Share

Ang Rebelde at Ang Sundalo
Ang Rebelde at Ang Sundalo
Author: MissThick

CHAPTER 1

Madaling Araw ng Sabado, maaga kaming ginising ni Daddy para daw mamasyal sa bahay nina Lola sa Diadi, Nueva Vizcaya. Bukod sa humigit kumulang pitong oras na biyahe mula Manila hanggang sa Diadi, idagdag pa ang nakakatakot na daan sa Santa Fe dahil sa matarik na bundok na dinadaanan ay alam kong mabobored lang ako sa bakasyon dahil hindi pa umaabot ang kuryente sa bahaging iyon ng lugar ng mga magulang ni Daddy. Minsan lang naman sa isang taon kami magbakasyon doon dahil bihira rin naman mabigyan ng bakasyon ang may mataas na ranggo na sundalo kong ama ngunit sadyang hindi ko talaga magugustuhan ang lugar na may kalayuan sa kabihasnan. Kung sana pinayagan na lang ako ni Daddy na maiwan sa bahay at maglaro sa bago naming computer ng mga war games, sana hindi ako mababadtrip ng ganito. Idagdag pa ang ingay nina Mommy na nakaupo sa harap ng aming sasakyan at ang bunso kong kapatid na kumakanta sa tabi ko.

                "Psst! Ate Aya! Ayos ka lang?" tanong ni Daddy sabay tingin niya sa akin sa salamin.

                Hindi ako sumagot. Gusto kong maramdaman niyang hindi ako masaya sa bakasyon na 'yun. Tumingin ako sa labas ng bintana. Hayan na at malapit na kami sa Sante Fe. Para na naman akong mahuhulog sa bangin ang sasakyan namin at paniguradong halos hindi na naman ako makahinga o kaya ay tuluyang magsuka.

                "Nagugutom ka na ba anak?" tanong ni Mommy.

                Hindi parin ako sumagot.

                "Lintik na bata 'to ah! Kinakausap ka! Sumagot ka naman!" mataas na ang boses ni Daddy. Bihira lang ako pagtaasan ng boses ni Daddy at alam kong kung ganoon na ang tono ng boses ay malapit na siyang maubusan ng pasensiya.

                "Hindi ho." Maiksi kong sagot.

                "Bakit ba ayaw na ayaw mong binibisita natin sina Lolo't lola mo e, hindi naman madalas na ginagawa natin ito. Minsan nga lang sa isang taon. Makisama ka naman anak. Hindi ibang tao ang bibisitahin natin, nanang at tatang ko ang mga iyon."

                "Kasi hindi makakalaro ng computer si Ate, Daddy" singit ng kapatid kong si Claire.

                "Hindi daw makalaro... sige ka, tatamaan ka sa akin" Tinignan ko ng masama ang kapatid ko. Sana makuha sa tingin.

                "Di ba nga iyon ang sabi mo sa akin kahapon ate? Saka wala daw naman siyang makalaro daw doon kina Lola."

                Dahil hindi siya makuha sa tingin ay inilagay ko ang kamay ko sa likod niya at tinusok ko ang tagiliran niya ng malakas gamit ang akin hintuturo.

                "Arayyyyyyyy! Daddy! Si ate oh, nang-aano." Sumbong niya.

                " Aya, tama na 'yan huwag mo akong ginagalit ha. Pati kapatid mo pinapatulan mo"

                Pagkapatapos kong tignan ng masama ang kapatid ko ay hinila ko ang isang unan at minabuti ko na lang pumikit bago man lang kami makarating sa Sante Fe. Gusto kong nakapikit na ako kung hindi man tuluyang makakatulog kapag nandoon na kami.

                Pagmulat ko ay banayad na ang takbo ng sasakyan namin. Ibig sabihin no'n malapit na kami kina lola. Kung maramdaman ko mamaya ang mabatong daan ay siguradong papasok na kami sa liblib na barangay na kung saan lumaki si Daddy. Dadaanan pa namin ang may kaluwangang bukirin bago ang bahay nina Lola sa gilid ng masukal na gubat at bundok. Magkakalayo ang mga bahay doon kaya iyon ang isang dahilan kung bakit ayaw kong magbakasyon. Walang makalaro at walang magawa. Ang kaisa-isang kapatid ni tatay ay nasa Cavite rin at bihira ring makasabay namin sila na magbakasyon. Alam kong mababagot na naman ako sa paghihintay na matapos ang parusang ito ni Daddy.

