindi rin maaaring pumasok sa loob ng simbahan.

            Napabuntong hininga na lang ulit si Vahlia sa nakikita, hindi alam kung magpapasalamat na lang ba dahil hindi niya naranasan ang ganitong pag-uuri sa lipunan. Mapapasabi ka na lang ng ‘napaka-unfair ng mundo’. Na siyang patuloy na nangyayari hanggang sa kasalukuyang panahon, hindi magbabago ang mundo dahil nasa tao na mismo ang pagbabago. Sa sariling pagpapasya at galaw.

“Señorita Victoria, puedes salir del carro (maaari na po kayong lumabas ng kalesa).” Isang lalaking posturing-postura ang sumalubong sa kaniya at naglahad ng kamay. Bago ang pagmumukha nito at wala rin siyang maalalang nakita o nakilala niya ito. “Nu prometido está esperando adentro, salga, señorita Victoria (Naghihintay na po ang iyong mapapangasawa sa loob, lumabas ka na, binibining Victoria),” pag-uulit ng lalaki.

            Mapagkakatiwalaan naman siguro ang taong ito kung kaya’t inabot na nga ni Vahlia ang palad nitong nakalahad sa kaniyang harapan at maingat na lumabas ng kalesa. Dahil sa mahaba at maraming mga burluloy na nakasuot sa kan'ya ay naging mabagal ang pagkilos niya, malayo sa dating patalon o patakbong paglalakad niya. Sa wakas! Nagmukha na siyang Binibining mahinhin sa kauna-unahang pagkakataon!

             Kapansin-pansin din ang anim na kalalakihang tulad ng una niyang nakita ay posturang-postura at tila mga guwardiyang nakalinya sa magkabilang gilid ng daanang gawa sa bato patungo sa malaking pintuan ng simbahan. Nang makalagpas na nga sa mga nakahilerang kalalakihan ay bumitaw n asa pagkakahawak ang lalaki.

“Eso es todo lo que tengo, Señorita. Porque Mateo incluso podría matarme cuando me vea sosteniendo tus manos (Hanggang dito na lamang ako, Binibini. Pagkat baka patayin pa ako ni Mateo kapag nakita niyang hinawakan ko nga ang iyong mga kamay),” nakangiting sambit ng lalaki. Hindi naman nakasagot si Vahlia dahil bukod sa kakaiba ang pagngiti ng lalaki ay hindi rin naman niya naiintindihan ang sinabi nito.

             Nang makaharap na ni Vahlia ang kahoy na entrada ng simbahan ay nagsimula na ring tumugtog ang piyano at biyolin mula sa loob ng simbahan kasabay ng pagbubukas ng pinto. Unti-unting inilibot naman ni Vahlia ang paningin sa kabuuan ng simbahang napapalamutian ng iba’t ibang kulay at porma ng gumamela.

             Sa pasilyong may nakalatag na pulang alfombra (carpet), dahan-dahang sumasayad ang puti niyang kasuotan. Nakapatong ang velo nito sa napakagandang pagkakatali ng kaniyang buhok, bahagya itong kinulot at tinirintas nang maluwang bago iniikot sa kaniyang ulo na parang korona. Napapalamutian din ito ng mga maliliit na perlas at kumikinang na mga aguhilya (hair pins).

             Nang maabot na nito ang kalagitnaan ng pasilyo ay naroon sina don Gonzalo at doña Vivian sa kanilang magarang kasuotan, naghihintay sa kanilang anak upang mag-martsa patungo sa harap kung nasaan ngayon si Mateo at kan'yang mga magulang.

“Ngumiti ka naman, Hija. Ngayon ang araw ng iyong kasal,” puna ng señora sa mahinang tono na siya namang sinunod ni Vahlia. Wala siyang ibang pagpipilian kundi ang gawin nga ang sinabi sa kaniya ng ina.

“Binabati kita sa araw ng iyong kasal, Aking Anak,” anas naman ni don Gonzalo suot-suot ang ngiti ng tagumpay.

             Diretso naman ang tingin ni Vahlia sa harapan, kasalukuyang nilalabanan ang mga titig ng ginoong nakasuot ng puting barong at itim na pantalon. Nakangiti ito sa kaniya, kasiyahang nararandaman nito na taliwas naman ng kay Vahlia. Konting-konti na lang ay makakalmot na niya ang nakangising pagmumukha ni Mateo. Konting-konti na lang!

Amiga Carmen, Compadre Lorenzo, enviamos formalmente a nuestra hija a tu unico hijo. Mateo, esperamos tu feliz y buen matrimonio con nuestro hijo (Amiga Carmen, Compadre Lorenzo, amin nang pormal na ipinapaubay ang aming anak sa inyong unico hijo. Mateo, aasahan namin ang inyong masaya at magandang pagsasama ng aming anak),” nakangiting saad ni don Gonzalo at iniabot ang kaliwang palad ng anak sa ginoong mapapangasawa nito.

“No hay problema, solo espero que Matthew cuide bien a su hijo (Walang magiging problema, umasa kayong aalagaang mabuti ni Mateo ang inyong anak),” sagot naman ni don Lorenzo na ngayo’y binigyang daan naman ang kaniyang anak.

“No te preocupes porque cuidaré y amaré a tu hija (Huwag po kayong mag-alala pagkat aalagaan ko po at mamahalin ang inyong anak).” Nagpilit na namang ngumiti si Vahlia nang tanggapin na nito ang palad ni Mateo, mariin niya itong pinisil nang pareho na silang makalayo sa kanilang mga magulang.

“Huwag naman, binibining Victoria. Pati ba naman sa ating kasal ay sinasaktan mo pa rin ako, napakasama mong talaga!” mahinang anas ni Mateo na hindi makatingin kay Vahlia dahil sa tuwing tatangkain nitong lumingon ay mas pinipisil pa nitong lalo ang kaniyang kamay. “I-Ibig sabihin ba nito ay hindi mo na ako bibitawan pa sa pagkahigpit-higpit ng iyong pagkakakapit sa akin?” pagbibiro nito, dahilan upang gamitin na ni Vahlia ang mga kuko niya na siyang ibinabaon niya sa balat ng binata.

            Nagsimula naman ang seremonyas at kasalukuyang nagsasalita na rin ang pari, binitawan na rin siya ni Vahlia at nanatiling tahimik na nakatingin sa pari. Walang planong makinig dahil una sa lahat ay wala siyang maintindihan sa pag-eespanyol nito hanggang sa marinig na lamang niyang nagpalakpakan ang mga tao at muling bumulong sa kan'ya si Mateo, “Humarap ka raw sa akin.”

            Kumunot ang noo nito at tumaas pa ang isang kilay ni Vahlia nang harapin na nga nito si Mateo , muling nagsalita naman ang pari at marahang inabot naman ni Mateo ang kamay ni Vahlia. May pag-aalinlangang hawakan ito sa pangambang muli siya nitong kalmutin, nang mapansin ito ng Binibini ay masunurin naman niyang ibinigay ang kamay. Mukhang oras na siguro para sa marriage vows dahil sa singsing na parehong nasa harapan nila at ang pagsasalita ng pari na sa wakas ay tagalog na.

Ginoong Mateo, tinatanggap mo bang maging kaisang dibdib si Señorita Victoria Amore Quiñones Esperanza?”

             Nanatiling nakatitig naman si Mateo sa mga mata ng Binibining kaharap na ngayo’y sinasadyang umiiwas, bahagyang ngumisi ang ginoo at humakbang nang mas malapit pa sa kaniya na siyang ikinalaki ng mga mata ni Vahlia. Sinasadya rin ito ni Mateo upang lingunin siya ng Binibini.

“Opo, Padre. Na maging kabiyak ng aking puso, sa habang buhay, sa hirap at ginhawa, sa sakit man o kalusugan, at mamahalin ko siya sa habangbuhay, gaya ng sagradong utos ng Panginoon.” Isinuot nito sa kamay ni Vahlia ang singsing na napapalamutian ng munting mga ruby at muling sinulyapan ang magiging reaksiyon nito. Bahagyang nakanganga naman habang nakatitig si Vahlia sa singsing na nasa daliri niya at ngayo’y hindi na makatingin kay Mateo.