                Nang huminto ang aming sasakyan at bumaba na si Daddy ay alam kong nakarating na rin kami. Ilang sandali pa ay nabuksan na ang aming van.

                "Anlalaki na ng mga apo ko!" masayang salubong ni Lola sa amin. Siya kaagad ang tumambad sa akin at nasa likod naman niya si Lolo na maluwang ang pagkakangiti.

                Papungas pungas akong bumaba. Inabot ko ang palad ni Lola at nagmano.

                "Ilang taon ka na Aya. Bigla ka yatang naging dalaga, apo."

                "Thirteen na po." Mapait ang aking pagkakangiti. Sumunod na nagmano si Claire at agad naman siyang kinarga ni Lola.

                "Ganda ng apo ko kung sana nagbestida. Manang mana ka siguro sa ganda ni lola." Puri ni lolo nang inabot ko ang kaniyang kamay at nagmano.

                “Naku tang, huwag na ninyong asahang magbestida pa ‘yan. Baka nakalimutan ninyong ‘yan ang apo ninyong susunod sa yapak ng anak ninyong sundalo.”

                “Pero babae ka apo, gusto mo talaga magsundalo?”

                “Astig nga ‘yon ‘Lo. Dami na kayang babaeng sundalo ngayon. Hindi ninyo alam?”

                “Aya!” paalala ni Daddy.

                “Sorry ho.” mabilis kong paghingi ng dispensa.

                “Sige na apo. Pumasok na kayo sa loob nang makapagpahinga na kayo.”

          

                Pagkatapos naming magpahinga ay kinuha ko ang pellet gun ko.

                "Saan ka pupunta, Aya?" tanong ni Daddy nang mapansin niyang naglalakad ako palayo.

                "Diyan lang ho."

                "Huwag kang pumunta sa gubat at baka ka maligaw ka ha?”

                “Opo.”

                “Huwag kang lumayo masiyadong delikado at baka kung mapano ka anak." Sigaw ni Mommy na ikinairita ko.

                “Paulit ulit. Ang kulit.” Bulong ko.

                “Anong sinabi mo?”

                “Wala mommy, sabi ko doon lang ako sa tinatambayan ko lagi!"

                Hindi naman kalayuan sa bahay nina Lola ang malagong puno na iyon na tinatambayan ko ngunit mas malapit na iyon sa gubat. Nang marating ko iyon ay napansin kong masukal na ang dati'y nilinis kong inuupuan kong malaking ugat ng puno. Kahit mataas ang damo ay minabuti ko pa ring umupo.

Kinargahan ko ng pellet ang aking baril-barilan ngunit wala akong balak umasinta. Napabuntong-hininga ako. Kung sana naiwan na lang kasi ako sa Manila. Siguro naglalaro kami ngayon malapit sa computer shop sa bahay ng war games.

"Psst! Bata! Huwag kang gumalaw." Nagulat ako sa tinig na iyon mula sa aking likuran. Napalingon ako sa pinanggalingan niyon ngunit hindi ang bata ang pumukaw sa aking paningin kundi ang isang malaking cobra na nakahanda nang tuklawin ako. Bumilis ang kabog ng aking dibdib at hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Iginalaw ko ang puwit ko palayo sa nakaambang Manuka na cobra ngunit lalong parang mas nagalit ito. Tumaas na ang ulo nito at lumapad ang kaniyang leeg.

                "Huwag kang gumalaw sabi e" Bilin muli sa akin ng binatilyo. Lumapit ang cobra sa akin hanggang sa halos apat na dangkal na lamang. Lalo na akong nagpanic. Gusto ko nang sumigaw at humingi ng tulong kay Daddy ngunit alam kong hindi niya iyon maririnig. Parang nagtayuan na lahat ng balahibo ko sa katawan sa tindi ng aking takot kaya hindi ko kayang sundin ang utos niya sa aking huwag gumalaw. Bakit naman hindi ako gagalaw? Hahayaan ko na lang na tutuklawin ako ng cobra?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status