              Sa mga ngiting nakapinta pa rin sa kaniyang mga labi ay marahang iniangat ni Mateo ang nakayukong ulo ni Vahlia, “Hindi tayo hahantong sa ganito kung tunay nga ang iyong pagdududa sa totoong nararamdaman ko sa iyo, hindi ko alam kung ano ang gayumang ginawa mo sa akin noong una tayong magkita. Sa puntong nasilayan ko ang iyong magagandang mga mata ay hindi ko na magawang lumingon pa sa iba, kakatuwang nang sinaktan mo ako at batuhin ng bato ay hindi ko na alam kung papaano pa lumayo sa iyo. Mahal kita, iyon ang tanging isinisigaw ng aking puso, hindi ako nangangarap na ako’y mahalin mo pabalik ngunit patuloy akong aasa’t maghihintay sa iyong tugon. Hindi ako mapapagod, mi Tigresa.”

                                                               

              Kakaibang kasiyahan ang umusbong kay Vahlia, hindi alam kung iwawaglit na ba ang mga kuro-kuro at pagdududang namuo sa kaniyang isipan. Tila unti-unti nang natatalo ng kaniyang puso ang kaniyang utak sa usaping ito, handa na ba niyang tanggaping buong buo ang isang lalaking imposibleng makasama niya habang buhay? Kahit sa pagkakataong ito lang… pwede bang maniwala ulit siya sa isang fairytale?

“Señorita Victoria, tinatanggap mo bang maging kaisang dibdib si Señor Mateo Perez Villamarquez?” Sunod naman siyang binalingan ni Padre Narciso na siyang bahagyang ikinalaki na naman ng kan'yang mata. Oh shocks! Wala nga pala siyang inihandang vow!

“O-Opo, Padre,” biglang singit niya ngunit maya-maya pa’y napangiwi dahil sa hindi nga pala niya memorize ang mga salitang dapat sabihin. “A-Ah ano…”

“Na maging kabiyak ng iyong puso, sa habang buhay, sa hirap at ginhawa, sa sakit man o kalusugan, at mamahalin mo ba siya sa habangbuhay, gaya ng sagradong utos ng Panginoon?” pagtutuloy ni Padre Narciso.

             Hindi tulad ng mahigpit na pagkakahawak niya kanina ay naging banayad na ang pagabot nito sa mga kamay ni Mateo, tulad ng dating tingin ay sinalubong nito nang buong giliw ang mga matang bumihag sa kaniya. Ang mala-tsokolateng mga mata nito na siyang pinakamagandang tanawing palaging hinahanap-hanap ng Binibini. Isang ngiti ang pinakawalan niya, ngiting tuluyan nang nagpapahayag ng kan'yang nararamdaman kasabay ng isang pagtango.

“Inaamin kong marami akong pagdududa at mga katanungang bumabagabag sa aking isipan, at hindi ko na alam kung alin ang aking paniniwalaan. Hindi ba’t sinabi ko ng talo na ako… talo na ako dahil sa i'yo na ang bagsak ko. Hindi ko na alam kung papaano umahon pa, siguro ay takot ang siyang humahadlang sa akin. Natatakot akong maiwang mag-isa sa malalim na bangin at malaman ang katotohanang hindi ikaw ang nakalaan para sa akin. Ngunit ano pa man, handa akong iwaglit ang mga iyon sa aking isipan. Ngunit sakaling humakbang ba ako papalapit sa’yo at ipagkatiwala ang lahat, matatanggap mo ba ako kapag nakilala mo ang totoong ako?”

“Bakit naman hindi? Minahal kita dahil sa kung ano ka, at hindi dahil sa kung sino ka at ano ang katayuan mo sa buhay. Mas nauna kitang nakilala bilang isang tigre sa kagubatan at hindi bilang Victoria.”

              Ilang mga patak ng luha ang tumakas mula sa mga mata ni Vahlia, hindi mawaglit ang matamis na ngiti sa kan'yang labi. Marahan naman itong hinaplos ni Mateo sa kan'yang pisngi, “T-Tinatanggap kita, Mateo Villamarquez.” Kasabay ng katagang iyon ay isang halik ang kan'yang natanggap mula sa Ginoo, at sa pagkakataong ito ay hindi na siya ang nagkusa. Marahan niyang ipinikit ang kan'yang mga mata at malugod na tumugon. Bulong mula sa kanilang puso, sundin ang ihip ng tadhana…ang pagbubukas ng bagong kabanata.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status